Tanong ng mga Mambabasa
Nasa Puso Ba ng mga Tao ang Kaharian ng Diyos?
Marami sa ngayon ang naniniwala na oo ang sagot sa tanong na ito. Halimbawa, ganito ang sinasabi ng The Catholic Encyclopedia: “Ang kaharian ng Diyos ay nangangahulugan ng . . . pamamahala ng Diyos sa ating puso.” Karaniwan nang ito ang itinuturo ng klero. Talaga bang itinuturo ng Bibliya na nasa puso ng mga tao ang Kaharian ng Diyos?
Inaakala ng ilan na si Jesus mismo ang unang bumanggit sa ideya na ang Kaharian ng Diyos ay nasa puso ng tao. Totoo, sinabi ni Jesus: “Narito! Ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo.” (Lucas 17:21) Ganito ang pagkakasalin ng ibang Bibliya sa tekstong ito: “Ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo” o “nasa loob ninyo.” Ang mga ito ba ay tumpak na mga salin ng sinabi ni Jesus? Talaga bang gusto niyang sabihin na masusumpungan ang Kaharian ng Diyos sa puso ng tao?
Una, isaalang-alang natin kung ano ang puso ng tao. Sa Bibliya, ang makasagisag na puso ay tumutukoy sa pagkatao ng isa, kung saan nagmumula ang kaniyang kaisipan, saloobin, at damdamin. Waring magandang pakinggan na ang isang napakaringal na bagay gaya ng Kaharian ng Diyos ay nasa puso ng tao—sa diwa na binabago at binibigyang-dangal nito ang mga tao. Pero may saligan ba ito?
Ganito ang sinasabi sa atin ng Bibliya: “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib.” (Jeremias 17:9) Sinabi mismo ni Jesus: “Mula sa puso ng mga tao, ay mga nakapipinsalang pangangatuwiran ang lumalabas: mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagpaslang, mga pangangalunya, mga pag-iimbot, mga gawa ng kabalakyutan.” (Marcos 7:20-22) Pag-isipan ito: Hindi ba’t ang makasalanang puso ng tao ang siyang sanhi ng karamihan sa kahirapang nakikita natin sa daigdig sa ngayon? Kaya paano magmumula rito ang sakdal na Kaharian ng Diyos? Oo, hindi maaaring magmula sa puso ng tao ang Kaharian ng Diyos kung paanong hindi maaaring magmula ang mga igos sa mga dawag.—Mateo 7:16.
Ikalawa, isaalang-alang kung sino ang mga kausap ni Jesus nang sabihin niya ang mga salita sa Lucas 17:21. Ganito ang mababasa sa naunang talata: “Nang tanungin ng mga Pariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos, siya ay sumagot sa kanila.” (Lucas 17:20) Kaaway ni Jesus ang mga Pariseo. Sinabi ni Jesus na ang mga mapagpaimbabaw na iyon ay hindi makapapasok sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 23:13) Ngayon, kung hindi makapapasok sa Kaharian ng Diyos ang mga Pariseo, masusumpungan kaya sa puso nila ang Kaharian? Imposible! Kung gayon, ano ang ibig sabihin ni Jesus?
Sa pagsasalin sa mga salitang ito ni Jesus, gumamit ang ilang maiingat na salin ng Bibliya ng mga pananalitang katulad ng mababasa sa Bagong Sanlibutang Salin. Sinasabi ng ilan na ang Kaharian ay “kasama ninyo” o “nasa gitna ninyo.” Paano naging kasama ng mga tao noong panahong iyon, pati na ng mga Pariseo, ang Kaharian ng Diyos? Buweno, si Jesus ang hinirang ng Diyos na Jehova para maging Hari ng Kaharian. Bilang Haring Itinalaga, si Jesus mismo ay nasa gitna ng mga taong iyon. Itinuro niya ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at gumawa pa nga ng mga himala upang patiunang ipakita kung ano ang gagawin ng Kaharian sa hinaharap. Kung gayon, talagang angkop na sabihin na ang Kaharian ay nasa gitna nila.
Maliwanag, hindi sinusuportahan ng Kasulatan ang paniniwala na ang Kaharian ng Diyos ay nasa puso ng mga tao. Sa halip, isa itong tunay na pamahalaan, isang gobyerno na magdudulot ng malaking pagbabago sa lupa, gaya ng inihula ng mga propeta.—Isaias 9:6, 7; Daniel 2:44.