Tel Arad Tahimik na Saksi ng Nakalipas
Tel Arad—Tahimik na Saksi ng Nakalipas
Isang naglahong lunsod. Isang mahiwagang templo. Isang silid na puno ng napakaraming sinaunang inskripsiyon. Parang puwede itong maging eksena ng isang kapana-panabik na pelikula. Sa katunayan, ang lahat ng ito at marami pang iba ay maraming siglo nang natabunan sa ilalim ng disyerto sa Tel Arad, Israel, hanggang sa maghukay roon ang mga arkeologo.
PARA sa maraming bisita sa ngayon, ang modernong Arad ay isang karaniwang bayan lamang sa Israel. May 27,000 naninirahan dito at matatagpuan ito sa ilang ng Judea sa gawing kanluran ng Dagat na Patay. Pero ang lunsod ng Arad sa sinaunang Israel ay matatagpuan mga walong kilometro pa pakanluran. Doon maingat na naghukay ang mga arkeologo at nakakita ng maraming sinaunang istraktura at inskripsiyon.
Ang mga inskripsiyong ito ay nakita sa mga ostracon, mga bibinga na ginagamit na sulatan. Ang pagsusulat sa mga ito ay karaniwan na noong panahon ng Bibliya. Sa paghuhukay sa Tel Arad, natuklasan ang sinasabing pinakamaraming koleksiyon ng gayong mga ostracon na natagpuan sa Israel kailanman. Pero ano ang kahalagahan ng mga nahukay na ito?
Ang mga natuklasan sa Tel Arad ay sumasaklaw sa mahabang yugto ng kasaysayan sa Bibliya, mula pa noong panahon ng mga Hukom sa Israel hanggang sa paglusob ng Babilonya sa Juda noong 607 B.C.E. Kaya nagpapatunay ang mga tuklas na ito na tumpak ang Bibliya. Makatutulong din sa atin ang mga ito upang malaman kung ano ang pananaw ng mga tao sa sinaunang Israel tungkol sa personal na pangalan ng Diyos.
Ang Arad at ang Bibliya
Totoo, masasabing kaunti lamang ang binabanggit ng Bibliya tungkol sa Arad. Pero ang importanteng lunsod na ito ang may kontrol noon sa isang pangunahing ruta ng kalakalan. Kaya hindi nakapagtatakang ipinahihiwatig ng mga rekord ng kasaysayan at ng mga natuklasan ng mga arkeologo na ang sinaunang lugar na ito ay
paulit-ulit na sinakop, winasak, at muling itinayo sa panahon ng makulay na kasaysayan nito. Natabunan nang natabunan ang lugar na iyon dahil sa paulit-ulit na pagtatayo. Dahil dito, isa na ito ngayong napakalaking bunton, kung saan matatagpuan ang isang lunsod.Unang binanggit ang Arad sa Bibliya nang isalaysay nito ang dulong bahagi ng 40-taóng paglalakbay ng mga Israelita sa ilang. Di-nagtagal pagkamatay ng kapatid ni Moises na si Aaron, dumaan ang bayan ng Diyos malapit sa timugang hanggahan ng Lupang Pangako. Malamang na inisip ng Canaanitang hari ng Arad na madali niyang matatalo ang mga palaboy na ito sa ilang. Kaya sinalakay niya ang mga ito. Sa tulong ng Diyos na Jehova, buong-giting na lumaban ang mga Israelita, nagtagumpay, at lubusang winasak ang Arad, bagaman lumilitaw na may nakaligtas na ilang tao.—Bilang 21:1-3.
Mabilis namang itinayong muli ng mga Canaanita ang kanilang importanteng lunsod; nang makarating sa lugar na ito si Josue pagkalipas ng ilang taon, anupat lumusob mula sa gawing hilaga at isa-isang pinuksa ang lahat ng mga Canaanita sa ‘bulubunduking pook at sa Negeb,’ isa sa mga lumaban sa kaniya ay “ang hari ng Arad.” (Josue 10:40; 12:14) Nang maglaon, ang mga inapo ni Hobab na Kenita, na tumulong at sumama sa kampo ng mga Israelita nang nasa ilang sila, ay nanirahan sa lugar na ito sa Negeb.—Hukom 1:16.
Mga Natuklasan ng mga Arkeologo
Ang mga guho sa Tel Arad ay nagbibigay sa atin ng karagdagang mahahalagang impormasyon tungkol sa ilan pang sumunod na mga pangyayaring nakaulat sa Bibliya. Halimbawa, nakakita ang mga arkeologo ng magkakasunod na mga pader. Malamang na ang ilan sa mga ito ay mula pa noong panahon ng pamamahala ni Haring Solomon, na kilalá sa kaniyang malalaking proyekto ng pagtatayo ng lunsod. (1 Hari 9:15-19) Ang isang suson ng nahukay ay nagpapahiwatig na lubusan itong sinunog at sinasabing nangyari ito noong pasimula ng ikasampung siglo B.C.E. Ang natuklasang ito ay tumutugma sa panahon ng paglusob ni Haring Sisak ng Ehipto, mga limang taon lamang pagkamatay ni Solomon. Sa Karnak, sa timugang Ehipto, isang relyebe sa pader ang ginawa bilang pag-alaala sa paglusob na iyon at nakatala roon ang Arad bilang isa sa maraming lunsod na nilupig.—2 Cronica 12:1-4.
Lubhang kapansin-pansin na marami sa humigit-kumulang 200 ostracon na nahukay ang may mga pangalang Hebreo na makikita rin sa Bibliya, gaya ng Pasur, Meremot, at mga anak ni Kora. Ang ilan sa mga sekular na dokumentong ito ay lalo pang kapana-panabik dahil makikita roon ang personal na pangalan ng Diyos. Ang pantanging pangalang ito na binubuo ng apat na Hebreong titik na יהוה (YHWH)—na madalas na tinatawag na Tetragrammaton—ay tumutukoy lamang sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Nang maglaon, dahil sa pamahiin, naniwala ang marami na isang pamumusong ang bigkasin o isulat ang pangalan ng Diyos. Pero pinatutunayan ng mga natuklasan sa Tel Arad, katulad ng maraming iba pang natuklasan, na karaniwan at madalas na ginagamit ang pangalan ng Diyos sa pang-araw-araw na buhay, sa mga pagbati, at pagsasabi ng pagpapala noong panahon ng Bibliya. Halimbawa, ganito ang mababasa sa isang inskripsiyon: “Sa aking panginoong Elyashib. Pagpalain ka nawa ni Yahweh [Jehova]. . . . Nanunuluyan siya sa templo ni Yahweh.”
Pero kumusta naman ang mahiwagang templo na binanggit sa pasimula? Isang istraktura sa Tel
Arad na naging tampulan ng maraming haka-haka ay ang templong may maraming gusali, at altar na mula pa sa panahong Judeano. Bagaman mas maliit kaysa sa templo ni Solomon sa Jerusalem, marami itong pagkakahawig sa banal na istrakturang iyon. Bakit at kailan itinayo ang templo sa Arad? Saan ito ginamit? Hindi matiyak ng mga arkeologo at istoryador ang kasagutan.Malinaw na iniutos ni Jehova na tanging ang templo sa Jerusalem lamang ang sinasang-ayunan niyang lugar para sa pagdiriwang ng mga taunang kapistahan at paghahandog ng mga hain. (Deuteronomio 12:5; 2 Cronica 7:12) Kaya itinayo at ginamit ang templo sa Arad nang labag sa Kautusan ng Diyos. Marahil ay nangyari ito noong panahong marami ang lumihis sa dalisay na pagsamba at naghain sa ibang mga altar. (Ezekiel 6:13) Kung ganiyan nga ang nangyari, ang lugar na ito ng huwad na pagsamba ay malamang na giniba nang maglunsad si Hezekias o Josias ng puspusang reporma noong ikawalo at ikapitong siglo B.C.E.—2 Cronica 31:1; 34:3-5, 33.
Maliwanag na ang kaunting detalye mula sa nakalipas ng Arad ay nag-iwan ng mahahalagang aral sa atin. Pagkalipas ng maraming siglo, natuklasan ang mga sinaunang bagay na nagpapatunay sa pagiging tumpak ng Bibliya, nagpapatotoo sa paglitaw at pagbagsak ng huwad na pagsamba, at naglalaan ng mga halimbawa ng magalang na paggamit ng pangalan ni Jehova sa araw-araw.
[Mapa/Larawan sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
JERUSALEM
Dagat na Patay
Arad
Tel Arad
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Larawan sa pahina 24]
Isang bahagi ng relyebe sa pader sa Karnak, Ehipto
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Larawan sa pahina 25]
Ganito ang mababasa sa isang bahagi ng inskripsiyon: “Pagpalain ka nawa ni Yahweh [Jehova]”
[Credit Line]
Photograph © Israel Museum, Jerusalem; courtesy of Israel Antiquities Authority
[Larawan sa pahina 25]
Isang bahagi ng templo sa Tel Arad
[Larawan sa pahina 25]
Ang kuta ng Tel Arad kung titingnan mula sa gawing silangan
[Picture Credit Line sa pahina 25]
Todd Bolen/Bible Places.com