Turuan ang Inyong mga Anak
Si Timoteo—Handang Maglingkod
“HANDA ka na ba?” May nagtanong na ba sa iyo nang ganiyan?—Buweno, baka ang ibig sabihin ng taong nagtanong ay: ‘Dala mo ba ang iyong mga aklat? Nabasa mo na ba ang iyong mga aralin?’ Gaya ng makikita natin, handa si Timoteo. Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin niyan?—
Nang anyayahan si Timoteo na maglingkod sa Diyos, taglay niya ang saloobin ng isa sa mga lingkod ng Diyos, na nagsabi: “Narito ako! Isugo mo ako.” (Isaias 6:8) Dahil handa siyang maglingkod, naging kapana-panabik ang buhay ni Timoteo. Gusto mo bang marinig ang tungkol dito?—
Ipinanganak si Timoteo sa Listra, daan-daang kilometro ang layo mula sa Jerusalem. Ang kaniyang lolang si Loida at nanay na si Eunice ay mahuhusay na estudyante ng Kasulatan. Sanggol pa lamang si Timoteo, tinuturuan na nila siya ng Salita ng Diyos.—2 Timoteo 1:5; 3:15.
Malamang na tin-edyer pa lamang si Timoteo nang si apostol Pablo, kasama si Bernabe, ay dumalaw sa Listra sa kaniyang unang mahabang paglalakbay para mangaral. Malamang na sa panahong ito naging mga Kristiyano ang nanay at lola ni Timoteo. Alam mo ba ang hirap na dinanas nina Pablo at Bernabe?— Buweno, may mga tao roon na ayaw sa mga Kristiyano, kaya pinagbabato ng mga ito si Pablo, binugbog siya, at kinaladkad palabas ng lunsod. Inakala nilang patay na siya.
Nang palibutan si Pablo ng mga taong naniniwala sa mga itinuturo niya, siya ay tumayo. Nang sumunod na araw, umalis sina Pablo at Bernabe, pero di-nagtagal ay bumalik din sa Listra. Nagbigay si Pablo roon ng pahayag at sinabi sa mga alagad: “Kailangan tayong pumasok sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng maraming kapighatian.” (Gawa 14:18-22) Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ni Pablo?— Ang ibig niyang sabihin ay pahihirapan ng iba ang mga naglilingkod sa Diyos. Nang maglaon ay sumulat si Pablo kay Timoteo: ‘Lahat niyaong mga nagnanasang mamuhay sa makadiyos na paraan ay pag-uusigin.’—2 Timoteo 3:12; Juan 15:20.
Pagkagaling nina Pablo at Bernabe sa Listra, sila ay umuwi. Pagkalipas ng ilang buwan, isinama ni Pablo si Silas at bumalik sa mga lugar na dinalaw ni Pablo, para patibayin ang bagong mga alagad doon. Nang dumating sila sa Listra, malamang na tuwang-tuwa si Timoteo na makitang muli si Pablo! Mas lalong natuwa si Timoteo nang anyayahan siyang sumama sa paglalakbay nina Pablo at Silas. Tinanggap ni Timoteo ang paanyaya. Handa siyang sumama.—Magkasamang naglakbay ang tatlo, naglakad nang malayo, at naglayag sakay ng barko. Pagkadaong nila, naglakad sila papunta sa Tesalonica sa Gresya. Marami ang naging Kristiyano sa lugar na ito. Pero ang iba ay nagalit at bumuo ng pangkat ng mga mang-uumog. Nanganib ang buhay nina Pablo, Silas, at Timoteo, kaya lumisan sila patungong Berea.—Gawa 17:1-10.
Nababahala si Pablo sa kalagayan ng bagong mga mananampalataya sa Tesalonica, kaya pinabalik niya si Timoteo roon. Alam mo ba kung bakit?— Nang maglaon, ipinaliwanag ni Pablo sa mga Kristiyanong taga-Tesalonica: ‘Upang patatagin kayo at aliwin kayo nang walang sinuman ang panghinaan ng loob.’ Alam mo ba kung bakit ibinigay ni Pablo ang gayon kadelikadong atas sa kabataang si Timoteo?— Buweno, hindi masyadong kilala si Timoteo ng mga mananalansang. Isa pa, handa siyang gawin ang atas. Talagang buo ang loob niya! Ano ang naging resulta ng kaniyang pagdalaw? Nang bumalik si Timoteo kay Pablo, ikinuwento niya rito ang pagiging tapat ng mga taga-Tesalonica. Kaya naman sumulat sa kanila si Pablo: “Naaliw [kami] tungkol sa inyo.”—1 Tesalonica 3:2-7.
Naglingkod si Timoteo kasama ni Pablo sa sumunod na sampung taon. Pagkatapos, nabilanggo si Pablo sa Roma, at si Timoteo, na nabilanggo rin at kalalaya pa lamang, ay dumalaw sa kaniya. Habang nasa kulungan, sinulatan ni Pablo ang mga taga-Filipos, at malamang na ginamit niya si Timoteo bilang kalihim. Sinabi ni Pablo: ‘Umaasa ako na maisugo sa inyo si Timoteo, sapagkat wala na akong iba pa na labis ang katapatan at maglilingkod sa inyo nang mas mainam.’—Filipos 2:19-22; Hebreo 13:23.
Tiyak na tuwang-tuwa si Timoteo sa mga salitang iyon! Mahal na mahal ni Pablo si Timoteo sapagkat handa siyang maglingkod. Sana’y matularan mo rin si Timoteo.