Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

Isang Ama na Walang Kapantay

Isang Ama na Walang Kapantay

Mateo 3:16, 17

“AMA.” Isa ito sa mga salitang umaantig sa damdamin ng mga tao. Tinutulungan ng isang mapagmahal na ama ang kaniyang mga anak na lumaki nang maayos at magtagumpay. May mabuting dahilan ang Bibliya nang tukuyin nito ang Diyos na Jehova bilang “Ama.” (Mateo 6:9) Anong uri ng Ama si Jehova? Upang masagot iyan, suriin natin ang mga sinabi ni Jehova kay Jesus nang bautismuhan ito. Tutal, makikita sa paraan ng pakikipag-usap ng ama sa kaniyang mga anak kung anong uri siya ng magulang.

Noong mga Oktubre 29 C.E., nagpunta si Jesus sa Ilog Jordan upang magpabautismo. Ganito ang ulat ng Bibliya sa nangyari: “Pagkatapos na mabautismuhan ay kaagad na umahon si Jesus mula sa tubig; at, narito! ang langit ay nabuksan, at nakita niyang bumababa na tulad ng isang kalapati ang espiritu ng Diyos na lumalapag sa kaniya. Narito! May tinig din mula sa langit na nagsabi: ‘Ito ang aking Anak, ang minamahal, na aking sinang-ayunan.’” * (Mateo 3:16, 17) Malalaman natin sa magiliw na pananalitang ito ni Jehova kung anong uri siya ng Ama. Pansinin ang tatlong bagay na ipinahayag ni Jehova sa kaniyang Anak.

Una, sa pananalitang “ito ang aking Anak,” para bang sinasabi ni Jehova, ‘Ipinagmamalaki kita, Anak.’ Gustung-gusto ng mga bata na pinahahalagahan sila at binibigyan ng atensiyon. Kailangan ding ipadama sa mga anak na kinikilala sila bilang indibiduwal na mga miyembro ng pamilya. Gayung-gayon ang ginagawa ng isang ama na nakauunawa sa pangangailangan ng kaniyang mga anak. Kahit adulto na noon si Jesus, tiyak na natuwa pa rin siyang marinig na pinahahalagahan siya ng kaniyang Ama!

Ikalawa, ipinahayag ni Jehova sa madla ang kaniyang pagmamahal kay Jesus nang tukuyin niya ang kaniyang Anak bilang “ang minamahal.” Sa diwa, sinasabi ng Ama, ‘Mahal kita.’ Ipinahahayag ng isang mabuting ama sa kaniyang mga anak ang pagmamahal niya sa kanila. Ang gayong mga salita​—lakip na ang pagpapadama ng likas na pagmamahal​—ay tumutulong upang sumulong ang mga bata. Tiyak na naantig ang puso ni Jesus nang marinig niyang sinabi ng kaniyang Ama na minamahal siya!

Ikatlo, sa pamamagitan ng mga salitang “aking sinang-ayunan,” ipinahayag ni Jehova ang kaniyang pagsang-ayon sa kaniyang Anak. Para bang sinasabi ni Jehova, ‘Anak, natutuwa ako sa ginawa mo.’ Humahanap ng pagkakataon ang isang maibiging ama para ipaalam sa kaniyang anak na nalulugod siya sa mabubuting sinabi o ginawa nito. Tumitibay at lumalakas ang loob ng mga bata kapag pinupuri sila ng kanilang mga magulang. Tiyak na napasigla si Jesus nang marinig niya ang pagsang-ayon ng kaniyang Ama!

Oo, si Jehova ay isang Ama na walang kapantay. Gusto mo rin ba ng gayong ama? Kung gayon, maaaliw kang malaman na maaari kang mapalapít kay Jehova. Kung may pananampalataya ka sa Diyos, tutugon siya kapag kumuha ka ng kaalaman tungkol sa kaniya at sisikapin mong gawin ang kaniyang kalooban. Binabanggit ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Hindi ba’t mas panatag tayo kung mayroon tayong malapít na kaugnayan sa Diyos na Jehova, ang pinakamabuting Ama sa lahat?

[Talababa]

^ Sa katulad na ulat sa Ebanghelyo ni Lucas, gumamit si Jehova ng panghalip-panaong “ikaw,” na sinasabi: “Ikaw ang aking Anak, ang minamahal; ikaw ay aking sinang-ayunan.”​—Lucas 3:22.