Tumulong sa Pagpapaganda ng Espirituwal na Paraiso
“Luluwalhatiin ko ang mismong dako ng aking mga paa.”—ISA. 60:13.
1, 2. Sa Hebreong Kasulatan, sa ano maaaring tumukoy ang terminong “tuntungan”?
SINABI ng Diyos na Jehova: “Ang langit ay aking trono, at ang lupa ay aking tuntungan.” (Isa. 66:1) Tungkol sa kaniyang “tuntungan,” sinabi rin niya: “Luluwalhatiin ko ang mismong dako ng aking mga paa.” (Isa. 60:13) Paano niya ito ginagawa? At ano ang kahulugan nito para sa atin na naninirahan sa “tuntungan” ng Diyos, ang lupa?
2 Sa Hebreong Kasulatan, ang terminong “tuntungan” ay ginagamit din para ilarawan ang sinaunang templo sa Israel. (1 Cro. 28:2; Awit 132:7) Napakaganda ng templong iyon para kay Jehova dahil nagsilbi itong sentro ng tunay na pagsamba sa lupa, at nagbigay ito ng kaluwalhatian sa tuntungan ng paa ni Jehova.
3. Ano ang dakilang espirituwal na templo ng Diyos, at kailan ito nagsimulang umiral?
3 Sa ngayon, hindi na isang literal na templo ang sentro ng tunay na pagsamba. Pero may isang espirituwal na templo na lumuluwalhati kay Jehova nang higit kaysa sa anumang gusali. Isa itong kaayusan ng Diyos at dahil dito ay naging posible ang pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng pagkasaserdote at ng hain ni Jesu-Kristo. Nagsimula itong umiral noong 29 C.E. nang bautismuhan si Jesus at pahiran bilang Mataas na Saserdote ng Heb. 9:11, 12.
dakilang espirituwal na templo ni Jehova.—4, 5. (a) Paano inilalarawan sa Awit 99 ang hangarin ng mga tunay na mananamba ni Jehova? (b) Ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?
4 Bilang pagpapahalaga sa kaayusan ng espirituwal na templo, pinupuri natin si Jehova sa pamamagitan ng paghahayag ng kaniyang pangalan at dinadakila natin siya dahil sa paglalaan niya ng pantubos. Sa ngayon, mahigit nang walong milyong tunay na Kristiyano ang aktibong lumuluwalhati kay Jehova! Di-tulad ng maraming relihiyosong tao na nag-iisip na sa langit na nila pupurihin ang Diyos kapag umakyat na sila, nauunawaan ng lahat ng Saksi ni Jehova na dapat nilang purihin ang Diyos ngayon at dito sa lupa.
5 Sa paggawa nito, tinutularan natin ang halimbawa ng tapat na mga lingkod ni Jehova na inilalarawan sa Awit 99:1-3, 5. (Basahin.) Gaya ng ipinakikita ng awit na iyon, lubusang sinuportahan nina Moises, Aaron, at Samuel ang kaayusan para sa tunay na pagsamba noong panahon nila. (Awit 99:6, 7) Sa ngayon, bago umakyat sa langit para maglingkod bilang mga saserdote kasama ni Jesus, ang mga pinahirang nalabi ay tapat na naglilingkod sa makalupang looban ng espirituwal na templo. Milyon-milyong “ibang mga tupa” ang matapat na sumusuporta sa kanila. (Juan 10:16) Magkaiba man ang pag-asa ng dalawang grupong ito, nagkakaisa sila sa pagsamba kay Jehova sa tuntungan ng kaniyang paa. Pero bilang indibiduwal, makabubuting itanong sa sarili, ‘Lubusan ko bang sinusuportahan ang kaayusan ni Jehova para sa dalisay na pagsamba?’
NAKILALA ANG MGA NAGLILINGKOD SA ESPIRITUWAL NA TEMPLO NG DIYOS
6, 7. Anong problema ang bumangon sa gitna ng unang mga Kristiyano? Ano ang nangyari makalipas ang daan-daang taon?
6 Wala pang 100 taon mula nang itatag ang kongregasyong Kristiyano, nagsimulang lumitaw ang inihulang apostasya. (Gawa 20:28-30; 2 Tes. 2:3, 4) Mula noon, hindi na naging madaling makilala kung sino ang tunay na naglilingkod sa Diyos sa kaniyang espirituwal na templo. Makalipas ang daan-daang taon, nilinaw ni Jehova ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng kaniyang iniluklok na Hari, si Jesu-Kristo.
7 Pagsapit ng 1919, ang mga sinasang-ayunan ni Jehova at naglilingkod sa kaniyang espirituwal na templo ay malinaw na nakilala. Dinalisay sila sa espirituwal na paraan para maging mas katanggap-tanggap ang paglilingkod nila sa Diyos. (Isa. 4:2, 3; Mal. 3:1-4) Ang nakita ni apostol Pablo sa pangitain daan-daang taon bago nito ay nagsimulang matupad sa limitadong paraan.
8, 9. Anong “paraiso” ang nakita ni Pablo sa pangitain?
8 Inilalarawan ang pangitain ni Pablo sa 2 Corinto 12:1-4. (Basahin.) Ang nakita ni Pablo sa pangitain ay tinukoy bilang pagsisiwalat. Nagsasangkot ito ng isang pangyayari sa hinaharap, hindi ng isang bagay na umiral noong panahon niya. Nang agawin si Pablo “tungo sa ikatlong langit,” anong “paraiso” ang nakita niya? Ang paraisong binanggit ni Pablo ay may pisikal, espirituwal, at makalangit na katuparan, na pare-parehong iiral sa hinaharap. Maaari itong tumukoy sa pisikal o makalupang Paraiso. (Luc. 23:43) Maaari din itong tumukoy sa espirituwal na paraiso na lubusang matatamasa sa bagong sanlibutan. Bukod diyan, maaari itong tumukoy sa pinagpalang kalagayan sa langit sa “paraiso ng Diyos.”—Apoc. 2:7.
9 Pero bakit sinabi ni Pablo na “nakarinig [siya] ng di-mabigkas na mga salita na hindi matuwid na salitain ng tao”? Dahil hindi pa iyon ang panahon para ipaliwanag niya nang detalyado ang kamangha-manghang mga bagay na nakita niya sa pangitain. Pero ngayon, pinahintulutan na tayo ni Jehova na
sabihin sa iba ang mga pagpapalang tinatamasa ng kaniyang bayan!10. Bakit magkaiba ang mga terminong “espirituwal na paraiso” at “espirituwal na templo”?
10 Naging bahagi na ng teokratikong bokabularyo natin ang pananalitang “espirituwal na paraiso.” Inilalarawan nito ang ating natatanging kapaligiran, o kalagayan, kung saan sagana ang espirituwal na paglalaan at nagtatamasa tayo ng mapayapang kaugnayan sa Diyos at sa ating mga kapatid. Kaya ang “espirituwal na paraiso” at ang “espirituwal na templo” ay magkaiba. Ang espirituwal na templo ay kaayusan ng Diyos para sa tunay na pagsamba. Ang espirituwal na paraiso naman ang malinaw na nagpapakilala kung sino ang mga sinasang-ayunan ng Diyos at naglilingkod sa kaniya ngayon sa kaniyang espirituwal na templo.—Mal. 3:18.
11. Ano ang pribilehiyo natin ngayon may kaugnayan sa espirituwal na paraiso?
11 Nakatutuwang malaman na mula noong 1919, pinahintulutan ni Jehova ang di-sakdal na mga tao na tumulong sa paglilinang, pagpapatibay, at pagpapalawak sa espirituwal na paraiso sa lupa! Tumutulong ka ba sa kamangha-manghang gawaing ito? Napakikilos ka bang patuloy na gumawang kasama ni Jehova sa pagluwalhati sa ‘dako ng kaniyang mga paa’?
HIGIT NA PINAGAGANDA NI JEHOVA ANG KANIYANG ORGANISASYON
12. Anong pagtitiwala ang taglay nating lahat tungkol sa katuparan ng Isaias 60:17? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
12 Isang kamangha-manghang pagbabago may kaugnayan sa makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova ang inihula sa Isaias 60:17. (Basahin.) Nababasa lang o naririnig ng ilang kabataang Kristiyano o baguhan sa katotohanan ang tungkol sa mga katunayan ng pagbabagong ito. Pero personal na naranasan iyon ng marami nating kapatid. Isa ngang malaking pribilehiyo! Kaya naman kumbinsido sila na inaakay at pinapatnubayan ni Jehova ang kaniyang organisasyon sa pamamagitan ng kaniyang iniluklok na Hari! Alam nilang may saligan ang pagtitiwala nilang iyon, at taglay din natin ang gayong pagtitiwala. Kapag naririnig natin ang kanilang mga karanasan, mapatitibay ang ating pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova.
13. Batay sa Awit 48:12-14, ano ang pananagutan natin?
13 Baguhan man tayo o matagal na sa katotohanan, dapat nating sabihin sa iba ang tungkol sa organisasyon ni Jehova. Ang pag-iral ng espirituwal na paraiso sa gitna ng masama, tiwali, at walang pag-ibig na sanlibutang ito ay isang himala sa panahon natin! Ang kamangha-manghang mga bagay tungkol sa organisasyon ni Jehova, o “Sion,” at ang katotohanan tungkol sa espirituwal na paraiso ay dapat nating sabihin nang may kagalakan sa “darating na salinlahi.”—Basahin ang Awit 48:12-14.
14, 15. Anong pagbabago ang ginawa noong dekada ’70? Paano ito nakatulong sa organisasyon?
14 Sa nakalipas na mga taon, personal na naranasan ng maraming may-edad nang Saksi ang ilan sa mga pagbabago na lalong nagpaganda sa makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova. Naaalaala pa nila noong ang mga kongregasyon ay may isang lingkod ng kongregasyon sa halip na lupon ng matatanda, ang mga bansa ay may isang lingkod ng sangay sa halip na Komite ng Sangay, at ang mga tagubilin ay nagmumula sa presidente ng Watch Tower Society sa halip na sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Bagaman ang lahat ng brother na iyon ay may tapat na mga assistant, iisang tao pa rin ang gumagawa ng mga desisyon sa mga kongregasyon, sa tanggapang pansangay, at
sa pandaigdig na punong-tanggapan. Noong dekada ’70, may ginawang mga pagbabago—ang pangangasiwa ay iniatang sa mga grupo ng matatanda sa halip na sa mga indibiduwal.15 Nakatulong ba ang mga pagbabagong ito? Oo. Bakit? Dahil ang mga ito ay batay sa mas malinaw na pagkaunawa sa Kasulatan. Sa halip na impluwensiya ng isang tao ang mangibabaw, ang organisasyon ay nakikinabang sa iba’t ibang magagandang katangian ng lahat ng “kaloob na mga tao” na inilalaan ni Jehova.—Efe. 4:8; Kaw. 24:6.
16, 17. Anong mga pagbabago ang gustong-gusto mo, at bakit?
16 Isipin din ang kamakailang mga pagbabago, gaya ng binagong disenyo, nilalaman, at paraan ng pamamahagi ng ating mga publikasyon. Hindi ba’t napakasarap mag-alok sa mga tao ng praktikal at magagandang literatura? Kapag ginagamit natin ang pinakabagong teknolohiya sa pagpapalaganap ng katotohanan, gaya ng website na jw.org, naipakikita natin na talagang gusto ni Jehova na ilaan ang patnubay na kailangang-kailangan ng mga tao kahit saan.
17 Pinahahalagahan din natin ang pagbabagong ginawa para magkaroon tayo ng Pampamilyang Pagsamba o mas maraming panahon para sa personal na pag-aaral. At pinahahalagahan natin ang mga pagbabago sa mga programa ng ating asamblea at kombensiyon. Madalas nating sabihin na paganda ito nang paganda taon-taon! At tiyak na ipinagpapasalamat natin ang higit na pagsasanay na inilalaan ng ating mga teokratikong paaralan. Maliwanag na si Jehova ang nasa likod ng lahat ng pagbabagong ito. Patuloy niyang pinagaganda ang kaniyang organisasyon at ang espirituwal na paraisong tinatamasa natin ngayon!
ANG BAHAGI MO SA PAGPAPAGANDA NG ESPIRITUWAL NA PARAISO
18, 19. Paano tayo makatutulong sa pagpapaganda ng espirituwal na paraiso?
18 Isang karangalan na pahintulutan tayo ni Jehova na tumulong sa pagpapaganda ng ating espirituwal na paraiso. Ginagawa natin iyan sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian at paggawa ng alagad. Sa tuwing may natutulungan tayo na mag-alay bilang Kristiyano, napalalawak natin ang mga hangganan ng espirituwal na paraiso.—Isa. 26:15; 54:2.
19 Makatutulong din tayo sa pagpapaganda ng ating espirituwal na paraiso kung patuloy nating pasusulungin ang ating Kristiyanong personalidad. Sa ganitong paraan, mas marami ang maaakit sa espirituwal na paraiso. Kadalasan nang hindi sa kaalaman sa Bibliya kundi sa ating malinis na paggawi at mapayapang pakikitungo unang naaakit ang mga tao kung kaya pumapasok sila sa organisasyon at nagiging malapít sa Diyos at kay Kristo.
20. Kaayon ng Kawikaan 14:35, ano ang dapat na maging hangarin natin?
20 Tiyak na tuwang-tuwa si Jehova at si Jesus kapag nakikita nila ang ating magandang espirituwal na paraiso ngayon! Ang kaligayahan natin ngayon sa pagpapaganda ng ating espirituwal na paraiso ay katiting lang kung ikukumpara sa kaligayahang madarama natin kapag ginagawa na nating literal na paraiso ang lupa. Tandaan natin ang sinasabi sa Kawikaan 14:35: “Ang kaluguran ng hari ay nasa lingkod na kumikilos nang may kaunawaan.” Lagi nawa tayong kumilos nang may kaunawaan habang sinisikap nating makatulong sa pagpapaganda ng espirituwal na paraiso!