Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Masaya Kong Ginugol ang Aking Buhay sa Paggawa ng Kalooban ng Diyos

Masaya Kong Ginugol ang Aking Buhay sa Paggawa ng Kalooban ng Diyos

Masaya Kong Ginugol ang Aking Buhay sa Paggawa ng Kalooban ng Diyos

Ayon sa salaysay ni Bill Yaremchuk

Noong Marso 1947, papunta ako sa aking atas sa ibang bansa​—sa malayong Singapore. Ilang linggo pa lamang ang nakararaan mula nang makapagtapos ako bilang misyonero sa ikawalong klase ng Watchtower Bible School of Gilead, na noon ay nasa South Lansing, New York, E.U.A.

KASAMA ko sa aking atas si Dave Farmer, isa ring taga-Canada at nagtapos sa ikapitong klase ng Gilead. Mula sa San Francisco, California, sumakay kami sa Marine Adder, isang dating barko ng militar.

Una kaming dumaong sa Hong Kong sa Malayong Silangan. Kinilabutan kami sa nakita namin doon. Kitang-kita na sinalanta ng Digmaan Pandaigdig II ang lugar na ito​—nakahandusay sa mga bangketa ang mga taong waring mamamatay na sa gutom. Di-nagtagal, naglayag na kami patungong Maynila, ang kabisera ng Pilipinas.

Nakita rin namin doon ang nakapanghihilakbot na epekto ng digmaan. Nagkalat sa daungan ang mga bahagi ng mga barko na pinalubog ng mga eroplanong pandigma ng puwersang Alyado, at damang-dama rito ang kahirapan. Nakipagkita kami sa iilang Saksi ni Jehova rito at isinama nila kami sa kanilang Kingdom Hall. Masaya sila sa kabila ng mga problemang dinaranas nila.

Pagkatapos nito, dumaong naman kami sa Batavia (ngayon ay Jakarta) sa Indonesia. Kasagsagan noon ng gera sibil, at sa di-kalayuan ay may nagaganap na labanan, kaya hindi kami pinayagang makababa ng barko. Habang papunta na kami sa Singapore, iniisip ko kung ano kaya ang naghihintay sa amin doon. May natitira pa kayang magagandang lugar sa Silangan gaya ng nababasa namin sa mga brosyur sa paglalakbay?

Sa loob ng ilang araw, nawala ang aking mga agam-agam. Ang sumunod na mga pangyayari ay pumawi sa mga pag-aalinlangan namin ni Dave kung sa dakong ito nga kami inatasan ng Diyos para maglingkod.

Kung Paano Kami Pinahintulutang Makapasok sa Bansa

Sa wakas, makaraan ang halos isang buwan mula nang umalis kami sa San Francisco, dumaong kami sa St. John’s Island. Sa islang ito pansamantalang dumadaong ang mga barko bago pahintulutang makapasok sa mismong Singapore. Umakyat sa barko ang mga opisyal ng imigrasyon para inspeksiyunin ang mga pasahero. Tinatakan ng “Pinahihintulutang Makapasok” ang aming mga pasaporte. Kinabukasan, dumaong sa pantalan ang aming barko. Matapos suriin ng isang opisyal ng barko ang aming mga papeles, bumaba na kami ng barko.

Nang sumunod na araw, bumalik kami sa pantalan para magpaalam sa iba pang misyonero na kasama namin sa biyahe. Papunta sila sa India at Ceylon (ngayon ay Sri Lanka). Nang makita kami ng kapitan ng barko, bumaba siya sa pantalan at sinita kami. Galit na galit siya at pasigaw niyang sinabi sa amin na hindi raw kami dapat bumaba ng barko. Noong nasa dagat pa kami, ipinag-utos pala ng mataas na opisyal ng imigrasyon na si Ginoong Haxworth na huwag kaming payagang makababa ng barko kapag dumaong na ito. Hindi namin alam ang utos na iyon, at hindi rin ito alam ng opisyal na nagpahintulot sa amin na bumaba ng barko.

Nagpupuyos sa galit si Ginoong Haxworth nang dinala kami sa kaniya. Pinagsisigawan niya kami, at sinabing bawal daw kaming pumasok sa Singapore. Yamang wala naman kaming kaalam-alam sa pagbabawal na iyon, ipinakita namin sa kaniya ang aming mga pasaporte na tinatakan ng opisyal ng imigrasyon ng “Pinahihintulutang Makapasok.” Inagaw niya sa amin ang mga pasaporte namin at pinágguguhitan ang mga tatak nito. Pero nakaalis na ang barko namin! Hindi isinauli ni Ginoong Haxworth ang mga pasaporte namin sa loob ng isang taon. Sa wakas, ibinalik rin niya ito sa amin na may tatak uli na “Pinahihintulutang Makapasok.”

Mabungang Ministeryo sa Singapore

Nang dumating kami sa Singapore noong Abril 1947, isang lalaking nagngangalang Joshua ang tanging Saksi roon. Naglingkod siya bilang buong-panahong ministro, o payunir, hanggang sa mamatay siya noong unang mga taon ng dekada ng 1970. Di-nagtagal, ang ilan sa mga nakaalam ng katotohanan sa Bibliya ay nagsimulang magbahagi nito sa iba. Ang aming panalangin para sa karagdagang manggagawa sa espirituwal na pag-aani ay nagsisimula nang masagot.​—Mateo 9:37, 38.

Noong 1949, habang nasa mahabang bakasyon sa Inglatera si Ginoong Haxworth, anim na misyonerong nagtapos sa ika-11 klase ng Gilead ang dumating sa Singapore. Samantala, pagkatapos kong makasama si Dave sa gawaing misyonero sa loob ng ilang taon, kinailangan niyang umalis sa Singapore dahil sa mahinang kalusugan. Pumunta siya sa Australia kung saan tapat siyang naglingkod hanggang mamatay siya noong 1973. Ang isa sa anim na bagong dating na misyonero ay si Aileen Franks, na napangasawa ko noong 1956.

Sa paglipas ng mga taon, marami sa aming mga estudyante sa Bibliya ang naging mga Saksi pati na ang kanilang mga anak. Hanggang sa ngayon, ilan sa kanila ang nasa pambuong-panahong ministeryo sa banyagang mga bansa. Isa sa nakaantig-pusong karanasan ay ang tungkol kina Lester at Joanie Haynes, isang mag-asawang Amerikano na nanirahan sa Singapore. Nagsimula silang mag-aral ng Bibliya noong dekada ng 1950. Mabilis nilang tinanggap ang katotohanan sa Bibliya at nabautismuhan sila pagkatapos nilang bumalik sa Estados Unidos. Nang maglaon, naging mabunga ang ministeryo nina Lester at Joanie. Marami silang natulungang maging Saksi, pati na ang kanilang tatlong anak.

Sumulat si Joanie: “Kapag naaalaala ko ang taóng iyon noong kami’y nasa Singapore, naiisip kong talagang binago nito ang direksiyon ng aming buhay. Kung hindi ninyo kami ‘inampon,’ malamang na palipat-lipat pa rin kami sa iba’t ibang bansa. Masayang-masaya ako na kayo ang nagturo kay Les ng katotohanan, dahil sa simula pa lang ay nagkaroon na siya ng tagapagturo na nagkintal sa kaniya ng pag-ibig kay Jehova at sa ating Kristiyanong kapatiran. Hindi niya kailanman nalimutan iyon.”

Naglingkod sa Singapore Bilang Pamilya

Noong 1962, isang di-inaasahang pangyayari ang bumago sa aming buhay. Sinabi ng aming doktor kay Aileen na siya ay buntis. Gusto naming manatili sa gawaing pagmimisyonero, pero paano namin magagawa ito kasabay nang pagpapalaki sa bata? Sumulat sa amin si Nathan H. Knorr, ang nangangasiwa noon sa pambuong-daigdig na gawain ng mga Saksi ni Jehova, at iminungkahi niyang maghanap ako ng trabaho para hindi na kami umalis sa Singapore. Naging malaking hamon ito para sa amin.

Karamihan ng mga banyaga ay nagtatrabaho bilang mga ehekutibo ng mga banyagang kompanya. Wala akong karanasan sa larangan ng negosyo, yamang pumasok na ako sa buong-panahong ministeryo mula nang makatapos ako sa pag-aaral, 23 taon na ang nakalilipas. Kaya nagbayad ako sa isang ahensiya sa London na nagbibigay ng trabaho para igawa nila ako ng résumé batay sa aking kuwalipikasyon bilang relihiyosong ministro sa banyagang lupain, at ipinadala nila ito sa iba’t ibang multinasyonal na kompanya na nasa Singapore.

Sunud-sunod ang tinanggap kong sagot na nagsasabi, “Ikinalulungkot namin na wala kaming maibibigay sa iyong trabaho na angkop sa mga kuwalipikasyon mo.” Sobra daw akong kuwalipikado! Lumipas ang mga buwan, at ipinanganak ang aming anak na si Judy. Nasa Singapore noon si Brother Knorr at dinalaw niya si Judy at ang aking asawa sa ospital. Magiliw niyang sinabi, “Maaari kayong tumira sa tahanan ng mga misyonero hanggang sa makahanap ng trabaho si Bill.”

Makaraan ang ilang buwan, natanggap ako bilang ahente ng isang internasyonal na kompanya ng pampasaherong mga eroplano. Napakaliit ng kita ko rito; halos hindi nga kami makaraos. Pagkalipas ng dalawang taon, kinuha ako ng isang kompanya ng pampasaherong mga eroplano na pagmamay-ari ng Amerikano at nadoble ang aking suweldo. Nang maglaon, naging kilala ako sa trabahong ito, at nakapaglaan ako ng mas maraming panahon sa aking pamilya at sa ministeryong Kristiyano.

Ang paglilingkod kay Jehova ang sentro ng aming buhay, anupat lagi naming binibigyan ng pansin ang aming espirituwalidad. Ito ang dahilan kung bakit nagkaroon ako ng maraming pribilehiyo sa organisasyon ng mga Saksi ni Jehova. Si Aileen ay muling naglingkod bilang buong-panahong ministro. Samantala, sumusulong ang pangangaral ng Kaharian sa Singapore. Noong kalagitnaan ng dekada ng 1960, nakabili kami ng magandang dalawang-palapag na gusali sa sentro ng lunsod na naging Kingdom Hall namin. Apat na kongregasyon ang gumamit nito.

Ipinagbawal ang Aming Gawain!

Sa paglipas ng mga taon, napaharap kami sa matinding pagsubok. Noong Enero 14, 1972, pumunta kami sa Kingdom Hall para dumalo sa pulong gaya ng lagi naming ginagawa. Pero may kadena at nakakandado ang tarangkahan nito. May nakapaskil na deklarasyong nagsasabing hindi na kinikilala ng pamahalaan ang Kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Singapore. Ipinagbawal ang aming gawain! *

Hindi napahinto ang aming pagsamba kay Jehova kahit pa ipinasara ang Kingdom Hall. Pero ang tanong sa isipan ko ay, ‘Ano kaya ang kalooban ng Diyos para sa aking pamilya?’ Inisip ko na kung sapilitan kaming paaalisin sa bansa, baka hindi na kami makabalik para dalawin ang aming mga kaibigan sa Singapore. Kaya tinanong ko ang manedyer ng aming kompanya kung puwede akong bigyan ng trabaho sa Kuala Lumpur, Malaysia. Sa gayon, hindi mahihirapan ang aming pamilya na magpabalik-balik. Laking gulat ko nang alukan niya ako ng trabaho bilang manedyer sa isang opisina namin sa Kuala Lumpur. Sa trabahong ito, madodoble ang sahod ko at magkakaroon ako ng mas maraming benepisyo.

Pero naisip ko, ‘Kalooban kaya ng Diyos na umalis kami sa Singapore at málayo sa aming mga kapatid?’ Bilang isang pamilya, ipinanalangin namin kay Jehova ang bagay na ito. Napag-isip-isip namin na si Jehova ang nag-atas sa amin dito. Kaya ipinasiya ko na huwag nang umalis. Nabigla ang aking manedyer nang tanggihan ko ang napakaganda niyang alok.

Napakahirap maglingkod sa ilalim ng pagbabawal, yamang laging may pagbabanta na aarestuhin at ikukulong kami. May mga pagkakataon na talagang napahalagahan namin ang sinasabi sa Awit 34:7: “Ang anghel ni Jehova ay nagkakampo sa buong palibot niyaong mga may takot sa kaniya, at inililigtas niya sila.”

Isang Bagong Atas

Nang dakong huli, matapos maglingkod nang 46 na taon sa Singapore, inatasan kami noong 1993 sa New Zealand kung saan makapaglilingkod kami nang hindi gaanong mahihirapan. Siyempre pa, malungkot kami dahil maiiwan namin ang aming mga kaibigan sa Singapore, na napamahal na sa amin. Gayunman, nakapagpapatibay malaman na ang kanilang pananampalataya ay may matibay na pundasyon at gawa sa mga materyales na di-tinatablan ng apoy. Kaya naman, sila ay nakapaninindigang matatag sa kabila ng mga pagsubok na patuloy nilang pinagtitiisan.​—1 Corinto 3:12-14.

Sa kasalukuyan, matapos ang mahigit 14 na taon ng paglilingkuran sa New Zealand, patuloy pa rin kami ni Aileen na naglilingkod bilang mga special pioneer bagaman may-edad na kami. Dalawa sa aking kuya​—si Mike, na ngayo’y 94, at si Peter, 90​—ay tapat pa ring naglilingkod kay Jehova sa Canada.

Noong 1998, ang aming anak na si Judy ay bumalik sa Malayong Silangan at naglingkod doon nang ilang taon. Sinabi niya sa isa sa mga sulat niya sa amin: “Araw-araw po akong nagpapasalamat kay Jehova dahil sa napakagandang pribilehiyo ng paglilingkod dito! Salamat din po sa inyo para sa lahat ng maibiging pagsasanay at pagsasakripisyo na ginawa at patuloy ninyong ginagawa upang maging posible ang lahat ng ito.” Noong 2003, bumalik siya sa New Zealand para tulungan kami ni Aileen sa aming mga pangangailangan. *

Nagpapasalamat kami kay Jehova na ipinahintulot ng aming kalagayan na makatugon sa panawagan ng Panginoon para sa mas maraming manggagawa sa pag-aani. Nagdulot ito sa amin ng walang kahulilip na kaligayahan. At kapag ‘lumipas na ang sanlibutan,’ gaya ng sinasabi ng Bibliya, makakamit namin ang katuparan ng kamangha-manghang pangako ng Diyos: ‘Siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.’​—1 Juan 2:17.

[Mga talababa]

^ Tingnan Ang Bantayan, Disyembre 1, 1972, pahina 726-735.

^ Namatay si Aileen noong Enero 24, 2008 habang tinatapos ang artikulong ito.

[Larawan sa pahina 29]

Si Joshua lamang ang Saksi sa Singapore nang dumating kami roon noong 1947

[Larawan sa pahina 29]

Kasama si Dave Farmer sa Hong Kong, patungong Singapore, 1947

[Larawan sa pahina 29]

Kasama si Aileen, 1958

[Larawan sa pahina 31]

Kasama ang aming anak na si Judy

[Credit Line]

Kimroy Photography

[Picture Credit Line sa pahina 28]

Kimroy Photography