Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Inaakay Niya Ako sa mga Landas ng Katuwiran”

“Inaakay Niya Ako sa mga Landas ng Katuwiran”

“Inaakay Niya Ako sa mga Landas ng Katuwiran”

Ayon sa salaysay ni Olga Campbell

“Ang isang magandang halimbawa ay parang isang kampanilyang pinatutunog para ang iba ay sumunod,” ang isinulat ng kapatid kong si Emily. “Pinatunog mo ang kampanilya, at ako’y sumunod.” Sinulatan niya ako para batiin sa aking ika-60 taon ng paglilingkod bilang buong panahong ministro. Ikukuwento ko sa inyo ang naging buhay ko at kung bakit ko pinili ang karerang ito.

IPINANGANAK ako noong Enero 19, 1927, sa isang pamilyang Ukrainiano na naninirahan sa bukid malapit sa Wakaw, Saskatchewan, sa gitnang-kanluran ng Canada. Ako at ang kakambal kong si Bill ang pang-anim at pampito sa aming walong magkakapatid. Kaming mga nakababata ang tumutulong kay Itay sa bukid. Sa aming maliit na bahay, buong-pagmamahal kaming inaalagaan ni Inay kahit pinahihirapan siya ng kaniyang rayuma, hanggang sa tuluyan na nga siyang iginupo sa kamatayan ng sakit na ito. Tatlumpu’t pitong taóng gulang lamang siya nang mamatay; at ako naman ay apat na taon.

Anim na buwan pagkamatay ni Inay, nag-asawa ulit si Itay. Dito na nagsimula ang aming problema, lalo na nang madagdagan kami ng lima pang kapatid na babae! Sinikap kong igalang ang aming madrasta, pero hindi ito magawa ni Kuya John.

Noong mga huling taon ng dekada ng 1930, mas mahabang oras na ang inilalagi namin ni Bill sa paaralan kung kaya natatakasan namin ang mga problema sa bahay. Nang malapit nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, pinasigla ang mga tao na maging makabayan. Pinasimulan ng aming bagong guro ang pagsaludo sa bandila, ngunit may isang batang babaing hindi nakibahagi rito. Ininsulto siya ng mga estudyante. Pero hanga ako sa lakas ng loob niya kung kaya tinanong ko siya kung bakit ayaw niyang sumaludo. Sinabi niyang isa siyang Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag pa rin kung minsan sa mga Saksi ni Jehova noon, at sumusunod lamang siya sa utos ng Diyos.​—Exodo 20:2, 3; Gawa 5:29.

Nagsarili Ako

Noong 1943, nakahanap ako ng trabaho sa lunsod ng Prince Albert. Nagkakarga ako sa trak ng mga kahon ng soft drink at nagdedeliber ng mga ito. Dahil sa kasabikan ko sa patnubay ng Diyos, bumili ako ng Bibliya pero napakahirap pala nitong maintindihan kaya napaiyak ako sa sama ng loob. Ang alam ko lang sa Bibliya ay ang Ama Namin.​—Mateo 6:9-13.

Isang araw ng Linggo, buong-pagyayabang na ikinuwento sa akin ng kasera kong palasimba na may ipinagtabuyan siyang isang babaing laging may dalang Bibliya. ‘Napakasungit naman nito,’ ang sabi ko sa aking sarili. Makalipas ang ilang Linggo, nagkasakit ako, kung kaya hindi ako nakapagsimba. Nang araw na iyon, bumalik ang babaing laging may dalang Bibliya.

“Nananalangin ka ba?” ang tanong niya sa akin.

“Opo, ’yung Ama Namin,” ang sagot ko naman.

Sabik na sabik akong nakinig sa kaniya habang ipinaliliwanag niya sa akin ang kahulugan ng panalanging ito na itinuro ni Jesus. Nangako siyang babalik nang Miyerkules.

Pag-uwi ng aking kasera, tuwang-tuwa kong ikinuwento sa kaniya ang tungkol sa babaing laging may dalang Bibliya, na isa palang Saksi ni Jehova. Kinabahan ako nang magbanta ang aking kasera, “Kapag bumalik siya rito sa Miyerkules, sisipain ko kayong dalawa palabas ng bahay ko!”

Sinuyod ko ang buong lugar namin para hanapin ang Saksi, na nakilala kong si Ginang Rampel. Nang makita ko siya, sinabi ko sa kaniya ang aking problema at nakiusap sa kaniya na sabihin sa akin ang lahat ng kaya niyang ipaliwanag tungkol sa Bibliya. Pakiramdam ko’y napag-usapan namin ang buong Bibliya! Pinagkumpara niya ang kasalukuyang panahon at ang panahon ni Noe, nang lipulin ng Diyos ang masasama at iligtas si Noe at ang kaniyang pamilya tungo sa isang nilinis na lupa.​—Mateo 24:37-39; 2 Pedro 2:5; 3:5-7, 12.

“Nakikita kong tinatanggap mo ang mga turo ng Bibliya bilang siyang katotohanan,” ang sabi ni Ginang Rampel pagkatapos ng mahaba naming pag-uusap. “Dalawang linggo na lamang at asamblea na ng mga Saksi ni Jehova. Dapat ka nang magpabautismo.” Hindi ako nakatulog nang gabing iyon sa kaiisip sa lahat ng aking natutuhan. Sa tingin ko’y hindi basta ganoon lang ang pagpapabautismo. Pero gusto ko talagang maglingkod sa Diyos! Bagaman kakaunti pa lamang ang aking kaalaman sa Bibliya, nabautismuhan ako sa edad na 16, noong Oktubre 15, 1943.

Mula Kanluran Patungong Silangan ng Canada

Noong Nobyembre, tinanong ako ni Kuya Fred kung gusto kong magtrabaho bilang tagapaglinis ng tinitirhan nilang tatlong-palapag na bahay sa lunsod ng Toronto sa silangan ng Canada. Pumayag ako dahil inisip kong magkakaroon ako roon ng higit na kalayaan sa aking pagsamba kay Jehova. Bago ako umalis, dinalaw ko muna si Ate Ann, na nakatira pa rin malapit sa Saskatchewan. May sorpresa siya sa akin​—sila palang dalawa ni Ate Doris ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, at gusto nilang makipag-aral din ako. Sinabi ko naman ang sekreto ko​—isa na akong bautisadong Saksi!

Ako at ang nakababata kong kapatid na si Emily ay sumakay ng tren para sa isang mahabang biyahe patungo sa Toronto. Si Bill ang sumundo sa amin sa istasyon at dinala niya kami sa bahay na tinitirhan nila nina Kuya Fred at Kuya John. Tinanong ko si Kuya Fred kung sino pa ang nakatira sa bahay. “Hindi ka maniniwala,” ang sabi niya. “Natatandaan mo ba si Alex Reed na tagaroon sa atin? Nakatira siya sa itaas, at alam mo, nakikinig siya sa mga Estudyante ng Bibliya. Nasisiraan na siguro ng bait!” Napalukso sa tuwa ang puso ko.

Dahan-dahan akong umakyat para makausap si Alex at sabihing gusto kong sumama sa kaniya sa pulong nang gabi ring iyon. Gusto kong makadalo agad para hindi na ako mapagbawalan ng aking mga kapatid. Di-nagtagal, kahit wala pa akong pormal na pag-aaral sa Bibliya, nangaral na ako sa kauna-unahang pagkakataon. Tuwang-tuwa akong makausap ang maraming Ukrainiano, gamit ang wikang natutuhan ko mula pa sa aking pagkabata.

Gustung-gustong basahin ni Bill Ang Bantayan, na palagi kong iniiwan sa kaniyang kuwarto. Nang lumipat siya sa British Columbia sa kanluran ng Canada, niregaluhan ko siya ng suskripsyon ng Ang Bantayan. Bagaman hindi siya masalitang tao, pinadalhan niya ako ng sampung-pahinang sulat para magpasalamat. Nang maglaon, inialay niya ang kaniyang buhay kay Jehova at naging masigasig na tagapangasiwang Kristiyano. Kaya tuwang-tuwa ako dahil lima sa aking mga kapatid​—sina Bill, Ate Ann, Kuya Fred, Ate Doris, at Emily​—ay naging nakaalay na mga mananamba ni Jehova!

Noong Mayo 22, 1945, inalis na ng pamahalaan ng Canada ang pagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. * Ang totoo, wala akong kamalay-malay na bawal pala ang aming gawain, at nalaman ko lang ito nang marinig ko ang anunsiyo. Ipinasiya ko at ng aking kaibigang si Judy Lukus na maglingkod bilang payunir, o buong-panahong ministro, sa gawing silangan sa Quebec kung saan ang salitang ginagamit ay Pranses. Nang malaman nina Ate Doris at Emily ang aming plano, nagpayunir din sila sa Vancouver, British Columbia, sa kabilang bahagi naman ng kontinente.

Paghihigpit sa Relihiyon sa Quebec

Nang lumipat ako sa Quebec, hindi lamang tanawin ang nabago. Noon ay mahigpit na sinasalansang ang pangangaral ng mga Saksi roon. * Nasiyahan kaming makibahagi sa pamimigay ng tract na Quebec’s Burning Hate for God and Christ and Freedom Is the Shame of All Canada. Inilantad ng nakapapasong mensahe ng tract na iyon ang paghihigpit sa mga Saksi.

Sa loob ng 16 na araw, nagsisimula kami nang mga alas-dos ng madaling araw para maingat na magsulot ng mga tract sa ilalim ng mga pintuan. Habang nasa isang apartment, nalaman namin na may paparating na mga pulis. Nagtago kami sa isang eskinita para hindi kami makita. Kinabukasan, nagbalik kami sa mga lansangan para mag-alok ng Ang Bantayan at Gumising! Sa paglipas ng mga buwan, paulit-ulit kaming inaaresto ng mga pulis anupat hindi na namin ito mabilang. Palagi akong may dalang sepilyo at pangguhit ng kilay sakaling mabilanggo ako.

Noong Nobyembre 1946, dumalaw si Nathan Knorr, ang nangangasiwa sa pandaigdig na gawain ng mga Saksi, mula sa Brooklyn, New York. Inanyayahan niya kaming 64 na payunir sa Quebec para mag-aral sa ikasiyam na klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa South Lansing, New York. Sa paaralang ito, tumanggap kami ng isang masinsinang kurso sa Bibliya sa loob ng limang buwan. Nang magtapos kami noong Agosto 1947, ipinadala kami sa iba’t ibang bayan sa Quebec para makapagtatag ng mga bagong kongregasyon.

Mabungang Ministeryo

Apat kaming dalaga na ipinadala sa lunsod ng Sherbrooke. Matiyaga naming pinapraktis ang pagsasalita sa wikang Pranses, anupat paulit-ulit naming iniisa-isa ang iba’t ibang gamit ng pandiwa habang naglalakad kami papunta at pauwi sa aming teritoryong pinangangaralan. Kung minsan ay wala na kaming maipambili ng pananghalian, kaya umuuwi na lamang kami at nag-aaral. Ang aking kasamang si Kay Lindhorst ay napakahusay sa balarila. Itinuro muna niya sa akin ang balarila ng Ingles para maintindihan ko ang Pranses.

Hinding-hindi ko malilimutan ang pagpapayunir ko sa Victoriaville, isang bayan na noon ay may 15,000 populasyon. Halos walang marunong mag-Ingles doon, kung kaya nasanay namin nang husto ang aming pagsasalita ng Pranses. Tuwang-tuwa kami noong unang linggo namin doon. Kahit saan kami pumunta, tinatanggap ng mga tao ang aming literatura. Pero nang bumalik kami, saradong lahat ang pinto at bintana. Bakit kaya?

Pinagbawalan pala ng pari doon ang mga tao na huwag makinig sa amin. Kaya habang nagbabahay-bahay kami, sinusundan kami ng mga bata at binabato ng bato at niyebe. Pero marami pa rin ang gustong makarinig ng mensahe sa Bibliya. Noong una, pinapupunta lamang nila kami sa kanilang bahay pagkagat ng dilim. Pero habang sumusulong ang kaalaman nila sa Bibliya, hindi na nila itinatago ang kanilang pag-aaral kahit magalit pa ang kanilang mga kapitbahay.

Noong dekada ng 1950, bumalik kaming magkakapatid na babae sa Wakaw para dumalaw. Ikinuwento namin ang aming mga karanasan sa pangangaral sa isang pulong ng kongregasyon. Pagkaraan, sinabi sa amin ng tagapangasiwa ng kongregasyon, “Matutuwa ang nanay n’yo kapag binuhay siyang muli at nalaman na naging mga Saksi ni Jehova ang kaniyang mga anak!” Ipinaliwanag niyang nakipag-aral din ng Bibliya si Inay sa isang Saksi bago siya namatay. Napaiyak kami nang malaman naming natuto rin pala siya ng katotohanan sa Bibliya na tiyak na ituturo niya sana sa amin kung hindi siya agad namatay.

Asawa at Kasama sa Ministeryo

Noong 1956, nakilala ko si Merton Campbell, isang Saksing nabilanggo nang 27 buwan noong Digmaang Pandaigdig II dahil sa kaniyang Kristiyanong neutralidad. Halos sampung taon na siyang naglilingkod noon sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn. Maraming magagandang katangian si Merton, at nakita kong magiging isa siyang mabuting asawa. Ilang buwan kaming nagsulatan, at nahulog ang loob namin sa isa’t isa.

Nagpakasal kami noong Setyembre 24, 1960. Napakalaki ngang pagpapala na makasama sa nakalipas na 47 taon ang isang asawang gaya ni Merton na napakabait at makadiyos! Limampu’t walong taon siyang naglingkod sa Service Department, na siyang tumutulong at nagbibigay ng tagubilin sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong Estados Unidos. Sa loob ng mahigit 30 taon, ang trabaho ko sa Brooklyn ay ang pagdedekorasyon ng mga kuwarto ng mga bisita at nang maglaon ay ang pagdedekorasyon naman ng malalaking Assembly Hall sa New York City. Noong 1995, kami ni Merton ay inilipat sa Watchtower Educational Center sa Patterson, mga 110 kilometro sa hilaga ng New York City.

Nang umalis ako sa amin sa edad na 12, hindi ko akalaing darating ang araw na makakasama ko ang isang malaking pamilya ng mga kapatid sa espirituwal, pati na ang sarili kong mga kapatid sa laman. Nasasabik na akong dumating ang bagong sanlibutan ng Diyos para makapiling na namin ulit si Inay at maikuwento sa kaniya ang mga nangyari habang siya’y natutulog sa kamatayan​—lalo na kung paano maibiging inilaan ng Diyos na Jehova ang espirituwal na pangangailangan ng kaniyang mga anak. Talagang nakagagalak na inakay kami ni Jehova sa “mga landas ng katuwiran”!​—Awit 23:3.

[Mga talababa]

^ Dahil sa neutral na paninindigan ng mga Saksi ni Jehova, ipinagbawal ng pamahalaan ang kanilang organisasyon noong Hulyo 4, 1940.

^ Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pag-uusig sa relihiyon sa Quebec, tingnan ang Abril 22, 2000, isyu ng Gumising! pahina 20-3.

[Mga larawan sa pahina 27]

Ang aking mga magulang at ang bahay na tinirhan naming mag-anak

[Larawan sa pahina 29]

Ako at ang aking mga nakasama sa ministeryo sa Ottawa, 1952

[Larawan sa pahina 29]

Kaming magkakapatid (mula sa kaliwa pakanan), Ate Ann, Ate Mary, Kuya Fred, Ate Doris, Kuya John, ako, Bill, at Emily

[Larawan sa pahina 29]

Ako at si Merton sa ngayon