Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Jehova, ang Diyos na Nakikipagtalastasan

Si Jehova, ang Diyos na Nakikipagtalastasan

“Dinggin mo, pakisuyo, at ako ay magsasalita.”—JOB 42:4.

AWIT: 113, 114

1-3. (a) Bakit nakahihigit ang wika at kakayahan ng Diyos sa pakikipagtalastasan kaysa sa kakayahan ng tao? (b) Ano ang isasaalang-alang natin sa artikulong ito?

GUSTO ni Jehova na maranasan ng iba na mabuhay at maging maligaya, kaya naman lumalang siya ng mga anghel at mga tao. (Awit 36:9; 1 Tim. 1:11) Tinukoy ni apostol Juan ang unang kasama ng Diyos bilang “ang Salita” at “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” (Juan 1:1; Apoc. 3:14) Sinabi ng Diyos na Jehova sa kaniyang panganay na Anak ang kaniyang kaisipan at damdamin. (Juan 1:14, 17; Col. 1:15) Si apostol Pablo ay may binabanggit na ‘wika ng mga anghel,’ isang makalangit na wikang nakahihigit sa wika ng mga tao.—1 Cor. 13:1.

2 Kilalá ni Jehova ang bilyon-bilyong matatalinong nilalang sa langit at sa lupa. Anumang oras, kaya niyang pakinggan ang napakaraming tao kahit sabay-sabay pa silang manalangin sa iba’t ibang wika. Habang nakikinig sa mga panalanging iyon, nakikipag-usap din siya at nagbibigay ng tagubilin sa mga anghel. Para magawa ito, tiyak na ang kaniyang kaisipan, wika, at kakayahan sa pakikipagtalastasan ay nakahihigit kaysa sa kakayahan ng tao. (Basahin ang Isaias 55:8, 9.) Kaya naman, maliwanag na pinasisimple ni Jehova ang paraan ng kaniyang pakikipagtalastasan para maunawaan natin ang kaniyang mensahe.

3 Isasaalang-alang natin ngayon kung paano malinaw na nakikipagtalastasan ang Diyos sa kaniyang bayan. Makikita rin natin kung paano niya binabago ang kaniyang paraan ng pakikipagtalastasan, depende sa pangangailangan at kalagayan.

PAKIKIPAGTALASTASAN NG DIYOS SA MGA TAO

4. (a) Anong wika ang ginamit ni Jehova para makipag-usap kina Moises, Samuel, at David? (b) Ano ang nilalaman ng Bibliya?

4 Nakipag-usap si Jehova kay Adan sa hardin ng Eden gamit ang wika ng tao, na marahil ay isang uri ng sinaunang Hebreo. Nang maglaon, ipinaalam niya ang kaniyang mga kaisipan sa mga manunulat ng Bibliya na nagsasalita ng Hebreo, gaya nina Moises, Samuel, at David, at isinulat nila ang mga kaisipang iyon gamit ang kanilang sariling salita at istilo. Bukod sa mga salitang sinabi ng Diyos, isinulat din nila ang pakikitungo niya sa kaniyang bayan. Kasama rito ang ulat tungkol sa kanilang pananampalataya at pag-ibig, pati na ang kanilang mga pagkakamali at di-katapatan. Lahat ng impormasyong ito ay kapaki-pakinabang sa atin sa ngayon.—Roma 15:4.

5. Hebreo lang ba ang wikang ipinagamit ni Jehova sa kaniyang bayan? Ipaliwanag.

5 Nang magbago ang mga kalagayan, hindi lang sa wikang Hebreo nakipag-usap ang Diyos sa mga tao. Matapos lumaya ang mga Israelita mula sa Babilonya, Aramaiko na ang wika ng ilan sa bayan ng Diyos. Marahil iyan ang dahilan kung kaya kinasihan ni Jehova ang mga propetang sina Daniel at Jeremias, pati na ang saserdoteng si Ezra, na isulat sa Aramaiko ang ilang bahagi ng mga aklat ng Bibliya na isinulat nila.—Tingnan ang talababa ng Ezra 4:8; 7:12; Jeremias 10:11; at Daniel 2:4 sa New World Translation.

6. Paano naisalin sa Griego ang Hebreong Kasulatan?

6 Nang maglaon, nasakop ni Alejandrong Dakila ang kalakhan ng sinaunang daigdig, kaya naging internasyonal na wika ang karaniwang Griego, o Koine. Maraming Judio ang nagsimulang magsalita ng wikang iyan, kaya naisalin ang Hebreong Kasulatan sa wikang Griego. Ang saling ito, na ipinapalagay na ginawa ng 72 tagapagsalin, ay nakilala bilang Septuagint. Ito ang unang salin ng Bibliya at isa sa pinakamahalaga. * Iba-iba ang istilo ng pagkakasalin ng mga tagapagsalin, ang iba ay literal, ang iba naman ay masyadong liberal. Pero kinikilala ng mga Judiong nagsasalita ng Griego at ng mga Kristiyano ang Septuagint bilang Salita ng Diyos.

7. Anong wika ang malamang na ginamit ni Jesus para turuan ang kaniyang mga alagad?

7 Noong nasa lupa si Jesus, malamang na Hebreo ang ginamit niya sa pagsasalita at pagtuturo. (Juan 19:20; 20:16; Gawa 26:14) Maliwanag na naimpluwensiyahan ng Aramaiko ang wikang Hebreo noon kaya maaaring gumamit din si Jesus ng ilang terminong Aramaiko. Pero marunong din siya ng sinaunang Hebreo na ginamit ni Moises at ng mga propeta, na binabasa linggo-linggo sa mga sinagoga. (Luc. 4:17-19; 24:44, 45; Gawa 15:21) Ginagamit din noon sa Israel ang Griego at Latin, pero walang sinasabi ang Bibliya kung ginamit ni Jesus ang mga wikang iyon.

8, 9. Bakit maraming Kristiyano noon ang nagsasalita ng Griego, at ano ang ipinakikita nito tungkol kay Jehova?

8 Marunong ng Hebreo ang unang mga tagasunod ni Jesus, pero pagkamatay niya, gumamit ng ibang wika ang kaniyang mga alagad. (Basahin ang Gawa 6:1.) Habang lumalaganap ang Kristiyanismo, Griego na ang ginagamit ng maraming Kristiyano sa halip na Hebreo. Sa katunayan, ang mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan, na naglalaman ng kinasihang mga ulat tungkol sa itinuro at ginawa ni Jesus, ay malawakang ipinamahagi sa wikang Griego. * Ang mga liham ni apostol Pablo at iba pang kinasihang aklat ay isinulat din sa Griego.

9 Kapansin-pansin, kapag sumisipi ang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan mula sa Hebreong Kasulatan, karaniwan nang Septuagint ang ginagamit nila. Kung minsan, ang mga pagsiping ito ay bahagyang naiiba sa orihinal na Hebreo. Pero ang mga ito ay bahagi na ngayon ng kinasihang Kasulatan. Kaya ang saling ginawa ng di-sakdal na mga tagapagsalin ay naging bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos. Ipinakikita nito na para kay Jehova, walang wika o kultura na nakahihigit sa iba.—Basahin ang Gawa 10:34.

10. Ano ang matututuhan natin sa paraan ng pakikipagtalastasan ni Jehova sa mga tao?

10 Sa ating mga tinalakay, nakita natin na nakikipagtalastasan si Jehova sa mga tao ayon sa pangangailangan at kalagayan. Hindi niya tayo pinipilit na mag-aral ng isang partikular na wika para makilala natin siya at malaman ang kaniyang layunin. (Basahin ang Zacarias 8:23; Apocalipsis 7:9, 10.) Nakita rin natin na kinasihan ni Jehova ang mga manunulat ng Bibliya, pero pinahintulutan niya silang isulat ang kaniyang kaisipan gamit ang sarili nilang pananalita.

ININGATAN NG DIYOS ANG KANIYANG MENSAHE

11. Bakit hindi hadlang ang iba’t ibang wika sa pakikipagtalastasan ng Diyos sa mga tao?

11 Hadlang ba sa pakikipagtalastasan ng Diyos sa mga tao ang iba’t ibang wika at bahagyang pagkakaiba-iba ng salin? Hindi. Halimbawa, iilan lang sa mga salitang ginamit ni Jesus sa orihinal niyang wika ang alam natin. (Mat. 27:46; Mar. 5:41; 7:34; 14:36) Pero tiniyak ni Jehova na ang mensahe ni Jesus ay maisalin sa Griego at nang maglaon, sa iba pang wika. Gayundin, dahil sa paulit-ulit na kinopya ng mga Judio at Kristiyano ang mga manuskrito ng Bibliya, naingatan ang mensahe ng Diyos. Ang mga ito ay isinalin sa mas marami pang wika. Sinabi ni John Chrysostom, nabuhay mga 400 taon pagkamatay ni Kristo, na noong panahon niya, ang mga turo ni Jesus ay naisalin na sa wika ng mga Siryano, Ehipsiyo, Indian, Persiano, Etiope, at maraming iba pang bayan.

12. Paano sinalansang ang pagsasalin ng Bibliya?

12 Dahil sa pagsasalin ng Bibliya sa maraming wika, nabigo ang pagsisikap ng mga kaaway ng Salita ng Diyos. Isa na rito ang Romanong emperador na si Diocletian, na noong 303 C.E. ay nag-utos na sirain ang lahat ng kopya ng Kasulatan. Noong ika-16 na siglo, sinimulang isalin ni William Tyndale sa Ingles ang Bibliya mula sa wikang Hebreo at Griego, anupat sinabi sa isang lalaking edukado: “Kung pahahabain pa ng Diyos ang buhay ko nang maraming taon, gagawin ko ang makakaya ko upang mahigitan ng batang nag-aararo ang nalalaman mo sa Kasulatan.” Napilitang tumakas si Tyndale mula sa Inglatera tungo sa kontinente ng Europa para isalin at ilimbag ang kaniyang bersiyon. Kahit sinubukang sunugin ng klero ang lahat ng Bibliyang makita nila, marami pa rin ang nagkaroon ng salin ni Tyndale. Nang bandang huli, tinraidor siya, binigti, at sinunog sa isang tulos, pero nakaligtas ang salin niya ng Bibliya. Ginamit ito para maihanda ang Bibliya na King James Version.Basahin ang 2 Timoteo 2:9.

13. Ano ang ipinakikita ng pag-aaral sa sinaunang mga manuskrito ng Bibliya?

13 Totoo na ang ilang natitirang sinaunang kopya ng Bibliya ay may maliliit na pagkakamali at pagkakasalungatan. Pero libo-libong piraso, manuskrito, at sinaunang salin ang pinaghambing-hambing at maingat na pinag-aralan ng mga iskolar ng Bibliya. Dahil dito, nakumpirmang tama ang nilalaman ng Bibliya. Hindi nabago ang pangkalahatang mensahe ng Bibliya kahit may maliliit na pagkakaiba ang ilang talata. Ang ganitong pag-aaral sa sinaunang mga manuskrito ay nakakukumbinsi sa taimtim na mga estudyante ng Bibliya na taglay nila ang orihinal na mensaheng kinasihan ni Jehova.—Isa. 40:8. *

14. Gaano na kalawak ang sirkulasyon ng Bibliya ngayon?

14 Sa kabila ng matinding pagsalansang, tiniyak ni Jehova na maisalin ang Bibliya sa pinakamaraming wika, higit sa anupamang aklat sa buong kasaysayan. At kahit marami na ang hindi naniniwala sa Diyos, ito pa rin ang pinakamabiling aklat. Ang buong Bibliya o ang ilang bahagi nito ay makukuha na ngayon sa mahigit 2,800 wika. Walang makapapantay sa lawak ng sirkulasyon ng Bibliya. May ilang salin ng Bibliya na mahirap basahin o hindi gaanong tumpak, pero posible pa ring matutuhan mula sa mga ito ang pangunahing mensahe tungkol sa pag-asa at kaligtasan.

KAILANGAN ANG ISANG BAGONG SALIN NG BIBLIYA

15. (a) Sa modernong panahon, paano napagtagumpayan ang mga hamon sa wika? (b) Bakit Ingles ang praktikal na wikang gamitin sa paglalaan ng espirituwal na pagkain?

15 Sa pasimula ng nakaraang siglo, isang maliit na grupo ng mga estudyante ng Bibliya ang naatasan bilang “tapat at maingat na alipin.” Nang panahong iyon, wikang Ingles ang karaniwang ginagamit ng tapat na alipin sa pakikipagtalastasan sa “mga lingkod ng sambahayan.” (Mat. 24:45) Sinikap ng “alipin” na maglaan ng espirituwal na pagkain sa mas marami pang wika, na umabot na ngayon sa mahigit 700. Gaya ng Griegong Koine noong unang siglo, ang wikang Ingles ay ginagamit ngayon sa komersiyo at edukasyon. Kaya naman, praktikal lang na sa Ingles muna isulat ang ating mga publikasyon bago isalin ang mga ito sa ibang wika.

16, 17. (a) Ano ang kailangan noon ng bayan ng Diyos? (b) Paano natugunan ang pangangailangang iyon? (c) Hinggil sa New World Translation, anong pag-asa ang ipinahayag ni Brother Knorr?

16 Bibliya ang pinagmumulan ng ating espirituwal na pagkain. Noong kalagitnaan ng ika-20 siglo, ang King James Version na natapos noong 1611 ang pinakapopular na Bibliyang Ingles. Pero lumang-luma na ang pananalita nito at mahirap nang maintindihan. At iilang beses lang lumitaw dito ang pangalan ng Diyos, samantalang libo-libong ulit itong makikita sa sinaunang mga manuskrito ng Bibliya. May mga pagkakamali sa saling iyon at dagdag na mga talatang wala sa mapananaligang sinaunang mga manuskrito. Ganiyan din ang problema ng iba pang Bibliyang Ingles noon.

17 Maliwanag na kailangan noon ng bayan ng Diyos ang isang salin ng Bibliya na tumpak at madaling maunawaan. Kaya binuo ang New World Bible Translation Committee, at sa loob ng 10 taon, mula 1950 hanggang 1960, inilabas ang kanilang salin sa anim na tomo. Nang ilabas ang unang tomo noong Agosto 2, 1950, sinabi ni Brother N. H. Knorr sa mga dumalo sa kombensiyon: “Lalo nating nadarama ang pangangailangan para sa isang salin sa makabagong wika, na kasuwato ng isiniwalat na katotohanan, pero nagbibigay pa rin sa atin ng saligan para higit pang matuto ng katotohanan sa pamamagitan ng tapat na paghaharap ng diwa ng orihinal na mga akda; isang salin na maiintindihan ng makabagong mga mambabasa kung paanong naintindihan ng simple, karaniwan, ordinaryo, at hamak na mga mambabasa noon ang orihinal na mga isinulat ng mga alagad ni Kristo.” Umaasa siyang milyon-milyon ang matutulungan sa espirituwal na paraan ng saling ito.

18. Anong mga desisyon ang ginawa para mapabilis ang pagsasalin ng Bibliya?

18 Natupad ang pag-asang iyon noong 1963 nang ilabas ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures sa anim na karagdagang wika—Dutch, French, German, Italian, Portuguese, at Spanish. Noong 1989, ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay bumuo ng isang departamento sa punong-tanggapan para tulungan ang mga tagapagsalin ng Bibliya. Pagkatapos, noong 2005, ginawang priyoridad ang pagsasalin ng Bibliya sa mga wikang nagsasalin ng Bantayan. Bilang resulta, ang kabuoan o bahagi ng New World Translation ay makukuha na ngayon sa mahigit 130 wika.

19. Anong makasaysayang pangyayari ang naganap noong 2013? Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

19 Sa paglipas ng panahon, nakita na kailangang rebisahin ang Ingles na edisyon ng New World Translation para makasabay sa pagbabago ng wikang Ingles. Noong Oktubre 5 at 6, 2013, may 1,413,676 sa 31 bansa na dumalo o nakapakinig sa ika-129 na taunang miting ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania. Tuwang-tuwa ang lahat nang ilabas ng isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ang nirebisang edisyon ng New World Translation sa Ingles. Marami ang napaiyak nang matanggap nila mula sa mga attendant ang kanilang kopya ng nirebisang Bibliya. Habang binabasa ng mga tagapagsalita ang mga teksto mula sa nirebisang edisyon, nakita ng mga tagapakinig na mas madali itong basahin at maunawaan. Ipaliliwanag sa kasunod na artikulo ang mga detalye tungkol sa rebisyong ito, pati na ang pagsasalin nito sa ibang wika.

^ par. 6 Ang Septuagint ay nangangahulugang “Pitumpu.” Sinasabing sinimulan itong isalin noong ikatlong siglo B.C.E. sa Ehipto at malamang na natapos noong mga 150 B.C.E. Mahalaga pa rin ang saling ito dahil tumutulong ito sa mga iskolar na maunawaan ang mahihirap na salita at talata sa Hebreo.

^ par. 8 Sinasabi ng ilan na isinulat ni Mateo ang kaniyang Ebanghelyo sa Hebreo at pagkatapos ay may nagsalin nito sa Griego, na posibleng siya rin mismo.

^ par. 13 Tingnan ang Appendix A3 sa nirebisang New World Translation; gayundin ang Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao, p. 7-9, “Paano Nailigtas ang Aklat?”