Turuan ang Iyong mga Anak
Gusto Niyang Makatulong
MAY kilala ka bang tao na may malubhang sakit?— Naiisip mo ba na sana ay may magagawa ka para matulungan mo siya?— Paano kung iba ang lahi o relihiyon niya? Gusto mo pa rin bang makatulong para gumaling siya?— Ganiyan ang ginawa ng isang batang babae na nakatira sa bansang Israel halos 3,000 taon na ang nakalilipas. Pag-usapan natin kung ano ang nangyari noon.
Madalas magkaroon ng labanan sa pagitan ng sinaunang Israel, kung saan nakatira ang batang babae, at ng kalapit nitong bansa, ang Sirya. (1 Hari 22:1) Minsan, nang lumusob ang mga Siryano sa Israel, binihag nila ang batang babae at dinala sa Sirya. Ang bata ay naging alipin ng asawa ni Naaman, ang pinuno ng hukbo ng Sirya. May nakapandidiring sakit si Naaman na kung tawagin ay ketong. Kapag may ganitong sakit ang isang tao, maaaring maagnas ang kaniyang laman.
Sinabi ng batang babae sa asawa ni Naaman kung paano mapagagaling ang kaniyang asawa. Sinabi niya: ‘Kung nasa Samaria po sana ang panginoon kong si Naaman, mapagagaling po siya ng propeta ni Jehova na si Eliseo.’ Buweno, dahil sa mga ikinuwento ng batang babae tungkol kay Eliseo, inisip ni Naaman na baka talaga ngang mapagagaling siya ng propeta. Kaya sa pahintulot ni Ben-hadad, ang hari ng Sirya, naglakbay nang mga 150 kilometro si Naaman kasama ang ilan niyang tagapaglingkod upang hanapin si Eliseo.
Una, pumunta sila kay Jehoram, ang hari ng Israel. Ipinakita nila sa kaniya ang liham ni Haring Ben-hadad na nagsasabing kailangang tulungan si Naaman. Pero hindi nagtitiwala si Jehoram kay Jehova o sa propetang si Eliseo. Inisip ni Jehoram na baka hinahamon lamang siya ni Ben-hadad na makipaglaban. Nang mabalitaan ito ni Eliseo, sinabi niya kay Haring Jehoram: “Papuntahin mo siya sa akin, pakisuyo.” Gusto ni Eliseo na ipakitang kaya ng Diyos na pagalingin ang nakapandidiring sakit ni Naaman.—2 Hari 5:1-8.
Nang dumating sa bahay ni Eliseo si Naaman kasama ang kaniyang mga kabayo at mga karong pandigma, inutusan ni Eliseo ang isang mensahero para sabihin kay Naaman: ‘Maligo ka nang pitong ulit sa Ilog Jordan, at ikaw ay gagaling.’ Nagalit si Naaman. Inaasahan kasi niya na si Eliseo ang haharap sa kaniya at ikukumpas sa kaniya ang kamay nito para mawala ang kaniyang ketong. Sa halip, mensahero lamang ang nakausap niya! Galit na galit si Naaman at nagpasiyang umuwi na lamang.—2 Hari 5:9-12.
Ano ang gagawin mo kung isa ka sa mga tagapaglingkod ni Naaman?— Buweno, tinanong si Naaman ng kaniyang mga tagapaglingkod: ‘Kung mahirap po ang ipinagagawa sa inyo ni Eliseo, hindi ba’t gagawin ninyo iyon? Kaya bakit hindi po ninyo gawin ang simpleng bagay na ito—maligo kayo at maging malinis?’ Nakinig sa kanila si Naaman. Kaya “lumusong siya at nagsimulang lumubog sa Jordan nang pitong ulit . . . , pagkatapos ay nanumbalik ang kaniyang laman tulad ng laman ng isang munting bata.”
Bumalik kay Eliseo si Naaman at sinabi: “Narito ngayon, nalalaman ko nga na walang Diyos saanmang dako sa lupa kundi sa Israel.” Nangako siya kay Eliseo na hindi na siya “mag-uukol pa ng handog na sinusunog o ng hain sa alinmang iba pang diyos kundi kay Jehova.”—2 Hari 5:13-17.
Gusto mo bang makatulong sa isang tao na matuto tungkol kay Jehova at sa kaniyang layunin para sa hinaharap, gaya ng ginawa ng batang babae?— Nang naririto pa sa lupa si Jesus, isang lalaki na may ketong ang nanampalataya sa kaniya at nagsabi: ‘Kung gusto mo talaga akong tulungan, magagawa mo iyon.’ Alam mo ba kung ano ang isinagot ni Jesus?— “Gusto ko.” At pinagaling siya ni Jesus, kung paanong pinagaling ni Jehova si Naaman.—Mateo 8:2, 3, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Alam mo ba ang tungkol sa bagong sanlibutan na gagawin ni Jehova kung saan magiging malusog at mabubuhay nang walang hanggan ang lahat ng tao?— (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4) Kung gayon, tiyak na gusto mong sabihin sa iba ang kamangha-manghang mga bagay na ito!
Mga Tanong:
○ Paano natulungan si Naaman ng isang batang babae na binihag ng kaniyang mga tauhan?
○ Bakit noong una ay ayaw sundin ni Naaman si Eliseo, pero bakit nagbago ang isip niya?
○ Ano ang dapat na gusto mong gawin para matularan mo ang batang babae?
○ Ano ang gustong gawin ni Jesus, at bakit magiging kamangha-mangha ang buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos?