“Ang Digmaang Tatapos sa Lahat ng Digmaan”
“Ang Digmaang Tatapos sa Lahat ng Digmaan”
‘Isinusumpa kong ito na ang kahuli-hulihang digmaan—ang digmaang tatapos sa lahat ng digmaan.’—WOODROW WILSON, PRESIDENTE NG ESTADOS UNIDOS (1913-21).
GANIYAN kataas ang pangarap ng isang lider ng daigdig nang matapos ang Digmaang Pandaigdig I, mga 90 taon na ang nakalilipas. Totoong nakapanghihilakbot ang pangglobong alitang iyon anupat gustong maniwala—at kailangang maniwala— ng mga bansang nagtagumpay na magdudulot ng namamalaging mga pakinabang ang mga sakripisyong ginawa nila. Pero karaniwan nang hindi nalulutas ng mga digmaan ng tao ang mga problema sa daigdig, lalo na ang pinakaugat mismo ng digmaan.
Mga 20 taon matapos bitiwan ni Presidente Wilson ang padalus-dalos na pangakong iyon, sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig. Mas maraming namatay at mas matindi ang pinsalang idinulot nito kaysa sa unang digmaang pandaigdig. Sa tulong ng dalawang dekada ng pagsulong sa teknolohiya, naging mas bihasa ang mga tao sa lansakang pagpatay. Nang matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, natanto ng mga lider ng daigdig na isa pang mas nakapangingilabot na digmaan ang nagbabadyang sumiklab.
Noong 1945, idineklara ni Heneral Douglas MacArthur ng Estados Unidos: “Ito na ang huli nating pagkakataon. Kung hindi tayo makabubuo ng mas epektibo at mas makatuwirang sistema, sisiklab ang Armagedon.”
Alam ni Heneral MacArthur ang pinsalang idinulot ng dalawang bomba atomika sa Nagasaki at Hiroshima noong papatapos na ang ikalawang digmaang pandaigdig. Dahil sa nasaksihan niyang kakila-kilabot na pagwasak sa dalawang lunsod na iyon sa Hapon, nabigyan niya ng bagong kahulugan ang salitang “Armagedon”—ganap na
nuklear na pagkatupok na posibleng tumapos sa sibilisasyon ng tao.Sinasaklot pa rin ng takot ang tao dahil sa banta ng malawakang pagpuksa gamit ang mga sandatang nuklear. Pagsapit ng dekada ng 1960, isang kakaibang estratehiya ang ginawa ng makapangyarihang mga bansa. Bawat isa sa kanila ay nag-umang ng kani-kanilang mapamuksang sandatang pandigma, nang sa gayon ay magdalawang-isip na magsimula ng labanan ang sinumang panig. Tunguhin nila na magkaroon ng sapat na mga missile at mahusay na mga sistema sa paglulunsad sa mga ito upang matiyak ang pagkalipol ng 25 porsiyento ng mga sibilyan sa kaaway na bansa at ang pagkawasak ng 50 porsiyento ng kanilang industriya—alinmang panig ang magsimula ng gulo. Hindi pa rin panatag ang mga tao sa estratehiyang ito na ginawa para mapanatili di-umano ang kapayapaan sa daigdig.
Sa ngayon, patuloy na dumarami ang nuklear na mga sandata at pagkarami-rami ang namamatay sa maliliit na digmaan. Nangangamba pa rin ang mga tao sa bantang nuklear na pagkatupok. Bagaman gustung-gusto ng mga tao na mawala na ang digmaan, iilan lamang ang naniniwalang may isang digmaan o anumang iba pang estratehiya na magiging instrumento upang maabot ang tunguhing ito.
Gayunman, talagang may binabanggit sa Bibliya na isang natatanging digmaan na tatapos sa lahat ng digmaan. Ang digmaang ito ay tinatawag na “Armagedon”—ang mismong salita na kadalasang iniuugnay ng mga tao sa nuklear na pagkawasak. Paano tatapusin ng Armagedon ang mga digmaan? Sasagutin ng susunod na artikulo ang tanong na ito.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
DTRA Photo
[Picture Credit Line sa pahina 4]
Nagasaki, Japan, 1945: USAF photo