Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tanong ng mga Mambabasa

Bakit Kaya Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?

Bakit Kaya Pinahihintulutan ng Diyos ang Pagdurusa?

Hindi ang Diyos ang sanhi ng pagdurusa ng tao. “Malayong gumawi nang may kabalakyutan ang tunay na Diyos!” ang sabi ng Bibliya. (Job 34:10) Kung gayon, sino ang pangunahing dahilan ng pagdurusa ng tao?

Tinawag ni Jesus si Satanas bilang “ang tagapamahala ng sanlibutan.” (Juan 14:30) Totoo, si Jehova ang Soberano ng buong uniberso​—isang posisyong hindi niya kailanman bibitiwan. Gayunman, pansamantalang pinahintulutan ng Diyos si Satanas na mamahala sa halos buong sangkatauhan.​—1 Juan 5:19.

Anong klaseng tagapamahala si Satanas? Mula pa noong unang pakikipag-usap niya sa tao, naging mandaraya na at mamamatay-tao si Satanas. Naghahasik siya ng lagim sa lipunan ng mga tao. Inakusahan siya ni Jesus sa ganitong mga salita: “Ang isang iyon ay mamamatay-tao nang siya ay magsimula, at hindi siya nanindigan sa katotohanan, sapagkat ang katotohanan ay wala sa kaniya. Kapag sinasalita niya ang kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kaniyang sariling kagustuhan, sapagkat siya ay isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44) Sinabi rin ni Jesus na ang mga taong gustong pumatay sa kaniya ay mga anak ng kauna-unahang mamamatay-tao. Sa pagtulad kay Satanas, ginawa nila ang kanilang sarili na kaniyang mga anak. Kung ano ang puno, siya rin ang bunga, wika nga.

Patuloy pa ring nilalason ni Satanas ang isip ng mga tao para pumatay. Halimbawa, sinabi ni R. J. Rummel, retiradong propesor sa Unibersidad ng Hawaii, E.U.A., na mula 1900 hanggang 1987, tinatayang 169,198,000 tao ang napatay ng iba’t ibang pamahalaan sa panahon ng mararahas na labanan sa pulitika, mga paglipol sa partikular na grupo ng mga tao, at walang habas na karahasan. Hindi pa kasama rito ang sampu-sampung milyong napatay ng digmaan nang mga taon ding iyon.

Kung hindi ang Diyos ang sanhi ng pagdurusa, bakit niya ito pinahihintulutan? Sapagkat kailangan pa ring masagot ang napakatagal nang mga usapin hinggil sa kung ano ang tama at mali, na nagsasangkot sa buong uniberso. Tingnan natin ang isa sa mga ito.

Sa pasimula ng kasaysayan ng tao, pumanig sina Adan at Eva kay Satanas. Tinanggihan nila ang pamamahala ng Diyos at piniling sila mismo ang mamahala sa sarili. Pero ang totoo, napasailalim sila sa pamamahala ng Diyablo.​—Genesis 3:1-6; Apocalipsis 12:9.

Yamang makatarungan si Jehova, nagbigay siya ng panahon para maipon ang mga ebidensiya. At ano ang di-maikakailang konklusyon? Humahantong lamang sa pagdurusa ang pamamahala ng tao sa ilalim ng kontrol ni Satanas. Ang totoo, para sa kabutihan ng tao ang panahong ibinibigay ng Diyos. Paano? Nabibigyan ng pagkakataon ang mga nag-aaral ng mga katibayan at naniniwala rito na maipakitang gusto nilang ang Diyos ang mamahala sa kanila. Ang mga natututo at namumuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos ay may pag-asang mabuhay nang walang hanggan.​—Juan 17:3; 1 Juan 2:17.

Totoong kontrolado ni Satanas ang daigdig sa ngayon. Pero hindi na ito magtatagal. Malapit nang gamitin ni Jehova ang kaniyang Anak para “sirain ang mga gawa ng Diyablo.” (1 Juan 3:8) Sa ilalim ng pangangasiwa ng Diyos, papawiin ni Jesus ang mga paghihirap at pagdurusa ng mga tao. Bubuhayin niyang muli sa lupa ang bilyun-bilyong tao na nagdusa at namatay sa nakalipas na maraming siglo.​—Juan 11:25.

Ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay isang halimbawa ng tagumpay ng Diyos laban sa mga gawa ng Diyablo​—isang garantiya ng pag-asang naghihintay para sa mga taong pumapanig sa pamamahala ng Diyos. (Gawa 17:31) Upang maging malinaw sa atin kung ano ang magiging kalagayan sa hinaharap, sinasabi ng Bibliya ang nakaaaliw na mga salitang ito: “Ang Diyos mismo ay sasakanila [sangkatauhan]. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”​—Apocalipsis 21:3, 4.