Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sa Aming mga Mambabasa

Sa Aming mga Mambabasa

Sa Aming mga Mambabasa

NALULUGOD kaming ipaalam sa inyo na simula sa isyung ito, magkakaroon ng ilang pagbabago sa format ng Ang Bantayan. Bago namin isa-isahin ang mga ito, talakayin muna natin kung ano ang hindi babaguhin.

Ang pangalan ng magasing ito, Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova, ay hindi binago. Kaya Ang Bantayan ay patuloy na magpaparangal kay Jehova bilang tunay na Diyos at magdudulot ng kaaliwan sa mga mambabasa nito sa pamamagitan ng mabuting balita ng kaniyang Kaharian. Tinatalakay ng mga artikulo sa pahina 5 hanggang 9 ng isyung ito kung ano ang Kahariang iyon at kung kailan ito darating. Karagdagan pa, patuloy na pasisiglahin ng Ang Bantayan ang mga tao na manampalataya kay Jesu-Kristo. Itataguyod pa rin nito ang katotohanan sa Bibliya at ipaliliwanag ang kahulugan ng mga pangyayari sa daigdig sa tulong ng mga hula ng Bibliya, gaya ng ginagawa na nito sa loob ng maraming dekada.

Kung gayon, ano ang magiging pagbabago? Talakayin natin ang ilang kapana-panabik at bagong mga seksiyon na mababasa sa edisyon na may petsang 1 ng buwan. *

May ilang seksiyong lilitaw sa bawat buwan na hihimok sa mga tao na mag-isip na mabuti. Ang seksiyong “Alam Mo Ba?” ay magbibigay ng kawili-wiling impormasyong tumatalakay sa kahulugan ng piniling mga ulat sa Bibliya. Itatampok naman ng “Maging Malapít sa Diyos” ang matututuhan natin tungkol kay Jehova mula sa espesipikong mga talata sa Bibliya. Tatalakayin ng seksiyong “Tanong ng mga Mambabasa” ang sagot sa karaniwang mga tanong tungkol sa Bibliya. Halimbawa, marami ang nagtatanong, “Nasa puso ba ng mga tao ang Kaharian ng Diyos?” Mababasa mo ang sagot sa pahina 13.

May mga seksiyong regular na lilitaw para sa kapakinabangan ng pamilya. Ihaharap ng seksiyong “Susi sa Maligayang Pamilya,” na lalabas nang apat na beses sa isang taon, ang mga situwasyon at problemang nararanasan ng mga pamilya at ipakikita nito kung paano makatutulong ang mga simulain ng Bibliya upang malutas ang mga suliraning ito. Lalabas tuwing makalawang isyu ng edisyong pampubliko ang seksiyong “Turuan ang Iyong mga Anak” para sa kapakinabangan ng mga magulang at mga anak. Magkasalit na lilitaw ang seksiyong ito at ang seksiyong “Para sa mga Kabataan,” isang proyekto sa pag-aaral ng Bibliya para sa mga kabataan.

May ilan pang seksiyon na lalabas nang apat na beses sa isang taon. Pasisiglahin tayo ng seksiyong “Tularan ang Kanilang Pananampalataya” na sumunod sa halimbawa ng isang tauhan sa Bibliya. Halimbawa, sa pahina 18 hanggang 21 ng isyung ito, mababasa mo ang nakaaantig na salaysay hinggil sa propetang si Elias at matututuhan mo kung paano tutularan ang kaniyang pananampalataya. Ilalahad sa “Liham Mula sa . . . ” ang mga ulat ng mga misyonero at ng iba pa mula sa iba’t ibang panig ng daigdig. Itatampok naman sa simpleng paraan ng “Kung Ano ang Matutuhan Natin Mula kay Jesus” ang saligang mga turo ng Bibliya.

Nagtitiwala kami na Ang Bantayan ay patuloy na kawiwilihan ng mga mambabasa na gumagalang sa Bibliya at nagnanais malaman kung ano talaga ang itinuturo ng aklat na ito. Umaasa kami na masasapatan ng magasing ito ang iyong hangaring matuto nang higit tungkol sa katotohanan sa Bibliya.

MGA TAGAPAGLATHALA

[Talababa]

^ Ang Bantayan ay magkakaroon ng dalawang edisyon. Ang isyu na may petsang 1 ng buwan ay ilalathala para sa publiko. Ang isyu naman na may petsang 15 ng buwan ay edisyon para sa pag-aaral, na gagamitin ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga pulong ng kongregasyon na maaaring daluhan ng madla.