Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Bakit unti-unti ang ginawang pagpapagaling ni Jesus sa lalaking bulag?
Sa Marcos 8:22-26, mababasa natin ang ulat hinggil sa pagpapagaling ni Jesus sa isang lalaking bulag sa Betsaida. Sinasabi ng ulat na pagkadura ni Jesus sa mga mata ng lalaki, tinanong niya ito kung ano ang kaniyang nakikita. Mababanaag sa sagot ng lalaki na medyo nalilito siya: “Nakakakita ako ng mga tao, sapagkat may namamasdan akong tila mga punungkahoy, ngunit sila ay naglalakad.” Hinipong muli ni Jesus ang mga mata ng lalaki, na may ganitong resulta: “Ang lalaki ay nakakita nang malinaw, at nanauli siya, at nakita na niyang maliwanag ang lahat ng mga bagay.” Ipinakikita ng ulat na unti-unti ang ginawang pagpapagaling ni Jesus sa lalaking bulag. Bakit?
Hindi nagbibigay ng eksaktong sagot ang Bibliya, pero maaari nating isaalang-alang ang isang posibleng paliwanag sa kasong ito. Tiyak na maninibago nang husto ang isang taong nagkaroon ng paningin sa unang pagkakataon matapos maging bulag sa loob ng maraming taon—o maging mula sa pagkasilang. Bilang paglalarawan: Ginagamit dati sa mga minahan ang maliliit na kabayo. Nakasanayan na nang husto ng mga ito ang dilim anupat nang ilabas ang nasabing mga kabayo sa minahan, inabot nang maghapon ang mga ito para masanay sa liwanag ng araw. Sa kaso ng pagkabulag, mas mahabang panahon ang kailangan para masanay ang isa sa liwanag. Sa makabagong panahon, naipanunumbalik ng mga siruhano ang paningin ng ilang taong bulag. Gayunman, kapag nakakita na ang mga pasyenteng ito, kadalasan nang nabibigla sila sa dami ng impormasyong pumapasok sa kanilang utak. Palibhasa’y napalilibutan ng iba’t ibang kulay, hugis, at anggulo, nalilito sila at hindi makilala kahit ang pamilyar na mga bagay. Pero habang tumatagal, nakikilala na ng utak kung ano ang nakikita ng mga mata.
Malamang na maibiging pagmamalasakit sa lalaking bulag ang nagpakilos kay Jesus para pagalingin niya ito sa unti-unting paraan. Sa wakas, “nakita na [ng lalaki nang] maliwanag ang lahat ng mga bagay,” anupat nakikilala na ang lahat ng kaniyang nakikita.
Noong panahon ni Jesus, bakit hindi madaling magbasa ng balumbon?
Ang mga pilyegong ginamit sa paggawa ng mga balumbon ay karaniwan nang may habang 23 hanggang 28 sentimetro at may lapad na 15 hanggang 23 sentimetro. Pinagdurugtong ang mga pilyegong ito sa pamamagitan ng pandikit, o pagtahi gamit ang linong sinulid. Mas mahahabang pilyego pa nga ang ginamit sa ilang balumbon. Ang naingatang Dead Sea Scroll ng Isaias ay gawa sa 17 pahabang piraso ng pergamino, na mga pitong metro ang haba. Malamang na gayon din kahaba ang balumbon ni Isaias na ginamit ni Jesus sa sinagoga sa Nazaret.—Lucas 4:16, 17.
Hinggil sa ulat na ito, ganito ang sabi ni Alan Millard sa kaniyang aklat na Discoveries From the Time of Jesus: “Hawak ng mambabasa ang aklat [balumbon] at binubuksan ito gamit ang kaniyang kaliwang kamay, habang inirorolyo naman ng kaniyang kanan ang kabilang dulo nito pagkatapos basahin ang bawat kolum. Upang mahanap ang Isaias 61, ang kabanatang binasa ni Jesus sa sinagoga, kinailangan niyang buksan ang balumbon hanggang sa halos pinakadulo nito.”
Noong panahong iyon, hindi pa nahahati sa mga kabanata at talata ang aklat ng Isaias, gaya ng Bibliya natin sa ngayon. Nang iabot kay Jesus ang balumbon ni Isaias sa sinagoga sa Nazaret, kinailangan niyang hanapin ang bahaging matatagpuan ngayon sa Isaias 61:1, 2 sa ating mga Bibliya. Agad na “nasumpungan [ni Jesus] ang dako,” na nagpapakitang pamilyar na pamilyar siya sa Salita ng Diyos.