Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Anong wika ang ginamit noon ni Jesus?
Nagtatalu-talo ang mga iskolar kung anong wika ang ginamit noon ni Jesus. Gayunman, noong narito siya sa lupa bilang tao, malamang na gumamit si Jesus ng isang uri ng wikang Hebreo at ng isang diyalekto ng Aramaiko. Nang pumunta si Jesus sa Nazaret sa Galilea at pumasok sa sinagoga roon, binasa niya ang isang hula ni Isaias, na maliwanag na nakasulat sa Hebreo. Walang sinasabi sa Bibliya na isinalin ni Jesus ang mga tekstong ito sa Aramaiko.—Lucas 4:16-21.
Ganito ang sinabi ni Propesor G. Ernest Wright hinggil sa mga wikang sinasalita sa Palestina noong narito sa lupa si Jesu-Kristo: “Maliwanag na Griego at Aramaiko ang karaniwang ginagamit na wika . . . Ang mga kawal at opisyal na Romano ay malamang na gumagamit ng wikang Latin kapag nag-uusap, samantalang ang mga ortodoksong Judio ay maaaring nakikipag-usap naman sa isa’t isa gamit ang isang mas bagong uri ng Hebreo.” Ito ang dahilan kung bakit ang karatulang ipinagawa ni Pilato na ipinaskil sa pahirapang tulos ni Jesus ay nakasulat sa tatlong wika—Hebreo, Latin, at Griego.—Juan 19:20.
Ganito ang sinabi ni Alan Millard sa kaniyang aklat na Discoveries From the Time of Jesus: “Tiyak na nagsasalita ng Griego ang mga Romanong gobernador kapag gumaganap sila ng kanilang pang-araw-araw na tungkulin, at noong nililitis si Jesus, posibleng gumamit siya ng wikang Griego nang sagutin niya ang mga tanong ni Pilato.” Bagaman hindi binabanggit ng Bibliya kung ganito nga ang nangyari, kapansin-pansin na wala itong sinasabi na may nagsilbing interprete sa pag-uusap nina Jesus at Pilato.—Juan 18:28-40.
Ayon kay Propesor Wright, “wala tayong tiyak na paraan upang malaman kung nakapagsasalita [si Jesus] ng Griego o Latin, ngunit sa kaniyang ministeryo ng pagtuturo ay regular siyang gumagamit ng Aramaiko o ng popular na wikang Hebreo na naimpluwensiyahan ng Aramaiko.”—Biblical Archaeology, 1962, pahina 243.
Gaano kalaki ang mga bato ng templo sa Jerusalem?
Nang makipag-usap kay Jesus ang kaniyang mga alagad tungkol sa templo sa Jerusalem, sinabi sa kaniya ng isa sa mga alagad niya: “Guro, tingnan mo! pagkaiinam na mga bato at pagkaiinam na mga gusali!” (Marcos 13:1) Gaano ba kalaki ang ilan sa mga batong iyon?
Bago pumarito si Jesus sa lupa, dinoble ni Haring Herodes ang lawak ng kinatatayuan ng templo na tinatawag na Temple Mount, kung ihahambing ito noong panahon ni Solomon. Ito ang pinakamalaking gawang-taong pundasyon sa sinaunang daigdig, na may sukat na mga 480 metro por 280 metro. Ang ilan sa mga batong ginamit dito ay sinasabing 11 metro ang haba, 5 metro ang lapad, at 3 metro ang taas. Ang ilan ay may bigat na mahigit 50 tonelada. May isa ngang bato na tumitimbang ng halos 400 tonelada at “walang batong maitutumbas sa laki nito saanman sa sinaunang daigdig,” ayon sa isang iskolar.
Bilang tugon, sinabi ni Jesus sa kaniyang alagad: “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Sa anumang paraan ay hindi maiiwan dito ang isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato na hindi ibabagsak.” (Marcos 13:2) Hanggang ngayon, makikita pa rin ang malalaking batong ito na itinulak at ibinagsak ng mga kawal na Romano noong 70 C.E.
[Larawan sa pahina 26]
Mga bato ng templo na ibinagsak sa labas ng temple mount sa Jerusalem