Maging Malapít sa Diyos
May Anumang Bagay ba na “Makapaghihiwalay sa Atin sa Pag-ibig ng Diyos”?
SINO sa atin ang hindi nangangailangan ng pagmamahal? Oo, sumusulong tayo kapag mahal tayo ng ating pamilya at mga kaibigan. Pero nakalulungkot, ang ugnayan ng mga tao ay napakarupok at nagbabago. Maaaring tayo ay sinasaktan, iniiwan, o itinatakwil pa nga ng ating mga mahal sa buhay. Pero may isang persona na ang pag-ibig ay hindi kailanman nagbabago. Sa Roma 8:38, 39, napakaganda ng pagkakalarawan sa pag-ibig ng Diyos na Jehova sa kaniyang mga mananamba.
“Kumbinsido ako,” ang sabi ni apostol Pablo. Kumbinsido saan? Na walang anuman ang “makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.” Nagsasalita si Pablo hindi lamang para sa kaniyang sarili kundi para din sa “atin”—samakatuwid nga, para sa lahat ng tapat na naglilingkod sa Diyos. Para idiin ang ibig niyang sabihin, inisa-isa ni Pablo ang ilang bagay na hindi makahahadlang sa pag-ibig ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod.
“Kahit ang kamatayan kahit ang buhay.” Hindi nawawala ang pag-ibig ni Jehova sa kaniyang mga lingkod kahit patay na sila. Bilang patunay ng kaniyang pag-ibig, nananatili sa alaala ng Diyos ang mga lingkod niyang ito, at bubuhayin niya silang muli sa darating na bagong sanlibutan. (Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:3, 4) Samantala, ang pag-ibig ng Diyos sa kaniyang tapat na mga mananamba ay mananatili anuman ang danasin nila sa sistemang ito ng mga bagay.
“Kahit ang mga anghel kahit ang mga pamahalaan.” Madaling maimpluwensiyahan ng makapangyarihang mga indibiduwal o awtoridad ang mga tao, pero hindi si Jehova. Ang Diyos ay hindi makukumbinsi ng makapangyarihang mga espiritung nilalang, gaya ng anghel na naging Satanas, na huwag nang ibigin ang Kaniyang mga mananamba. (Apocalipsis 12:10) Ni ang mga pamahalaan, na maaaring salungat sa tunay na mga Kristiyano, ay hindi makapagpapabago sa pangmalas ng Diyos sa kaniyang mga lingkod.—1 Corinto 4:13.
“Kahit ang mga bagay na narito ngayon kahit ang mga bagay na darating.” Hindi kumukupas ang pag-ibig ng Diyos sa paglipas ng panahon. Walang anumang puwedeng mangyari sa kaniyang mga lingkod ngayon o sa hinaharap na magiging dahilan upang hindi na sila ibigin ng Diyos.
“Kahit ang kapangyarihan.” Nabanggit na ni Pablo ang makalangit at makalupang puwersa—“mga anghel” at “mga pamahalaan”—pero ngayon, ang binabanggit niya’y “kapangyarihan.” Ang salitang Griego na ginamit dito ay may malawak na kahulugan. Anuman ang eksaktong kahulugan nito, isang bagay ang tiyak: Walang kapangyarihan sa langit o sa lupa ang makahahadlang sa pag-ibig ni Jehova sa kaniyang bayan.
“Kahit ang taas kahit ang lalim.” Iniibig ni Jehova ang kaniyang bayan anuman ang kanilang kalagayan—maganda man o masaklap.
“Kahit ang anupamang ibang nilalang.” Sa mga salitang ito na sumasaklaw sa lahat ng nilalang, sinasabi ni Pablo na talagang wala ni isa man ang makapaghihiwalay sa tapat na mga mananamba mula sa pag-ibig ni Jehova.
Di-gaya ng pag-ibig ng tao, na maaaring magbago o kumupas, ang pag-ibig ng Diyos sa mga sumasampalataya sa kaniya ay hindi maaaring magbago; ito’y walang hanggan. Sa pagkaalam nito, tiyak na mauudyukan tayo na lalong mapalapít kay Jehova at gawin ang lahat ng ating makakaya para patunayan ang ating pag-ibig sa kaniya.