Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtatayo Para sa Kapurihan ni Jehova

Pagtatayo Para sa Kapurihan ni Jehova

Pagtatayo Para sa Kapurihan ni Jehova

“Hindi ako makapaniwala sa aking nakikita. Hindi ko talaga akalaing magkakaroon kami ng ganito kagandang pulungan para purihin si Jehova. Hindi matutumbasan ng salapi ang aking kagalakan!”​—MARIA, MEXICO.

ANG mga Saksi ni Jehova ay mahilig magtipon upang pag-aralan ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. (Awit 27:4; Hebreo 10:23-25) At lalo silang matutuwang gawin ito kung sa mga disenteng dako ng pagsamba sila magtitipon. Nitong nakalipas na mga taon, nakapagtayo na sila ng libu-libong bagong dako ng pagsamba​—na kilala bilang mga Kingdom Hall​—sa maraming bansa sa daigdig.

Bakit kaya kinailangan ang ganitong pagtatayo? Sino ang mga nagtatayo? At ano ang epekto nito sa mga nagtatayo? Para masagot ang mga tanong na ito, tingnan natin ang nagaganap sa Mexico at Belize.

Kailangan ang Libu-libong Bagong Kingdom Hall!

Noon, ang mga Saksi ni Jehova sa Mexico ay kung saan-saan lamang nagtitipon​—sa mga likod-bahay, bahay ng mga Saksi, bodega, garahe, o inuupahang bulwagan. Noong panahong iyon, pangarap na ng tapat na mga Saksing ito na magkaroon ng sarili nilang mga Kingdom Hall.

Pagsapit ng 1994, mayroon nang 388,000 Saksi sa Mexico. Ayon sa isang surbey na ginawa nang taóng iyon, para magkaroon silang lahat ng sarili nilang dako ng pagsamba, 3,300 bagong Kingdom Hall ang kailangang itayo. Napakalaking trabaho nito!

May mga lokal na kongregasyon noon na nagtatayo na ng kanilang sariling Kingdom Hall kapag kaya nila. Pero nang sumunod na limang taon, para matugunan ang pangangailangan, kailangan na talagang magtayo ng marami pang Kingdom Hall​—at dapat itong gawin nang mas mabilis. Paano kaya natugunan ang pangangailangang ito?

Naglalakbay na mga Grupo ng mga Boluntaryong May Kasanayan

Noong 1999, pinasimulan ang isang bagong programa sa pagtatayo. Bumuo ng mga Kingdom Hall Construction Group sa buong Mexico. Ang mga Saksi ni Jehova mula sa iba’t ibang panig ng bansa​—na karamihan ay may kasanayan sa pagtatayo​—ay nagboluntaryong makibahagi sa kapana-panabik na programang ito. Sa kasalukuyan, may 35 grupo na sa Mexico, at may isang grupo naman sa Belize.

Ang mga Kingdom Hall Construction Group na ito ay karaniwan nang binubuo ng mga walong boluntaryo, lalaki at babae, na buong-panahong gumagawa nang walang suweldo. Ang masasayang grupong ito ng mga boluntaryo ay nagpapalipat-lipat ng mga lugar sa bansa upang pangunahan ang mga proyekto sa pagtatayo. Bawat boluntaryo ay nagtatrabaho nang walong oras sa maghapon mula Lunes hanggang Biyernes at tuwing makalawang Sabado. Nagsisimula sila nang alas 7:00 n.u. para pag-usapan ang isang teksto sa Bibliya, at pagkatapos ay ihahain na ang almusal. Handang-handa ang lahat sa anumang trabahong ipagagawa sa kanila. Halimbawa, ang mga babae ay kasama ng mga lalaki sa mga trabahong gaya ng pagpapalitada, paglalatag ng baldosa, at pagpipinta.

Tumutulong naman ang kongregasyon sa lugar na iyon sa pamamagitan ng paglalaan ng matutuluyan, paglalaba ng mga damit, at paghahanda ng pagkain para sa mga naglalakbay na boluntaryo. Bukod sa sama-samang pagtatayo, ang mga boluntaryo at ang mga Saksing tagaroon ay magkakasama ring dumadalo sa mga pulong Kristiyano at nangangaral sa bahay-bahay.

Pagpapala sa mga Boluntaryo

Ano kaya ang nadarama ng mga boluntaryong ito sa kanilang ginagawa? “Oo nga’t nagtatrabaho kami sa gitna ng init at lamig, kumakain ng mga pagkaing hindi namin nakasanayan, palipat-lipat ng lugar, malayo sa pamilya, at madalas na walang modernong mga kasangkapan,” ang sabi ni Daniel, na mahigit nang tatlong taóng nagboboluntaryo. “Pero bale-walang lahat ang mga problemang ito kung ikukumpara sa mga pagpapalang tinatanggap namin,” ang patuloy niya.

Ano ang ilan sa mga pagpapalang ito? Marami sa mga boluntaryo ang natututo ng mga bagong kasanayan sa pagtatayo. Pero para kay Carlos, isang boluntaryong nangangasiwa sa isa sa malalaking grupo, sinabi niyang mas mahalagang pagpapala ang kaniyang nadarama. “Para kaming isang pamilyang binubuo ng 20,” ang sabi niya. “Sama-sama kaming kumakain, sama-sama kaming nagtatrabaho, sama-sama kaming nag-aaral, sama-sama kaming nananalangin. Kaya naman naging matalik kaming magkakaibigan.”

Naging matalik ding mga kaibigan ng mga grupo sa konstruksiyon ang mga kapatid sa mga kongregasyong tinutulungan nila. Ganito ang sabi ni José, na nakapagtrabaho na sa mahigit 100 proyekto: “Tuwang-tuwa ako kapag nakikita ko ang mga luha ng kagalakan ng mga Saksing tagaroon at ang kanilang mga ngiti bilang pasasalamat kapag nakita na nila ang kanilang pangarap na bagong Kingdom Hall.” Dagdag pa niya: “Masayang-masaya ako dahil alam kong sa maliit na naitulong namin sa matagumpay na pagtatayo ng isa pang bahay para sa dalisay na pagsamba, napalalakas nito ang pananampalataya ng iba.”

Kamangha-manghang Pagtatayo!

Ang mga dakong ito ng pagsamba ay hindi naman magarbo o marangya. Sa halip, simple lamang ang disenyo ng mga Kingdom Hall, kaya naman mabilis itong gawin at mura pa. Ang mga materyales na makukuha sa kanilang lugar at ang kanilang pamamaraan sa pagtatayo ang ginagamit kailanma’t posible. Sa ganitong paraan, sa loob lamang ng anim na linggo, naitayo na ang isang bagong Kingdom Hall!

Noong 2007, lahat ng kongregasyon sa Belize ay mayroon nang bagong Kingdom Hall​—17 lahat. Sa Mexico naman, mahigit nang 1,400 ang naitayo mula pa noong 1999!

Bagaman napakarami nang natapos, marami pa ring kailangang gawin. (Mateo 9:37) Ang bilang ng mga Saksi sa Mexico ay umabot na nang mahigit 600,000​—na pawang nagpupulong nang tatlong beses sa isang linggo upang maturuan sa Salita ng Diyos. Samakatuwid, kailangan pa ng halos 2,000 bagong Kingdom Hall. Kung sa tao lamang iaasa ang boluntaryong pagtatayong ito, imposibleng maabot ang gayong tunguhin. Pero gaya ng ipinakikita ng resulta, sa tulong ng Diyos na Jehova, “posible ang lahat ng mga bagay.”​—Mateo 19:26.

[Kahon/Larawan sa pahina 22]

“Kapag Sinabi Nila, Ginagawa Nila”

Hindi lamang ang lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang posibleng mapatibay ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Halimbawa, nang itayo ang isang Kingdom Hall sa Belize, sinabi ng isang lalaki sa kaniyang asawang miyembro ng Pentecostal na kapag natapos na ang “simbahang” itinatayo ng mga Saksi ni Jehova, sasama na siya sa mga Saksi sa pagdalo. Bakit kaya siya biglang nagkainteres? “Nakikita kong pinapatnubayan sila ng Diyos,” ang sabi niya. “Hindi sila nagkakagalit habang nagtatrabaho. At kapag sinabi nila, ginagawa nila.”

[Larawan]

Kingdom Hall sa Orange Walk, Belize

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 23]

Pandaigdig na Pagsisikap

Ang mga Kingdom Hall Construction Group ay inorganisa sa 120 bansa. Nakatala sa ibaba ang ilan lamang sa mga bansa kung saan masayang nakikibahagi sa gawaing ito ang mga boluntaryo:

Angola, Bolivia, Croatia, Dominican Republic, Ethiopia, Fiji, Ghana, Hong Kong, India, Jamaica, Kazakhstan, Liberia, Moldova, Nigeria, Papua New Guinea, Pilipinas, Rwanda, Tuvalu, Ukraine, Venezuela, Zambia.

[Mga larawan]

Kingdom Hall sa Acapulco, Mexico

Mga miyembro ng isang Kingdom Hall Construction Group sa Mexico

[Larawan sa pahina 23]

Kingdom Hall sa Tlaxcala, Mexico