Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magkasuwato ba ang Ebolusyon at ang Bibliya?

Magkasuwato ba ang Ebolusyon at ang Bibliya?

Magkasuwato ba ang Ebolusyon at ang Bibliya?

POSIBLE kayang ginamit ng Diyos ang ebolusyon upang lumikha ng mga tao mula sa mga hayop? Sinadya ba ng Diyos na ang baktirya ay maging isda at unti-unting maging reptilya at mamalya, hanggang sa wakas, ang mga unggoy ay maging mga tao? Inaangkin ng ilang siyentipiko at relihiyosong lider na pinaniniwalaan nila kapuwa ang teoriya ng ebolusyon at ang turo ng Bibliya. Ayon sa kanila, talinghaga lamang ang aklat ng Genesis sa Bibliya. Marahil ay napag-isipan mo, ‘Kasuwato ba ng sinasabi ng Bibliya ang teoriyang nagtuturo na ang tao’y nagmula sa hayop?’

Napakahalagang malaman natin ang ating pinagmulan upang maunawaan kung sino tayo, saan tayo patungo, at kung paano tayo dapat mamuhay. Hindi natin mauunawaan kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa at kung ano ang layunin niya para sa kinabukasan ng tao kung hindi natin alam ang ating pinagmulan. Imposibleng magkaroon tayo ng mabuting katayuan sa Diyos kung hindi tayo tiyak na siya nga ang ating Maylalang. Kaya suriin natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pinagmulan, kasalukuyang kalagayan, at kinabukasan ng tao. Saka natin makikita kung magkasuwato ba talaga ang ebolusyon at ang Bibliya.

Noong Iisa Pa Lamang ang Tao

Karaniwan nang inaangkin ng mga ebolusyonista na isang grupo ng hayop ang unti-unting sumulong hanggang maging tao ang mga ito. Ayaw nilang tanggapin ang ideya na may iisang tao lamang noong una. Gayunman, ibang-iba ang inilalahad sa Bibliya. Ayon dito, nagmula tayo sa isang tao, si Adan. Ipinakikita ng ulat ng Bibliya na totoong umiral ang taong si Adan. Binanggit dito ang pangalan ng kaniyang asawa at ng ilan sa kaniyang mga anak. Detalyado nitong itinala kung ano ang kaniyang ginawa at sinabi, kung saan siya tumira, at kung kailan siya namatay. Hindi itinuring ni Jesus na kuwento lamang para sa mga taong di-nakapag-aral ang ulat na ito. Nang kausap niya ang ilang edukadong lider ng relihiyon, sinabi niya: “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae?” (Mateo 19:3-5) Pagkaraan ay sinipi niya ang mga pananalita tungkol kina Adan at Eva na nakatala sa Genesis 2:24.

Ipinakilala ni Lucas, isang manunulat ng Bibliya at maingat na istoryador, si Adan bilang isang tunay na tao na gaya ni Jesus. Tinunton ni Lucas ang talaangkanan ni Jesus hanggang umabot sa unang tao. (Lucas 3:23-38) Gayundin, nang magsalita si apostol Pablo sa harap ng mga tagapakinig na kinabibilangan ng mga pilosopong nag-aral sa mga tanyag na paaralang Griego, sinabi niya: “Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng bagay na naririto . . . ginawa niya mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa.” (Gawa 17:24-26) Maliwanag kung gayon na itinuturo ng Bibliya na nagmula tayo sa “isang tao.” Kasuwato ba ang ebolusyon sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa orihinal na kalagayan ng tao?

Unti-unting Napalayo sa Kasakdalan ang Tao

Ayon sa Bibliya, yamang lahat ng ginawa ni Jehova ay sakdal, nilalang niya ang unang tao na sakdal o perpekto. Ganito ang sabi sa ulat ng paglalang: “Pinasimulang lalangin ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan . . . Pagkatapos ay nakita ng Diyos ang bawat bagay na ginawa niya at, narito! iyon ay napakabuti.” (Genesis 1:27, 31) Anu-ano ang mga katangian ng isang sakdal na tao?

Ang isang sakdal na tao ay may kalayaang magpasiya at kaya niyang tularan ang mga katangian ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “Ginawang matuwid ng tunay na Diyos ang mga tao, ngunit sila sa ganang sarili ay humanap ng maraming plano.” (Eclesiastes 7:29) Pinili ni Adan na maghimagsik sa Diyos. Dahil dito, naiwala ni Adan ang kasakdalan para sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga supling. Ang pagkawala ng kasakdalan ang dahilan kung bakit madalas tayong magkamali, kahit gusto nating gawin ang tama. Sumulat si apostol Pablo: “Yaong nais ko, hindi ito ang aking isinasagawa; kundi yaong kinapopootan ko ang siyang aking ginagawa.”​—Roma 7:15.

Ayon sa Bibliya, mabubuhay magpakailanman ang isang sakdal na tao na may sakdal na kalusugan. Malinaw na makikita sa sinabi ng Diyos kay Adan na kung hindi siya sumuway sa Diyos, hindi sana siya mamamatay. (Genesis 2:16, 17; 3:22, 23) Hindi sana sinabi ni Jehova na “napakabuti” ang paglalang sa tao kung may tendensiya itong magkasakit o maghimagsik. Ang pagiging di-sakdal ang dahilan kung bakit kahit pa kamangha-mangha ang pagkakadisenyo sa katawan ng tao, tayo ay nagkakaroon ng depekto at sakit. Kung gayon, ang ebolusyon ay hindi kasuwato ng Bibliya. Ayon sa ebolusyon, ang tao sa ngayon ay isang hayop na sumusulong at tumataas ang uri. Ayon naman sa Bibliya, ang tao sa ngayon ay ang humihinang inapo ng isang sakdal na tao.

Ang ideyang ginamit ng Diyos ang ebolusyon upang likhain ang tao ay hindi rin kaayon ng sinasabi ng Bibliya tungkol sa personalidad ng Diyos. Kung ginabayan ng Diyos ang proseso ng ebolusyon, nangangahulugan ito na siya ang umakay sa sangkatauhan sa kaawa-awang kalagayan nito. Gayunpaman, ito ang sabi ng Bibliya tungkol sa Diyos: “Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya. Sila ay gumawi nang kapaha-pahamak sa ganang kanila; sila ay hindi niya mga anak, ang kapintasan ay kanila.” (Deuteronomio 32:4, 5) Kaya ang pagdurusang nararanasan ng tao sa ngayon ay hindi resulta ng ebolusyon na ginabayan ng Diyos. Sa halip, resulta ito ng pagkawala ng kasakdalan ng isang tao para sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga supling nang maghimagsik siya sa Diyos. Ngayong naisaalang-alang na si Adan, talakayin naman natin ang hinggil kay Jesus. Kasuwato ba ng sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus ang ebolusyon?

Maaari Mo Bang Paniwalaan Kapuwa ang Ebolusyon at ang Kristiyanismo?

“Si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan.” Gaya ng alam mo na marahil, ito ay isa sa mga saligang turo ng Kristiyanismo. (1 Corinto 15:3; 1 Pedro 3:18) Upang malaman kung bakit hindi ito kasuwato ng ebolusyon, kailangan muna nating maintindihan kung bakit tinatawag tayo ng Bibliya na makasalanan at kung ano ang idinudulot sa atin ng kasalanan.

Makasalanan tayo dahil hindi natin kayang tularan nang lubusan ang maluwalhating mga katangian ng Diyos, gaya ng kaniyang pag-ibig at katarungan. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Itinuturo ng Bibliya na ang kasalanan ang sanhi ng kamatayan. Ganito ang sinasabi sa 1 Corinto 15:56: “Ang tibo na nagbubunga ng kamatayan ay kasalanan.” Ang minanang kasalanan din ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nagkakasakit. Ipinakita ni Jesus na may kaugnayan ang pagkakasakit at ang makasalanang kalagayan. Sinabi niya sa isang paralitiko, “Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na,” at ang taong iyon ay gumaling.​—Mateo 9:2-7.

Paano tayo tinutulungan ng kamatayan ni Jesus? Pinaghambing ng Bibliya sina Adan at Jesu-Kristo: “Kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.” (1 Corinto 15:22) Sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan, binayaran ni Jesus ang ating minanang kasalanan mula kay Adan. Kaya naman ang lahat ng nananampalataya at sumusunod kay Jesus ay tatanggap ng naiwala ni Adan​—ang pag-asang mabuhay magpakailanman.​—Juan 3:16; Roma 6:23.

Kung gayon, nakikita mo ba kung bakit hindi kasuwato ng Kristiyanismo ang ebolusyon? Paano tayo aasa na “kay Kristo ang lahat ay bubuhayin” kung tayo naman ay nag-aalinlangan na “kay Adan ang lahat ay namamatay”?

Kung Bakit Kaakit-akit sa mga Tao ang Ebolusyon

Isinisiwalat ng Bibliya kung bakit naging popular ang mga turong gaya ng ebolusyon. Sinasabi rito: “Darating ang isang yugto ng panahon kapag hindi nila titiisin ang nakapagpapalusog na turo, kundi, ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, sila ay magtitipon ng mga guro para sa kanilang sarili upang kumiliti sa kanilang mga tainga; at itatalikod nila ang kanilang mga tainga mula sa katotohanan, samantalang bumabaling sila sa mga kuwentong di-totoo.” (2 Timoteo 4:3, 4) Bagaman karaniwan nang inihaharap ang ebolusyon sa makasiyentipikong paraan, ang totoo, ito’y isang relihiyosong doktrina. Nagtuturo ito ng isang pilosopiya hinggil sa buhay at isang paniniwala tungkol sa Diyos. Ang mga itinuturo nito ay mapanlinlang at kaakit-akit sa sakim at mapagsariling hilig ng mga tao. Sinasabi ng maraming naniniwala sa ebolusyon na naniniwala rin sila sa Diyos. Gayunpaman, hindi nila iniisip na ang Diyos ang lumikha ng mga bagay-bagay, na nakikialam siya sa mga ginagawa ng tao, at na hahatulan niya ang mga tao. Ito’y isang paniniwala na kumikiliti sa kanilang mga tainga.

Ang mga tagapagtaguyod ng ebolusyon ay madalas na naiimpluwensiyahan, hindi ng kung ano ang napatunayang totoo, kundi ng “kanilang sariling mga pagnanasa”​—marahil dahil nais nilang maging katanggap-tanggap sa grupo ng mga siyentipiko na tumatanggap sa ebolusyon bilang doktrina. Ginugol ng propesor ng biyokemistri na si Michael Behe ang halos buong buhay niya sa pag-aaral ng mga komplikadong prosesong nagaganap sa loob ng buháy na mga selula. Ipinaliwanag niya na ang mga nagtuturo tungkol sa ebolusyon ng kayarian ng selula ay walang saligan sa kanilang mga pag-aangkin. Talaga kayang posibleng mangyari ang ebolusyon sa napakaliit na antas na ito? Isinulat niya: “Ang molekular na ebolusyon [ebolusyon ng mga selula] ay hindi nakasalig sa siyensiya. Wala pang nailathala sa mga siyentipikong literatura​—sa kilalang mga babasahin, . . . o aklat​—na naglalarawan kung paano naganap o posibleng naganap ang molekular na ebolusyon ng isang umiiral at komplikadong sistemang biyokemikal. . . . Ang paggigiit na totoo ang molekular na ebolusyon ni Darwin ay paghahambog lamang.”

Subalit kung wala namang maiharap na ebidensiya ang mga ebolusyonista, bakit nila ipinangangalandakan ang kanilang mga ideya? Ganito ang paliwanag ni Behe: “Maraming tao, kasali na rito ang maraming maimpluwensiya at lubhang iginagalang na mga siyentipiko, ang basta ayaw maniwala na may puwersang lumikha ng mga bagay.”

Naaakit sa doktrina ng ebolusyon ang maraming nagdudunung-dunungang klerigo. Nakakatulad sila sa mga inilarawan ni apostol Pablo sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Roma. Isinulat ni Pablo: “Anumang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay hayag sa gitna nila . . . Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, anupat wala silang maidadahilan; sapagkat, bagaman nakilala nila ang Diyos, hindi nila siya niluwalhati bilang Diyos ni pinasalamatan man nila siya, kundi sila ay naging walang-isip sa kanilang mga pangangatuwiran at ang kanilang walang-talinong puso ay nagdilim. Bagaman iginigiit na marurunong sila, sila ay naging mangmang.” (Roma 1:19-22) Paano mo maiiwasang malinlang ng mga huwad na guro?

Pananampalataya sa Maylalang Batay sa Ebidensiya

Idiniriin ng Bibliya ang kahalagahan ng ebidensiya nang bigyang-katuturan nito ang pananampalataya. Sinabi rito: “Ang pananampalataya ay ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Ang tunay na pananampalataya sa Diyos ay dapat na nakasalig sa ebidensiyang totoo ang Maylalang. Ipinakikita ng Bibliya kung saan mo masusumpungan ang ebidensiya.

Ang kinasihang manunulat ng Bibliya na si David ay sumulat: “Pupurihin kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin.” (Awit 139:14) Mapapahanga tayo sa karunungan ng ating Maylikha kung bubulay-bulayin natin ang kamangha-manghang disenyo ng katawan ng tao at ng iba pang bagay na nabubuhay. Napakahusay ng pagkakadisenyo ng bawat bahagi ng ating katawan, anupat nagtutulungan ang mga ito upang manatili tayong buháy. Bukod pa riyan, ang ating pisikal na uniberso ay nagbibigay ng ebidensiya na ito ay dinisenyo sa isang sistematiko at maayos na paraan. Sumulat si David: “Ang langit ay naghahayag ng kaluwalhatian ng Diyos; at ang gawa ng kaniyang mga kamay ay isinasaysay ng kalawakan.”​—Awit 19:1.

Makasusumpong tayo sa Bibliya ng maraming ebidensiya tungkol sa Maylalang. Kung gugugol ka ng panahon upang suriin ang pagkakasuwato ng 66 na aklat nito, ang matataas nitong pamantayan sa moral, at ang mga hula nito na laging natutupad, magkakaroon ka ng saganang ebidensiya na ang Maylalang ang awtor nito. Kapag naunawaan mo ang mga turo ng Bibliya, makapagtitiwala ka na talagang Salita ng Maylalang ang Bibliya. Halimbawa, kapag naintindihan mo ang mga turo ng Bibliya gaya ng sanhi ng pagdurusa, Kaharian ng Diyos, kinabukasan ng sangkatauhan, at mga paraan upang maging maligaya, maliwanag na makikita mo ang ebidensiya ng karunungan ng Diyos. Madarama mo rin ang nadama ni Pablo nang sumulat siya: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan!”​—Roma 11:33.

Habang sinusuri mo ang ebidensiya at tumitibay ang iyong pananampalataya, makukumbinsi kang kapag binabasa mo ang Bibliya, ang Maylalang mismo ang iyong napapakinggan. Sinabi niya: “Ako mismo ang gumawa ng lupa at lumalang ng tao sa ibabaw nito. Ako​—ang aking sariling mga kamay ang nag-unat ng mga langit, at sa buong hukbo nila ay nag-utos ako.” (Isaias 45:12) Tiyak na hindi ka magsisisi kung pagsisikapan mong patunayan sa iyong sarili na si Jehova ang Maylalang ng lahat ng bagay.

[Blurb sa pahina 14]

Sinabi ni apostol Pablo sa mga edukadong Griego: “Ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao”

[Blurb sa pahina 15]

Ayon sa ebolusyon, ang tao sa ngayon ay isang hayop na sumusulong at tumataas ang uri. Ayon naman sa Bibliya, ang tao sa ngayon ay ang humihinang inapo ng isang sakdal na tao

[Blurb sa pahina 16]

“Ang molekular na ebolusyon ay hindi nakasalig sa siyensiya”

[Blurb sa pahina 17]

Mapapahanga tayo sa karunungan ng ating Maylikha dahil sa kamangha-manghang disenyo ng mga bagay na nabubuhay