Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagiging Isa sa mga Anak ng Diyos

Pagiging Isa sa mga Anak ng Diyos

Pagiging Isa sa mga Anak ng Diyos

MGA 30 taon pagkatapos ng Korean War, naglunsad ng isang programa ang Korean Broadcasting System upang tulungan ang mga tao na mahanap ang kanilang mga kapamilyang napawalay sa kanila noong digmaan. Ano ang resulta? Muling nakapiling ng mahigit 11,000 katao ang kanilang mga mahal sa buhay. Bumaha ng luha at nagyakapan ang magkakapamilya. Ganito ang ulat ng Korea Times: “Ngayon lang sa buong kasaysayan ng Korea nag-iyakan ang mga Koreano nang gayon na lamang dahil sa tuwa.”

Sa Brazil, ipinambayad-utang si Cézar ng kaniyang ama noong sanggol pa lamang siya. Pagkalipas ng mga sampung taon, tuwang-tuwa siyang makita ang kaniyang tunay na ina anupat kahit mayaman ang mga umampon sa kaniya, iniwan niya ang mga ito para lamang sumama sa kaniyang ina.

Napakasaya nga ng magkakapamilya kapag muli silang nagsama-sama matapos mapawalay sa isa’t isa! Ipinaliliwanag ng Bibliya ang masaklap na pangyayari kung paano napawalay ang mga tao sa pamilya ng Diyos. Sinasabi rin nito kung paano sila masayang nagkakaisa sa ngayon. Paano napawalay ang tao sa pamilya ng Diyos? At paano mo mararanasan ang kasiyahan ng pagiging kaisa ng pamilya ng Diyos?

Kung Paano Napawalay ang mga Tao sa Pamilya ng Diyos

Ganito ang sinabi ng salmista hinggil sa Diyos na Jehova, ang Maylalang: “Nasa iyo ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Si Jehova ang Ama ng isang napakalaking pamilya ng tapat na matatalinong nilalang. Ang pamilyang iyan ay binubuo ng mga anghel sa langit, ang kaniyang mga espiritung anak, at ng mga tao, ang kaniyang mga anak sa lupa.

Gaya ng ipinaliwanag sa naunang artikulo, nang maghimagsik ang unang taong anak ng Diyos na si Adan, napawalay ang sangkatauhan sa kanilang maibiging Ama at Maylalang. (Lucas 3:38) Bilang resulta ng kaniyang paghihimagsik, naiwala ni Adan ang pribilehiyo niya at ng kaniyang di-pa-naisisilang na mga supling na maging mga anak ng Diyos. Inilarawan ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Moises ang epekto ng pangyayaring ito: “Sila ay gumawi nang kapaha-pahamak sa ganang kanila; sila ay hindi . . . mga anak [ng Diyos], ang kapintasan ay kanila.” Dahil sa “kapintasan,” o pagiging makasalanan, napawalay ang mga tao mula sa Diyos, na banal at sakdal sa lahat ng paraan. (Deuteronomio 32:4, 5; Isaias 6:3) Kaya sa diwa, nawalan ng ama ang sangkatauhan.​—Efeso 2:12.

Upang idiin na talagang napawalay ang tao, tinutukoy ng Bibliya ang mga hindi kabilang sa pamilya ng Diyos bilang “mga kaaway.” (Roma 5:8, 10) Yamang napawalay sa Diyos, nagdurusa ang tao dahil sa malupit na pamamahala ni Satanas at sa nakamamatay na epekto ng minanang kasalanan at di-kasakdalan. (Roma 5:12; 1 Juan 5:19) Maaari bang maging bahagi ng pamilya ng Diyos ang makasalanang mga tao? Ang mga di-sakdal na nilalang ba ay maaari talagang maging mga anak ng Diyos gaya nina Adan at Eva bago sila nagkasala?

Pagtitipon sa mga Anak ng Diyos na Napawalay sa Kaniya

Dahil sa pag-ibig, gumawa si Jehova ng paraan para makinabang ang di-sakdal na mga taong umiibig sa kaniya. (1 Corinto 2:9) Nagpaliwanag si apostol Pablo: “Sa pamamagitan ni Kristo ay ipinakikipagkasundo ng Diyos ang isang sanlibutan sa kaniyang sarili, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga pagkakamali.” (2 Corinto 5:19) Gaya ng ipinaliwanag sa naunang artikulo, inilaan ng Diyos na Jehova si Jesu-Kristo bilang pantubos sa ating mga kasalanan. (Mateo 20:28; Juan 3:16) Bilang pagpapahalaga rito, sumulat si apostol Juan: “Tingnan ninyo kung anong uri ng pag-ibig ang ibinigay sa atin ng Ama, upang tayo ay matawag na mga anak ng Diyos.” (1 Juan 3:1) Sa gayon, nagkaroon ng pagkakataon ang masunuring sangkatauhan na muling maging bahagi ng pamilya ni Jehova.

Bagaman ang lahat ng tao na muling mapapabilang sa pamilya ng Diyos ay magkakaisa sa ilalim ng kalinga ng kanilang makalangit na Ama, sinasabi ng Bibliya na titipunin ang mga tao sa dalawang grupo. Ganito ang mababasa natin: “Ito ay ayon sa . . . ikinalulugod [ng Diyos] na nilayon niya sa kaniyang sarili ukol sa isang pangangasiwa sa hustong hangganan ng mga takdang panahon, samakatuwid nga, upang muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.” (Efeso 1:9, 10) Bakit gayon ang ginawa ng Diyos?

Ang totoo, ang kaayusang ito na ginawa ni Jehova ay nakatutulong para magkaisa ang kaniyang pamilya. Hindi ito mahirap maunawaan. Napakalaki ng pamilya ng Diyos anupat maihahalintulad ito sa isang bansa. Sa anumang bansa, ilan lamang ang pinipili upang bumuo ng isang pamahalaan nang sa gayon, ang iba ay makapamuhay nang mapayapa at maayos. Sabihin pa, walang gobyerno ng tao ang nakapagdulot ng tunay na kapayapaan, pero naglaan ang Diyos ng isang sakdal na pamahalaan para sa kaniyang pamilya. Ang unang grupo, ang “mga bagay na nasa langit,” ay binubuo ng mga anak ng Diyos na pinili ni Jehova upang bumuo ng isang pamahalaan, o Kaharian, sa langit. Mula roon, “mamamahala sila bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.”​—Apocalipsis 5:10.

Mga Anak ng Diyos sa Lupa

Tinitipon din ni Jehova ang “mga bagay na nasa lupa,” samakatuwid nga, ang milyun-milyong tao sa buong lupa, upang sa dakong huli ay maging mga anak niya sila. Bilang mabait na Ama, tinuturuan niya sila kung paano magpapakita ng pag-ibig gaya ng ginawa niya. Sa ganitong paraan, sila ay nagkakaisa kahit nagmula sila sa iba’t ibang bansa. Maging ang mga taong marahas, makasarili, imoral, at masuwayin sa Diyos ay inaanyayahang ‘makipagkasundo sa Diyos.’​—2 Corinto 5:20.

Kumusta naman yaong mga tumatanggi sa paanyaya ng Diyos na makipagkasundo sa kaniya bilang kaniyang mga anak? Upang magkaroon ng kapayapaan at pagkakaisa sa kaniyang pamilya, titiyakin ni Jehova na kikilos siya laban sa kanila. Magkakaroon ng “araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” (2 Pedro 3:7) Lilipulin ng Diyos ang mga taong mapaghimagsik. Kaylaking kaginhawahan nito para sa mga sumusunod sa kaniya!​—Awit 37:10, 11.

Susundan ito ng isang libong taon ng kapayapaan. Sa panahong ito, ang lahat ng tumutugon sa pag-ibig ng Diyos ay unti-unting magiging sakdal gaya ni Adan noong una. Kahit ang mga patay ay bubuhaying muli. (Juan 5:28, 29; Apocalipsis 20:6; 21:3, 4) Sa gayon, tutuparin ng Diyos ang kaniyang pangako: “Ang sangnilalang [mga tao] din mismo ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”​—Roma 8:21.

Kung Paano Magiging Kaisa ng Iyong Makalangit na Ama

Si Cézar at ang libu-libong Koreanong binanggit sa pasimula ng artikulong ito ay may kinailangang gawin upang muling makapiling ang kanilang pamilya. Dapat lumahok sa programa ang mga nasa Korea, at kinailangan namang iwan ni Cézar ang mga umampon sa kaniya. Sa katulad na paraan, mayroon ka ring dapat gawin upang maging kaisa ng iyong makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova, at maging bahagi ng kaniyang pamilya. Ano ang dapat mong gawin?

Upang maging malapít sa Diyos bilang iyong Ama, dapat mong pag-aralan ang kaniyang Salita, ang Bibliya, upang malinang mo ang matibay na pananampalataya sa kaniya at sa kaniyang mga pangako. Matututuhan mong magtiwala na anuman ang iutos sa iyo ng Diyos, ito ay para sa iyong kabutihan. Dapat mo ring tanggapin ang pagtutuwid at pagdidisiplina ng Diyos, dahil sinasabi ng Bibliya sa mga Kristiyano: “Ang Diyos ay nakikitungo sa inyo gaya ng sa mga anak. Sapagkat anong anak siya na hindi dinidisiplina ng ama?”​—Hebreo 12:7.

Sa paggawa ng gayong mga hakbang, magbabago ang iyong paraan ng pamumuhay. Ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Magbago kayo sa puwersa na nagpapakilos sa inyong pag-iisip, at magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at pagkamatapat.” (Efeso 4:23, 24) Kaya sundin ang payo ni apostol Pedro: “Bilang masunuring mga anak, huwag na ninyong balikan ang masasamang hilig na ginawa ninyo noong kayo’y wala pang pagkaunawa.”​—1 Pedro 1:14, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

Pagiging Miyembro ng Pamilya ng Diyos

Nang masumpungan ni Cézar ang kaniyang ina, tuwang-tuwa rin siya nang malaman niyang may kapatid pala siyang lalaki at kapatid na babae. Sa katulad na paraan, kapag naging malapít ka sa iyong makalangit na Ama, masusumpungan mong marami ka palang kapatid sa kongregasyong Kristiyano. Habang nakakasama mo sila, malamang na magiging mas malapít ka pa sa kanila kaysa sa mismong kapamilya mo.​—Gawa 28:14, 15; Hebreo 10:24, 25.

Ikaw ay inaanyayahang maging kaisa ng iyong makalangit na Ama at ng iyong mga kapatid na Kristiyano. Ang kagalakang madarama mo sa paggawa nito ay maaaring maging kagaya ng kagalakang nadama ni Cézar at ng libu-libo sa Korea nang muli nilang makapiling ang kanilang mga kapamilya.

[Larawan sa pahina 8]

Si Cézar noong siya’y 19 anyos kasama ang kaniyang ina

[Mga larawan sa pahina 10]

Gawin ang mga hakbang upang maging malapít sa Diyos