Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tularan ang Kanilang Pananampalataya

Naghintay Siya at Naging Mapagbantay

Naghintay Siya at Naging Mapagbantay

NAIS ni Elias na makipag-usap nang sarilinan sa kaniyang makalangit na Ama. Pero kasasaksi pa lamang ng pulu-pulutong na mga tao sa pagpapababa ng tunay na propeta ng apoy mula sa langit, at marami sa mga ito ang gustong magpalakas upang makuha ang loob ni Elias. Bago pa man makaahon si Elias sa taluktok ng Bundok Carmel upang manalangin sa Diyos na Jehova nang sarilinan, napaharap siya sa isang mahirap na atas. Kinailangan niyang kausapin si Haring Ahab.

Magkaibang-magkaiba ang dalawang lalaking ito. Si Ahab, na nagagayakan ng maharlikang kasuutan, ay isang sakim na apostata, pero duwag. Si Elias naman ay nadaramtan ng opisyal na kasuutan ng isang propeta​—isang simpleng damit na maaaring gawa sa balat ng hayop o hinabing balahibo ng kamelyo o kambing. Siya ay isang lalaki na may pambihirang lakas ng loob, katapatan, at pananampalataya. Dapit-hapon na, at marami nang naisiwalat hinggil sa karakter ng dalawang lalaking ito. a

Matinding kahihiyan ang inabot ni Ahab at ng iba pang mananamba ni Baal nang araw na iyon. Dumanas ng matinding dagok ang paganong relihiyon na itinaguyod ni Ahab at ng kaniyang asawang si Reyna Jezebel sa sampung-tribong kaharian ng Israel. Nabunyag ang pagiging huwad ni Baal. Kahit isang maliit na sindi lamang ng apoy ay hindi pa nagawa ng walang-buhay na diyos na ito, sa kabila ng desperadong pamamanhik, pagsasayaw, at ritwal na pagpapatulo ng dugo ng kaniyang mga propeta. Hindi nailigtas ni Baal ang 450 lalaking iyon sa hatol na kamatayan, na nararapat lamang sa kanila. Ngunit hindi diyan natatapos ang kabiguan ng huwad na diyos na ito. Isang ganap na kabiguan ang matitikman niya. Sa loob ng mahigit tatlong taon, nagmakaawa ang mga propeta ni Baal sa kanilang diyos na tapusin na ang tagtuyot na sumasalot sa lupain, pero walang nagawa si Baal. Hindi na magtatagal, ipakikita mismo ni Jehova kung sino talaga ang tunay na Diyos, sa pamamagitan ng pagtapos sa tagtuyot.​—1 Hari 16:30–17:1; 18:1-40.

Subalit kailan kikilos si Jehova? Ano kaya ang gagawin ni Elias habang hinihintay ang pagkilos ni Jehova? At ano ang matututuhan natin sa tapat na lalaking ito? Upang malaman ang sagot sa mga tanong na ito, suriin natin ang ulat sa 1 Hari 18:41-46.

Isang Mabuting Halimbawa sa Pananalangin

Nilapitan ni Elias si Ahab at sinabi rito: “Umahon ka, kumain ka at uminom; sapagkat may hugong ng ingay ng ulan.” (Talata 41) Natauhan na kaya ang balakyot na haring ito matapos masaksihan ang mga nangyari nang araw na iyon? Hindi nagbibigay ng espesipikong sagot ang ulat, pero wala tayong makikitang palatandaan na si Ahab ay nagsisi, o nakiusap man sa propeta na tulungan siyang lumapit kay Jehova upang humingi ng tawad. Sa halip, si Ahab ay basta “umahon upang kumain at uminom.” (Talata 42) Ano naman ang ginawa ni Elias?

“Kung tungkol kay Elias, umahon siya sa taluktok ng Carmel at nagsimulang yumukyok sa lupa at inilagay ang kaniyang mukha sa pagitan ng kaniyang mga tuhod.” Habang nagpapakabusog si Ahab, sinamantala naman ni Elias ang pagkakataon para manalangin sa kaniyang Ama. Kitang-kita ang kaniyang kapakumbabaan​—nakaluhod at nakasubsob si Elias, anupat halos dumikit na ang mukha niya sa kaniyang tuhod. Ano ang ipinapanalangin ni Elias? Hindi na natin kailangan pang hulaan. Sinasabi ng Bibliya sa Santiago 5:18 na nanalangin si Elias na matapos na ang tagtuyot. Walang-alinlangang iyan ang hiniling niya kay Jehova noong nasa taluktok siya ng Carmel.

Bago nito, sinabi ni Jehova: “Ako ay determinadong magbigay ng ulan sa ibabaw ng lupa.” (1 Hari 18:1) Kaya nanalangin si Elias na sana’y matupad na ang inihayag na kalooban ng kaniyang Ama, gaya ng panalanging itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad pagkalipas ng mga isang libong taon.​—Mateo 6:9, 10.

Marami tayong matututuhan sa halimbawa ni Elias tungkol sa pananalangin. Pangunahin kay Elias ang katuparan ng kalooban ng kaniyang Ama. Kapag nananalangin tayo, mahalagang tandaan: “Anumang bagay ang hingin natin ayon sa . . . kalooban [ng Diyos], tayo ay pinakikinggan niya.” (1 Juan 5:14) Kung gayon, upang pakinggan ng Diyos ang ating mga panalangin, maliwanag na kailangan nating alamin ang kaniyang kalooban at iayon dito ang ating mga panalangin​—isang matibay na dahilan para gawing bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay ang pag-aaral ng Bibliya. Tiyak na gusto rin ni Elias na matapos na ang tagtuyot dahil sa nakikita niyang pagdurusa ng kaniyang mga kababayan. Malamang na napakalaki ng pasasalamat niya sa himalang ginawa ni Jehova nang araw na iyon. Dapat din nating idalangin ang kapakanan ng iba at ipahayag sa Diyos ang ating taos-pusong pasasalamat.​—2 Corinto 1:11; Filipos 4:6.

May Tiwala at Mapagbantay

Sigurado si Elias na kikilos si Jehova upang tapusin ang tagtuyot, pero ang hindi niya sigurado ay kung kailan ito gagawin ni Jehova. Kaya ano muna ang ginawa ng propeta? Pansinin ang sinasabi ng talata 43: “Sinabi niya sa kaniyang tagapaglingkod: ‘Umahon ka, pakisuyo. Tumingin ka sa direksiyon ng dagat.’ Kaya umahon siya at tumingin at pagkatapos ay nagsabi: ‘Wala akong nakikita.’ At siya ay nagsabi, ‘Bumalik ka,’ nang pitong ulit.” Mayroon tayong matututuhan sa halimbawa ni Elias sa bagay na ito. Ang isa ay tungkol sa pagtitiwala ng propeta, at ang isa pa, sa kaniyang pagiging mapagbantay.

Sabik si Elias na makita ang tanda na malapit nang kumilos si Jehova, kaya pinaakyat niya ang kaniyang tagapaglingkod sa isang mataas na dako para tingnan kung may nagbabadyang ulan. Nang bumalik ang tagapaglingkod, matamlay niyang sinabi: “Wala akong nakikita.” Maaliwalas ang kalangitan. Pero sandali, may napansin ka bang kakaiba? Tandaan, kasasabi pa lamang ni Elias kay Haring Ahab: “May hugong ng ingay ng ulan.” Bakit kaya sinabi ng propeta ang bagay na iyan gayong wala naman silang makitang makapal na ulap?

Alam ni Elias ang pangako ni Jehova. Bilang propeta at kinatawan ni Jehova, sigurado siyang tutuparin ng kaniyang Diyos ang Kaniyang salita. Sa laki ng tiwala ni Elias, para bang naririnig na niya ang malakas na buhos ng ulan. Ipinaaalaala nito sa atin ang paglalarawan ng Bibliya kay Moises: “Nagpatuloy siyang matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita.” Totoong-totoo rin ba sa iyo ang Diyos? Nagbibigay siya ng sapat na dahilan para magkaroon tayo ng gayong tiwala sa kaniya at sa kaniyang mga pangako.​—Hebreo 11:1, 27.

Tingnan naman natin kung paano naging mapagbantay si Elias. Hindi lamang isa o dalawang beses niyang pinaakyat sa mataas na dako ang kaniyang tagapaglingkod, kundi pitong beses! Maguguniguni natin ang pagod na inabot ng tagapaglingkod sa pagpapabalik-balik, pero nanatiling sabik si Elias sa pagdating ng tanda at hindi siya sumuko. Sa wakas, pagkatapos ng ikapitong pag-akyat ng tagapaglingkod, iniulat nito: “Narito! May isang maliit na ulap na tulad ng palad ng isang tao na umaahon mula sa dagat.” (Talata 44) Naiisip mo ba ang hitsura ng tagapaglingkod habang nakaunat ang kaniyang bisig at tila sinusukat ng kaniyang palad ang munting ulap na “umaahon mula sa [Malaking Dagat]”? b Baka bale-wala lamang ito sa tagapaglingkod. Pero para kay Elias, ang ulap na iyon ay isang mahalagang tanda. Inutusan niya ngayon ang kaniyang tagapaglingkod: “Umahon ka, sabihin mo kay Ahab, ‘Magsingkaw ka! At lumusong ka upang hindi ka mapigilan ng ulan!’”

Muli, nagbigay si Elias ng isang napakahusay na halimbawa para sa atin. Tayo rin ay nabubuhay sa isang panahon kung kailan malapit nang kumilos ang Diyos para tuparin ang kaniyang inihayag na layunin. Hinintay ni Elias ang katapusan ng tagtuyot; hinihintay rin ng mga lingkod ng Diyos sa ngayon ang katapusan ng napakasamang sistema ng mga bagay ng sanlibutan. (1 Juan 2:17) Gaya ni Elias, kailangan nating maging mapagbantay hanggang sa kumilos ang Diyos na Jehova. Ganito ang payo ng mismong Anak ng Diyos, si Jesus, sa kaniyang mga tagasunod: “Patuloy kayong magbantay, kung gayon, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.” (Mateo 24:42) Ang ibig bang sabihin ni Jesus ay mangangapa sa dilim ang kaniyang mga tagasunod hinggil sa takdang panahon ng pagsapit ng wakas? Hindi, sapagkat marami siyang sinabi hinggil sa magiging kalagayan ng sanlibutan bago dumating ang wakas. Lahat tayo ay maaaring matuto hinggil sa detalyadong tandang iyan ng “katapusan ng sistema ng mga bagay.”​—Mateo 24:3-7. c

Ang bawat bahagi ng tandang iyan ay nagbibigay ng matibay at nakakukumbinsing ebidensiya. Hindi pa ba sapat ang mga iyan para kumilos na tayo ngayon? Sapat na ang isang munting ulap para makumbinsi si Elias na malapit nang kumilos si Jehova. Nabigo ba ang tapat na propeta sa kaniyang inaasahan?

Nagdudulot si Jehova ng Kaginhawahan at mga Pagpapala

Nagpapatuloy ang ulat: “Nang pagkakataong iyon, ang langit ay nagdilim dahil sa mga ulap at hangin at isang malakas na ulan ang nagsimulang dumating. At si Ahab ay patuloy na sumakay at yumaon patungo sa Jezreel.” (Talata 45) Napakabilis ng mga pangyayari. Habang inihahatid ng tagapaglingkod ni Elias ang mensahe ng propeta kay Ahab, dumami ang munting ulap anupat kumulimlim ang langit. Pagkatapos, humihip ang malakas na hangin. Sa wakas, pagkalipas ng tatlo’t kalahating taon, nakatikim din ng ulan ang lupain ng Israel. d Napatid ang uhaw ng tigang na tigang na lupa. Nang lumakas ang buhos ng ulan, umapaw ang ilog ng Kison, at siguradong nahugasan ang dugong dumanak mula sa mga propeta ni Baal. Nagkaroon ng pagkakataon ang masuwaying mga Israelita na linisin ang karima-rimarim na bahid ng pagsamba kay Baal sa lupain.

Tiyak na iyan nga ang gustong mangyari ni Elias! Magsisisi ba si Ahab at tatalikod mula sa napakaruming pagsamba kay Baal? Sa dami ng nangyari nang araw na iyon, may matitibay na sana siyang dahilan para magbago. Siyempre pa, hindi natin alam kung ano ang nasa isip ni Ahab nang pagkakataong iyon. Sinasabi lamang ng ulat na ang hari ay “patuloy na sumakay at yumaon patungo sa Jezreel.” Natauhan na ba siya? Handa na ba siyang magbago? Ipinahihiwatig ng sumusunod na mga pangyayari na ang sagot ay hindi. Subalit hindi pa tapos ang araw ng pagtutuos.

Sinimulang tahakin ng propeta ni Jehova ang daang binagtas ni Ahab. Mahaba ang paglalakbay, maputik at madilim ang daan. Pero kakaiba ang sumunod na nangyari.

“Ang mismong kamay ni Jehova ay suma kay Elias, anupat binigkisan niya ang kaniyang mga balakang at tumakbo nang una pa kay Ahab hanggang sa Jezreel.” (Talata 46) Maliwanag, “ang mismong kamay ni Jehova” ay umalalay kay Elias sa isang kahima-himalang paraan. Mga 30 kilometro pa ang layo ng Jezreel, at may-edad na rin naman si Elias. e Ilarawan sa iyong isip ang propeta habang ibinibigkis niya ang kaniyang mahabang kasuutan sa kaniyang balakang upang malaya siyang makagalaw, at pagkatapos ay tumatakbo sa maputik na daanang iyon​—tumatakbo nang napakabilis anupat naabutan niya, nalampasan, at napag-iwanan pa nga ang karo ng hari!

Isa ngang pagpapala iyan para kay Elias! Ang madama ang gayong lakas, sigla, at resistensiya​—marahil nang higit pa sa naramdaman niya noong kabataan pa lamang siya​—ay talagang isang kapana-panabik na karanasan. Ipinaaalaala nito sa atin ang mga hulang tumitiyak ng sakdal na kalusugan at kalakasan para sa tapat na mga indibiduwal sa darating na makalupang Paraiso. (Isaias 35:6; Lucas 23:43) Habang tumatakbo si Elias sa maputik na daang iyon, nakatitiyak siyang taglay niya ang pagsang-ayon ng kaniyang Ama, ang tanging tunay na Diyos, si Jehova!

Sabik si Jehova na magbigay ng mga pagpapala. Kaya naman sulit ang anumang pagsisikap na magagawa natin para maabot ang mga pagpapalang iyan. Gaya ni Elias, kailangan nating maging mapagbantay, habang maingat na isinasaalang-alang ang matibay na ebidensiyang nagpapakita na malapit nang kumilos si Jehova sa mapanganib na panahong ito ng kawakasan. Gaya ni Elias, marami tayong dahilan upang lubos na magtiwala sa mga pangako ni Jehova, ang “Diyos ng katotohanan.”​—Awit 31:5.

[Mga talababa]

b Kilala ngayon ang Malaking Dagat bilang ang Mediteraneo.

c Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa ebidensiyang nagpapatunay na natutupad na ngayon ang mga salita ni Jesus, tingnan ang kabanata 9 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

d Iniisip ng ilan na nagkakasalungatan ang mga ulat ng Bibliya hinggil sa haba ng tagtuyot. Tingnan ang kahon sa pahina 19.

e Di-nagtagal pagkatapos nito, inatasan ni Jehova si Elias upang sanayin si Eliseo, na nakilala nang maglaon bilang ang isa na “nagbuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias.” (2 Hari 3:11) Naging tagapaglingkod ni Elias si Eliseo. Ginawa ni Eliseo ang anumang makakaya niya upang tulungan ang nakatatandang lalaki.

[Kahon/​Larawan sa pahina 19]

Gaano Katagal ang ‘Tagtuyot’ Noong Panahon ni Elias?

Inihayag kay Haring Ahab ng propeta ni Jehova na si Elias na malapit nang matapos ang mahabang tagtuyot. Nangyari iyan “nang ikatlong taon”​—kung bibilangin mula noong unang ihayag ni Elias ang tungkol sa tagtuyot. (1 Hari 18:1) Matapos sabihin ni Elias na magpapaulan si Jehova, di-nagtagal ay umulan nga. Kaya naman iniisip ng ilan na natapos ang tagtuyot sa loob ng yugto ng ikatlong taon, at lumilitaw na wala pang tatlong taon ang haba ng tagtuyot. Gayunman, sinasabi sa atin nina Jesus at Santiago na tumagal ang tagtuyot nang “tatlong taon at anim na buwan.” (Lucas 4:25; Santiago 5:17) Nagkakasalungatan ba ang mga ulat ng Bibliya hinggil sa bagay na iyan?

Hindi. Alam mo kasi, mahaba ang tag-init sa sinaunang Israel, at maaaring umabot nang anim na buwan. Walang-alinlangang masyado nang nagtatagal at tumitindi ang tag-init nang ipahayag ni Elias kay Ahab na magkakaroon ng tagtuyot. Lumilitaw na halos kalahating taon na rin silang sinasalanta ng ‘tagtuyot.’ Kaya naman nang ipahayag ni Elias ang pagtatapos ng tagtuyot sa “ikatlong taon” mula nang panahong banggitin niya ang pagkakaroon ng tagtuyot, ang totoo ay halos tatlo’t kalahating taon nang nananalanta ang ‘tagtuyot.’ Nang magtipon ang mga Israelita upang masaksihan ang napakahalagang pagtutuos sa Bundok Carmel, “tatlong taon at anim na buwan” na ang lumipas.

Noong panahong mag-aanim na buwan na ang tag-init, umaasa ang bayan na matatapos na ito. Naniniwala sila na si Baal, ang isa na “nakasakay sa mga ulap,” ang diyos na tatapos sa tag-init. Pero yamang masyado nang tumatagal ang tag-init, malamang ay nag-iisip na ang mga tao: ‘Nasaan na si Baal? Hindi pa ba siya magpapaulan?’ Tiyak na naging malaking sampal sa mga mananamba ni Baal ang mensahe ni Elias na hindi magkakaroon ng ulan ni ng hamog man malibang iutos ng propeta na umulan.​—1 Hari 17:1.

[Credit Line]

Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

[Larawan sa pahina 18]

Makikita sa mga panalangin ni Elias ang kaniyang matinding pagnanais na makita ang katuparan ng kalooban ng Diyos