Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Bakit napakamahal ng mabangong langis na ginamit ni Maria?
Mga ilang araw bago ang kamatayan ni Jesus, si Maria na kapatid ni Lazaro ay “dumating na may sisidlang alabastro ng mabangong langis, tunay na nardo, na napakamahal,” at ibinuhos niya ang langis kay Jesus. (Marcos 14:3-5; Mateo 26:6, 7; Juan 12:3-5) Sinasabi ng ulat nina Marcos at Juan na ang pabangong ito ay nagkakahalaga ng 300 denario—mga isang taóng suweldo ng isang ordinaryong manggagawa.
Saan nagmula ang napakamahal na pabangong ito? Ang nardo na binabanggit sa Bibliya ay karaniwan nang sinasabing nagmula sa isang maliit at mabangong halaman (Nardostachys jatamansi) na matatagpuan sa Kabundukan ng Himalaya. Madalas na hinahaluan ng mumurahing sangkap ang mamahaling nardo o ginagawan pa nga ito ng imitasyon. Pero parehong ginamit nina Marcos at Juan ang mga salitang “tunay na nardo.” Yamang napakamahal ng mabangong langis na ito, malamang na galing pa ito sa India.
Bakit iniulat ni Marcos na “binasag [ni Maria] ang sisidlan” na alabastro? (Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Karaniwan nang ang sisidlang alabastro ay may makipot na leeg na puwedeng sarhang mabuti para hindi sumingaw ang mamahaling pabango. Ganito ang sinabi ni Alan Millard sa kaniyang aklat na Discoveries From the Time of Jesus: “Madaling maunawaan kung paanong dahil sa pananabik ng babae, hindi na niya inalis ang takip kundi binasag na lamang [ang pinakaleeg ng sisidlan], at ibinuhos nang lahat ang pabango.” Ito ang posibleng dahilan kung bakit “ang bahay ay napuno ng samyo ng mabangong langis.” (Juan 12:3) Napakamahal ngang regalo, pero angkop naman. Bakit? Kamakailan lamang nasaksihan ng mapagpahalagang babaing ito ang pagbuhay-muli ni Jesus sa kaniyang mahal na kapatid na si Lazaro.—Juan 11:32-45.
Dalawa ba ang lunsod na tinatawag na Jerico?
Sina Mateo, Marcos, at Lucas ay pare-parehong nag-ulat ng isang makahimalang pagpapagaling na nangyari malapit sa Jerico. (Mateo 20:29-34; Marcos 10:46-52; Lucas 18:35-43) Sina Mateo at Marcos ay nagsabi na ginawa ni Jesus ang himalang iyon nang siya ay “papalabas” o “lumalabas” ng Jerico. Pero sinabi ni Lucas na nangyari iyon nang si Jesus ay “papalapit” sa Jerico.
Noong panahon ni Jesus, isa lamang ba o dalawa ang lunsod na tinatawag na Jerico? Ganito ang sagot ng aklat na Bible Then & Now: “Noong panahon ng Bagong Tipan, itinayong muli ang Jerico mga isang milya (1.6 km) sa gawing timog ng lumang lunsod. Nagpatayo roon si Herodes na Dakila ng palasyong pantaglamig.” Pinatunayan ito ng aklat na Archaeology and Bible History, na nagsasabi: “Dalawa ang lunsod ng Jerico noong panahon ni Jesus. . . . Ang lumang Judiong lunsod ay mga isang milya ang layo mula sa Romanong lunsod.”
Kaya malamang na ginawa ni Jesus ang himala nang paalis na siya sa Judiong lunsod at papalapít sa Romanong lunsod o kaya naman ang kabaligtaran nito. Maliwanag na ang kaalaman sa kalagayang umiiral sa panahon ng pagsulat sa isang pangyayari ay makatutulong sa pagpapaliwanag ng tila isang kontradiksiyon.
[Larawan sa pahina 31]
Boteng alabastro na sisidlan ng pabango
[Credit Line]
© Réunion des Musées Nationaux/Art Resource, NY