Armagedon—Ang Digmaan ng Diyos na Tatapos sa Lahat ng Digmaan
Armagedon—Ang Digmaan ng Diyos na Tatapos sa Lahat ng Digmaan
“Itinuturing nilang nakapanghihilakbot ang pumatay ng kapuwa tao; kaya hindi nila maunawaan at masikmura ang digmaan, isang konsepto na walang katumbas na salita sa kanilang wika.”—PAGLALARAWAN NG NORWEGONG MANGGAGALUGAD NA SI FRIDTJOF NANSEN SA MGA KATUTUBO NG GREENLAND NOONG 1888.
SINO ba naman ang hindi gustong mamuhay sa isang lipunan kung saan ‘hindi maunawaan at masikmura’ ng mga tao ang digmaan? Sino ang hindi mananabik sa isang daigdig kung saan kahit ang salita para sa digmaan ay hindi umiiral sapagkat hindi alam doon kung ano ang digmaan? Baka isipin nating ilusyon lamang ang gayong daigdig, lalo na kung sa tao lamang tayo umaasa.
Gayunman, sa hula ni Isaias, ang Diyos mismo ang nangako ng gayong daigdig: “Pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
Upang matupad ang pangakong ito, maliwanag na napakaraming kailangang baguhin ngayon sa daigdig, kung saan 20 milyong sundalo ang aktibong nakikibahagi sa mga 20 digmaan. Hindi nakapagtataka, ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, ay kailangang makialam sa mga kaganapan sa daigdig. Ang pagkilos na ito ni Jehova ay hahantong sa tinatawag ng Bibliya na Armagedon.—Apocalipsis 16:14, 16.
Bagaman ang salitang “Armagedon” ay ginamit kamakailan upang tumukoy sa pagkatupok ng buong daigdig dahil sa mga sandatang nuklear, ganito inilarawan ng isang diksyunaryo ang pangunahing kahulugan ng salitang ito: “Ang dako kung saan magaganap ang napakahalaga at kahuli-hulihang pagtutunggali ng mabuti at masama.” Talaga nga kayang madaraig ng mabuti ang masama, o isa lamang likha ng guniguni ang gayong labanan?
Nakaaaliw ang mensahe ng Bibliya sapagkat paulit-ulit nitong binabanggit ang tungkol sa wakas ng kasamaan. “Ang mga makasalanan ay malilipol mula sa lupa,” ang inihula ng salmista. “Kung tungkol sa mga balakyot, sila ay mawawala na.” (Awit 104:35) “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito,” ang sabi ng aklat ng Kawikaan. “Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.”—Kawikaan 2:21, 22.
Awit 2:2) Kapansin-pansin ang tawag ng Bibliya sa natatanging labanang ito—Armagedon.
Nililiwanag ng Bibliya na hindi isusuko ng mga balakyot ang kanilang kapangyarihan nang walang labanan; kaya kailangan ang isang pangwakas na digmaan na tatapos sa lahat ng kasamaan, pati na sa mga pagdurusang dulot ng digmaan. (Mga Digmaang Naganap Malapit sa Megido
Ang salitang “Armagedon” ay nangangahulugang “Bundok ng Megido.” Maraming makasaysayang digmaan ang naganap sa sinaunang lunsod ng Megido, pati na sa nakapalibot na Libis ng Jezreel. “Sa Megido at sa Libis ng Jezreel naganap ang mga digmaang bumago sa takbo ng sibilisasyon,” ang isinulat ng istoryador na si Eric H. Cline sa The Battles of Armageddon.
Gaya ng binanggit ni Cline, makasaysayan ang mga digmaang naganap sa Megido. Sa libis na ito nakatikim ng unang pagkatalo ang mga hukbong Mongol, na sumakop sa kalakhang bahagi ng Asia noong ika-13 siglo. Noon namang unang digmaang pandaigdig, nalupig ng mga hukbong Britano sa pangunguna ni Heneral Edmund Allenby ang mga Turko, di-kalayuan sa Megido. Inilalarawan ng isang istoryador ang tagumpay ni Allenby bilang “isa sa pinakamabilis na opensibang militar at isa sa pinakamakasaysayang labanan.”
Naganap din malapit sa Megido ang mahahalagang digmaang iniulat sa Bibliya. Doon tinalo ni Hukom Barak ang mga hukbong Canaanita na pinamumunuan ni Sisera. (Hukom 4:14-16; 5:19-21) Malapit sa lugar na ito pinabagsak ni Gideon, kasama ng isang maliit na pangkat ng 300 sundalo, ang napakalaking hukbong Midianita. (Hukom 7:19-22) Sa kalapit na Bundok Gilboa namatay si Haring Saul at ang kaniyang anak na si Jonatan nang magapi ng mga hukbong Filisteo ang mga sundalong Israelita.—1 Samuel 31:1-7.
Dahil sa estratehikong lokasyon ng Megido at ng kalapit nitong libis, napakaraming digmaang naganap dito sa nakalipas na 4,000 taon. Ayon sa pagbilang ng isang istoryador, di-kukulangin sa 34!
Ang kasaysayan ng Megido at ang estratehikong lokasyon nito ay tiyak na nauugnay sa makasagisag na paggamit ng salitang “Armagedon.” Bagaman minsan lamang ginamit sa Bibliya ang salitang
ito, nililinaw ng konteksto sa aklat ng Apocalipsis na makaaapekto ang Armagedon sa lahat ng tao sa lupa.Armagedon Ayon sa Bibliya
Bagaman makasaysayan ang maraming digmaang naganap malapit sa Megido, walang isa man sa mga ito ang nakapag-alis ng kasamaan. Hindi pa rin talaga lubusang nagtagumpay ang mabuti laban sa masama. Kung sa bagay, ang Diyos lamang ang makapagpapasimula ng labanan na talagang tatapos sa kasamaan. Minsan ay sinabi ni Jesus, “walang sinumang mabuti, maliban sa isa, ang Diyos.” (Lucas 18:19) Bukod diyan, tuwirang tinutukoy ng Bibliya ang Armagedon bilang ang digmaan ng Diyos.
Sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis, binabanggit na ang “mga hari ng buong tinatahanang lupa” ay ‘titipunin sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.’ (Apocalipsis 16:14) Sinabi pa ng hula: “At kanilang tinipon sila sa dako na sa Hebreo ay tinatawag na Har-Magedon,” o Armagedon. a (Apocalipsis 16:16) Sa sumunod pang mga kabanata ng Apocalipsis, ipinaliliwanag na “ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo” ay titipunin “upang makipagdigma sa isa na nakaupo sa kabayo at sa kaniyang hukbo.” (Apocalipsis 19:19) Ayon sa Bibliya, si Jesu-Kristo ang mangangabayong ito.—1 Timoteo 6:14, 15; Apocalipsis 19:11, 12, 16.
Ano ang itinuturo sa atin ng mga tekstong ito? Nililinaw ng mga ito na ang Armagedon ay digmaan ng Diyos laban sa mga hukbo ng masuwaying sangkatauhan. Bakit hahayo si Jehova at ang kaniyang Anak na si Jesu-Kristo sa gayong digmaan? Unang-una, ‘ipapahamak ng Armagedon yaong mga nagpapahamak sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Bukod diyan, magbibigay-daan ito sa isang mapayapang sanlibutan, “isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa . . . pangako [ng Diyos],” kung saan “tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
Bakit Kailangan ang Armagedon?
Nahihirapan ka bang unawain kung bakit aatasan ni Jehova, isang “Diyos ng pag-ibig,” ang kaniyang Anak, ang “Prinsipe ng Kapayapaan,” upang makipagdigma? (2 Corinto 13:11; Isaias 9:6) Tiyak na magiging malinaw sa iyo ang mga bagay-bagay kung malalaman mo ang kanilang motibo. Inilalarawan si Jesus sa aklat ng Mga Awit bilang isang mandirigmang nakasakay sa kabayo. Bakit siya nakikipaglaban? Ipinaliwanag ng salmista na humahayo si Kristo “alang-alang sa katotohanan at kapakumbabaan at katuwiran.” Nakikipagdigma siya dahil iniibig niya ang katuwiran at kinapopootan ang kasamaan.—Awit 45:4, 7.
Inilalarawan din ng Bibliya ang nadarama ni Jehova sa kawalang-katarungang nakikita niya sa daigdig ngayon. “Ang PANGINOON ay tumingin at hindi nasiyahan pagkat walang katarungan,” ang isinulat ni propeta Isaias. “Inilagay niya ang katuwiran bilang kanyang baluti, at isunuot sa ulo ang helmet ng kaligtasan. Isinuot niya ang damit ng paghihiganti, at ang sarili’y binalot ng sigasig bilang balabal.”—Isaias 59:15, 17, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Hangga’t nasa kapangyarihan ang masasamang tao, hindi magiging payapa at tiwasay ang matuwid na mga tao. (Kawikaan 29:2; Eclesiastes 8:9) Katambal na ng mga taong balakyot ang katiwalian at kasamaan. Kaya magkakaroon lamang ng kapayapaan kapag nilipol na ang masasama. “Ang balakyot ay pantubos para sa matuwid,” ang isinulat ni Solomon.—Kawikaan 21:18.
Yamang ang Diyos ang Hukom, makatitiyak tayo na matuwid ang lahat ng gagawin niyang paghatol sa masasama. “Hindi ba yaong tama ang gagawin ng Hukom ng buong lupa?” ang tanong ni Abraham. Napatunayan ni Abraham na laging tama si Jehova! (Genesis 18:25) Bukod diyan, tinitiyak sa atin ng Bibliya na hindi natutuwa si Jehova na puksain ang masasama; gagawin lamang niya ito kapag ayaw na talaga nilang magbago.—Ezekiel 18:32; 2 Pedro 3:9.
Huwag Ipagwalang-Bahala ang Armagedon
Kanino tayo papanig sa mahalagang labanang ito? Ang karamihan sa atin ay agad na magsasabing nasa panig tayo ng kabutihan. Pero paano tayo makatitiyak? “Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan,” ang paghimok ni propeta Zefanias. (Zefanias 2:3) Kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan,” ang sabi ni apostol Pablo.—1 Timoteo 2:4.
Ang unang hakbang para maligtas ay ang pag-aralan ang katotohanan hinggil kay Jehova at sa kaniyang layunin na alisin sa lupa ang kasamaan. Ang ikalawang hakbang ay ang magsagawa ng katuwiran upang sang-ayunan tayo at ipagsanggalang ng Diyos.
Kung gagawin natin ang mahahalagang hakbang na ito, hindi natin katatakutan ang Armagedon. Maaari pa nga nating asam-asamin ang pagdating ng digmaang ito na talagang tatapos sa digmaan ng mga tao. Pagkatapos ng digmaang ito, maninirahan ang mga tao sa isang daigdig kung saan hindi na mauunawaan at masisikmura ang digmaan. “[Hindi na sila] mag-aaral pa man . . . ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
[Talababa]
a Para sa pagtalakay kung ang Armagedon ba ay isang literal na dako, tingnan ang artikulong “Tanong ng mga Mambabasa,” sa pahina 31.
[Blurb sa pahina 5]
Ang pakikialam ng Diyos sa mga kaganapan sa daigdig ay tinatawag na Armagedon
[Larawan sa pahina 6]
Megido
[Larawan sa pahina 6]
Nagwagi si Gideon at ang kaniyang hukbo sa isang mahalagang digmaan malapit sa Megido
[Larawan sa pahina 6, 7]
Pagkatapos ng Armagedon, mawawala na sa isip ng mga tao ang digmaan
[Larawan sa pahina 8]
Ang unang hakbang para maligtas ay ang pag-aralan ang katotohanan hinggil kay Jehova at sa kaniyang layunin