Liham Mula sa Australia
“Babasahin Ko Ito Mamayang Gabi sa Tabi ng Sigâ”
KAPAG pinag-uusapan ang liblib na mga lugar sa Australia, malamang na naiisip mo ang tigang na disyerto, nakapapasong temperatura, at malawak na ilang. Pero nakatira sa rehiyon na ito ang mga 180,000 katao, humigit-kumulang 1 porsiyento ng populasyon ng Australia.
Noong bata pa ako, isinama ako ng aking mga magulang na Saksi ni Jehova sa liblib na mga lugar sa Australia para mangaral. Labis akong humanga sa lawak at ganda ng tanawin doon. Natuwa rin ako sa masayahing mga tagaroon na may malalakas na pangangatawan. Ngayong may sarili na akong pamilya, gusto kong isama roon ang aking asawa at dalawang anak, na 10 at 12 taóng gulang, para maranasan din nila ang masayang karanasan ko noon.
Paghahanda sa Biyahe
Una, tinuos muna namin ang aming gagastusin. Hanggang saan kaya aabot ang aming badyet? Gaano kaya kahaba ang aming bakasyon? Isang mag-asawa at dalawang buong-panahong ministro mula sa aming kongregasyon ang gustong sumama sa amin. Napagkasunduan namin na bibiyahe kami sa kalagitnaan ng taon kung kailan walang pasok sa eskuwela. Pagkatapos, sumulat kami sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Sydney, Australia para magtanong kung saang teritoryo kami maaaring mangaral. Inanyayahan kami na mangaral sa isang liblib na dako malapit sa Goondiwindi, isang maliit na bayan na mga 400 kilometro sa kanluran ng Brisbane kung saan kami naninirahan.
Napag-alaman namin na may isang maliit na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Goondiwindi. Karagdagan itong pagpapala para sa amin. Ang pakikisalamuha sa mga kapatid na Kristiyano ang magiging pinakamasayang bahagi ng aming bakasyon. Nakipag-ugnayan kami sa kongregasyon na iyon para ipaalam ang aming pagpunta. Tuwang-tuwa silang malaman na darating kami.
Bago bumiyahe, pinag-usapan muna ng aming grupo kung paano ipangangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa lugar na iyon. Gusto naming igalang partikular na ang mga kultura at kaugalian ng sinumang Aborigine na matatagpuan namin. Halimbawa, para sa ilang tribo, ang basta pagpasok sa kanilang teritoryo ay para na ring pagpasok sa kanilang tahanan nang walang paalam. Kaya itinuturing nila itong kawalang-galang.
Biyahe Patungo sa Liblib na mga Lugar
Sa wakas, dumating ang araw na pinakahihintay namin. Tumulak patungong Goondiwindi ang aming dalawang sasakyan lulan ang aming dala-dalahan. Nadaanan namin ang mga lupang sakahin at pagkaraan ay nakita namin ang madamong mga parang na may ilang punong eukalipto. Maganda ang sikat ng araw at maaliwalas ang kalangitan. Pagkaraan ng ilang oras, nakarating kami sa Goondiwindi at umupa kami ng maliliit na kuwarto para matuluyan namin sa gabi.
* Inanyayahan niya kaming pumasok sa kanilang komunidad para mangaral sa mga residente roon.
Kinabukasan, Linggo, maganda uli ang sikat ng araw at sariwa ang simoy ng hangin—tamang-tama para sa pangangaral. Karaniwan na, umaabot nang 40 digri Celsius ang temperatura rito kapag tag-araw! Una naming pinuntahan ang isang pamayanan ng mga Aborigine na mga 30 kilometro ang layo. Pinapunta kami kay Jenny, isang matandang babaing maputi na ang buhok na dating pinuno ng kanilang komunidad. Nakinig siyang mabuti sa aming mensahe buhat sa Bibliya at masayang tinanggap ang aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro.Nagtakbuhan ang mga batang tagaroon para ipamalita ang aming pagdating. Magalang na nakinig sa aming mensahe ang mga may-bahay at tumanggap ng mga literatura sa Bibliya. Di-nagtagal at naubos ang aming mga dalang literatura, at panahon na para bumalik sa bayan upang dumalo sa pulong ng kongregasyon. Bago kami umalis, nangako kami na babalik kami para dalawin ang mga hindi namin nakausap.
Nang hapong iyon sa Kingdom Hall, masayang-masaya kaming nakipagkuwentuhan sa bago naming mga kakilala na kaagad naman naming naging mga kaibigan. Masigasig na ipinangangaral ng 25 Saksing tagarito ang mensahe ng Kaharian sa mga 11,000 taong naninirahan sa iba’t ibang dako ng probinsiyang ito na 30,000 kilometro kuwadrado ang lawak. “Salamat at pumunta kayo rito para tulungan kami,” ang sabi ng isang natutuwang Saksi. Matapos ang masiglang pulong, lahat kami ay nagmeryenda. Bago kami matulog nang gabing iyon, pinakain namin ang mga katutubong possum, mga hayop na parang malalaking daga, na gumagala-gala sa lugar na aming tinutuluyan.
“Mamayang Gabi sa Tabi ng Sigâ”
Sa loob ng sumunod na dalawang araw, pinuntahan namin ang magkakalayong mga bahay sa hanggahan ng Queensland at New South Wales. Makikita sa kalakhang bahagi ng probinsiyang ito ang mga tupa at baka na nanginginain sa patag at malalawak na damuhan na may mga tuyo at kalat-kalat na punong eukalipto. Habang daan, nakita namin ang ilang kanggaru. Waring nakikinig sila sa amin habang ikinikislut-kislot nila ang kanilang mga tainga. Palakad-lakad naman ang malalaking emu sa maalikabok at may-bakod na pastulan ng mga kabayo sa malayo.
Nang hapong iyon ng Martes, nasalubong namin ang isang malaking kawan ng mga baka na mabagal na dumaraan malapit sa kalsada. Matagal nang nagpapastol dito ang mga upahang tagapag-alaga ng mga hayop, lalo na kung panahon ng tagtuyot. Di-nagtagal ay nakasalubong namin ang isang tagapag-alaga na nakasakay sa kaniyang kabayo kasama ang kaniyang aso. Matapos kong iparada sa gilid ng daan ang aming sasakyan, bumaba ako sa kotse at binati ko siya. “Magandang hapon kaibigan,” ang sagot niya. Huminto ang matandang lalaki para makipag-usap.
Matapos naming mapag-usapan sandali ang hinggil sa tagtuyot, sinimulan kong ipakipag-usap sa kaniya ang aming mensahe. “Aba, mula noong bata ako, wala pa akong narinig na galing sa Bibliya!” ang bulalas ng lalaki. Naniniwala siya na ang mga relihiyosong lider ang dapat sisihin sa pagbaba ng moral sa daigdig. Gayunpaman, malaki ang paggalang niya sa Bibliya. Matapos ang masayang pag-uusap tungkol sa Bibliya, inalukan ko siya ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? * Kinuha niya ito, inilagay sa kaniyang bulsa at sinabi, “Kung ang sinasabi nito ay ang itinuturo ng Bibliya, babasahin ko ito mamayang gabi sa tabi ng sigâ.”
Biyahe Pauwi
Nang gabing iyon sa Kingdom Hall, inilahad namin sa aming mga kapatid sa pananampalataya ang aming mga karanasan. Nangako silang babalikan nila ang mga interesado na nakausap namin. Napakahirap magpaalam nang matapos na ang pulong. Naging malapít kami sa isa’t isa. Nadama naming lahat na napalakas kami ng pagpapalitan namin ng espirituwal na pampatibay-loob.—Roma 1:12.
Nang sumunod na araw, bumiyahe na kami pauwi. Habang binubulay-bulay namin ang aming bakasyon, naisip namin na saganang pinagpala ni Jehova ang aming mga pagsisikap. Nadama namin na naging mas malapít kami sa kaniya. Nang nasa bahay na kami, tinanong ko ang aming mga anak: “Saan n’yo gustong magbakasyon sa susunod? Sa bundok?” “Hindi po, ayaw po namin doon ’Tay,” ang sagot nila, “mangaral na lang po tayo uli sa liblib na mga lugar.” Natutuwang sumagot ang aking asawa: “Oo, sige. Iyon ang pinakamasaya nating bakasyon!”
[Mga talababa]
^ Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.