Mali Bang Gamitin ang Pangalan ng Diyos?
Mali Bang Gamitin ang Pangalan ng Diyos?
SA Hebreong Kasulatan, na madalas na tinatawag na “Matandang Tipan,” lumilitaw ang pangalan ng Diyos nang halos 7,000 ulit sa anyong יהוה (binabasa mula sa kanan pakaliwa). Sa ibang salita, ang pangalan ng Diyos ay kinakatawan ng apat na Hebreong titik na Yohdh, He, Waw, at He, na ang karaniwang transliterasyon ay YHWH.
Noong sinaunang panahon, nagkaroon ang mga Judio ng pamahiin na maling gamitin ang pangalan ng Diyos. Kaya hindi na nila ito binigkas, at pinalitan na rin nila ito ng ibang katawagan sa kanilang mga akda. Pero maraming tagapagsalin ng Bibliya ang gumamit ng pangalang “Yahweh,” o “Jehova.” Isa sa mga salin na gumawa nito ay ang Katolikong Jerusalem Bible. Ayon sa saling ito, nang tanungin ni Moises ang Diyos kung ano ang isasagot niya kapag tinanong siya ng mga Israelita kung sino ang nagsugo sa kaniya, sumagot ang Diyos: “Sasabihin mo sa mga anak ni Israel: ‘Si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob, ang nagsugo sa akin sa inyo.’ Ito ang pangalan ko magpakailanman; at sa pangalang ito ako tatawagin ng lahat ng darating na salinlahi.”—Exodo 3:15.
Habang nananalangin, ganito ang sinabi ni Jesus tungkol sa paggamit niya ng banal na pangalan: “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at patuloy ko pang ipakikilala.” At sa kilaláng panalangin na Ama Namin, sinabi ni Jesus: “Ama naming nasa langit, mapabanal nawa ang iyong pangalan.”—Juan 17:26; Mateo 6:9, JB.
Kaya baka magulat ka kapag nalaman mong sa kaniyang aklat na Jesus of Nazareth, na inilabas kamakailan, ganito ang sinabi ni Pope Benedict XVI tungkol sa paggamit ng banal na pangalan: “Tama talaga ang mga Israelita . . . sa pagtanggi nilang bigkasin ang pangalang ito na ginagamit ng Diyos, na ipinahahayag sa salitang YHWH, para hindi ito madusta at maging kapantay ng pangalan ng mga paganong diyos. Sa katulad na paraan, mali ang mga salin ng Bibliya na inilabas kamakailan sa paggamit nila ng pangalang ito—na laging itinuturing ng mga Israelita na mahiwaga at hindi dapat bigkasin—na para bang katulad lamang ito ng anumang matandang pangalan.”
Ano sa palagay mo? Tama ba o maling gamitin ang pangalan ng Diyos? Kung si Jehova na mismo ang nagsasabi: “Ito ang pangalan ko magpakailanman; at sa pangalang ito ako tatawagin ng lahat ng darating na salinlahi,” mayroon bang karapatan ang sinuman na magsabing mali ang Diyos sa kaniyang sinabi?
[Larawan sa pahina 30]
Ginamit ni Jesus sa panalangin ang banal na pangalan