Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maaari Kang Maging Maligaya sa Kabila ng Kabiguan

Maaari Kang Maging Maligaya sa Kabila ng Kabiguan

Maaari Kang Maging Maligaya sa Kabila ng Kabiguan

SINO ang hindi pa nakaranas ng kalungkutan dahil sa kabiguan? Aba, maging ang ating makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova, ay nalungkot din nang biguin siya ng iba. Halimbawa, bagaman pinalaya niya ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto at sagana niya silang pinagpala, sinasabi ng Bibliya: “Paulit-ulit nilang inilalagay ang Diyos sa pagsubok, at pinasakitan nila maging ang Banal ng Israel.” (Awit 78:41) Sa kabila nito, si Jehova ay nanatili pa ring “maligayang Diyos.”​—1 Timoteo 1:11.

Totoo na marami ang sanhi ng kabiguan. Kung gayon, paano natin mapananatili ang ating kagalakan sa kabila ng kabiguan? Ano ang ginawa ng Diyos na Jehova nang biguin siya ng mga tao, at ano ang matututuhan natin dito?

Mga Sanhi ng Kabiguan

Sinasabi ng Salita ng Diyos na “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay sumasapit sa ating lahat. (Eclesiastes 9:11) Ang di-inaasahang mga pangyayari gaya ng krimen, aksidente, o sakit ay maaaring magdulot ng matinding pighati​—at kabiguan. Sinasabi rin ng Bibliya: “Ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” (Kawikaan 13:12) Masaya tayo habang sabik tayong naghihintay sa isang kasiya-siyang bagay, pero kapag hindi ito nangyari gaya ng ating inaasahan, baka tayo manlumo. Halimbawa, noon pa ma’y gustung-gusto na ni Duncan * na maging misyonero, pero pagkalipas ng maraming taon sa pribilehiyong ito ng paglilingkod, kinailangan nilang mag-asawa na umuwi. “Noon ko lang nadamang parang nawalan ng kabuluhan ang buhay ko,” ang sabi niya. “Wala na akong tunguhin. Para sa akin, wala nang saysay ang lahat ng bagay.” Maaaring tumagal ang kirot na dulot ng pagkabigo, gaya ng nangyari kay Claire. Ipinaliwanag niya: “Pitong buwan na akong nagdadalang-tao nang makunan ako. Matagal nang nangyari iyon, pero hanggang ngayon, sa tuwing nakakakita ako ng isang batang lalaki na nagpapahayag sa entablado, naiisip ko, ‘Ganiyan na sana kalaki ang anak ko.’”

Nasasaktan din tayo kapag binigo tayo ng iba; halimbawa, naghiwalay kayo ng iyong kasintahan, nasira ang inyong pag-aasawa, nagrebelde ang iyong anak, o nagtaksil ang iyong kaibigan. Dahil di-sakdal ang mga taong nakakasama natin at nabubuhay tayo sa mahirap na panahon, maaari tayong dumanas ng maraming kabiguan.

Masakit din kapag nabigo tayong abutin ang isang tunguhin. Halimbawa, kung hindi natin naipasa ang isang eksamen, hindi tayo natanggap sa isang trabaho, o hindi tayo nagustuhan ng iba, baka madama nating wala na tayong halaga. Nasisiraan din tayo ng loob kapag huminto sa paglilingkod sa Diyos ang isa nating mahal sa buhay. Sinabi ni Mary: “Tila sumusulong naman ang aking anak na babae. Akala ko ay nakapagpakita ako sa kaniya ng magandang halimbawa. Pero nang talikuran niya ang Diyos na Jehova at ang pamantayan ng aming pamilya, nadama kong bigung-bigo ako. Kahit nagtagumpay ako sa ibang bagay, parang nabale-wala ang lahat ng ito. Lumung-lumo ako.”

Paano natin haharapin ang gayong mga kabiguan? Tingnan natin ang halimbawa ni Jehova hinggil dito.

Magtuon ng Pansin sa Solusyon

Maibiging pinaglaanan ng Diyos na Jehova ang unang mag-asawa ng kanilang mga pangangailangan, pero nagrebelde sila sa halip na tumanaw ng utang na loob. (Genesis, kabanata 2 at 3) Naging masama rin ang kanilang anak na si Cain. Hindi nakinig si Cain sa babala ni Jehova at pinatay ang kaniyang sariling kapatid. (Genesis 4:1-8) Napakasakit nga nito para kay Jehova!

Pero bakit nanatili pa ring maligaya ang Diyos? Dahil patuloy siyang gumagawa para matupad ang layunin niyang punuin ang lupa ng sakdal na mga tao. (Juan 5:17) Para maisakatuparan ito, naglaan siya ng haing pantubos at itinatag niya ang kaniyang Kaharian. (Mateo 6:9, 10; Roma 5:18, 19) Ang Diyos na Jehova ay nagtuon ng pansin sa solusyon, hindi sa problema.

Pinasisigla tayo ng Salita ng Diyos na magtuon ng pansin sa positibong mga bagay, sa halip na sa kung ano sana ang nangyari o ginawa natin. Sinasabi nito: “Anumang bagay na totoo, anumang bagay na seryosong pag-isipan, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na may mabuting ulat, anumang kagalingan ang mayroon at anumang kapuri-puring bagay ang mayroon, patuloy na isaalang-alang ang mga bagay na ito.”​—Filipos 4:8.

Tamang Pananaw sa Kabiguan

Maaaring mabago ang ating buhay dahil sa ilang pangyayari. Halimbawa, baka bigla tayong mawalan ng kabiyak, trabaho, o ng mga pribilehiyo. Baka magkasakit tayo, mawalan ng bahay o ng mga kaibigan. Paano natin haharapin ang gayong mga pagbabago?

Nakatulong sa ilan ang pagtatakda ng mga priyoridad. Ganito ang sinabi ni Duncan na binanggit sa pasimula: “Nang matanto naming mag-asawa na hindi na kami makapaglilingkod uli bilang misyonero, halos madurog ang aming puso. Nang maglaon, nagtakda kami ng dalawang priyoridad: alagaan si Inay at, hangga’t maaari, magpatuloy sa buong-panahong ministeryo. Kapag nagpapasiya, isinasaalang-alang namin kung paano makaaapekto ang mga ito sa aming priyoridad. Sa gayon, nagiging simple ang mga bagay-bagay.”

Kapag dumaranas tayo ng kabiguan, karamihan sa atin ay nadaraig ng negatibong kaisipan. Halimbawa, baka hindi mangyari ang inaasahan natin sa ating mga pagsisikap sa pagpapalaki sa anak, pag-abot sa kuwalipikasyon sa isang trabaho, o pangangaral ng mabuting balita sa mga taong iba ang wika. Baka isipin natin, ‘Palagi na lang akong bigo.’ Pero tandaan na hindi bigo ang Diyos dahil lamang sa nabigo ang unang tao noong pasimula. Sa katulad na paraan, hindi masasabing bigo na tayo dahil lamang sa hindi kaagad nagbubunga ang ating mga pagsisikap.​—Deuteronomio 32:4, 5.

Madali tayong maghinanakit kapag binigo tayo ng ibang tao. Hindi gayon si Jehova. Nalungkot si Jehova nang mangalunya si Haring David at nang ipapatay nito ang asawa ng babae. Pero nakita ni Jehova ang taimtim na pagsisisi ni David kung kaya’t patuloy niyang ginamit ito bilang kaniyang lingkod. Gayundin, nagkasala ang tapat na lingkod ni Jehova na si Haring Jehosapat nang makipag-alyansa ito sa mga kaaway ng Diyos. Sinabi ng propeta ni Jehova: “Dahil dito ay may galit laban sa iyo mula kay Jehova mismo. Gayunpaman, may mabubuting bagay na nasumpungan sa iyo.” (2 Cronica 19:2, 3) Bagaman nagkamali si Jehosapat, alam ni Jehova na hindi naman siya talaga lubusang tinalikuran nito. Sa katulad na paraan, maiiwasan din nating mawalan ng mga kaibigan kung hindi tayo labis na magagalit kapag nagkamali ang mga ito. Bagaman hindi natin nagustuhan ang ginawa ng isang kaibigan, maaaring may magaganda pa rin naman siyang katangian.​—Colosas 3:13.

Kung minsan makatutulong na isiping baka kailangan muna nating matikman ang kabiguan bago makamit ang tagumpay. Baka makadama tayo ng kabiguan kapag nagkasala tayo. Pero makababangon tayo kung magiging determinado tayong gawin ang tama sa halip na sumuko. Nang manlumo si Haring David dahil sa nagawa niya, sumulat siya: “Nanghina ang aking mga buto dahil sa pagdaing ko buong araw. . . . Ang aking kasalanan ay ipinagtapat ko sa iyo [Jehova] sa wakas, . . . at pinagpaumanhinan mo ang kamalian ng aking mga kasalanan.” (Awit 32:3-5) Kung natanto nating hindi natin nagawa ang inaasahan sa atin ng Diyos, dapat tayong humingi ng tawad sa kaniya, baguhin ang ating pagkilos, at maging mas determinadong sundin ang kaniyang payo.​—1 Juan 2:1, 2.

Maging Handa sa Pagharap sa Kabiguan

Tiyak na lahat tayo ay mapapaharap sa mga kabiguan. Ano ang maaari nating gawin para maging handa rito? Maganda ang sinabi ni Bruno, isang may-edad nang Kristiyanong lalaki na dumanas ng kabiguang bumago sa buong buhay niya. Sinabi niya: “Patuloy kong pinatibay ang aking espirituwalidad gaya ng ginagawa ko noon pa man. Napakalaking tulong nito para maharap ko ang kabiguan. Natutuhan ko kung bakit pinahihintulutan ng Diyos na magpatuloy ang napakasamang sistemang ito ng mga bagay. Gumugol ako ng maraming taon para maging malapít kay Jehova. Mabuti na lamang at ginawa ko iyon. Nabata ko ang panlulumo dahil alam kong hindi niya ako pababayaan.”

Habang binubulay-bulay natin ang kinabukasan, isang bagay ang tiyak: Bagaman mabigo tayo o biguin tayo ng iba, hinding-hindi tayo bibiguin ng Diyos. Sa katunayan, sinabi ng Diyos na ang kaniyang pangalang Jehova ay nangangahulugang “Ako ay magiging gayon sa anumang ako ay magiging gayon.” (Exodo 3:14) Nagpapatibay ito ng ating pagtitiwala na kaya niyang gawin ang anumang nararapat gawin para matupad ang kaniyang mga pangako. Ipinangako niya na sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, mangyayari ang kaniyang kalooban “kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” Iyan ang dahilan kung bakit sumulat si apostol Pablo: “Kumbinsido ako na kahit ang kamatayan kahit ang buhay kahit ang mga anghel kahit ang mga pamahalaan . . . kahit ang anupamang ibang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus.”​—Mateo 6:10; Roma 8:38, 39.

Makapagtitiwala tayo na matutupad ang pangako ng Diyos na binanggit niya sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Narito, lumalalang ako ng mga bagong langit at ng isang bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi aalalahanin, ni mapapasapuso man ang mga iyon.” (Isaias 65:17) Kaysaya nga kapag dumating ang panahong mapapawi na sa ating isipan ang mga alaala ng ating mga kabiguan!

[Talababa]

^ Binago ang ilang pangalan.

[Blurb sa pahina 13]

Hindi masasabing bigo na tayo dahil lamang sa hindi kaagad nagbubunga ang ating mga pagsisikap

[Blurb sa pahina 14]

Pinasisigla tayo ng Salita ng Diyos na magtuon ng pansin sa positibong mga bagay, sa halip na sa kung ano sana ang nangyari

[Mga larawan sa pahina 15]

Ang Diyos ay maligaya, sa kabila ng mga pagkukulang ng tao, dahil tiyak na matutupad ang kaniyang layunin

[Larawan sa pahina 16]

Nakatutulong ang pagtatakda ng espirituwal na mga priyoridad upang maharap ang kabiguan