Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

Nauunawaan Niya ang Nadarama Nating Kirot

Nauunawaan Niya ang Nadarama Nating Kirot

Juan 11:33-35

“ANG empatiya ay ang kakayahang madama ang kirot na nadarama ng iba.” Ganiyan ang kahulugang ibinigay ng isang may-edad nang misyonero ng mga Saksi ni Jehova sa mahalagang katangiang ito. Ang Diyos na Jehova ang pangunahing huwaran sa pagpapakita ng empatiya. Nadarama niya mismo ang kirot na nadarama ng kaniyang bayan. Paano tayo makatitiyak na gayon nga? Ang maibiging empatiya ni Jehova ay ganap na ipinakita ni Jesus sa salita at sa gawa nang siya ay nasa lupa. (Juan 5:19) Halimbawa, tingnan ang pangyayaring inilalarawan sa Juan 11:33-35.

Nang maagang mamatay ang kaibigan ni Jesus na si Lazaro, pumunta si Jesus sa nayon ni Lazaro. Hindi kataka-taka na labis ang pamimighati ng mga kapatid ni Lazaro na sina Maria at Marta. Mahal na mahal ni Jesus ang pamilyang ito. (Juan 11:5) Kaya ano ang gagawin niya? Sinasabi ng ulat: “Si Jesus, nang makita niyang tumatangis siya [si Maria] at tumatangis ang mga Judio na sumama sa kaniya, ay dumaing sa espiritu at nabagabag; at sinabi niya: ‘Saan ninyo siya inilagay?’ Sinabi nila sa kaniya: ‘Panginoon, halika at tingnan mo.’ Si Jesus ay lumuha.” (Juan 11:33-35) Bakit lumuha si Jesus? Totoong patay na ang mahal niyang kaibigang si Lazaro, pero bubuhayin naman siyang muli ni Jesus. (Juan 11:41-44) Mayroon pa bang ibang bagay na nakaantig sa damdamin ni Jesus?

Tingnan muli ang mga siniping pananalita sa itaas. Pansinin na nang makita ni Jesus si Maria at ang kaniyang mga kasama na tumatangis o umiiyak, siya ay “dumaing” at “nabagabag.” Ang orihinal na mga salitang ginamit dito ay nagpapahiwatig ng matinding damdamin. * Naapektuhan nang husto si Jesus sa kaniyang nakita. Kitang-kita ang matinding emosyong nadama ni Jesus nang siya ay lumuha. Maliwanag na naaapektuhan si Jesus ng kirot na nadarama ng iba. Nasubukan mo na bang mapaluha dahil nakita mong umiiyak ang isang mahal mo sa buhay?​—Roma 12:15.

Tinutulungan tayo ng empatiya ni Jesus na matutuhan ang mga katangian at daan ng kaniyang Ama, si Jehova. Alalahanin na makikita kay Jesus ang lahat ng katangian ng kaniyang Ama kung kaya masasabi niya: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Kaya nang mabasa nating “si Jesus ay lumuha,” makatitiyak tayo na nadarama mismo ni Jehova ang kirot na nadarama ng kaniyang mga mananamba. Oo, pinatutunayan ng ibang manunulat ng Bibliya ang bagay na ito. (Isaias 63:9; Zacarias 2:8) Talagang napakamaibiging Diyos ni Jehova!

Magaan ang loob natin sa mga nagpapakita ng empatiya. Kapag nasisiraan tayo ng loob o nanlulumo, naaakit tayong lumapit sa isang taong makauunawa ng ating kalagayan at makapagpapakita ng empatiya sa atin. Lalo pa nga tayong higit na napapalapít kay Jehova, isang Diyos na mahabagin na nakadarama ng kirot na nadarama natin at nakauunawa kung bakit tayo umiiyak!​—Awit 56:8.

[Talababa]

^ Ang salitang Griego na isinaling “lumuha” ay madalas na tumutukoy sa “pag-iyak nang tahimik,” samantalang ang salitang ginamit para ilarawan ang pag-iyak ni Maria at ng iba pa ay maaaring mangahulugang “malakas na pag-iyak, paghagulhol.”