Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Kailan dinalaw ng mga astrologo si Jesus?
Binabanggit sa Ebanghelyo ni Mateo na si Jesus ay dinalaw ng “mga astrologo mula sa mga silanganing bahagi” at binigyan ng mga regalo. (Mateo 2:1-12) Hindi sinabi kung ilan ang mga astrologo, o mago, na dumalaw sa batang si Jesus, at wala ring matibay na saligan ang paniniwala ng marami na tatlo sila; ni pinangalanan man sila sa Bibliya.
Ganito ang komento ng New International Version Study Bible sa Mateo 2:11: “Taliwas sa paniniwala ng marami, mga pastol ang dumalaw kay Jesus noong gabing ipanganak siya sa sabsaban, at hindi ang mga Mago. Isa na siyang ‘bata’ nang dumalaw [ang mga Mago] sa ‘bahay’ nito makalipas ang maraming buwan.” Isang katibayan nito ang utos ni Herodes na patayin ang lahat ng batang lalaki na edad dalawang taon pababa sa buong Betlehem at sa mga distrito nito. Ang layunin niya ay upang mapatay ang batang si Jesus. Nakalkula niya ang edad na iyon “ayon sa panahon na maingat niyang tiniyak mula sa mga astrologo.”—Mateo 2:16.
Kung ang mga astrologong iyon ay dumalaw noong gabing ipanganak si Jesus at nagdala ng mga ginto at iba pang mahahalagang regalo, malamang na hindi lamang dalawang ibon ang naihandog ni Maria nang iharap niya si Jesus sa templo sa Jerusalem pagkaraan ng 40 araw. (Lucas 2:22-24) Isa itong probisyon sa Kautusan para sa mahihirap na hindi kayang maghandog ng batang barakong tupa. (Levitico 12:6-8) Pero maaaring nagamit ng pamilya ni Jesus ang mahahalagang regalong iyon habang nasa Ehipto sila.—Mateo 2:13-15.
Bakit inabot si Jesus nang apat na araw bago makarating sa libingan ni Lazaro?
Waring sinadya iyon ni Jesus. Bakit natin nasabi iyon? Pansinin ang ulat sa Juan kabanata 11.
Nang magkasakit nang malubha si Lazaro, na kaibigan ni Jesus na taga-Betania, nagsugo ng mensahero ang kaniyang mga kapatid na babae para ipaalam ito kay Jesus. (Talata 1-3) Noong panahong iyon, kailangang maglakbay nang dalawang araw o higit pa mula sa Betania patungo sa kinaroroonan ni Jesus. (Juan 10:40) Malamang na namatay si Lazaro noon mismong araw na makarating kay Jesus ang balita. Ano ang ginawa ni Jesus? “Nanatili pa siya ng dalawang araw sa dakong kinaroroonan niya,” at saka siya nagpunta sa Betania. (Talata 6, 7) Kaya sa pagpapaliban nang dalawang araw at saka paglalakbay nang dalawang araw pa, nakarating siya sa libingan apat na araw pagkamatay ni Lazaro.—Talata 17.
Bago nito, may dalawang binuhay-muli si Jesus—isang kamamatay pa lamang at isa naman na malamang na mga ilang oras nang patay. (Lucas 7:11-17; 8:49-55) Mabubuhay kaya niya ang isang tao na apat na araw nang patay at nagsisimula nang maagnas ang bangkay? (Talata 39) Kapansin-pansin, sinasabi ng isang reperensiya sa Bibliya na may paniniwala ang mga Judio na wala nang pag-asang mabuhay “ang isang taong apat na araw nang patay; sa panahong iyon, naaagnas na ang bangkay, at ang kaluluwa, na inaakalang palutang-lutang lamang sa paligid ng bangkay sa loob ng tatlong araw, ay nakaalis na.”
Kung mayroon man sa mga nagkakatipon sa labas ng libingan na nag-aalinlangan, masasaksihan nila ang kakayahan ni Jesus na bumuhay ng patay. Habang nakatayo sa pasukan ng libingan, sumigaw si Jesus: “Lazaro, lumabas ka!” Pagkatapos, “ang taong namatay ay lumabas.” (Talata 43, 44) Ang pagkabuhay-muli, hindi ang maling paniniwala ng marami na hindi namamatay ang kaluluwa, ang tunay na pag-asa para sa mga patay.—Ezekiel 18:4; Juan 11:25.