Maging Malapít sa Diyos
Ang Tagapagsauli ng Buhay
NAMATAYAN ka na ba ng isang minamahal? Isa ito sa pinakamasakit na karanasan sa buhay. Nauunawaan ng ating Maylalang ang pagdadalamhati mo. Pero higit pa riyan, kaya niyang pawiin ang kamatayan pati na ang mga epekto nito. Ipinasulat niya sa Bibliya ang mga pagkabuhay-muli na naganap noon para ipakitang hindi lamang siya ang Tagapagbigay ng buhay, kundi Tagapagsauli rin nito. Binigyan niya ng kapangyarihan ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, para bumuhay ng patay. Isaalang-alang natin ang isa sa makahimalang pagbuhay-muli na ginawa ni Jesus na nakaulat sa Lucas 7:11-15.
Taóng 31 C.E. noon. Naglalakbay si Jesus patungo sa lunsod ng Nain sa Galilea. (Talata 11) Malamang na dapit-hapon na nang makarating siya sa dakong labas ng lunsod. Iniuulat ng Bibliya: “Habang papalapit siya sa pintuang-daan ng lunsod, aba, narito! isang taong patay ang inilalabas, na bugtong na anak na lalaki ng kaniyang ina. Bukod diyan, siya ay isang balo. Kasama rin niya ang isang malaking pulutong mula sa lunsod.” (Talata 12) Naguguniguni mo ba ang hinagpis ng naulilang balo? Ngayong namatay pa ang kaniyang kaisa-isang anak, sino na ang mangangalaga at magsasanggalang sa kaniya?
Itinuon ni Jesus ang kaniyang pansin sa namimighating ina, na kasama sa prusisyon ng libing at malamang na naglalakad malapit sa langkayan na kinalalagyan ng labí ng kaniyang anak. Sinasabi ng ulat: “Nang makita siya ng Panginoon, siya ay nahabag sa kaniya, at sinabi niya sa kaniya: ‘Huwag ka nang tumangis.’” (Talata 13) Nahabag si Jesus sa sinapit ng balong iyon. Marahil, naiisip niya ang kaniyang sariling ina, na malamang na balo na noon at di-magtatagal ay mangungulila rin sa kaniya.
Lumapit si Jesus—hindi para sumama sa mga nakikipaglibing. “Hinipo [niya] ang langkayan” at huminto ang pulutong. Saka siya nagsalita na may tinig ng isa na binigyan ng kapangyarihang bumuhay ng patay: “‘Binata, sinasabi ko sa iyo, Bumangon ka!’ At ang taong patay ay umupo at nagsimulang magsalita, at ibinigay niya siya sa kaniyang ina.” (Talata 14, 15) Inagaw ng kamatayan ang binata mula sa kaniyang ina. Kaya nang ‘ibigay siya ni Jesus sa kaniyang ina,’ nagkasama silang muli. Walang-alinlangang napaluha sa labis na kagalakan ang balong iyon.
Inaasam-asam mo rin ba na muling makapiling ang iyong namatay na mga mahal sa buhay? Magtiwala kang nauunawaan ng Diyos ang iyong nadarama. Yamang lubusang masasalamin kay Jesus ang mga katangian ng kaniyang Ama, makikita sa empatiya ni Jesus sa namimighating balong iyon ang mismong habag ng Diyos. (Juan 14:9) Itinuturo sa atin ng Bibliya na minimithi ng Diyos na buhaying muli ang mga taong nasa kaniyang alaala. (Job 14:14, 15) Ang kaniyang Salita, ang Bibliya, ay nagbibigay sa atin ng kamangha-manghang pag-asa—ang mabuhay nang walang hanggan sa paraisong lupa at makita ang pagkabuhay-muli ng ating namatay na mga mahal sa buhay. (Lucas 23:43; Juan 5:28, 29) Hinihimok ka naming matuto pa ng higit tungkol sa Tagapagsauli ng buhay at alamin kung paano ka magkakaroon ng gayon ding pag-asa.
[Larawan sa pahina 23]
“Ang taong patay ay umupo at nagsimulang magsalita, at ibinigay niya siya sa kaniyang ina”