Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Bakit nagbagong-buhay ang isang kabataang miyembro ng gang sa Mexico na tinatawag na mga Batang Satanas at naging isang tapat at masipag na mamamayan? Bakit hindi na naging pangunahin sa isang matagumpay na negosyanteng Haponesa ang pagkakamal ng kayamanan, at ano ang masasabi niya tungkol sa ginawa niyang mga pagbabago? Ano ang nag-udyok sa isang Rusong nagbebenta ng armas na itigil ang kaniyang ilegal na negosyo kahit pa malaki ang kinikita niya rito? Isaalang-alang natin kung ano ang masasabi ng mga indibiduwal na ito.

MAIKLING TALAMBUHAY

PANGALAN: ADRIAN PEREZ

EDAD: 30

BANSA: MEXICO

DATING MIYEMBRO NG GANG

ANG AKING NAKARAAN: Noong ako’y 13 anyos, lumipat ang aming pamilya sa Ecatepec de Morelos, sa Mexico State. Nagkalat noon sa lugar na iyon ang delingkuwenteng mga kabataan, kabi-kabila ang bandalismo, at talamak ang pagkasugapa sa droga. Di-nagtagal, natuto akong maglasing, manira ng ari-arian, at maging imoral.

Nang maglaon, bumalik kami sa bayan ng San Vicente kung saan ako isinilang. Pero malaking problema roon ang pagkasugapa sa droga. Karaniwan nang makikitang nakahandusay sa daan ang bangkay ng mga kabataan. Naging miyembro ako ng gang na tinatawag na mga Batang Satanas. Nagnanakaw kami, gumagamit ng droga, at karaniwan nang sumisinghot ng thinner o ng rugby. Madalas na hindi ko matandaan kung paano ako nakakauwi, at kung minsan ay basta nakabulagta na lamang ako sa kalye. Ang ilan sa mga kaibigan ko ay nabilanggo dahil sa pagnanakaw at pagpatay.

Sa kabila ng lahat ng ito, naniniwala pa rin ako sa Diyos. Para mabawasan ang kasalanan ko, sumali ako sa relihiyosong mga seremonya, gaya ng pag-iistasyon ng krus kapag Mahal na Araw. Subalit pagkatapos nito, kaming lahat, pati na ang lalaking gumanap na Kristo, ay nagsasaya at nag-iinuman hanggang sa kami’y malasing.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Noong malapit na akong mag-20 anyos, nakipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Batid ko na wala talagang direksiyon ang buhay ko at na wala akong mapapala kung ipagpapatuloy ko ang aking paraan ng pamumuhay. Naantig ako sa sinasabi sa Galacia 6:8: “Siyang naghahasik may kinalaman sa kaniyang laman ay mag-aani ng kasiraan mula sa kaniyang laman, ngunit siyang naghahasik may kinalaman sa espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan mula sa espiritu.” Dahil sa tekstong ito, natanto ko na para maging maayos ang buhay ko, dapat akong maghasik ng mga bagay na magbibigay sa akin ng magandang kinabukasan.

Habang nag-aaral ako ng Bibliya, unti-unti kong natutuhan na si Jehova ang buháy na Diyos. Naunawaan ko rin na siya ay personal na interesado sa akin at na handa niyang patawarin ang aking mga nagawang kasalanan. Naranasan ko mismo sa aking buhay na pinakikinggan at sinasagot niya ang aking mga panalangin.

Hindi madali para sa akin na magbagong-buhay. Mahirap kumalas sa gang. Bagaman hindi na ako kabilang sa gang, hindi ako makaraan sa ilang lugar dahil teritoryo ito ng ibang mga gang. Kung minsan, kinailangan kong pagtaguan ang dati kong mga kabarkada dahil kapag nakita nila ako, pipilitin nila akong bumalik sa dati kong pamumuhay.

Sa kabaligtaran, nang magsimula akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi sa Kingdom Hall, nadama ko ang pagtanggap at pag-ibig sa akin ng kongregasyon. Hanga ako sa tibay ng pananampalataya ng mga taong ito at sa kanilang pamumuhay kasuwato ng kanilang itinuturo. Ibang-iba ito sa kapaligirang nakasanayan ko.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Sampung taon na ang nakalilipas mula nang mabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova. Nagsisikap ako nang husto upang maikapit ang mga turo ng Bibliya sa aking buhay. Bilang resulta, unti-unti kong nakamit ang paggalang ng aking pamilya. Ngayon, kilala nila ako bilang isang masipag na manggagawa, at nakapagbibigay pa nga ako sa kanila ng pinansiyal na tulong. Nagsimulang mag-aral ng Bibliya ang aking ina at ngayo’y isa nang Saksi ni Jehova. Gumagawa na rin ng mga pagbabago ang aking ama sa kaniyang paraan ng pamumuhay. Marami sa kapamilya ko ay hindi mga Saksi ni Jehova, pero nang makita nila ang mga pagbabago sa buhay ko, inamin nila na talagang kaya ng Bibliya na tulungan ang mga tao na mapabuti ang kanilang buhay.

MAIKLING TALAMBUHAY

PANGALAN: YAYOI NAGATANI

EDAD: 50

BANSA: HAPON

DATING MATAGUMPAY NA NEGOSYANTE

ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa isang maliit na bayan ng palakaibigang mga tao. May malaking tindahan ang tatay ko sa bayan at may sampu siyang tauhan. Katabi lamang ng tindahan ang bahay namin, kaya kahit abala sina Itay at Inay, hindi ako nalulungkot.

Ako ang panganay sa aming tatlong magkakapatid na babae, at noong bata pa ako, sinanay na akong humawak sa negosyo ng aming pamilya. Maaga akong nag-asawa. Nagbitiw ang mister ko sa kaniyang trabaho sa bangko at tumulong sa negosyo ng aming pamilya. May tatlo kaming anak. Halos sunud-sunod ang kanilang edad. Si Inay ang nag-aalaga sa aking mga anak at nag-aasikaso sa mga gawaing-bahay, habang ako naman ay nagtatrabaho sa tindahan mula umaga hanggang gabi. Magkagayunman, mayroon pa rin akong kaunting panahon para sa aking pamilya.

Pagkatapos, naapektuhan ng paghina ng ekonomiya ang negosyo namin. Para makabawi, nagpasiya kaming magbukas ng isang tindahan ng mga kagamitan sa pagkukumpuni at pagpapaganda ng bahay. Itinayo namin ito malapit sa isang malaking haywey. Noong araw bago ganapin ang seremonya ng pagpapasimula ng konstruksiyon, ang aking ama, na presidente ng aming kompanya, ay biglang naistrok. Dahil dito, lubhang naapektuhan ang kaniyang pagsasalita, kung kaya ako ang nagpatakbo ng bagong tindahan. Ang asawa ko naman ang tumao sa lumang tindahan namin. Naging napakaabala ng buhay namin.

Malaki ang kinikita namin sa aming bagong tindahan. Tuwang-tuwa ako sa aking pag-asenso at nagpupuyat ako para lamang magtrabaho. Bagaman mahal ko ang aking mga anak, puro trabaho ang nasa isip ko. Halos wala akong panahong makipag-usap sa aking asawa, at kung mag-usap man kami, madalas kaming magtalo. Upang maharap ko ang kaigtingan sa buhay, halos gabi-gabi akong nakikipag-inuman sa aking mga kaibigan at mga kasama sa negosyo. Puro ako trabaho, alak, at tulog. Matagumpay nga akong negosyante pero habang tumatagal, lalo akong hindi nagiging maligaya at iyan ang hindi ko maintindihan.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Nang makipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, may tatlong teksto na nagkaroon ng malaking epekto sa akin. Napaluha ako nang maunawaan ko ang kahulugan ng Mateo 5:3: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, yamang ang kaharian ng langit ay sa kanila.” Ipinaliwanag ng talatang ito kung bakit parang may kulang pa rin sa buhay ko bagaman matagumpay ako sa negosyo at hinahangaan ng aking mga kasamahan. Natanto ko na para maging tunay na maligaya, dapat maging palaisip ako sa aking espirituwal na pangangailangan at dapat na masapatan ko ito.

Nang panahong iyon, lubhang humina ang ekonomiya ng Hapon, at nakita kong naranasan ng aking mga kasamahan ang katotohanan ng 1 Timoteo 6:9: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming hangal at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkapahamak.” Nadama kong kapit na kapit sa akin ang mga salita ni Jesus na nakaulat sa Mateo 6:24, “hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan,” kaya nagpasiya akong gumawa ng mga pagbabago sa buhay ko.

Napag-isip-isip kong napabayaan ko na pala ang aking mga magulang, asawa, at mga anak. Hindi rin maikakaila na nagkaroon ako ng masasamang ugali. Naging mayabang ako. Maikli lamang ang pasensiya ko sa mga tao. At madaling mag-init ang ulo ko. Noong una, akala ko’y imposible akong magbago at maging Kristiyano. Pero mahal ko talaga ang mga anak ko at napansin ko na habang ikinakapit ko ang payo ng Bibliya kapag nakikitungo ako sa aking pamilya, nagiging maganda ang epekto nito sa aking mga anak. Gumugol ako ng mas maraming panahon kasama nila at isinama ko sila sa mga Kristiyanong pagpupulong.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Naging tunay na maligaya ako dahil nalaman ko ang layunin ng buhay, nakapaglilingkod ako sa Diyos, at namumuhay sa paraang nakalulugod sa kaniya. Yamang mas inuuna ko na ang kapakanan ng aking pamilya kaysa sa aking trabaho, muli akong nagkaroon ng paggalang sa sarili.

Dahil nakita ng aking ina na gumanda ang aking ugali habang ikinakapit ko ang mga simulain ng Bibliya, nag-aral siya ng Bibliya at naging Kristiyano. Natutuwa naman ako at hindi kami sinasalansang ng aking ama o ng aking asawa. Naging mas malapít ako sa aking mga anak, at ngayon ay talagang masaya ang pamilya namin.

MAIKLING TALAMBUHAY

PANGALAN: MIKHAIL ZUYEV

EDAD: 51

BANSA: RUSSIA

DATING NAGBEBENTA NG ILEGAL NA ARMAS

ANG AKING NAKARAAN: Ang aking bayang tinubuan, ang Krasnogorsk, ay sagana sa pananim. Malapit dito ang Ilog Moscow na dumadaloy patimog. Ang mga lunsod naman sa kanluran at hilaga ay halos napalilibutan ng kagubatan.

Noong bata pa ako, mahilig na akong makipagsuntukan at maglaro ng mga sandata. Malaking panahon ang ginugugol ko sa pag-eehersisyo at pagsasanay ng katawan. Gumagawa rin ako ng ilegal na mga armas, bala, at balisong. Nang maglaon, ito ang naging negosyo ko. Napakalaki ng kinikita ko sa pagbebenta ng armas sa mga kriminal.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Noong unang mga taon ng dekada ng 1990, nakilala ko ang mga Saksi ni Jehova, pero noong una, wala akong tiwala sa kanila. Para sa akin, masyado silang matanong.

Isang araw, binasa nila sa akin ang Roma 14:12: “Ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.” Inisip ko kung ano kayang mukha ang ihaharap ko sa Diyos. Napakilos ako ng tekstong ito na alamin kung ano ang hinihiling Niya sa akin.

Nagsikap ako nang husto na ikapit ang payo ng Bibliya na nakaulat sa Colosas 3:5-10: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso, nakasasakit na pagnanasa, at kaimbutan, na siyang idolatriya. Dahil sa mga bagay na iyon ay dumarating ang poot ng Diyos. . . . Alisin nga ninyo ang lahat ng mga iyon sa inyo, poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita, at malaswang pananalita mula sa inyong bibig. Huwag kayong magsisinungaling sa isa’t isa. Hubarin ninyo ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito, at damtan ninyo ang inyong sarili ng bagong personalidad.”

Talagang nahirapan akong magbagong-buhay. Patuloy akong inaalukan ng pera ng aking dating mga “kliyente” para pagbilhan ko sila ng armas, at nahirapan din akong magpigil sa sarili kapag iniinsulto ako ng mga tao. Gayunpaman, sinira ko ang koleksiyon ko ng mamahaling mga armas. Habang natututuhan ko ang pag-ibig na ipinakita ng Diyos at ni Kristo para sa akin, napakilos ako na ibigin din sila. Naging matiyaga ako sa aking personal na pag-aaral ng Bibliya. Dumalo rin ako sa mga pagpupulong ng kongregasyon ng mga Saksi sa lugar namin at nanalangin sa Diyos para tulungan niya ako.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Sa tulong ng mga Kristiyanong kapatid at sa pamamagitan ng puspusang pagsisikap, unti-unti kong nalinang ang mas mabuting personalidad. Masayang-masaya ako nang maunawaan kong ang Diyos na Jehova ay nagmamalasakit sa bawat isa sa atin, kahit sa mga taong namatay na. (Gawa 24:15) Hanga ako sa kataimtiman at katapatan na nakikita ko sa mga Saksi ni Jehova. Pinahahalagahan ko rin ang tunay na pagmamalasakit nila sa akin at ang kanilang katapatan sa Diyos.

Noong una, sinalansang ako ng aking pamilya at mga kaibigan dahil sa aking bagong pananampalataya. Pero nang dakong huli, naisip nila na mas mabuti pang maging abala ako sa relihiyon kaysa sa masangkot ako sa mga sindikato. Maligaya ako dahil hindi ko na iniuukol ang buhay ko sa pagbebenta ng mga armas na pandigma kundi sa pagtulong sa iba na makilala ang Diyos ng kapayapaan.

[Larawan sa pahina 27]

Para mabawasan ang kasalanan ko, sumali ako sa mga seremonyang Katoliko

[Larawan sa pahina 28]

Matagumpay akong negosyante pero hindi ako masaya