Susi sa Maligayang Pamilya
Lutasin ang Di-pagkakaunawaan
Ang sabi ng lalaki: “Pagkatapos ng aming kasal, nakipisan kami ni Sarah * sa aking mga magulang at kapatid. Isang araw, nakiusap sa akin ang nobya ng aking kapatid na ihatid ko siya ng kotse pauwi sa kanila. Pumayag naman ako at isinama ko ang aking anak na lalaki. Pero pag-uwi ko, galit na galit si Sarah. Nagtalo kami, at sa harap mismo ng aking mga magulang at kapatid, tinawag niya akong babaero. Hindi ako nakapagpigil at napagsalitaan ko siya nang masakit na lalo niyang ikinagalit.”
Ang sabi ng babae: “May sakit ang aming anak, at may problema kami sa pera. Kaya nang paandarin ni Fernando ang kotse sakay ang nobya ng kaniyang kapatid at ang aming anak, nagalit ako. Nang umuwi siya, ipinakita ko sa kaniyang galit ako. Nagkasagutan kami at kung anu-anong masasakit na salita ang nasabi namin sa isa’t isa. Ang sama-samâ ng loob ko pagkatapos.”
KAPAG nagtatalo ang mag-asawa, nangangahulugan ba ito na wala na silang pag-ibig sa isa’t isa? Hindi naman! Mahal na mahal nina Fernando at Sarah, binanggit sa itaas, ang isa’t isa. Pero kahit anong ganda ng pagsasama ng mag-asawa, nagkakaroon pa rin ng di-pagkakaunawaan paminsan-minsan.
Bakit kaya nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan, at ano ang puwede mong gawin para hindi masira ang inyong pagsasama? Yamang kaayusan ng Diyos ang pag-aasawa, nararapat lamang na alamin ang sinasabi ng kaniyang Salita, ang Bibliya, tungkol sa paksang ito.—Genesis 2:21, 22; 2 Timoteo 3:16, 17.
Unawain ang mga Problema
Gustung-gusto ng halos lahat ng mag-asawa na maging malambing at mabait sa kaniyang kabiyak. Pero makatuwiran ang Bibliya sa pagsasabing “ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Kaya kapag nagkaroon ng di-pagkakaunawaan, mahirap nang makontrol ang damdamin. At kapag nagtalo na, hindi na mapigil ng ilan na sumigaw at makapagbitiw ng masasakit na salita. (Roma 7:21; Efeso 4:31) Ano pa ang maaaring maging dahilan ng tensiyon?
Karaniwan nang magkaiba ang paraan ng mag-asawa sa pakikipag-usap. “Nang bagong kasal kami,” ang sabi ni Michiko, “natuklasan kong magkaibang-magkaiba pala ang paraan namin ng pakikipag-usap. Gusto kong pag-usapan hindi lamang kung ano ang nangyari kundi pati kung bakit at kung paano iyon nangyari. Ang asawa ko naman ay parang interesado lang sa kung ano ang nangyari.”
Hindi lamang si Michiko ang may ganitong problema. Sa maraming mag-asawa, baka gustong pag-usapang mabuti ng isang kabiyak ang di-pagkakaunawaan, samantalang ang isa naman ay ayaw nang magkaroon ng komprontasyon at ayaw nang pag-usapan pa ito. Kung minsan, habang pilit na inuungkat ng isa ang problema, lalo namang iniiwasan ito ng kaniyang kabiyak. Ganito rin ba ang nangyayari sa inyong mag-asawa? Ang isa ba sa inyo ay tanong nang tanong at ang isa naman ay iwas nang iwas?
Ang isa pang dahilan ng tensiyon ay ang kinalakhan
ng isang indibiduwal na maaaring makaimpluwensiya sa inaakala niyang dapat na maging paraan ng pag-uusap ng mag-asawa. Ganito ang sabi ni Justin na limang taon nang may asawa: “Lumaki ako sa isang tahimik na pamilya at hindi ako sanay na sabihin pa sa iba ang aking nararamdaman. Hindi ito nagustuhan ng aking asawa. Ang pamilya nila ay prangka, at madali niyang nasasabi sa akin ang kaniyang niloloob.”Bakit Dapat Sikaping Malutas ang mga Problema?
Natuklasan ng mga mananaliksik na ang pinakamagandang palatandaan ng isang masayang pagsasama ay hindi kung gaano kadalas sabihin ng mag-asawa na iniibig nila ang isa’t isa. Hindi rin pinakamahalagang bagay ang pagiging magkasundo pagdating sa sekso at pagkakaroon ng maraming pera. Sa halip, ang pinakamaaasahang palatandaan ng matagumpay na pag-aasawa ay kung gaano kahusay ang mag-asawa sa paglutas ng anumang di-pagkakaunawaan.
Bukod diyan, sinabi ni Jesus na kapag ikinasal ang magkasintahan, pinagtuwang sila hindi ng tao kundi ng Diyos. (Mateo 19:4-6) Samakatuwid, ang masayang pag-aasawa ay nagpaparangal sa Diyos. Sa kabilang banda, kapag hindi nagpakita ng pag-ibig at konsiderasyon ang asawang lalaki sa kaniyang kabiyak, hindi pakikinggan ng Diyos na Jehova ang kaniyang panalangin. (1 Pedro 3:7) Kapag hindi iginalang ng asawang babae ang kaniyang asawa, hindi rin niya iginagalang si Jehova, na nag-atas sa asawang lalaki bilang ulo ng pamilya.—1 Corinto 11:3.
Susi sa Tagumpay—Iwasan ang Nakasasakit na Pananalita
Anuman ang kinalakhan mong paraan ng pakikipag-usap, may ilang nakasasakit na pananalitang dapat iwasan upang maikapit ang mga simulain ng Bibliya at malutas ang di-pagkakaunawaan. Itanong mo sa iyong sarili ang mga sumusunod:
▪ ‘Pinipigilan ko bang gumanti?’ “Ang pagpisil sa ilong ang nagpapalabas ng dugo, at ang pagpiga ng galit ang naglalabas ng pag-aaway,” ang sabi ng matalinong kawikaan. (Kawikaan 30:33) Ano ang ibig sabihin nito? Tingnan natin ang halimbawang ito. Ang sa simula’y isang simpleng pagkakaiba lamang ng opinyon kung paano ibabadyet ang gastusin ng pamilya (“huwag muna tayong bumili ng . . .”) ay baka mauwi agad sa personalang paghamak sa pagkatao ng isa’t isa (“napakairesponsable mo naman”). Oo, kapag ‘pinisil [ng iyong asawa] ang iyong ilong’ sa pamamagitan ng personalang paghamak sa iyong pagkatao, baka gusto mo ring ‘pisilin’ ang kaniyang ilong para makaganti. Pero humahantong lamang sa galit at mainitang pagtatalo ang pagganti.
Nagbabala ang manunulat ng Bibliya na si Santiago: “Narito! Kay liit na apoy ang kailangan upang silaban ang isang napakalaking kakahuyan! Buweno, ang dila ay isang apoy.” (Santiago 3:5, 6) Kapag hindi nagpigil ang mag-asawa sa kanilang dila, ang maliliit na di-pagkakaunawaan ay madaling nauuwi sa mainitang pagtatalo. At kapag paulit-ulit na sumisiklab ang apoy ng pagtatalo ng mag-asawa, hindi yayabong ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa.
Sa halip na gumanti, matutularan mo ba si Jesus, na nang laitin siya ay “hindi siya nanlait bilang ganti”? (1 Pedro 2:23) Ang pinakamadaling paraan para mawala ang init ng pagtatalo ay kung uunawain mo ang opinyon ng iyong asawa at ihihingi mo ng tawad ang iyong mga nasabi.
SUBUKIN ITO: Kapag nagkaroon ulit ng pagtatalo, tanungin mo ang iyong sarili: ‘Ano naman ang mawawala sa akin kung unawain ko ang aking asawa? Ano kaya ang nagawa ko na ikinagalit niya? May dahilan ba ako para hindi humingi ng tawad?’
▪ ‘Binabale-wala ko ba ang damdamin ng aking asawa?’ “Kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao,” ang utos ng Salita ng Diyos. (1 Pedro 3:8) Tingnan natin ang dalawa sa mga dahilan kung bakit posibleng hindi mo maikapit ang payong ito. Ang isa ay baka hindi mo naiintindihan ang nasa isip, o damdamin, ng iyong asawa. Halimbawa, kung mas nababahala ang asawa mo kaysa sa iyo tungkol sa isang problema, baka sinasabi mo, “Masyado ka lamang nagiging balat-sibuyas.” Maaaring gusto mo lamang siyang tulungang huwag masyadong magpaapekto sa problema. Pero iilan lamang ang natutulungan ng gayong mga komento. Ang mag-asawa ay kailangang parehong makadama na nauunawaan sila at nagpapakita sa kanila ng empatiya ang mga taong mahal nila.
Puwede ring dahil sa sobrang pagmamapuri sa sarili kung kaya binabale-wala ng isa ang damdamin ng kaniyang asawa. Ang isang mapagmapuri ay gumagawa ng paraan para iangat ang kaniyang sarili kahit makatapak ng iba. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pang-iinsulto o negatibong pagkukumpara sa iba. Tingnan natin ang ginawa ng mga Pariseo at eskriba noong panahon ni Jesus. Kapag may sinuman—kahit kapuwa nila Pariseo—na nagsabi ng kaniyang opinyong naiiba sa opinyon ng mapagmapuring grupong ito, iniinsulto nila at hinahamak ang isang iyon. (Juan 7:45-52) Iba naman si Jesus. Nagpapakita siya ng empatiya kapag may nagsasabi sa kaniya ng kanilang niloloob.—Mateo 20:29-34; Marcos 5:25-34.
Pag-isipan kung ano ang nagiging reaksiyon mo kapag sinasabi ng iyong asawa ang kaniyang mga ikinababahala. Nakikita ba sa iyong mga salita, tono ng boses, at ekspresyon ng mukha na may empatiya ka? O basta mo na lamang ipinagwawalang-bahala ang damdamin ng iyong asawa?
SUBUKIN ITO: Sa darating na mga linggo, tingnan mo kung paano ka makipag-usap sa iyong asawa. Kapag binale-wala mo siya o nakapagsalita ka nang masakit sa kaniya, humingi ka kaagad ng tawad.
▪ ‘Palagi ko bang iniisip na wala nang mahalaga sa aking asawa kundi ang kaniyang sarili?’ “Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang dahilan? Hindi ka ba naglagay ng bakod sa palibot niya at sa palibot ng kaniyang sambahayan at sa palibot ng lahat ng kaniyang pag-aari sa buong paligid?” (Job 1:9, 10) Ito ang mga salitang ginamit ni Satanas nang kuwestiyunin niya ang motibo ng tapat na lalaking si Job.
Kung hindi mag-iingat ang mag-asawa, baka maging ganito rin ang kanilang kaisipan. Halimbawa, kapag naglalambing sa iyo ang iyong asawa, iniisip mo bang ginagawa niya iyon dahil may gusto lamang siyang ipabili o dahil may nagawa siyang kasalanan? Kapag nakagagawa ng pagkakamali ang iyong asawa, katibayan na ba ito na siya nga’y mapag-imbot at walang malasakit sa iba? Naaalaala mo ba agad ang katulad na mga pagkakamaling nagawa niya noon at idinaragdag mo na naman ang isang ito sa listahan?
SUBUKIN ITO: Gumawa ka ng listahan ng magagandang bagay na ginawa sa iyo ng iyong asawa at ng magagandang dahilan kung bakit niya ginawa ang mga iyon.
Sumulat si apostol Pablo: “Ang pag-ibig ay hindi . . . nagbibilang ng pinsala.” (1 Corinto 13:4, 5) Hindi bulag ang tunay na pag-ibig. At hindi rin ito gumagawa ng listahan. Sinabi rin ni Pablo na dahil sa pag-ibig, “pinaniniwalaan ang lahat ng bagay.” (1 Corinto 13:7) Hindi naman ito nangangahulugan na basta ka na lamang maniniwala, kundi dahil sa pag-ibig, may tiwala ka. Hindi ito mapaghinala at mapagbintang. Ang uring ito ng pag-ibig na itinuturo ng Bibliya ay handang magpatawad at hindi mabilis humusga sa iba. (Awit 86:5; Efeso 4:32) Kapag nagpakita ang mag-asawa ng ganitong uri ng pag-ibig sa isa’t isa, magiging masaya ang kanilang pagsasama.
TANUNGIN MO ANG IYONG SARILI . . .
▪ Saan nagkamali ang mag-asawang binanggit sa simula ng artikulong ito?
▪ Paano ko maiiwasang makagawa ng gayunding pagkakamali sa aking asawa?
▪ Alin sa mga puntong binanggit sa artikulo ang kailangan kong pasulungin?
[Talababa]
^ Binago ang mga pangalan.