Natutupad ang Lahat ng Inihula ni Jehova
Natutupad ang Lahat ng Inihula ni Jehova
“AKO ang Makapangyarihan at wala nang iba pang Diyos, ni may sinumang tulad ko; ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula, at ng mga bagay na hindi pa nagagawa mula pa noong sinaunang panahon.” (Isaias 46:9, 10) Iyan ang sinabi ni Jehova, ang isa na walang mintis sa paghula ng mangyayari sa hinaharap.
Hindi na bago sa marami ang kawalang-kakayahan ng tao na hulaan ang eksaktong mangyayari sa hinaharap. Isang aklat ng mga hula ang Bibliya, kaya ang lahat ng nagnanais matuto ng katotohanan ay dapat mapakilos na suriin kung talaga nga bang ang Diyos ang awtor nito. Isaalang-alang natin ang ilang natupad nang mga hula sa Bibliya.
Sinaunang mga Sibilisasyon
Inihula ng Diyos na ganap na mapupuksa ang Babilonya pati na ang Edom, Moab, at Ammon. (Jeremias 48:42; 49:17, 18; 51:24-26; Obadias 8, 18; Zefanias 2:8, 9) Ang paglalaho ng mga bayang ito ay isang patunay na tumpak ang inihula sa Salita ng Diyos.
Mangyari pa, maaaring ikatuwiran ng isa na kayang-kaya namang sabihin ng sinuman na mawawasak sa kalaunan ang isang bansa, gaano man kalakas ito. Pero binabale-wala ng argumentong ito ang mahalagang katotohanan na hindi lamang basta humula ang Bibliya. Halimbawa, nagbigay ito ng espesipikong detalye kung paano babagsak ang Babilonya. Inihula ng Bibliya na masasakop ng mga Medo ang lunsod; pangungunahan ni Ciro ang mga lulusob na hukbo; at matutuyo ang ilog na siyang pananggalang ng lunsod.—Isaias 13:17-19; 44:27–45:1.
Hindi naman lahat ng bansa o bayan na inihula ng Bibliya na masasakop ay ganap na maglalaho. Sa kabaligtaran, nang ihula ng Diyos ang pagbagsak ng Jerusalem sa kamay ng mga Babilonyo, sinabi niya na muling maitatayo ang lunsod, kahit na kilalang hindi nagpapalaya ng mga bihag ang mga Babilonyo. (Jeremias 24:4-7; 29:10; 30:18, 19) Natupad ito, at patuloy pa ring umiiral ang mga inapo ng mga Judio bilang isang bukod na bayan hanggang ngayon.
Karagdagan pa, inihula ni Jehova na babagsak ang Ehipto mula sa pagiging kapangyarihang pandaigdig pero “pagkatapos ay tatahanan siyang gaya ng mga araw noong una.” Sa dakong huli, ang sinaunang kapangyarihang pandaigdig na ito ay “magiging isang mababang kaharian.” (Jeremias 46:25, 26; Ezekiel 29:) Natupad din ang hulang ito. Bukod diyan, inihula ni Jehova na ang Gresya rin ay babagsak mula sa pagiging kapangyarihang pandaigdig, pero hindi niya kailanman sinabing ganap itong maglalaho. Ano ang matututuhan natin sa paglalaho ng mga sibilisasyong inihula ni Jehova na ganap na mapupuksa at sa patuloy namang pag-iral ng iba pa na hindi niya inihulang ganap na malilipol? Ipinakikita nito na talagang tumpak at maaasahan ang mga hula sa Salita ng Diyos. 14, 15
Kahanga-hangang Detalye
Gaya ng binanggit sa itaas, naglaan si Jehova ng maraming detalye kung paano babagsak ang Babilonya. Sa katulad na paraan, nang ihula ang pagbagsak ng Tiro, sinabi ng aklat ng Ezekiel na ang mga bato, kayariang kahoy, at alabok ng lunsod ay ilalagay “sa gitna mismo ng tubig.” (Ezekiel 26:4, 5, 12) Natupad ang hulang ito noong 332 B.C.E. nang ipag-utos ni Alejandrong Dakila sa kaniyang hukbo na gamiting panambak sa dagat ang mga guho ng nagaping pangunahing bahagi ng lunsod upang marating ang bahagi ng Tiro na nasa isla, na nasakop din nang maglaon.
Ang hulang nakaulat sa Daniel 8:5-8, 21, 22 at 11:3, 4 ay naglaan din ng kahanga-hangang detalye hinggil sa isang bantog at makapangyarihang “hari ng Gresya.” Mamamatay ang tagapamahalang ito sa panahong nasa tugatog siya ng kapangyarihan, at sa kalaunan ay mahahati ang kaniyang kaharian sa apat, subalit walang isa man sa kaniyang mga inapo ang mamamahala rito. Makalipas ang mahigit 200 taon matapos isulat ang hulang ito, napatunayang si Alejandrong Dakila ang makapangyarihang haring iyon. Sinasabi sa ulat ng kasaysayan na namatay siya nang maaga, at nang maglaon ay nahati-hati ang kaniyang kaharian at pinamahalaan ng apat sa kaniyang mga heneral—hindi ng kaniyang mga inapo.
Iginigiit ng mga kritiko na malamang na isinulat ang hula matapos itong maganap. Pero balikan natin ang ulat ng aklat ng Daniel na binanggit sa naunang parapo. Kung isa nga itong
hula, kahanga-hanga ang mga detalyeng ibinigay nito. Pero kung isang ulat lamang ito ng kasaysayan at hindi isang tunay na hula, hindi ba kitang-kita ang kakulangan nito sa detalye? Kung isang impostor na nabuhay pagkatapos ng panahon ni Alejandro ang sumulat ng sinasabing hula at nais niyang pahangain ang kaniyang mga mambabasa, hindi kaya niya babanggitin ang detalye na karaka-raka pagkamatay ni Alejandro, dalawa sa kaniyang mga anak ang magtatangkang kunin ang trono subalit pataksil na mapapatay? Bakit hindi niya binanggit na lilipas pa ang maraming taon bago makapamahala ang apat na heneral sa iba’t ibang bahagi ng imperyo ni Alejandro? Bakit hindi rin niya binanggit ang pangalan ng makapangyarihang hari at ng kaniyang apat na heneral?Ang pag-aangkin na isinulat ang mga hula sa Bibliya pagkatapos maganap ang mga ito ay matagal nang alegasyon na hindi pa rin napatutunayan ng mga taong hindi pa man nasusuri ang mga ebidensiya ay kumbinsido nang imposibleng hulaan ang mangyayari sa hinaharap. Dahil ayaw nilang maniwala na ang Bibliya ay Salita ng Diyos, napipilitan silang ipaliwanag ang lahat ng bagay ayon lamang sa pananaw ng tao. Ngunit may-karunungang naglaan ang Diyos ng sapat na detalye upang patunayan na siya ang awtor ng Bibliya at ng mga hula nito. *
Makapagpapatibay ng iyong pananampalataya ang pagbubulay-bulay sa espesipikong mga hula sa Bibliya at sa katuparan ng mga ito. Bakit hindi mo pag-aralan ang mga hula sa Bibliya? Makatutulong sa iyo sa bagay na ito ang mga tsart sa pahina 343 hanggang 346 ng aklat na “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang.” * Kung susundin mo ang mungkahing ito, gawin mong tunguhin na patibayin ang iyong pananampalataya. Huwag madaliin ang pag-aaral at basta basahin lamang ang materyal. Sa halip, bulay-bulayin ang katotohanan na walang-mintis si Jehova sa paghula ng mga mangyayari sa hinaharap.
[Mga talababa]
^ Para sa higit pang impormasyon na nagpapabulaan sa alegasyon na isinulat ang mga hula sa Bibliya pagkatapos maganap ang mga ito, tingnan ang pahina 106-11 ng aklat na Is There a Creator Who Cares About You? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon/Larawan sa pahina 24]
MGA SIMULAING MAGAGAMIT SA BUHAY
Heto pa ang isang bagay na dapat pag-isipan. Ang Diyos na tumpak na humula sa pagbangon at pagbagsak ng mga kapangyarihang pandaigdig ang siya ring Awtor ng mga simulain sa Bibliya na magagamit sa buhay. Ang ilan sa mga ito ay:
Aanihin mo ang iyong inihasik.—Galacia 6:7.
May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.—Gawa 20:35.
Ang kaligayahan ay nakadepende sa pagkakaroon ng kaugnayan sa Diyos.—Mateo 5:3.
Tiyak na magiging maligaya ka at matagumpay kung susundin mo ang mga simulaing ito.
[Mga larawan sa pahina 22, 23]
Inihula ng Salita ng Diyos na ganap na malilipol ang mga sibilisasyong ito . . .
EDOM
BABILONYA
. . . ngunit hindi ang mga sibilisasyong ito
GRESYA
EHIPTO
[Credit Lines]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
WHO photo by Edouard Boubat
[Larawan sa pahina 23]
Alejandrong Dakila