Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mahalaga ba Kung Paano Natin Sinasamba ang Diyos?

Mahalaga ba Kung Paano Natin Sinasamba ang Diyos?

Mahalaga ba Kung Paano Natin Sinasamba ang Diyos?

“BAHAGI ng buhay ng tao ang relihiyon.” Ganiyan ang sinabi ni Propesor Alister Hardy sa aklat na The Spiritual Nature of Man. Pinatutunayan ito ng isang surbey kamakailan. Ayon dito, mga 86 na porsiyento ng populasyon ng daigdig ang nagsasabing mayroon silang relihiyon.

Sinabi rin sa surbey na ang mga mananampalatayang ito ay kabilang sa 19 na pangunahing relihiyon sa daigdig at ang mga nag-aangking Kristiyano ay kabilang sa 37,000 iba’t ibang denominasyon. Dahil dito, maaaring maitanong mo, ‘Ang iba’t ibang paraan bang ito ng pagsamba ay kaayaaya sa Diyos?’ Sa ibang salita, talaga bang mahalaga kung paano natin siya sinasamba?

Sa napakahalagang isyung ito, tiyak na hindi tayo dapat magpasiya batay lamang sa ating personal na damdamin o opinyon. Makatuwiran lamang na alamin natin kung ano ang pananaw ng Diyos hinggil dito. Sa gayon, dapat nating tingnan kung ano ang sinasabi sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Bakit? Dahil si Jesu-Kristo mismo ang nagsabi sa kaniyang panalangin sa Diyos: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) At pinatotohanan ito ng tapat na apostol na si Pablo, na nagsabi: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay.”​—2 Timoteo 3:16.

Ipinakikita ng Bibliya na hindi lahat ng pagsamba ay kaayaaya sa Diyos. Nakaulat dito ang mga halimbawa ng pagsamba noon na kaayaaya sa Diyos at ang mga pagsambang tinanggihan niya. Sa maingat na pagsusuri sa mga halimbawang ito, matututuhan natin kung ano ang dapat at hindi dapat gawin upang maging kalugud-lugod sa Diyos ang ating pagsamba.

Isang Sinaunang Halimbawa

Sa pamamagitan ng propetang si Moises, binigyan ng Diyos na Jehova ang mga Israelita ng isang kalipunan ng mga kautusan na nagtuturo sa kanila kung paano sasambahin ang Diyos sa kaayaayang paraan. Kapag tinutupad ng bayan ang hinihiling sa mga kautusang iyon, na karaniwang tinatawag na Kautusang Mosaiko, nakakamit nila ang pagsang-ayon ng Diyos at pinagpapala Niya sila. (Exodo 19:5, 6) Subalit sa kabila ng gayong mga pagpapala, ang bansang Israel ay hindi patuloy na sumunod sa paraan ng pagsamba na kaayaaya sa Diyos. Paulit-ulit nilang iniwan si Jehova at itinaguyod ang relihiyosong mga gawain ng mga naninirahan sa lupaing nakapalibot sa kanila.

Noong panahon nina propeta Ezekiel at Jeremias noong ikapitong siglo B.C.E., winalang-bahala nang maraming Israelita ang Kautusan ng Diyos at nagkaroon sila ng malapít na pakikipag-ugnayan sa mga nakapalibot na bansa. Sa pagsunod sa mga kaugalian at pakikibahagi sa mga kapistahan ng mga taong iyon, pinaghalo ng mga Israelita ang tunay at huwad na pagsamba. Maraming Israelita ang nagsabi: “Maging gaya tayo ng mga bansa, gaya ng mga pamilya sa mga lupain, na naglilingkod sa kahoy at bato.” (Ezekiel 20:32; Jeremias 2:28) Inangkin nilang sinasamba nila ang Diyos na Jehova, pero kasabay nito, sinasamba rin nila ang “mga karumal-dumal na idolo,” at inihahandog pa nga sa mga ito ang kanilang mga anak.​—Ezekiel 23:37-39; Jeremias 19:3-5.

Tinawag ng mga arkeologo ang pagsambang ito na syncretism ng relihiyon, o ang sabay-sabay na pagsamba sa iba’t ibang diyos. Sa ngayon, iniisip ng maraming tao na sa ating mapagparayang lipunan, dapat na maging malawak ang ating pananaw sa lahat ng bagay, pati na sa relihiyon. Kaya sa palagay nila, walang masama na sambahin ang Diyos sa anumang paraang nagugustuhan nila. Gayon nga ba talaga? Ito ba ay tungkol lamang sa pagpaparaya sa paniniwala ng iba? Isaalang-alang ang ilang kapansin-pansing gawain sa pinaghalong pagsamba ng mga di-tapat na Israelita, at tingnan natin kung saan humantong ang mga ito.

Pinaghalong Pagsamba ng Israel

Ang mga lugar kung saan isinasagawa ng mga Israelita ang pinaghalong pagsamba ay ang “matataas na dako,” o mga dambanang may mga altar, patungan ng insenso, sagradong batong haligi, at sagradong poste na malamang ay gawa sa kahoy at mga imahen ni Asera, ang diyosa ng mga Canaanita sa pag-aanak. Maraming ganitong lugar sa Juda. Binabanggit ng 2 Hari 23:5, 8 ang “matataas na dako sa mga lunsod ng Juda at sa mga dakong nakapalibot sa Jerusalem, . . . mula sa Geba [hilagang hangganan] hanggang sa Beer-sheba [timugang hangganan].”

Sa matataas na dakong ito, gumagawa ang mga Israelita ng “haing usok para kay Baal, sa araw at sa buwan at sa mga konstelasyon ng sodyako at sa buong hukbo ng langit.” May mga bahay sila para sa “mga lalaking patutot sa templo na nasa bahay ni Jehova” at inihahandog nila ang kanilang mga anak sa “apoy para kay Molec.”​—2 Hari 23:4-10.

Nasumpungan ng mga arkeologo ang daan-daang terakotang pigurin sa Jerusalem at Juda, pangunahin na sa kaguhuan ng pribadong mga tahanan. Karamihan sa mga ito ay mga pigurin ng hubad na mga babaing may malalaking suso. Sinasabi ng mga iskolar na ang mga ito ay pigurin ng mga diyosa ng pag-aanak na sina Astoret at Asera. Ang mga pigurin ay pinaniniwalaang “nagdadala ng suwerte upang ang mga babae ay maglihi at magkaanak.”

Ano ang tingin ng mga Israelita sa mga dakong ito ng pinaghalong pagsamba? Ayon kay Ephraim Stern, isang propesor sa Hebrew University, marami sa matataas na dakong ito ay malamang na “nakaalay kay Yahweh [Jehova].” Lumilitaw na pinatutunayan ito ng mga inskripsiyong nakita sa mga lugar na hinukay ng mga arkeologo. Halimbawa, sinasabi sa isang inskripsiyon, “Pagpalain ka nawa [sa ngalan] ni Yahweh ng Samaria at ng kaniyang asera.” Sinasabi ng isa pa, “Pagpalain ka nawa [sa ngalan] ni Yahweh ng Teman at ng kaniyang asera!”

Ipinakikita ng mga halimbawang ito kung paano pinaghalo ng mga Israelita ang dalisay na pagsamba para sa Diyos na Jehova at ang kahiya-hiyang paganong mga gawain. Dahil dito, bumaba ang moral ng mga Israelita at naging marumi ang kanilang pagsamba. Ano kaya ang naging pananaw ng Diyos sa pinaghalong pagsambang ito?

Reaksiyon ng Diyos sa Pinaghalong Pagsamba

Sa pamamagitan ng kaniyang propeta na si Ezekiel, ipinahayag ng Diyos ang kaniyang galit at pagtuligsa sa kasuklam-suklam na pagsamba ng mga Israelita, na sinasabi: “Sa lahat ng inyong mga tahanang dako ang mga lunsod ay mawawasak at ang matataas na dako ay matitiwangwang, upang ang mga iyon ay mahandusay na wasak at ang inyong mga altar ay mahandusay na tiwangwang at masira at ang inyong mga karumal-dumal na idolo ay mapaglaho at ang inyong mga patungan ng insenso ay magiba at ang inyong mga gawa ay mapawi.” (Ezekiel 6:6) Walang-alinlangang kinasuklaman at tinanggihan ni Jehova ang gayong pagsamba.

Inihula ng Diyos na Jehova kung paano magaganap ang pagkawasak ng bansa. “Narito, [isusugo ko si] Nabucodorosor na hari ng Babilonya, na aking lingkod, at dadalhin ko sila laban sa lupaing ito at laban sa mga tumatahan dito at laban sa lahat ng mga bansang ito sa palibot; at itatalaga ko sila sa pagkapuksa . . . At ang buong lupaing ito ay magiging isang wasak na dako.” (Jeremias 25:9-11) Gaya ng inihula, noong 607 B.C.E., nilusob ng mga Babilonyo ang Jerusalem at lubusang winasak ang lunsod at ang templo nito.

Hinggil sa pagkawasak ng Jerusalem, sinabi ni Propesor Stern, na sinipi kanina, na ang mga labíng nakita ng mga arkeologo ay “malinaw na patotoo ng mga paglalarawan ng Bibliya (2 Hari 25:8; 2 Cronica 36:18-19) hinggil sa pagwasak, pagsunog, at pagguho ng mga bahay at pader.” Sinabi pa niya: “Ang arkeolohikal na katibayang nasumpungan hinggil sa yugtong ito ng kasaysayan ng Jerusalem . . . ay mas marami kung ihahambing sa katibayang nasumpungan sa iba pang lugar na binabanggit sa Bibliya.”

Anong Aral ang Matututuhan Natin Dito?

Ang pangunahing aral na matututuhan natin ay hindi tinatanggap ng Diyos ang pinaghalong pagsambang salig sa mga turo ng Bibliya at sa mga doktrina, tradisyon, o ritwal ng ibang relihiyon. Malinaw na naunawaan at tinanggap ni apostol Pablo ang aral na ito. Pinalaki siya bilang isang Judiong Pariseo, na tinuruan at sinanay sa kautusan ng sektang ito. Ano ang ginawa niya nang malaman at tinanggap niya na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas? “Anumang bagay na mga pakinabang para sa akin, ang mga ito ay itinuring kong kawalan dahil sa Kristo,” ang sabi niya. Iniwan niya ang kaniyang dating paraan ng pamumuhay at naging isang nakaalay na tagasunod ni Kristo.​—Filipos 3:5-7.

Bilang isang naglalakbay na misyonero, pamilyar na pamilyar si Pablo sa mga relihiyosong gawain at pilosopiya ng iba’t ibang tao. Kaya sumulat siya sa mga Kristiyano sa Corinto: “Anong pakikibahagi mayroon ang liwanag sa kadiliman? Karagdagan pa, anong pagkakasuwato mayroon sa pagitan ni Kristo at ni Belial? O anong bahagi mayroon ang isang tapat na tao sa isang di-sumasampalataya? At anong pakikipagkasundo mayroon ang templo ng Diyos sa mga idolo? . . . ‘Kaya nga lumabas kayo mula sa kanila, at humiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay’; ‘at tatanggapin ko kayo.’”​—2 Corinto 6:14-17.

Ngayong alam na nating mahalaga sa Diyos kung paano natin siya sinasamba, maaari nating tanungin ang ating sarili: ‘Anong pagsamba ang sinasang-ayunan ng Diyos? Paano ba ako magiging malapít sa Diyos? At ano ang personal kong magagawa upang sambahin ang Diyos sa kaayaayang paraan?’

Malulugod ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang malaman ang sagot sa mga ito at sa iba pang mga katanungang may kaugnayan sa Bibliya. Inaanyayahan ka naming makipag-ugnayan sa mga Saksi sa Kingdom Hall sa inyong lugar o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito upang humiling ng isang walang-bayad na pag-aaral ng Bibliya sa oras at lugar na kumbinyente sa iyo.

[Larawan sa pahina 10]

Isang sinaunang dambana para sa pagsamba sa mga idolo, Tel Arad, Israel

[Credit Line]

Garo Nalbandian

[Larawan sa pahina 10]

Mga pigurin ni Astoret mula sa sinaunang mga bahay sa Juda

[Credit Line]

Photograph © Israel Museum, Jerusalem; courtesy of Israel Antiquities Authority