TALAMBUHAY
Wala Siyang Pinagsisihan sa Desisyon Niya Noong Kabataan
NOONG huling mga taon ni Uncle Nikolai Dubovinsky, kuya ng lola ko sa ama, isinulat niya ang mga karanasan niya sa paglilingkod kay Jehova nang buong buhay—kapuwa masasaya at di-masasaya. Karamihan sa mga iyon ay nangyari noong bawal ang gawain sa dating Unyong Sobyet. Kahit maraming hinarap na hamon at problema, nanatiling tapat at masigla si Uncle Nikolai. Lagi niyang sinasabi na gusto niyang marinig ng mga kabataan ang kuwento niya, kaya gusto kong ikuwento ang ilang bahagi nito. Ipinanganak si Uncle Nikolai noong 1926 sa isang pamilyang magbubukid sa nayon ng Podvirivka, sa Chernivtsi Oblast, Ukraine.
IKINUWENTO NI NIKOLAI KUNG PAANO NIYA NALAMAN ANG KATOTOHANAN
Ikinuwento ni Uncle Nikolai: “Isang araw noong 1941, umuwi ang kuya kong si Ivan na may dalang mga aklat na The Harp of God at The Divine Plan of the Ages, ilang magasing Watchtower, at mga buklet. Binasa kong lahat iyon. Nagulat ako nang malaman kong ang Diyablo pala at hindi ang Diyos ang ugat ng lahat ng kaguluhan sa daigdig. Binasa ko rin ang mga Ebanghelyo at naunawaan kong natagpuan ko na ang katotohanan. Agad kong sinabi sa iba ang tungkol sa aking pag-asa sa Kaharian. Habang pinag-aaralan ko ang mga publikasyong iyon, unti-unti kong naintindihan ang katotohanan at ninais kong maging lingkod ni Jehova.
“Alam kong mahihirapan ako dahil sa aking mga paniniwala. Digmaan noon, at hindi ko kayang pumatay. Para maihanda ang aking sarili sa mga pagsubok, sinaulo ko ang mga tekstong gaya ng Mateo 10:28 at 26:52. Determinado akong manatiling tapat kay Jehova, kahit mamatay pa ako!
“Noong 1944, pagtuntong ko ng 18 anyos, tinawag ako para sa paglilingkod militar. Noon ko lang nakasama ang aking mga kapuwa mananampalataya, mga kabataang brother na kinalap din para sa paglilingkod militar. Matatag naming sinabi sa mga awtoridad na hindi kami sasali sa digmaan. Dahil sa galit, pinagbantaan kami ng mga militar na di-pakakainin, paghuhukayin ng mga taguan ng mga sundalo, o kaya’y babarilin. Walang-takot naming sinabi: ‘Kayo ang bahala. Pero kahit anong gawin n’yo sa amin, hindi namin lalabagin ang utos ng Diyos na “Huwag kang papaslang.”’—Ex. 20:13.
“Ako at ang dalawa pang brother ay ipinadala sa Belarus para magtrabaho sa bukid at gumawa ng mga nasirang bahay. Tandang-tanda ko pa ang nakita kong kalunos-lunos na epekto ng digmaan sa mga hangganan ng Minsk. Mga sunóg na puno ang madaraanan sa lansangan. Nakahandusay sa mga estero at kagubatan ang mga bangkay ng tao at lumobo nang katawan ng patay na mga kabayo. Nakakita ako ng mga inabandonang
karo, artiliyeriya, at nagkapira-pirasong parte ng eroplano. Nakatambad sa harap ko ang bunga ng paglabag sa mga utos ng Diyos.“Natapos ang digmaan noong 1945, pero may sentensiya pa rin kaming 10-taóng pagkabilanggo dahil sa hindi pakikipagdigma. Noong unang tatlong taon, wala kaming pulong o inilathalang espirituwal na pagkain. May mga sister kaming nakontak sa pamamagitan ng sulat, pero inaresto rin sila at sinentensiyahan ng 25-taóng pagtatrabaho sa isang labor camp.
“Noong 1950, nakauwi kami matapos palayain nang mas maaga. Habang nakabilanggo ako, naging mga Saksi ni Jehova pala ang nanay ko at ang nakababatang kapatid na babae na si Maria! Ang tatlong kuya ko naman ay hindi pa Saksi pero nag-aaral na ng Bibliya. Dahil masigasig akong nangangaral, gusto ng security agency ng Sobyet na ibalik ako sa bilangguan. Pagkatapos, hinilingan ako ng mga brother na nangangasiwa sa gawain na tumulong sa palihim na paggawa ng mga literatura. Edad 24 ako noon.”
PAGGAWA NG MGA LITERATURA
“Naging bukambibig ng mga Saksi, ‘Kung bawal ang gawaing pang-Kaharian sa ibabaw ng lupa, magpapatuloy iyon sa ilalim ng lupa.’ (Kaw. 28:28) Noong panahong iyon, karamihan sa pag-iimprenta natin ay ginagawa nang palihim sa ilalim ng lupa. Una akong nagtrabaho sa isang bunker sa tinitirhan ng kuya kong si Dmitry. Kung minsan, dalawang linggo akong hindi lumalabas sa bunker. Kapag namatay ang gasera dahil sa kakulangan ng oksiheno, humihiga muna ako at naghihintay na mapunô ulit ng sariwang hangin ang kuwarto.
“Isang araw, tinanong ako ng katrabaho kong brother, ‘Nikolai, nabautismuhan ka na ba?’ Labing-isang taon na akong naglilingkod noon kay Jehova, pero hindi pa ako nabautismuhan. Kaya kinausap niya ako tungkol doon, at nang gabing iyon, sa edad na 26, nabautismuhan ako sa isang lawa. Makalipas ang tatlong taon, tumanggap ako ng karagdagang responsibilidad bilang miyembro ng Komite ng Bansa. Nang panahong iyon, ang mga brother na malaya ay inaatasan bilang kapalit ng mga brother na naaresto, kaya nagpatuloy ang gawaing pang-Kaharian.”
MGA HAMON SA PAGTATRABAHO SA ILALIM NG LUPA
“Mas mahirap ang mag-imprenta sa ilalim ng lupa kaysa sa mabilanggo! Sa loob ng pitong taon, para hindi mamanmanan ng KGB, hindi ako dumalo sa pulong ng kongregasyon at kinailangan kong alagaan ang aking espirituwalidad. Nakikita ko lang ang pamilya ko kapag dumadalaw ako, na bihira lang. Pero naiintindihan nila ang sitwasyon ko, at napatibay ako nito. Dahil laging stress at nag-iingat, halos maubos ang lakas ko. Dapat na lagi rin kaming handa sa anumang mangyayari. Halimbawa, isang gabi, dalawang pulis ang dumating sa bahay na tinutuluyan ko. Tumalon ako sa bintana sa kabilang panig ng bahay at tumakbo sa gubat. Pagkalabas ko mula roon, may narinig akong mga tunog na parang sipol. Pagkatapos, nakarinig ako ng mga putok ng baril. Ang sipol pala ay mula sa mga bala! Isa kasi sa mga humahabol sa akin ang sumakay sa kabayo at pinagbabaril ako hanggang sa maubusan siya ng bala. Isang bala ang tumama sa braso ko. Matapos ang limang-kilometrong habulan, nakatakas ako dahil nakapagtago ako sa gubat. Nang litisin ako nang maglaon, sinabi sa akin na 32 beses pala akong pinaputukan!
“Dahil lagi akong nasa ilalim ng lupa, napakaputla ko. Kaya mahahalata agad kung ano ang ginagawa ko. Sinikap kong makapagpaaraw kapag may panahon. Naapektuhan din ang kalusugan ko. Minsan, hindi ako nakadalo sa isang importanteng miting kasama ng ibang mga brother dahil nagdurugo ang ilong at bibig ko.”
INARESTO SI NIKOLAI
“Noong Enero 26, 1957, inaresto ako. Pagkatapos ng anim na buwan, ibinaba ng Korte Suprema ng Ukraine ang hatol. Sinentensiyahan ako ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad, pero dahil inalis na ang death
penalty sa bansa, ginawang 25-taóng pagkabilanggo ang sentensiya ko. Walo kaming hinatulan nang kabuoang 130 taon sa mga labor camp. Ipinadala kami sa mga labor camp sa Mordvinia kung saan may mga 500 Saksi. Lihim kaming nag-aaral ng Bantayan sa maliliit na grupo. Matapos basahin ang ilang nakumpiskang magasin namin, sinabi ng isang guwardiya: ‘Kung patuloy n’yong babasahin ang mga ito, hindi na talaga kayo matitinag!’ Tapat kaming nagtrabaho at madalas na higit pa sa ipinagagawa sa amin ang ginagawa namin. Pero sinabi ng kumandante ng kampo: ‘Bale-wala sa amin ang ginagawa n’yo. Ang kailangan namin ay ang katapatan n’yo sa bayan.’”“Tapat kaming nagtrabaho at madalas na higit pa sa ipinagagawa sa amin ang ginagawa namin”
HINDI NAGLAHO ANG KATAPATAN NIYA
Nang makalaya noong 1967, tumulong si Uncle Nikolai sa pag-oorganisa ng mga kongregasyon sa Estonia at sa St. Petersburg, Russia. Noong pasimula ng 1991, ang hatol ng korte noong 1957 ay binaligtad dahil sa kakulangan ng ebidensiya. Nang panahong iyon, maraming Saksi na pinagmalupitan ng mga awtoridad ang pinawalang-sala. Noong 1996, lumipat si Uncle Nikolai sa lunsod ng Velikiye Luki sa Pskov Oblast, mga 500 kilometro mula sa St. Petersburg. Bumili siya ng isang maliit na bahay at noong 2003, isang Kingdom Hall ang itinayo sa lupa niya. Ngayon, dalawang sumusulong na kongregasyon ang nagpupulong doon.
Ako at ang mister ko ay naglilingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Russia. Noong Marso 2011, ilang buwan bago mamatay si Uncle Nikolai, dinalaw niya kami sa huling pagkakataon. Talagang naantig kami noong sabihin niya nang may ningning sa kaniyang mata: “Saanman tingnan, nakikita kong nagsimula na ang ikapitong araw ng pagmamartsa sa palibot ng Jerico.” (Jos. 6:15) Nasa 85 anyos na siya noon. Hindi man naging madali ang buhay niya, ganito niya iyon inilarawan: “Napakasaya ko’t noong kabataan ko, nagdesisyon akong paglingkuran si Jehova! Hindi ko iyon kailanman pinagsisihan!”