TALAMBUHAY
“Magsaya ang Maraming Pulo”
Hindi ko malilimutan ang araw na iyon. Kasama ng ilang brother mula sa iba’t ibang lugar, hinihintay naming pumasok sa conference room ng Lupong Tagapamahala ang Writing Committee. Kinakabahan kami. Isang presentasyon ang ihaharap namin. Ilang linggo bago nito, pinag-aralan namin ang mga problema ng mga tagapagsalin, at ngayon ay magrerekomenda kami ng mga solusyon. Mayo 22, 2000 noon. Pero bakit ba napakaimportante ng miting na iyon? Bago ko ipaliwanag, ikukuwento ko muna ang ilang bagay tungkol sa akin.
ISINILANG ako sa Queensland, Australia, noong 1955. Di-nagtagal, nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang nanay ko, si Estelle. Nabautismuhan siya noong sumunod na taon. Makalipas ang 13 taon, ang tatay ko naman na si Ron ang pumasok sa katotohanan. Nabautismuhan ako noong 1968 sa Queensland sa isang lugar na malayo sa kabihasnan.
Bata pa lang ako, mahilig na akong magbasa. Interesado rin ako sa wika. Kapag nagbibiyahe ang pamilya para mamasyal, mas gusto kong maupo sa likod ng sasakyan at magbasa ng aklat kaysa tumingin sa tanawin sa daan. Malamang na nadidismaya sa akin ang mga magulang ko. Pero nakatulong sa akin ang hilig kong magbasa. Noong high school ako, sa Glenorchy, sa isla ng Tasmania, nanalo ako ng maraming award.
Pero dumating ang panahon na kailangan kong magdesisyon. Tatanggapin ko ba ang scholarship sa unibersidad? Kahit mahilig akong magbasa at mag-aral, nagpapasalamat ako at tinulungan ako ni Inay na higit na ibigin si Jehova. (1 Cor. 3:18, 19) Kaya pagkatapos ng high school, pinayagan ako ng mga magulang ko na hindi na mag-aral at magsimulang magpayunir noong Enero 1971 sa edad na 15.
Sa sumunod na walong taon, nagpayunir ako sa Tasmania. Noong panahong iyon, isang magandang sister na tagaroon, si Jenny Alcock, ang napangasawa ko. Sa loob ng apat na taon, naglingkod kami bilang special pioneer sa liblib na mga bayan ng Smithton at Queenstown.
SA MGA PULO NG PASIPIKO
Noong 1978, dumalo kami sa internasyonal na kombensiyon sa Port Moresby, Papua New Guinea. Naaalala ko pa ang isang misyonero na nagpahayag sa wikang Hiri Motu. Wala akong naintindihan sa sinabi niya, pero dahil sa pahayag niya, pinangarap kong maging misyonero, matuto ng ibang wika, at magpahayag sa ibang wika. Sa wakas, alam ko na kung paano pagsasamahin ang paglilingkod kay Jehova at ang interes ko sa wika.
Pagkabalik sa Australia, nagulat kami nang imbitahan kaming maging misyonero sa isla ng Funafuti, sa Tuvalu, na dating tinatawag na Ellice Islands. Dumating kami sa islang iyon noong Enero 1979. Tatlo lang ang bautisadong mamamahayag noon sa buong Tuvalu.
Mahirap pag-aralan ang Tuvaluan. Iisa lang ang aklat sa wikang iyon—ang “Bagong Tipan.” Dahil walang diksyunaryo o mga kurso sa wikang Tuvaluan, sinikap naming matuto ng 10 hanggang 20 salita araw-araw. Pero di-nagtagal, nakita naming mali pala ang iniisip naming kahulugan ng karamihan sa mga salitang natututuhan namin. Imbes na sabihin sa mga tao na mali ang panghuhula, ang nasasabi pala namin ay huwag silang gumamit ng timbangan at tungkod! Pero kailangan naming matuto ng Tuvaluan para maipagpatuloy ang nasimulan naming mga pag-aaral sa Bibliya, kaya hindi kami sumuko. Makalipas ang maraming taon, isang Bible study namin noon ang nagsabi: “Nakakatuwa at marunong na kayo ngayon ng wika namin. Noong una, hindi talaga namin maintindihan ang sinasabi n’yo!”
May mga sitwasyon na nakatulong sa amin para matuto ng Tuvaluan. Dahil wala kaming marentahang bahay, nakitira kami sa isang pamilyang Saksi na nasa pangunahing nayon. Kaya napilitan kaming magsalita ng Tuvaluan at nasabak sa buhay sa nayon. Makalipas ang ilang taóng hindi pagsasalita ng Ingles, Tuvaluan na ang naging wika namin.
Di-nagtagal, dumami ang nagpakita ng interes sa katotohanan. Pero ano ang gagamitin namin para turuan sila? Wala kaming publikasyon sa wika nila. Paano ang personal na pag-aaral nila? 1 Cor. 14:9) Naisip namin, ‘Magkakaroon kaya ng mga publikasyon sa Tuvaluan, isang wika na ginagamit ng wala pang 15,000 katao?’ Sinagot ni Jehova ang mga tanong na iyon at pinatunayan sa amin ang dalawang bagay: (1) Gusto niyang maihayag ang kaniyang Salita “sa mga pulo sa malayo,” at (2) gusto niyang manganlong sa kaniyang pangalan ang mga taong “mababa” sa paningin ng sanlibutan.—Jer. 31:10; Zef. 3:12.
Kapag dumalo na sila, ano ang kakantahin nila, anong mga materyal ang gagamitin nila, at paano sila makapaghahanda para sa mga pulong? Paano sila mababautismuhan? Kailangan ng mga taong ito ng espirituwal na pagkain sa wika nila! (PAGSASALIN NG ESPIRITUWAL NA PAGKAIN
Noong 1980, inatasan kami ng tanggapang pansangay na maging tagapagsalin—isang gawain na sa tingin namin ay hindi kami kuwalipikado. (1 Cor. 1:28, 29) Noong umpisa, nakabili kami ng lumang mimeograph machine sa gobyerno. Ginamit namin iyon sa pag-iimprenta ng mga materyal para sa pulong. Doon din namin inimprenta ang isinalin naming aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan sa wikang Tuvaluan. Tandang-tanda ko pa ang matapang na amoy ng tinta at ang sakripisyong kailangan para mano-manong maimprenta ang lahat ng literaturang iyon sa napakainit na klima. Wala kaming kuryente noon!
Hamon ang magsalin sa Tuvaluan dahil halos wala kaming magamit na reperensiya. Pero kung minsan, may nakatutulong sa amin na hindi namin inaasahan. Isang umaga, napuntahan ko nang di-sinasadya ang bahay ng isang salansang. Agad na ipinaalaala ng matandang lalaking iyon na isang guro na huwag namin siyang pupuntahan. Pagkatapos, sinabi niya: “Siyanga pala. Y’ong salin n’yo, hindi ganoon magsalita ang mga taga-Tuvalu.” Nagtanong-tanong ako sa iba, at tama siya. Ginawa namin ang kinakailangang mga pagbabago. Pero ang ikinatuwa ko, isang salansang ang ginamit ni Jehova para tulungan kami. Maliwanag na nagbabasa ng literatura natin ang taong iyon!
Paano namin ginagawa ang pagsasalin? Una, isusulat ito gamit ang ballpen at papel. Pagkatapos, ilang ulit itong ita-type bago maipadala sa sangay sa Australia. Dalawang sister sa sangay ang magkahiwalay na magpapasok nito sa computer, kahit hindi nila naiintindihan ang Tuvaluan. Ang sistemang ito ng dalawang ulit na pagpapasok at paghahambing ng pagkakaiba sa computer ay nakatulong para maiwasan ang mga pagkakamali. Ang na-compose na mga pahina ay ipadadala sa amin sa pamamagitan ng air mail para ma-check. Kapag na-check na namin, ibabalik iyon sa sangay para maimprenta.
Ibang-iba na ngayon! Direkta nang nagsasalin sa computer ang mga tagapagsalin. Kadalasan, ang publikasyon ay kino-compose sa lugar kung saan iyon isinasalin. Pagkatapos, ang mga file ay ipinadadala sa pamamagitan ng Internet sa sangay na nag-iimprenta. Kaya hindi na kailangang magmadaling pumunta sa post office para maipadala ang isinaling materyal.
IBA PANG ATAS
Sa paglipas ng mga taon, iba’t ibang atas sa Pasipiko ang natanggap namin ni Jenny. Mula sa Tuvalu, inatasan kami sa sangay sa Samoa noong 1985. Tumulong kami roon sa ginagawang pagsasalin sa wikang Samoan, Tongan, at Tokelauan bukod pa sa ginagawa naming pagsasalin sa Tuvaluan. * Pagkatapos noong 1996, inatasan kami sa sangay sa Fiji, kung saan tumulong kami sa ginagawang pagsasalin sa wikang Fijian, Kiribati, Nauruan, Rotuman, at Tuvaluan.
Hanggang ngayon, hangang-hanga pa rin ako sa sigasig ng mga nagsasalin ng ating literatura. Mabusisi at nakakapagod ang trabahong ito. Pero gaya ni Jehova, kitang-kita sa kanila na gusto nilang maipangaral ang mabuting balita “sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apoc. 14:6) Halimbawa, nang organisahin ang pagsasalin ng Bantayan sa wikang Tongan, nakipagmiting ako sa lahat ng elder sa Tonga at itinanong ko kung sino ang puwedeng sanayin para maging tagapagsalin. Isa sa kanila, na may magandang trabaho bilang mekaniko, ang nagboluntaryong mag-resign kinabukasan. Napatibay ako. Pamilyado kasi siya at ni hindi niya alam kung ano na ang pagkakakitaan niya. Pero hindi sila pinabayaan ni Jehova. Sa loob ng maraming taon, nanatili siya bilang tagapagsalin.
Gaya ng mga tagapagsalin, gustong-gusto ng Lupong Tagapamahala na mailaan ang espirituwal na pangangailangan ng mas maliliit na wika. Halimbawa, naitanong minsan kung sulit bang magsalin ng literatura sa Tuvaluan. Talagang napatibay ako nang mabasa ko ang sagot ng Lupong Tagapamahala: “Wala kaming nakikitang dahilan para itigil ninyo ang pagsasalin sa wikang Tuvaluan. Kahit mas kaunti ang gumagamit ng Tuvaluan kumpara sa ibang wika, ang mga taong iyon ay kailangan pa ring mapaabutan ng mabuting balita sa sarili nilang wika.”
Noong 2003, mula sa Translation Department sa sangay sa Fiji, inilipat kami ni Jenny sa Translation Services sa Patterson, New York. Hindi kami makapaniwala! Nakasama kami sa isang grupo na tumutulong para maisalin ang ating mga literatura sa mas marami pang wika. Sa sumunod na mga dalawang taon, nagkapribilehiyo kaming dumalaw sa iba’t ibang bansa para tumulong sa pagsasanay sa mga grupo ng tagapagsalin.
NAPAKAHALAGANG MGA DESISYON
Balikan natin ang presentasyon na binanggit sa umpisa. Noong taóng 2000, nakita ng Lupong Tagapamahala na kailangang tulungan ang mga grupo ng tagapagsalin sa buong mundo. Wala pang gaanong pagsasanay noon ang karamihan sa mga tagapagsalin. Kaya pagkatapos ng presentasyon sa Writing Committee, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang isang pambuong-daigdig na programa ng pagsasanay sa mga tagapagsalin. Kasama na rito ang pagsasanay sa pag-unawa sa Ingles, teknik sa pagsasalin, at kung paano magtutulungan bilang isang team.
Ano ang naging resulta? Sumulong ang kalidad ng pagsasalin. Ang mga publikasyon natin ngayon ay naisasalin na sa mas maraming wika. Nang dumating kami sa unang atas namin bilang misyonero noong 1979, ang magasing Bantayan ay isinasalin lang sa 82 wika. Karamihan sa mga iyon ay lumalabas ilang buwan pa pagkalabas ng Ingles. Pero ngayon, ang Bantayan ay nasa mahigit 240 wika na at halos lahat ay lumalabas kasabay ng Ingles. May makukuha na ngayong espirituwal na pagkain sa mahigit 700 wika. Dati ay parang imposible ito.
Noong 2004, isa pang napakahalagang desisyon ang ginawa ng Lupong Tagapamahala—pabilisin ang pagsasalin ng Bibliya. Naging regular na bahagi ng gawaing pagsasalin ang pagsasalin ng Bibliya. Kaya naman mas marami nang tao ang nakapagbabasa ng Bagong Sanlibutang Salin sa kanilang sariling wika. Nitong 2014, ang kumpletong edisyon ng Bibliyang ito o bahagi nito ay iniimprenta na sa 128 wika—pati na sa mga wikang ginagamit sa Timog Pasipiko.
Isa sa paborito kong pangyayari ay noong atasan akong dumalo sa kombensiyon sa Tuvalu
noong 2011. Ilang buwan nang dumaranas ng matinding tagtuyot ang buong bansa, at parang makakansela ang kombensiyon. Pero noong gabing dumating kami, bumuhos ang malakas na ulan, at natuloy ang kombensiyon! Isang napakalaking pribilehiyo para sa akin na ilabas sa kombensiyon ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Tuvaluan—ang pinakamaliit na wikang nakatanggap ng magandang regalong ito. Sa pagtatapos ng kombensiyon, bumuhos ang isa pang malakas na ulan. Kaya ang bawat isa ay tumanggap ng saganang espirituwal at literal na tubig!Nakalulungkot, hindi na nakita ni Jenny, ang tapat kong kapareha sa loob ng 35 taon, ang pangyayaring iyon. Namatay siya noong 2009, matapos makipaglaban sa breast cancer sa loob ng 10 taon. Kapag binuhay siyang muli, tiyak na matutuwa siyang marinig ang paglalabas ng Bibliya sa Tuvaluan.
Pinagpala akong muli ni Jehova ng isang magandang kapareha, si Loraini Sikivou. Naging magkatrabaho sina Loraini at Jenny sa Bethel sa Fiji, at si Loraini ay tagapagsalin sa wikang Fijian. Kaya muli akong nakapag-asawa ng isang tapat na lingkod ni Jehova at may pag-ibig din sa wika!
Sa nakalipas na mga taon, nakita ko kung paano inilalaan ng ating maibiging Ama sa langit, si Jehova, ang pangangailangan ng mga tao sa lahat ng wika, maliit man o malaki. (Awit 49:1-3) Kitang-kita ko sa masasayang mukha ng mga tao ang pag-ibig ni Jehova kapag sa unang pagkakataon ay tumanggap sila ng literatura o umawit ng papuri kay Jehova sa wikang tumatagos sa kanilang puso. (Gawa 2:8, 11) Tandang-tanda ko pa ang sinabi ni Saulo Teasi, isang may-edad nang Tuvaluan, matapos kumanta sa unang pagkakataon ng isang awiting pang-Kaharian sa kaniyang wika: “Sa tingin ko, dapat mong sabihin sa Lupong Tagapamahala na mas maganda ang mga awiting ito sa Tuvaluan kaysa sa Ingles.”
Noong Setyembre 2005, hindi ko inaasahang magkakapribilehiyo akong maglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Hindi na ako makapaglilingkod bilang tagapagsalin, pero nagpapasalamat ako kay Jehova dahil pinahintulutan niya akong patuloy na sumuporta sa pambuong-daigdig na gawaing pagsasalin. Masayang-masaya ako dahil alam kong nagmamalasakit si Jehova sa espirituwal na pangangailangan ng lahat ng lingkod niya—maging sa mga nasa malalayong pulo sa gitna ng Karagatang Pasipiko! Oo, gaya ng sinabi ng salmista: “Si Jehova ay naging hari! Magalak ang lupa. Magsaya ang maraming pulo.”—Awit 97:1.
^ par. 18 Para sa halimbawa ng reaksiyon sa ating literatura, tingnan ang Bantayan, Disyembre 15, 2000, p. 32; Agosto 1, 1988, p. 22; at Gumising! Disyembre 22, 2000, p. 9.
^ par. 22 Para sa higit pang detalye tungkol sa pagsasalin sa Samoa, tingnan ang 2009 Taunang Aklat, p. 120-121, 123-124.