Ang Eukaristiya—Ang Katotohanan sa Likod ng Ritwal
Ang Eukaristiya—Ang Katotohanan sa Likod ng Ritwal
MARAMING tao sa daigdig ang regular na nakikibahagi sa seremonyang ito—ilang beses sa isang taon, linggu-linggo, o araw-araw pa nga. Gayunman, tinatawag itong misteryo ng pananampalataya, at marami sa mga nakikibahagi rito ang aminadong hindi nila nauunawaan ang seremonya. Itinuturing itong sagrado at makahimala pa nga.
Ang seremonya ay ang Eukaristiya—ang bahagi ng Misang Katoliko kung kailan nananalangin ang pari para magpasalamat sa tinapay at alak, at inaanyayahan ang mga nagsisimba na tanggapin si Kristo sa Banal na Komunyon. a Para sa mga Katoliko, ayon kay Pope Benedict XVI, ang seremonyang ito ay “ang kabuuan ng ating pananampalataya.” Kamakailan, ginunita ng simbahan ang “Taon ng Eukaristiya” bilang bahagi ng pagsisikap na “muling gisingin at pasiglahin ang pananampalataya sa Eukaristiya.”
Kahit ang mga Katolikong nag-aalinlangan sa kanilang relihiyon ay nananampalataya sa ritwal na ito. Halimbawa, sa isang kamakailang artikulo sa magasing Time, ganito ang isinulat ng isang babaing inilarawan bilang liberal na kabataang Katoliko: “Bagaman may pag-aalinlangan tayo sa mga doktrina ng simbahang Katoliko, patuloy tayong nangungunyapit sa kung ano ang nagbubuklod sa ating mga Katoliko: ang ating debosyon sa pagdiriwang ng Eukaristiya.”
Subalit ano nga ba ang Eukaristiya? Obligado ba ang mga tagasunod ni Kristo na isagawa ito? Tingnan muna natin kung paano nagsimula ang tradisyon ng Eukaristiya. Pagkatapos, maaari na nating sagutin ang isang mas mahalagang tanong: Ang Eukaristiya ba ay talagang kaayon ng pagdiriwang na pinasinayaan ni Jesu-Kristo halos 2,000 taon na ang nakalilipas?
Ang Eukaristiya at Sangkakristiyanuhan
Hindi naman kataka-taka kung bakit itinuturing na isang makahimalang seremonya ang Eukaristiya. Ang pinakatampok na bahagi ng seremonya ay ang panalangin para sa Eukaristiya. Sa pagkakataong ito, ayon sa Catechism of the Catholic Church, dahil sa “kapangyarihan ng mga salita at gawa ni Kristo, at kapangyarihan ng Espiritu Santo,” nagiging bahagi ng seremonya ang katawan at dugo ni Jesus. Pagkatapos kumain ng tinapay at uminom ng alak ang pari, inaanyayahan niya ang mga nagsisimba
na tumanggap ng Komunyon, kadalasan nang sa pamamagitan ng pagkain ng tinapay lamang, o ng ostiya.Itinuturo ng Simbahang Katoliko na ang tinapay at alak ay makahimalang nagbabagong-anyo tungo sa literal na katawan at dugo ni Kristo—isang doktrinang tinatawag na transubstantiation. Ang salitang ito ay unang binigyang-kahulugan at opisyal na ginamit noong ika-13 siglo. Mula noon, unti-unting naging popular ang turong ito. Sa panahon ng Repormasyong Protestante, ang ilang bagay tungkol sa Eukaristiya ng Katoliko ay kinuwestiyon. Tinutulan ni Luther ang doktrina ng transubstantiation, at sa halip ay itinaguyod ang consubstantiation. Hindi kapansin-pansin ang pagkakaiba ng dalawang ito. Ayon kay Luther, ang tinapay at alak ay hindi talaga nagbabagong-anyo. Sa halip, itinuro niya na nagiging isa ang tinapay at ang katawan ni Jesus, maging ang alak at ang dugo Niya.
Sa paglipas ng panahon, ang mga denominasyon ng Sangkakristiyanuhan ay nagkaroon ng kani-kaniyang pakahulugan sa Eukaristiya, gayundin sa kung paano at kung gaano kadalas itong dapat gunitain. Sa kabila nito, nananatiling napakahalagang bahagi ng Sangkakristiyanuhan ang ritwal ng Eukaristiya. Subalit paano ba isinagawa ang orihinal na pagdiriwang na sinimulan ni Jesus?
Ang Pagpapasimula sa “Hapunan ng Panginoon”
Si Jesus mismo ang nagpasimula sa “hapunan ng Panginoon,” o Memoryal ng kaniyang kamatayan. (1 Corinto 11:20, 24) Pero literal bang ipakakain ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang kaniyang katawan at ipaiinom sa kanila ang kaniyang dugo sa pamamagitan ng isang misteryosong ritwal?
Katatapos pa lamang ipagdiwang ni Jesus noon ang Paskuwa ng mga Judio. Hinayaan na rin niyang umalis si Hudas Iscariote, ang apostol na malapit nang magkanulo sa kaniya. Ganito ang ulat ni Mateo, isa sa 11 apostol na naroroon: “Habang nagpapatuloy sila sa pagkain, kumuha si Jesus ng tinapay at, pagkatapos bumigkas ng pagpapala, pinagputul-putol niya ito at, nang ibinibigay sa mga alagad, sinabi niya: ‘Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ay nangangahulugan ng aking katawan.’ Gayundin, kumuha siya ng isang kopa at, nang makapagpasalamat [Griego, eu·kha·ri·ste’sas], ibinigay niya ito sa kanila, na sinasabi: ‘Uminom kayo mula rito, kayong lahat; sapagkat ito ay nangangahulugan ng aking “dugo ng tipan,” na siyang ibubuhos alang-alang sa marami ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.’”—Mateo 26:26-28.
Para kay Jesus at sa lahat ng lingkod ng Diyos, mahalagang magpasalamat sa Diyos para sa pagkain. (Deuteronomio 8:10; Mateo 6:11; 14:19; 15:36; Marcos 6:41; 8:6; Juan 6:11, 23; Gawa 27:35; Roma 14:6) Makatuwiran bang isipin na habang nagpapasalamat si Jesus ay gumagawa rin siya ng himala upang literal na makain ng kaniyang mga tagasunod ang kaniyang laman at mainom ang kaniyang dugo?
Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
Ganito ang pagkakasalin ng ilang bersiyon ng Bibliya sa mga salita ni Jesus: “Kunin ninyo at kanin ninyo; . . . ito ang aking katawan,” at “Inumin ninyong lahat ito sapagkat ito ang aking dugo.” (Mateo 26:26-28, The Jerusalem Bible; Biblia ng Sambayanang Pilipino) Para sa mga pangungusap na “ito ang aking katawan” at “ito ang aking dugo,” ganito ang salin ng A New Translation of the Bible: “Ito’y nangangahulugan ng aking katawan” at “ito’y nangangahulugan ng aking dugo.” (Idinagdag namin ang mga italiko.) Ganito naman ang salin ng The Christian’s Bible—New Testament: “Ito’y kumakatawan sa aking katawan” at “ito’y kumakatawan sa aking dugo.” (Idinagdag namin ang mga italiko.) Ang mga saling ito ay kaugnay ng sinasabi sa konteksto, sa Mateo 26 talata 29, sa iba’t ibang bersiyong Katoliko. Halimbawa, kababasahan ang Biblia ng Sambayanang Pilipino ng: “Hindi na ako iinom pa ng katas na ito ng ubas hanggang sa araw na inumin kong kasalo ninyo ang bagong alak sa kaharian ng aking Ama.” (Idinagdag namin ang mga italiko.) Ayon naman sa The New Testament, The New American Bible, at Challoner—Douay Version, tinukoy ni Jesus ang laman ng kopa bilang “ang bungang ito ng ubas,” matapos niyang sabihing “ito ang aking dugo.”
Juan 8:12; 10:7; 15:1, The Jerusalem Bible; Magandang Balita Biblia; Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Walang anumang pahiwatig sa mga pangungusap na ito na makahimalang nagbagong-anyo si Jesus, hindi ba?
Isaalang-alang ang mga pangungusap na “ito ang aking katawan” at “ito ang aking dugo” sa liwanag ng iba pang malilinaw na pananalitang ginagamit sa Kasulatan. Sinabi rin ni Jesus, “Ako ang ilaw ng sanlibutan,” “Ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa,” at “Ako ang tunay na puno ng ubas.” (Ang punto ay, alinmang parirala ang ginamit ng isang partikular na bersiyon ng Bibliya para sa pagtukoy ni Jesus sa kaniyang katawan at dugo, hindi kailanman ibig sabihin ni Jesus na literal na kakainin ng kaniyang mga tagasunod ang kaniyang katawan at iinumin ang kaniyang dugo. Bakit hindi? Nang pahintulutan ng Diyos ang mga tao na kumain ng laman ng hayop matapos ang Baha noong panahon ni Noe, tuwiran niyang ipinagbawal ang pagkain ng dugo. (Genesis 9:3, 4) Ang utos na ito ay inulit sa Kautusang Mosaiko, na lubusan namang sinunod ni Jesus. (Deuteronomio 12:23; 1 Pedro 2:22) Pinatnubayan naman ng banal na espiritu ang mga apostol upang isulat na muli ang kautusan laban sa pagkain ng dugo, kaya kumakapit din ang utos na ito sa lahat ng Kristiyano. (Gawa 15:20, 29) Magpapasinaya ba si Jesus ng isang pagdiriwang na aakay sa pagkakasala ng kaniyang mga tagasunod laban sa sagradong kautusan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat? Imposible!
Kung gayon, maliwanag na ginamit ni Jesus ang tinapay at alak bilang mga simbolo. Ang tinapay na walang pampaalsa ay nangangahulugan ng—o lumalarawan sa—kaniyang walang-kasalanang katawan na ihahandog bilang pantubos. Ang pulang alak naman ay tumutukoy sa kaniyang dugo na ititigis “alang-alang sa marami ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.”—Mateo 26:28.
Ang Layunin ng Hapunan ng Panginoon
Tinapos ni Jesus ang unang pagdiriwang sa Hapunan ng Panginoon sa ganitong pananalita: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Lucas 22:19) Tinutulungan tayo ng pagdiriwang na alalahanin si Jesus at ang kamangha-manghang mga bagay na naisakatuparan sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan. Ipinaaalaala nito sa atin na itinaguyod ni Jesus ang soberanya ng kaniyang Ama, si Jehova. Ipinaaalaala rin nito sa atin na sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan bilang isang sakdal at walang-kasalanang tao, ibinigay ni Jesus ang “kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” Dahil dito, naging posible para sa sinumang mananampalataya sa kaniyang handog na mapalaya mula sa kasalanan at magkaroon ng buhay na walang hanggan.—Mateo 20:28.
Gayunman, ang Hapunan ng Panginoon ay pangunahin nang isang pagkaing pansalu-salo. Ang mga kasama rito ay (1) ang Diyos na Jehova, ang nagsaayos ng pantubos, (2) si Jesu-Kristo, “ang Kordero ng Diyos,” na naglaan ng kaniyang sarili bilang pantubos, at (3) ang espirituwal na mga kapatid ni Jesus. Sa pamamagitan ng pagkain ng tinapay at pag-inom ng alak, ipinakikita ng mga kapatid na ito ni Jesus na sila ay lubos na kaisa ng Kristo. (Juan 1:29; 1 Corinto 10:16, 17) Ipinakikita rin nila na sila ay kabilang sa “bagong tipan” bilang mga pinahiran-ng-espiritung mga alagad ni Jesus. Sila ang makakasama ni Kristo sa pamamahala sa langit bilang mga hari at saserdote.—Lucas 22:20; Juan 14:2, 3; Apocalipsis 5:9, 10.
Kailan ba dapat gunitain ang Memoryal? Maaalaala natin na si Jesus ay pumili ng isang partikular na petsa para sa pagpapasinaya ng pagdiriwang na ito. Itinaon niya ito noong Paskuwa. Taun-taóng ginugunita noon ng bayan ng Diyos ang petsang iyan, Nisan 14 sa kanilang kalendaryo. Ginawa nila ito sa loob ng mahigit 1,500 taon upang alalahanin ang kagila-gilalas na pagliligtas ni Jehova sa kaniyang bayan. Maliwanag na inaakay ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na gamitin ang petsang iyan para alalahanin ang pinakadakilang kapahayagan ng pagliligtas, na ginawang posible ng Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo. Kaya naman dinadaluhan ng tunay na mga tagasunod ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon taun-taon sa petsang katumbas ng Nisan 14 sa kalendaryong Hebreo.
Ginagawa ba nila ito bilang pagsunod sa isang ritwal? Ang totoo, iyan ang dahilan ng marami kung bakit nakikibahagi sila sa Eukaristiya. “Sa paanuman, nakapagpapaginhawang makibahagi sa sinaunang mga ritwal na isinasagawa ng napakaraming tao,” ang sabi ng manunulat ng artikulo sa Time na nabanggit na. Katulad ng maraming Katoliko sa ngayon, gusto niyang maidaos sa wikang Latin ang Eukaristiya gaya ng ginagawa noon. Bakit? Sinabi niya: “Gusto kong marinig ang Misa sa isang wikang hindi ko naiintindihan, kasi madalas na hindi ko nagugustuhan ang naririnig ko sa Ingles.”
Nalulugod ang mga Saksi ni Jehova, kasama na ang milyun-milyong mga interesado, na ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon sa kanilang sariling wika saanman sila nakatira. Nalulugod silang higit na maunawaan ang kahulugan at kahalagahan ng kamatayan ni Kristo. Ang ganitong mga katotohanan ay nararapat na bulay-bulayin at pag-usapan nang palagian. Para sa mga Saksi, ang pagdiriwang ng Memoryal ang pinakamainam na paraan upang alalahanin ang masidhing pag-ibig ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Tinutulungan sila nitong ‘patuloy na ihayag ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa dumating siya.’—1 Corinto 11:26.
[Talababa]
a Tinatawag din ang seremonya bilang ang Hapunan ng Panginoon, ang pagpuputul-putol ng tinapay, ang pagtitipong Eukaristiya, ang Banal na Handog, Komunyon, at Banal na Misa. Nagmula ang salitang “Eukaristiya” sa Griegong eu·kha·ri·sti’a, na nangangahulugang pasasalamat o pagpapasalamat.
[Blurb sa pahina 27]
Paano isinagawa ang pagdiriwang na sinimulan ni Jesus?
[Larawan sa pahina 28]
Pinasinayaan ni Jesus ang Memoryal ng kaniyang kamatayan
[Larawan sa pahina 29]
Paggunita sa Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo