Isang Makabagong-Panahong “Batang Babaing Israelita”
Isang Makabagong-Panahong “Batang Babaing Israelita”
DALAWANG linggo bago ang Memoryal ng kamatayan ni Jesus, bawat miyembro ng pamilyang Sales sa Praia Grande, Brazil, ay gumawa ng listahan ng mga aanyayahan nila sa okasyong ito. Isa lamang imbitasyon ang ibinigay nila sa anim-na-taóng gulang na si Abigayl at tinanong siya kung kanino niya ito ibibigay.
“Sa taong lagi pong ngumingiti sa akin,” ang sagot niya.
“Sino siya?” ang tanong ng kaniyang mga magulang.
“Iyon pong tao na nakaupo sa silyang de-gulong,” ang sabi niya.
Makalipas ang apat na araw, itinuro ni Abigayl sa kaniyang mga magulang ang taong sinasabi niya. Siya si Walter na nakatira malapit sa Kingdom Hall. Mahigit 15 taon na ang nakararaan, noong siya ay 28 anyos, naaksidente siya sa sasakyan kung kaya naparalisa ang kaniyang katawan, mula baywang pababa. Dahil mayaman siya, mayroon siyang dalawang bodyguard. Matapos pahintulutan si Abigayl na makipag-usap kay Walter, ipinaliwanag ng mga magulang ni Abigayl kay Walter na gusto siyang bigyan ng kanilang anak ng isang imbitasyon.
Matapos niyang ialok ang imbitasyon, sinabi ni Abigayl kay Walter: “Lahat po ng kasama ko sa Kingdom Hall ay binigyan ng maraming imbitasyon, pero iisa lang po ang ibinigay sa akin. Kaya kayo lang po ang naanyayahan ko. Kung hindi po kayo makakapunta, wala akong magiging bisita. Pero kung pupunta kayo, magiging masaya po ako, at magiging mas masaya po si Jehova.”
Noong araw ng Memoryal, ang mga Saksi, pati na si Abigayl, ay naglinis ng Kingdom Hall bilang paghahanda para sa programa ng Memoryal sa gabing iyon. Noong hapong iyon, napadaan ang sasakyan ni Walter at nakita niya si Abigayl. Sinabi ni Walter sa kaniyang drayber na ihinto ang kotse. Pagbukas ng bintana ng sasakyan, tinanong ni Walter si Abigayl kung ano ang ginagawa nito. Sinabi nito na nililinis at pinagaganda nila ang Kingdom Hall para sa kaniya.
Nang gabing iyon, hindi mapalagay si Abigayl. Nagsimula na ang pahayag at wala pa rin ang bisita niya. Kaya palinga-linga siya sa paligid para makita kung dumating na si Walter. Sa wakas, dumating ito kasama ng kaniyang mga bodyguard. Masayang-masaya si Abigayl. Pagkatapos ng pahayag, sinabi ni Walter na patungo na sana siya sa ibang lunsod pero nagbago ang isip niya at pumunta sa Memoryal, para kay Abigayl. Sinabi pa niya: “Tamang-tama para sa akin ang pahayag.” Humiling siya ng isang kopya ng Bibliya. Nagsimula na rin siyang makipag-aral sa mga Saksi at dumalo sa mga pulong.
Samantala, gustong makilala ng kapatid na babae ni Walter si Abigayl. Madalas kasing ikuwento ni Walter si Abigayl sa kaniya. Nang makilala niya ito, tuwang-tuwa siyang malaman na napakahusay na bata pala ni Abigayl. “Ngayon ay alam ko na kung bakit napakasaya ng kuya ko,” ang sabi niya.
Nagpatuloy si Walter sa pag-aaral ng Bibliya at pagdalo sa mga pulong. Nagkokomento pa nga siya kapag dumadalo. Sinasabi rin niya sa iba ang kaniyang mga natututuhan. Tiyak na ipinaaalaala sa atin ni Abigayl ang batang babaing Israelita na tumulong kay Naaman na makilala ang tunay na Diyos, si Jehova.—2 Hari 5:2-14.