Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magugunaw Kaya ang Lupa?

Magugunaw Kaya ang Lupa?

Magugunaw Kaya ang Lupa?

NAITANONG mo na ba, ‘Ano kaya ang kahihinatnan ng lupa?’ Dahil sa mga nangyayari sa ating magandang planeta, marami ang naniniwalang hindi magtatagal ang lupa.

Oo, ang lupa sa ngayon ay nasisira dahil sa pag-abuso sa mahahalagang yaman nito, gaya ng tubig, kagubatan, at hangin. Bukod diyan, nagbababala ang mga siyentipiko na maaaring mawasak ang lupa at malipol ang mga nabubuhay rito dahil sa pagbulusok ng dambuhalang bulalakaw, pagsabog ng bituin, o pagkasaid ng hidroheno ng araw.

Naniniwala ang mga siyentipiko na sa kalaunan​—marahil pagkalipas ng bilyun-bilyong taon​—hindi na masusustinihan ng lupa ang mga tao. Inilalarawan ito ng Encyclopædia Britannica bilang ang “tendensiyang tuluyang mawala sa kaayusan” ang lahat ng bagay.

Pero tinitiyak sa atin ng Bibliya na hindi pahihintulutan ng Diyos na Jehova na magunaw o hindi na mapanirahan pa ang lupa. Bilang Maylalang, sagana ang kaniyang “dinamikong lakas,” kaya mapananatili niya at matutustusan ang uniberso magpakailanman. (Isaias 40:26) Kaya makapagtitiwala ka sa mga salitang ito: “Itinatag [ng Diyos] ang lupa sa mga tatag na dako nito; hindi ito makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” “Purihin ninyo siya, ninyong araw at buwan. Purihin ninyo siya, ninyong lahat na mga bituin ng liwanag. . . . Sapagkat siya ang nag-utos, at sila ay nalalang. At pinananatili niya sila magpakailanman.”​—Awit 104:5; 148:3-6.

Ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa

Hindi kailanman nilayon ng Diyos na abusuhin at dumhan ng mga tao ang lupa gaya ng nangyayari sa ngayon. Sa halip, nilalang ng Diyos ang unang lalaki at babae, sina Adan at Eva, at inilagay niya sila sa isang magandang hardin. Siyempre pa, hindi mananatiling maganda ang kanilang Paraisong tahanan kung walang mangangalaga rito. Inatasan sila ng Diyos na “sakahin [iyon] at ingatan.” (Genesis 2:8, 9, 15) Talaga namang kasiya-siya ang gawaing ibinigay ng Diyos sa ating dating sakdal na mga magulang!

Pero ang layunin ng Diyos para sa lupa ay hindi natatapos sa pag-aalaga sa maliit na harding iyon. Gusto rin niyang maging paraiso ang buong lupa. Kaya naman ganito ang iniutos ng Diyos kina Adan at Eva: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa.”​—Genesis 1:28.

Nakalulungkot, ang layunin ng Diyos ay sinalungat ng isang hambog na anghel na nakilala bilang si Satanas. Napakatindi ng paghahangad niyang sambahin siya nina Adan at Eva. Gumamit si Satanas ng isang ahas para makipag-usap sa kanila anupat nahikayat silang maghimagsik sa pamamahala ng Diyos. (Genesis 3:1-6; Apocalipsis 12:9) Tiyak na nasaktan nang husto ang ating Maylalang dahil sa kanilang kasakiman at kawalan ng utang na loob! Pero kahit na naghimagsik sila, hindi naman nagbago ang layunin ng Diyos na Jehova para sa lupa. Sinabi niya: “Ang aking salita na lumalabas sa aking bibig [ay] hindi . . . babalik sa akin nang walang resulta, kundi gagawin nga nito yaong kinalulugdan ko, at ito ay tiyak na magtatagumpay sa bagay na pinagsuguan ko nito.”​—Isaias 55:11.

May mabuting dahilan si Jehova kung bakit hinahayaan niyang magpatuloy sa paghihimagsik si Satanas hanggang sa panahon natin. Sa loob ng panahong ito, sumubok ang sangkatauhan ng maraming uri ng pamahalaan, at pinatutunayan ng mga resulta na ang pagiging hiwalay sa Diyos, gaya ng itinataguyod ni Satanas, ay humahantong sa ganap na pagkabigo. a​—Jeremias 10:23.

Sa kabilang banda, sa nakalipas na libu-libong taon, pinagpala ni Jehova ang tapat na mga tao. Iningatan din niya sa Bibliya ang ulat na nagpapakita kung ano ang ibinubunga ng pagsunod sa Diyos at ng pagtanggi sa kaniyang pamamahala. Bukod diyan, gumawa si Jehova ng kamangha-manghang mga bagay para makinabang tayo sa hinaharap. Dahil sa pag-ibig, ang Diyos ay naglaan ng Tagapagligtas sa sangkatauhan. Isinugo niya ang kaniyang mahal na Anak, si Jesu-Kristo, upang ituro sa atin kung paano natin gagamitin ang ating buhay sa pinakamainam na paraan at upang ibigay ang kaniyang buhay para sa atin. (Juan 3:16) Dahil hindi naman karapat-dapat mamatay si Jesus, ginamit ng Diyos ang kaniyang kamatayan bilang saligan upang maibigay niya sa sangkatauhan ang naiwala nina Adan at Eva, samakatuwid nga, ang pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa pangglobong paraiso. b Sa layuning ito, itinatag ng Diyos na Jehova ang isang makalangit na pamahalaan upang mamuno sa buong sangkatauhan, at inatasan niya ang kaniyang Anak, ang binuhay-muling si Jesu-Kristo, upang maging Hari ng Kahariang iyon. Sa pamamagitan ng kamangha-manghang kaayusang ito, tiyak na matutupad ang layunin ng Diyos para sa lupa.​—Mateo 6:9, 10.

Kaya lubos kang makapagtitiwala sa napakagandang mga pangakong ito na nakaulat sa Bibliya: “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong mga umaasa kay Jehova ang siyang magmamay-ari ng lupa. Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” “‘Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’ At ang Isa na nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’”​—Awit 37:9, 29; Apocalipsis 21:3-5.

Hindi Nagkakasalungatan ang Nilalaman ng Bibliya

Pero baka itanong ng ilan, ‘Paano natin iuugnay ang siniping mga teksto sa itaas sa iba pang talata sa Bibliya na waring tumutukoy sa pagkagunaw ng lupa?’ Isaalang-alang natin ang ilang halimbawa. Makikita natin na hindi naman talaga nagkakasalungatan ang nilalaman ng Bibliya.

Matagal na panahon bago pa man natanto ng mga siyentipiko na ang lahat ng pisikal na mga bagay ay may “tendensiyang . . . mawala sa kaayusan,” isinulat na ng isang salmista sa Bibliya: “Inilagay mo [samakatuwid nga, ng Diyos] ang saligan ng daigdig, at ang kalangitan ay gawa ng ’yong mga kamay. Mapaparam ang mga ito, ngunit ikaw ay mananatili; lahat sila’y mawawasak tulad ng isang damit. Tulad ng kasuotan, papalitan mo sila at mawawalan ng halaga. Ngunit hindi ka magbabago, at ang mga taon mo’y hindi magwawakas.”​—Awit 102:25-27, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

Sa pagsulat sa mga salitang ito, hindi naman sinasalungat ng salmista ang walang-hanggang layunin ng Diyos para sa lupa. Sa halip, sinasabi lamang niya na di-tulad ng Diyos na walang hanggan ang pag-iral, ang lahat ng mga bagay na nilalang ng Diyos ay maaaring maglaho. Kung hindi dahil sa walang-hanggang kapangyarihan ng Diyos na siyang nagpapakilos sa uniberso​—pati na sa sistema solar na nagpapanatili sa lupa sa orbit nito at naglalaan din naman sa atin ng liwanag at enerhiya​—tuluyan itong mawawala sa kaayusan at bubulusok sa lubusang pagkawasak. Kaya kung ang lupa lamang ang susustine sa sarili nito, “mawawasak” ito, o sasapit sa katapusan.

May iba pang teksto sa Kasulatan na waring sumasalungat sa inihayag na layunin ng Diyos para sa lupa. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya na ang langit at lupa ay ‘lumilipas.’ (Apocalipsis 21:1) Tiyak namang hindi salungat ang mga salitang ito sa pangako ni Jesus: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:5) Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng pananalita sa Bibliya na ang langit at lupa ay ‘lumilipas’?

Sa Bibliya, kadalasang ginagamit ang salitang “lupa” sa makasagisag na paraan upang tumukoy sa lipunan ng tao. Halimbawa, isaalang-alang ang tekstong ito: “Ang buong lupa ay nagpatuloy na iisa ang wika at iisa ang kalipunan ng mga salita.” (Genesis 11:1) Maliwanag naman, ang “lupa” na tinutukoy rito ay ang mga taong nabubuhay sa lupa. Ang isa pang halimbawa ay ang Awit 96:1, na sa salin ng Ang Biblia ay nagsasabi ng ganito: “Magsiawit kayo sa Panginoon, boong lupa.” Sa tekstong ito at sa maraming iba pang talata sa Bibliya, ang salitang “lupa” ay maliwanag na ginagamit sa makasagisag na diwa upang tumukoy sa mga tao.​—Awit 96:13.

Kung minsan, ang namamahalang mga kapangyarihan sa lupa ay inihahalintulad ng Bibliya sa langit o sa mga bagay sa kalangitan. Halimbawa, ang mapaniil na mga tagapamahala ng Babilonya ay sinasabing gaya ng mga bituin, sapagkat itinaas nila ang kanilang sarili sa kanilang mga nasasakupan. (Isaias 14:12-14) Gaya ng inihula, ang makasagisag na “langit” na tumutukoy sa mga taong namamahala sa Babilonya, at ang “lupa” na lumalarawan naman sa mga tagasuporta ng pamamahalang iyon, ay nagwakas noong 539 B.C.E. (Isaias 51:6) Dahil dito, ang nagsising mga Judio ay nakabalik sa Jerusalem, kung saan isang “bagong langit”​—isang bagong lupon ng mga tagapamahala​—ang namuno sa isang “bagong lupa”​—isang matuwid na lipunan ng mga tao.​—Isaias 65:17.

Nang banggitin ng Bibliya na ‘lumilipas’ ang langit at lupa, lumilitaw na ang tinutukoy nito ay ang katapusan ng tiwaling mga pamahalaan ng tao sa ngayon at ng kanilang di-makadiyos na mga tagasuporta. (2 Pedro 3:7) Sa panahong iyon, pagpapalain ng bagong pamahalaan ng Diyos sa langit ang matuwid na bagong lipunan ng tao, sapagkat “may mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa . . . pangako [ng Diyos], at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”​—2 Pedro 3:13.

Kaya makapagtitiwala ka sa pangako ng Diyos na ang lupang tinatahanan natin ay mananatili magpakailanman. Bukod diyan, ipinakikita ng Bibliya kung ano ang dapat mong gawin upang mapabilang ka sa mamumuhay nang napakaligaya sa lupa kapag ito ay naging pangglobong paraiso na. Sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Bakit hindi mo sikaping suriin kung ano ang itinuturo ng Bibliya hinggil sa kinabukasan ng lupa at ng sangkatauhan? Malulugod ang mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar na tulungan kang gawin ito.

[Mga talababa]

a Para sa pagtalakay kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa, tingnan ang pahina 106-14 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

b Para sa higit pang impormasyon hinggil sa sakripisyong kamatayan ni Jesus, tingnan ang pahina 47-56 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?

[Blurb sa pahina 12]

Ipinangangako ng Bibliya na mananatili magpakailanman ang lupang tinatahanan natin

[Picture Credit Lines sa pahina 10]

Background globe: NASA/The Visible Earth (http://visibleearth.nasa.gov/); polar bear: © Bryan and Cherry Alexander Photography