Kapangyarihan ng Diyos—Makikita sa mga Bituin
Kapangyarihan ng Diyos—Makikita sa mga Bituin
“Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan. Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.”—ISAIAS 40:26.
ANG ating araw ay isang bituin na katamtaman lamang ang laki. Magkagayunman, 330,000 ulit na nakahihigit ang mass ng araw kaysa sa mass ng lupa. Karamihan sa mga bituing malapit sa lupa ay mas maliit sa araw. Pero ang ibang bituin, gaya ng tinatawag na V382 Cygni, ay may mass na di-kukulangin sa 27 ulit na nakahihigit kaysa sa mass ng ating araw.
Gaano karaming enerhiya ang inilalabas ng araw? Isipin na lamang kung gaano kainit ang apoy kung nararamdaman mo pa rin ang init nito kahit 15 kilometro na ang layo mo. Mga 150 milyong kilometro ang layo ng araw sa lupa. Pero kung tirik ang araw, nakapapaso ito ng balat! Kapansin-pansin, mga ikaisang bilyong bahagi lamang ng enerhiya ng araw ang nakaaabot sa lupa. Magkagayunman, ang bahagyang enerhiyang ito mula sa araw ay sapat na para masustinihan ang buhay sa lupa.
Sa katunayan, tinataya ng mga siyentipiko na ang kabuuang enerhiyang nanggagaling lamang sa ating araw ay sapat na para masustinihan ang mga 31 trilyong planeta gaya ng lupa. O sa ibang salita: Kung maiipon ang lahat ng enerhiya ng araw sa isang segundo lamang, masusuplayan nito ang Estados Unidos ng “sapat na enerhiya, ayon sa kasalukuyang gamit nito, sa loob ng hanggang 9,000,000 taon,” ayon sa Web site ng Space Weather Prediction Center (SWPC).
Ang enerhiya ng araw ay nagmumula sa sentro nito, pero napakalaki ng araw at napakasinsin ng sentro nito kaya inaabot nang milyun-milyong taon bago makarating sa gilid ng araw ang nalilikhang enerhiya sa sentro nito. “Kung hihinto ngayon ang Araw sa paggawa ng enerhiya,” ang sabi ng Web site ng SWPC, “aabutin pa nang 50,000,000 taon bago maramdaman sa Lupa ang epekto nito!”
Isipin ang bagay na ito: Kung titingala ka sa kalangitan sa isang maaliwalas na gabi, makikita mo ang libu-libong bituin na bawat isa’y naglalabas ng napakaraming enerhiya, gaya ng ating araw. At tinataya ng mga siyentipiko na bilyun-bilyon ang mga bituin sa uniberso!
Saan nagmula ang lahat ng bituing ito? Naniniwala ngayon ang karamihan sa mga mananaliksik na sa di-maipaliwanag na mga dahilan, bigla na lamang umiral ang uniberso mga 14 na bilyong taon na ang lumipas. Simple lamang ang sabi ng Bibliya: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Walang alinlangan, ang Isa na lumikha ng pagkalaki-laking mga pabrika ng enerhiya na tinatawag nating mga bituin ay masasabing ‘malakas ang kapangyarihan.’—Isaias 40:26.
Kung Paano Ginagamit ng Diyos ang Kaniyang Kapangyarihan
Ginagamit ng Diyos na Jehova ang kaniyang kapangyarihan para palakasin ang mga gumagawa ng kaniyang kalooban. Halimbawa, nagpagal si apostol Pablo sa pagtuturo sa iba tungkol sa Diyos. Tao lamang si Pablo, pero napakarami niyang nagawang mabuti sa kabila ng matinding pagsalansang. Paano niya ito nagawa? Kinilala niya na tumanggap siya ng “lakas na higit sa karaniwan” mula sa Diyos.—2 Corinto 4:7-9.
Ginamit din ng Diyos na Jehova ang kaniyang Mateo 24:3, 37-39; Lucas 17:26-30.
kapangyarihan para puksain ang mga taong sadyang lumalabag sa kaniyang moral na mga pamantayan. Binanggit ni Jesu-Kristo ang pagpuksa sa Sodoma at Gomorra at ang Baha noong panahon ni Noe bilang mga halimbawa ng paggamit ni Jehova ng kaniyang kapangyarihang pumuksa tangi lamang sa masasama. Inihula ni Jesus na malapit nang gamiting muli ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan para puksain ang mga nagwawalang-bahala sa Kaniyang mga pamantayan.—Ano ang Nadarama Mo?
Pagkatapos magbulay-bulay tungkol sa kapangyarihan ng Diyos na makikita sa mga bituin, madarama mo rin marahil ang nadama ni Haring David, na nagsabi: “Kapag tinitingnan ko ang iyong langit, ang mga gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inihanda, ano ang taong mortal anupat iniingatan mo siya sa isipan, at ang anak ng makalupang tao anupat pinangangalagaan mo siya?”—Awit 8:3, 4.
Oo, nakapanliliit nga na parang wala tayong halaga kung ihahambing sa napakalawak na uniberso. Pero hindi naman tayo dapat masiraan ng loob dahil sa gayong kapangyarihan ng Diyos. Inudyukan ng banal na espiritu ni Jehova ang propetang si Isaias na isulat ang nakaaaliw na mga salitang ito: “[Ang Diyos] ay nagbibigay ng lakas sa pagod; at ang isa na walang dinamikong lakas ay pinasasagana niya sa lubos na kalakasan. Ang mga batang lalaki ay kapuwa mapapagod at manlulupaypay, at ang mga kabinataan ay walang pagsalang mabubuwal, ngunit yaong mga umaasa kay Jehova ay magpapanibagong-lakas. Sila ay paiilanlang na may mga pakpak na gaya ng mga agila. Sila ay tatakbo at hindi manlulupaypay; sila ay lalakad at hindi mapapagod.”—Isaias 40:29-31.
Kung gusto mong gawin ang kalooban ng Diyos, makatitiyak kang bibigyan ka niya ng kaniyang banal na espiritu para tulungan kang gawin ito nang patuluyan. Pero kailangan mo itong hilingin sa kaniya. (Lucas 11:13) Sa tulong ng Diyos, mababata mo ang anumang pagsubok at magkakaroon ka ng lakas na gawin ang tama.—Filipos 4:13.
[Blurb sa pahina 7]
Sa tulong ng Diyos, magkakaroon ka ng lakas na gawin ang tama
[Mga larawan sa pahina 7]
Paikot mula sa kaliwa sa itaas pakanan: galaksing Whirlpool, kumpol ng mga bituing Pleiades, Orion Nebula, galaksing Andromeda
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang “mass” ng araw ay 330,000 ulit na nakahihigit kaysa sa “mass” ng lupa
[Picture Credit Lines sa pahina 7]
Pleiades: NASA, ESA and AURA/Caltech; all others above: National Optical Astronomy Observatories