Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naging Maawain sa Akin ang Diyos

Naging Maawain sa Akin ang Diyos

Naging Maawain sa Akin ang Diyos

Ayon sa Salaysay ni Bolfenk Moc̆nik

“Lakasan mo ang iyong loob.” Iyan ang mariin at mahigpit na bilin sa akin ni Inay nang yakapin niya ako. Pinaghiwalay kami ng mga miyembro ng milisya, at nagsimula na ang paglilitis. Nang maglaon, ibinaba ang sentensiya: limang-taóng pagkabilanggo. Siguro kung sa iba nangyari iyon, gumuho na ang kanilang mundo. Pero para sa akin, noon lamang ako nakadama ng matinding kapayapaan ng puso. Hayaan ninyong ikuwento ko sa inyo kung bakit.

ANG mga pangyayaring inilarawan sa itaas ay naganap sa Slovenia noong 1952. * Pero ang kuwento ko ay nagsimula mahigit 20 taon bago nito, noong 1930. Nang panahong iyon, isinaayos ng mga Estudyante ng Bibliya, na tawag sa mga Saksi ni Jehova noon, ang unang pagbabautismo sa isang grupo sa aming bansa. Kasama sa nabautismuhan ang aking mga magulang na sina Berta at Franz Moc̆nik. Anim na taóng gulang pa lang ako noon at apat na taóng gulang naman ang aking kapatid na babae, si Majda. Naging sentro ng gawaing Kristiyano ang bahay namin sa lunsod ng Maribor.

Umupo sa kapangyarihan si Adolf Hitler sa Alemanya noong 1933 at nagsimulang pag-usigin ang mga Saksi. Maraming Alemang Saksi ang lumipat sa Yugoslavia para tumulong sa gawaing pangangaral. Nasisiyahan ang mga magulang ko na maging bisita ang gayong matapat na mga tao. Tandang-tanda ko pa ang isa sa mga naging bisita namin na si Martin Poetzinger, na nang maglaon ay nabilanggo nang siyam na taon sa mga kampong piitan ng mga Nazi. Sa kalaunan, naglingkod siya bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, mula 1977 hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1988.

Kapag dumadalaw sa amin si Martin, lagi siyang natutulog sa aking kama, samantalang kaming magkapatid naman ay nakikitulog sa kuwarto ng aming mga magulang. Mayroon siyang isang maliit at makulay na ensayklopidiyang pumukaw ng aking imahinasyon bilang isang bata. Aliw na aliw akong buklatin ang aklat na iyon.

Panahon ng Matitinding Pagsubok

Noong 1936, habang lalong nagiging makapangyarihan si Hitler, dumalo ang aking mga magulang sa napakahalagang internasyonal na kombensiyon sa Lucerne, Switzerland. Maganda ang boses ni Itay, kaya nang okasyong iyon, napili siyang magrekord ng mga sermon sa Bibliya na nang maglaon ay pinatugtog sa mga maybahay sa buong Slovenia. Di-nagtagal pagkatapos ng di-malilimutang kombensiyong iyon, nagsimula ang matinding pag-uusig sa mga Saksi sa Europa. Marami ang nagdusa at namatay sa mga kampong piitan ng mga Nazi.

Noong Setyembre 1939, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, at pagsapit ng Abril 1941, sinakop ng hukbong Aleman ang ilang bahagi ng Yugoslavia. Ipinasara ang mga paaralan sa Slovenia. Pinagbawalan kaming mag-usap sa aming wika kapag nasa publiko. Dahil naninindigan ang mga Saksi ni Jehova sa pagiging neutral sa lahat ng alitan sa pulitika, tumanggi silang makibahagi sa digmaan. * Dahil dito, marami ang inaresto at ang ilan ay pinatay​—kabilang na si Franc Drozg, na kilalang-kilala ko. Mga sandaang metro lamang ang layo mula sa bahay namin ng lugar kung saan pinapatay ng mga firing squad ng mga Nazi ang mga tao. Naaalaala ko pang tinatakpan ni Inay ng tela ang kaniyang mga tainga para hindi niya marinig ang mga putok ng baril. Ang huling pananalita ni Franc sa kaniyang liham ng pamamaalam sa isang matalik na kaibigan ay, “Magkita tayo sa Kaharian ng Diyos.”

Isang Landasing Labis Kong Pinagsisisihan

Ako ay 19 anyos noon. Bagaman humanga ako sa matibay na paninindigan ni Franc, natakot ako. Mamamatay rin kaya ako? Mahina ang aking pananampalataya at kaugnayan sa Diyos na Jehova noon. Nang panahong iyon, tinawag ako upang magsundalo. Mas nangibabaw ang takot ko kaysa sa aking pananampalataya, kaya tinanggap ko iyon.

Ipinadala ako kung saan nakikipaglaban ang aming hukbo sa mga Ruso. Di-nagtagal, kitang-kita ko ang pagkamatay ng aking mga kasama. Malupit at nakapangingilabot ang digmaan. Lalong nabagabag ang aking konsiyensiya. Nagsumamo ako kay Jehova na patawarin niya ako at bigyan ng lakas upang magawa ko ang tama. Nang magkaroon ng kalituhan sa aming grupo dahil sa matinding pagsalakay, nakakita ako ng pagkakataon para tumakas.

Alam kong kapag nahuli ako, papatayin nila ako. Kaya sa sumunod na pitong buwan, kung saan-saan ako nagtago. Pero nagawa ko pang makapagpadala ng postkard kay Majda na may mensaheng: “Iniwanan ko na ang aking amo at sa iba na ako nagtatrabaho.” Ang ibig kong sabihin ay gusto ko nang magtrabaho para sa Diyos, pero lumipas pa ang ilang taon bago ko ito nagawa.

Noong Agosto 1945, tatlong buwan pagkatapos sumuko ng mga Aleman sa puwersang Alyado, nakabalik ako sa Maribor. Hindi ako makapaniwalang lahat kami​—ang aking tatay, nanay, at kapatid na babae​—ay nakaligtas sa malupit na digmaang iyon. Pero nang panahong iyon, mga Komunista naman ang humawak ng kapangyarihan, at pinag-usig nila ang mga Saksi ni Jehova. Ipinagbawal ng gobyerno ang gawaing pangangaral, pero nagpatuloy pa rin ang mga Saksi sa gawaing ito nang palihim.

Noong Pebrero 1947, tatlong tapat na Saksi​—sina Rudolf Kalle, Dus̆an Mikić, at Edmund Stropnik​—ang sinentensiyahan ng kamatayan. Pero nang maglaon, pinalitan ang kanilang sentensiya ng 20-taóng pagkabilanggo. Ang pangyayaring ito ay sinubaybayan nang husto ng media kaya maraming tao ang nakabalita sa di-makatarungang pagtrato sa mga Saksi. Nang mabasa ko ang mga balitang iyon, nagsisi ako nang labis. Alam ko na ang kailangan kong gawin.

Nagkaroon Ako ng Espirituwal na Lakas

Mahirap man, pero alam kong kailangan ko nang manindigan sa katotohanan na nagmumula sa Bibliya, kaya lalo kong sinikap na makatulong sa gawaing pangangaral na isinasagawa nang palihim. Dahil sa regular at makabuluhang pagbabasa ng Bibliya, tinulungan ako ng banal na espiritu ng Diyos na magkaroon ng lakas ng loob upang maihinto ang maruruming bisyo, gaya ng paninigarilyo.

Noong 1951, nabautismuhan ako bilang sagisag ng aking pag-aalay sa Diyos, at ipinagpatuloy ko ang landasin ng buhay bilang Kristiyano na iniwan ko halos sampung taon na ang nakalilipas. Noon ko lang nadama ang matapat at di-nagmamaliw na pag-ibig ni Jehova bilang isang tunay na Ama. Bagaman mali ang mga naging desisyon ko noong kabataan pa ako, naantig ako sa katiyakang ibinibigay ng Bibliya na nagpapatawad ang Diyos. Bilang isang maibiging Ama, patuloy akong inaakay ng Diyos “sa pamamagitan ng mga panali ng pag-ibig.”​—Oseas 11:4.

Sa napakahirap na mga panahong iyon, palihim kaming nagdaos ng mga Kristiyanong pagpupulong sa bahay ng iba’t ibang Saksi, at nagpatuloy kami sa pangangaral sa di-pormal na paraan. Wala pang isang taon matapos akong mabautismuhan, inaresto ako. Saglit kaming nagkita ni Inay bago nagsimula ang paglilitis. Gaya ng binanggit sa pasimula, niyakap niya ako nang mahigpit at pinasigla ako: “Lakasan mo ang iyong loob.” Nang ibaba ang sentensiyang limang-taóng pagkabilanggo, nanatili akong kalmado at matatag.

Inilagay ako sa isang maliit na selda kasama ng tatlong iba pang bilanggo. Kaya naibahagi ko ang katotohanan mula sa Bibliya sa mga lalaking hindi sana mapaaabutan ng mensahe ng Bibliya. Kahit wala akong Bibliya o literatura sa Bibliya, manghang-mangha ako na natatandaan ko ang mga teksto at ang paliwanag sa mga ito dahil sa maraming oras na ginugol ko noon sa personal na pag-aaral ng Bibliya. Lagi kong sinasabi sa mga kapuwa ko bilanggo na kung kailangan akong manatili sa bilangguan nang limang taon, bibigyan ako ni Jehova ng lakas para makayanan iyon. Pero puwede rin niya akong tulungang makalaya agad. At kung gagawin niya iyon, ang pangangatuwiran ko, sino ang makahahadlang sa kaniya?

Paglilingkod sa Panahong May Kalayaan sa Paanuman

Noong Nobyembre 1953, nagdeklara ang gobyerno ng amnestiya at pinalaya ang lahat ng Saksing nakabilanggo. Saka ko nalaman na inalis na ang pagbabawal sa ating gawaing pangangaral dalawang buwan na ang nakalilipas. Sinimulan namin agad ang muling pag-oorganisa sa mga kongregasyon at sa gawaing pangangaral. Nakatagpo kami ng isang lugar na mapagtitipunan sa basement ng isang gusali sa sentro ng Maribor. Naglagay kami ng karatula sa pader: “Mga Saksi ni Jehova​—Kongregasyon ng Maribor.” Napakalaki ng aming pasasalamat dahil sa kagalakang makapaglingkod kay Jehova nang may kalayaan.

Noong pasimula ng 1961, nagsimula akong maglingkod nang buong-panahon bilang payunir. Pagkalipas ng mga anim na buwan, inanyayahan akong magtrabaho sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Yugoslavia. Matatagpuan iyon sa Zagreb, Croatia. Ang sangay noon ay isa lamang maliit na kuwarto at may tatlong nagtatrabaho doon. Ang mga kapuwa Kristiyano na nakatira sa malapit ay pumupunta roon kung araw para tumulong sa pag-iimprenta ng magasing Bantayan sa lokal na mga wika.

Tumulong din sa gawain ang mga babaing Saksi na nakatira sa malapit. Ang isa sa ginagawa nila ay ang pagtatahi sa mga pahina ng mga magasin. Kabilang sa iba’t ibang trabaho ko ang proofreading, pagsasalin, paghahatid ng mga sulat, at pag-aayos ng mga rekord.

Pagbabago ng Atas

Noong 1964, inatasan akong maglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa na dumadalaw nang regular sa ilang kongregasyon ng mga Saksi para patibayin ang kanilang pananampalataya. Gustung-gusto ko ang gawaing ito. Kadalasan, sumasakay ako ng bus o tren papunta sa mga kongregasyong ito. Para makarating sa mga Saksing naninirahan sa maliliit na nayon, madalas akong nagbibisikleta o naglalakad, kung minsan kahit sa daan na hanggang bukung-bukong ang putik.

Pero may mga karanasan din kaming nakakatawa. Minsan, sinamahan ako ng isang Kristiyanong kapatid na lalaki sa pagpunta sa kasunod na kongregasyon sakay ng karitelang hinihila ng kabayo. Habang naglalakbay kami sa baku-bakong daan, biglang natanggal ang isang gulong ng karitela. Pareho kaming nahulog sa lupa. Habang nakaupo kami doon at nakatingin sa kabayo, napatitig ito sa amin na nanlalaki ang mga mata na tila namamangha sa nangyari. Kahit maraming taon na ang lumipas, natatawa pa rin kami kapag naaalaala namin iyon. Hindi ko malilimutan ang kagalakang nadama ko dahil sa walang-pagpapaimbabaw na pagmamahal ng mga kapatid sa kanayunan.

Sa bayan ng Novi Sad, nakilala ko si Marika, na naglilingkod bilang payunir. Hangang-hanga ako sa kaniyang pag-ibig sa katotohanan sa Bibliya at sa kaniyang sigasig sa ministeryo anupat gusto ko siyang pakasalan. Nang maglaon pagkatapos naming makasal, kasama ko na siyang dumadalaw at naglilingkod sa mga kongregasyon.

Marami ring naranasang paghihirap ang aking pamilya noong panahon ng pagbabawal. Inakusahan si Itay na nakipagsabuwatan sa mga kaaway noong panahon ng digmaan kaya nawalan siya ng trabaho. Matagal din niyang ipinakipaglaban na maibalik siya sa trabaho, pero wala ding nangyari, kaya nasiraan siya ng loob. Nanghina ang kaniyang pananampalataya nang sandaling panahon, subalit nanumbalik din ito bago siya mamatay. Aktibo siyang naglilingkod sa kanilang kongregasyon nang mamatay siya noong 1984. Ang aking mapagpakumbaba at tapat na nanay ay mas naunang namatay, noong 1965. Naglilingkod pa rin si Majda sa kongregasyon sa Maribor.

Paglilingkod Namin sa Austria

Noong 1972, tumanggap kami ni Marika ng paanyayang pumunta sa Austria para mangaral sa maraming nandayuhang manggagawa mula sa Yugoslavia. Nang dumating kami sa Vienna, ang kabisera, hindi namin inaasahang magiging permanenteng atas na namin iyon. Unti-unting dumami sa buong Austria ang bagong tatag na mga kongregasyon at grupong nagsasalita ng mga wikang ginagamit sa Yugoslavia.

Di-nagtagal, nagsimula akong maglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa, na dumadalaw sa dumaraming mga kongregasyon at grupong iyon sa buong bansa. Nang maglaon, inanyayahan din kaming dumalaw sa Alemanya at Switzerland kung saan mayroon ding itinatag na gayong mga kongregasyon. Tumulong ako sa pag-oorganisa sa maraming asamblea at kombensiyon sa mga bansang iyon.

Kung minsan, ang gayong malalaking kombensiyon ay dinadalaw ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala, kaya nagkita kaming muli ni Martin Poetzinger. Nagbalik-tanaw kami sa mga pangyayaring naganap mga 40 taon na ang lumipas noong madalas namin siyang maging bisita sa bahay namin. Tinanong ko siya, “Naaalaala mo pa ba na aliw na aliw akong buklatin ang iyong maliit na ensayklopidiya?”

“Sandali lang,” ang sabi niya sabay alis sa kuwarto. Bumalik siyang dala ang aklat na iyon at iniabot sa akin. “Tanggapin mo ang regalong ito mula sa isang kaibigan,” ang sabi niya. Ang aklat na iyon ay mahalagang bahagi pa rin ng aking aklatan hanggang sa ngayon.

May Problema sa Kalusugan—Pero Aktibo Pa Rin

Noong 1983, nasuri ng mga doktor na mayroon akong kanser. Di-nagtagal, sinabi nilang may taning na ang aking buhay. Napakahirap ng mga panahong iyon, lalo na para kay Marika, pero dahil sa kaniyang maibiging pangangalaga at sa praktikal na tulong ng maraming Kristiyanong kapatid, masaya at makabuluhan pa rin ang aking buhay.

Nagpatuloy kami ni Marika sa buong-panahong paglilingkod sa Vienna. Kadalasan, nagbibiyahe ako sa umaga papunta sa tanggapang pansangay para tumulong sa gawaing pagsasalin habang si Marika naman ay abalang nangangaral sa lunsod. Napakalaki ng kagalakan ko dahil nasaksihan ko ang pagdami ng maliit na grupo ng mga taga-Yugoslavia na nandayuhan sa Austria at naging mga Saksi, na ngayo’y umaabot na ng mahigit 1,300. Nagkapribilehiyo kami ni Marika na tulungan ang marami sa kanila na matuto ng katotohanan mula sa Bibliya.

Nitong nakalipas na mga taon, nagkaroon ako ng pribilehiyong magkabahagi sa programa ng pag-aalay ng bagong mga pasilidad ng sangay sa mga dating republika ng Yugoslavia​—isa sa Croatia noong 1999 at isa sa Slovenia noong 2006. Isa ako sa mga matagal nang naglilingkod na hinilingang magkuwento ng mga naaalaala ko tungkol sa pasimula ng gawaing pangangaral sa mga bansang iyon mga 70 taon na ang lumipas.

Talagang si Jehova ay isang maibiging Ama na handang magpatawad nang sagana sa ating mga pagkakasala at pagkakamali. Napakalaki ng pasasalamat ko na hindi mga kamalian ang binabantayan niya! (Awit 130:3) Talagang naging mabait at maawain siya sa akin. *

[Mga talababa]

^ Anim na republika, kabilang na ang Slovenia, ang bumubuo noon sa Yugoslavia.

^ Para sa maka-Kasulatang dahilan ng pagtanggi ng mga Saksi ni Jehova na makipagdigma, tingnan ang artikulong “Tanong ng mga Mambabasa” sa pahina 22 ng magasing ito.

^ Namatay si Bolfenk Moc̆nik noong Abril 11, 2008, habang inihahanda ang artikulong ito para ilathala.

[Larawan sa pahina 27]

Mula sa kaliwa pakanan: Ang aking mga magulang na sina Berta at Franz Moc̆nik, si Majda, at ako, sa Maribor, Slovenia, noong dekada ng 1940

[Larawan sa pahina 29]

Kasama ang aking asawang si Marika