Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Susi sa Maligayang Pamilya

Paglutas sa mga Problema

Paglutas sa mga Problema

Ang sabi ng lalaki: “Nasaan ang mga bata?”

Ang sabi ng babae: “Nasa ‘mall,’ bibili raw ng damit.”

Ang sabi ng lalaki: [Inis at mataas ang boses] “Damit na naman? Kabibili lang nila noong isang buwan, ah!”

Ang sabi ng babae: [Nangangatuwiran, masama ang loob at pakiramdam niya’y sinisisi siya] “Pero may ‘sale’ kasi ngayon, eh. At saka, nagpaalam naman sila sa akin.”

Ang sabi ng lalaki: [Hindi na nakapagtimpi at napasigaw] “Alam mo namang ayaw na ayaw kong gumagastos ang mga batang iyan nang hindi ko alam! Bakit naman kasi pinayagan mo agad? Sana, tinanong mo muna ako.”

SA PALAGAY mo, anong mga problema ang kailangang ayusin ng mag-asawang ito? Kitang-kita na hindi makontrol ng asawang lalaki ang kaniyang galit. Bukod diyan, parang hindi nagkakaisa ang mag-asawa kung kailan dapat at di-dapat payagan ang kanilang mga anak. At tila may problema rin sila sa kanilang paraan ng pag-uusap.

Walang sakdal na pag-aasawa. Ang lahat ng mag-asawa ay may kani-kaniyang problema. Maliit man o malaki ang problema, napakahalagang matutuhan ng mag-asawa kung paano lulutasin ang mga ito. Bakit?

Sa paglipas ng mga panahon, ang mga problemang hindi nalulutas ay nagiging parang mga pader na humahadlang sa pag-uusap. “May mga pagtatalo na tulad ng halang ng tirahang tore,” ang sabi ng marunong na si Haring Solomon. (Kawikaan 18:19) Paano mo kaya mabubuksan ang daan para sa isang mas mabisang pag-uusap kapag may mga problema?

Kung ang pag-uusap ang pinakadugo ng pag-aasawa, ang pag-ibig at paggalang naman ang pinakapuso at pinakabagà ng pagsasama ng mag-asawa. (Efeso 5:33) Pagdating sa paglutas ng mga problema, pag-ibig ang mag-uudyok sa mag-asawa na kalimutan ang nakaraang mga pagkukulang​—at ang sakit sa kaloobang idinulot nito​—at pagtuunan ng pansin ang kasalukuyang problema. (1 Corinto 13:4, 5; 1 Pedro 4:8) Ang mga mag-asawang may paggalang sa isa’t isa ay malayang nakapagsasalita at nagsisikap na unawain ang sinasabi ng kanilang kabiyak sa halip na basta pakinggan lamang ito.

Apat na Paraan ng Paglutas sa mga Problema

Tingnan mo ang apat na paraang nakatala sa susunod na pahina, at pansinin kung paano ka matutulungan ng mga simulain sa Bibliya para malutas ang mga problema sa mapagmahal at magalang na paraan.

1. Magtakda ng panahon para pag-usapan ang problema.

“Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon, . . . panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” (Eclesiastes 3:1, 7) Gaya ng ipinakikita sa sagutan ng mag-asawa kanina, may mga problema na maaaring makapagpainit ng ulo. Kapag nagkaganito, kontrolin mo ang iyong sarili at tumigil muna​—‘tumahimik’​—bago sumiklab ang galit. Hindi lulubha ang problema kung susundin mo ang payo ng Bibliya: “Ang pasimula ng pagtatalo ay gaya ng isang nagpapakawala ng tubig; kaya bago sumiklab ang away, umalis ka na.”​—Kawikaan 17:14.

Pero mayroon din namang “panahon ng pagsasalita.” Ang mga problema ay parang damong lumalago kapag napabayaan. Kaya huwag mong ipagwalang-bahala ang problema, sa pag-asang lilipas din ito. Kapag sinabi mong huwag munang pag-usapan ang problema, ipakita mo ang paggalang sa iyong kabiyak sa pamamagitan ng pagpili ng ibang panahon kung kailan ninyo ito pag-uusapan. Ang gayong pangako ay tutulong sa inyong mag-asawa na ikapit ang payo ng Bibliya: “Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit.” (Efeso 4:26) Mangyari pa, dapat mong tuparin ang iyong pangako.

SUBUKIN ITO: Pumili ng panahon sa bawat linggo para pag-usapan ang mga problema ng pamilya. Kung napapansin mong may panahon sa maghapon na mainit ang iyong ulo​—halimbawa, kapag bagong dating ka mula sa trabaho o kapag gutom ka​—magkaisa kayo na huwag pag-usapan ang mga problema sa mga panahong iyon. Sa halip, pumili ng panahon na pareho kayong relaks.

2. Tapatang sabihin ang iyong opinyon sa magalang na paraan.

“Magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa.” (Efeso 4:25) Kung may asawa ka, ang iyong kapuwa na pinakamalapít sa iyo ay ang iyong asawa. Kaya maging tapat at espesipiko sa pagsasabi sa iyong asawa ng iyong nadarama. Ganito ang sabi ni Margareta, * 26 na taon nang kasal: “Noong bagong kasal kami, akala ko’y malalaman na agad ng asawa ko kung ano ang aking nararamdaman kapag nagkaroon ng problema. Mali pala ako. Kaya ngayon, sinasabi ko na ang laman ng aking isip at kalooban.”

Tandaan na ang layunin mo kapag pinag-uusapan ninyo ang problema ay hindi para manalo sa usapan o matalo ang kalaban, kundi para masabi lamang sa iyong asawa ang laman ng iyong isip. Para magawa mo ito, sabihin mo kung ano sa palagay mo ang problema, pagkatapos ay sabihin mo kung kailan ito bumangon, at saka mo ipaliwanag kung paano ito nakaapekto sa iyo. Halimbawa, kapag naiinis ka sa iyong asawa dahil sa kaniyang pagkakalat sa bahay, puwede mong sabihin sa magalang na paraan, ‘Kapag iniiwan mo sa sahig ang iyong mga damit sa tuwing uuwi ka galing sa trabaho, [kung ano ang problema at kung kailan ito nangyari], pakiramdam ko’y bale-wala sa iyo ang pagsisikap kong mapanatiling maayos ang ating bahay [eksaktong paliwanag kung paano ito nakaaapekto sa iyo].’ Saka ka magmungkahi sa mataktikang paraan kung paano sa palagay mo malulutas ang problema.

SUBUKIN ITO: Para masabi mong lahat ang gusto mong sabihin sa iyong asawa, isulat mo muna kung ano sa tingin mo ang problema at kung paano mo sana ito gustong lutasin.

3. Pakinggan at unawain ang damdamin ng iyong asawa.

Isinulat ng alagad na si Santiago na ang mga Kristiyano ay dapat na maging “matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Mas madalas na nagiging dahilan ng malungkot na pagsasama ang impresyon na hindi nauunawaan ng iyong asawa ang nadarama mo tungkol sa isang problema. Kaya huwag na huwag mong bibigyan ng gayong impresyon ang iyong asawa!​—Mateo 7:12.

Ganito ang sabi ni Wolfgang na 35 taon nang may-asawa: “Kapag pinag-uusapan namin ang problema, tensiyonado ako, lalo na kung hindi naiintindihan ng asawa ko ang takbo ng aking isip.” Inamin ni Dianna, 20 taon na ngayong may-asawa: “Madalas kong ireklamo sa aking asawa na hindi niya ako talaga pinakikinggan kapag pinag-uusapan namin ang mga problema.” Paano mo kaya lulutasin ang ganitong problema?

Huwag mangahas na isiping alam mo na ang nasa isip at kalooban ng iyong kabiyak. “Dahil sa kapangahasan ang isa ay lumilikha lamang ng pagtatalo, ngunit sa mga nagsasanggunian ay may karunungan,” ang sabi sa Salita ng Diyos. (Kawikaan 13:10) Hayaan mong sabihin ng iyong asawa ang kaniyang opinyon nang tuluy-tuloy, bilang pagrespeto sa kaniya. Pagkatapos, sa iyong sariling pangungusap, ulitin mo sa kaniya ang iyong narinig para makatiyak kang naintindihan mo ang kaniyang sinabi at gawin mo ito nang walang bahid ng panunuya o pagkainis. Hayaan mong ituwid ka niya kapag mali ang intindi mo sa kaniyang sinabi. Huwag palaging ikaw na lamang ang nagsasalita. Hayaan mo rin siyang magsalita hanggang sa maunawaan ninyong pareho ang nasa isip at kalooban ng isa’t isa.

Oo, kailangan ang pagpapakumbaba at pagtitiis para pakinggang mabuti ang iyong asawa at bigyang-pansin ang kaniyang opinyon. Pero kung mangunguna ka sa pagpapakita ng gayong dangal sa iyong asawa, pagpapakitaan ka rin niya ng dangal.​—Mateo 7:2; Roma 12:10.

SUBUKIN ITO: Kapag inuulit mo ang sinabi ng iyong asawa, huwag mong basta gamitin ang eksaktong mga salitang ginamit niya. Sa mabait na paraan, sikapin mong ipaliwanag ang pagkaintindi mo sa kaniyang sinabi at nadarama.​—1 Pedro 3:8.

4. Pagkasunduan ang solusyon.

“Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa, sapagkat sila ay may mabuting gantimpala dahil sa kanilang pagpapagal. Sapagkat kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon ng isa pa ang kaniyang kasama.” (Eclesiastes 4:9, 10) Mas nalulutas ang mga problema ng mag-asawa kung nagtutulungan sila sa isa’t isa.

Oo, inatasan ni Jehova ang asawang lalaki bilang ulo ng pamilya. (1 Corinto 11:3; Efeso 5:23) Pero ang pagiging ulo ay hindi nangangahulugan ng pagiging diktador. Ang isang marunong na asawang lalaki ay hindi magdedesisyon nang siya lamang. Sinabi ni David, 20 taon nang may-asawa: “Sinisikap kong isaalang-alang ang kagustuhan ng aking asawa at nagdedesisyon ako ayon sa kagustuhan naming dalawa.” Ganito naman ang sabi ni Tanya, pitong taon nang may-asawa: “Hindi na pinag-uusapan kung sino ang tama at kung sino ang mali. Kung minsan, nagkakaiba-iba lamang ang opinyon kung paano lulutasin ang problema. Natuklasan kong ang susi sa tagumpay ay ang pagiging makatuwiran at marunong makibagay.”

SUBUKIN ITO: Magtulungan sa pag-iisip ng iba’t ibang posibleng solusyon sa problema at magkasama ninyong isulat ang mga ito. Kapag wala na kayong maisip na ideya, tingnan ulit ang inyong listahan at gamitin ang solusyong napagkasunduan ninyo. Pagkatapos, pumili kayo ng panahon kung kailan ninyo titingnan ulit kung nagawa ninyo ang inyong napagkasunduan at kung nagtagumpay ito.

Magtulungan, Huwag Magkani-kaniya

Ang pag-aasawa ay itinulad ni Jesus sa isang pamatok. (Mateo 19:6) Noong panahon niya, ang pamatok ay isang kahoy na isinasakbat sa dalawang hayop para pagsamahin ang mga ito upang magtuwang sa pagtatrabaho. Kapag hindi nagtulungan ang mga hayop, wala silang gaanong magagawa at magagasgas ng pamatok ang kanilang leeg. Kapag nagtulungan sila, mahihila nila ang mabibigat na kargada o maaararo nila ang bukid.

Sa katulad na paraan, maaaring magasgas ng pamatok, wika nga, ang pagsasama ng mag-asawang hindi nagtutulungan. Pero kung magtutulungan sila, malulutas nila ang halos lahat ng problema at mas marami silang magagawa. Tungkol sa bagay na ito, ganito ang pagkakabuod ni Kalala, isang lalaking masaya sa kaniyang pag-aasawa, “Sa loob ng 25 taon, nalulutas naming mag-asawa ang aming mga problema sa pamamagitan ng tapatang pag-uusap, paglalagay ng aming sarili sa katayuan ng isa’t isa, pananalangin sa tulong ni Jehova, at pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya.” Magagawa mo rin ba ito?

TANUNGIN MO ANG IYONG SARILI . . .

  • Anong problema ang gustung-gusto kong ipakipag-usap sa aking asawa?

  • Paano ako makatitiyak na naiintindihan ko ang talagang nasa kalooban ng aking asawa?

  • Kung palagi kong igigiit ang gusto ko, anong problema ang maaaring bumangon?

^ Binago ang ilang pangalan.