Paraisong Lupa—Kaylapit Na!
Paraisong Lupa—Kaylapit Na!
“Ama namin na nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din sa lupa.”—Mateo 6:9, 10, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
ANG kilaláng panalangin na ito, na tinatawag na Ama Namin o Panalangin ng Panginoon, ay nagbibigay ng pag-asa sa sangkatauhan. Paano?
Gaya ng sinasabi sa Panalangin ng Panginoon, ang Kaharian ng Diyos ang magsasakatuparan ng layunin ng Diyos sa lupa, kung paanong ito ay natutupad na ngayon sa langit. At layunin ng Diyos na isauli ang Paraiso sa lupa. (Apocalipsis 21:1-5) Ano ba talaga ang Kaharian ng Diyos, at paano nito isasauli ang Paraiso sa lupa?
Isang Tunay na Gobyerno
Ang Kaharian ng Diyos ay isang tunay na gobyerno. Ang isang gobyerno ay may mga tagapamahala, kautusan, at mga sakop. Mayroon ba nito ang Kaharian ng Diyos? Pansinin ang sagot ng Bibliya sa sumusunod na tatlong katanungan:
Sino ang mga tagapamahala sa Kaharian ng Diyos? (Isaias 33:22) Inatasan ng Diyos na Jehova ang kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na mamahala sa Kaharian. (Mateo 28:18) Sa ilalim ng patnubay ni Jehova, pumili si Jesus ng limitadong bilang ng mga indibiduwal mula sa “bawat tribo at wika at bayan at bansa,” na mamamahalang kasama niya bilang “mga hari sa ibabaw ng lupa.”—Apocalipsis 5:9, 10.
Anong mga kautusan ang ipinapatupad ng Kaharian ng Diyos sa mga sakop nito? Ang ilan sa mga kautusang ito ay humihiling ng espesipikong pagkilos sa mga sakop nito. Binanggit ni Jesus ang pinakamahalaga sa mga kautusang iyon nang sabihin niya: “‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos. Ang ikalawa, na tulad niyaon, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’”—Mateo 22:37-39.
Ang iba namang mga kautusan ng Kaharian ng Diyos ay humihiling sa mga sakop nito na umiwas 1 Corinto 6:9, 10, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
sa ilang gawain. Halimbawa, ganito ang malinaw na binabanggit ng Bibliya: “Huwag ninyong dayain ang inyong sarili. Ang mga nakikiapid, sumasamba sa dios-diosan, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, magnanakaw, sakim, maglalasing, mapanlait o mandaraya ay hindi magmamana ng kaharian ng Dios.”—Sino ang mga sakop ng Kaharian ng Diyos? Itinulad ni Jesus ang mga sakop ng Kaharian ng Diyos sa mga tupa. Sinabi niya: “Makikinig sila sa aking tinig, at sila ay magiging isang kawan, isang pastol.” (Juan 10:16) Upang maging sakop ng Kaharian ng Diyos, dapat na hindi lamang sinasabi ng isang tao na sumusunod siya sa Mabuting Pastol na si Jesus, kundi talagang tinutupad niya ang utos ni Jesus. Ganito ang sabi ni Jesus: “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.”—Mateo 7:21.
Gaya ng ginawa ni Jesus, ginagamit at pinararangalan ng mga sakop ng Kaharian ng Diyos ang pangalan ng Diyos na Jehova. (Juan 17:26) Sinusunod nila ang utos ni Jesus na ituro sa iba ang tungkol sa “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 24:14; 28:19, 20) At nagpapakita sila ng tunay na pag-ibig sa isa’t isa.—Juan 13:35.
‘Ipapahamak Yaong mga Nagpapahamak sa Lupa’
Ipinapakita ng mga pangyayari ngayon sa daigdig na malapit nang kumilos ang Kaharian ng Diyos upang magkaroon ng malaking pagbabago sa lupa. Paano tayo nakatitiyak dito? Dalawang libong taon na ang nakalilipas, inilarawan ni Jesus ang isang tanda na binubuo ng maraming bahagi at magsisilbing palatandaan na ang “kaharian ng Diyos ay malapit na.” (Lucas 21:31) Gaya ng natutuhan natin sa nakaraang artikulo, ang mga bahagi ng tandang iyon ay kitang-kita nang nagaganap sa buong daigdig.
Ano ang kasunod nito? Sinasagot ito ni Jesus: “Kung magkagayon ay magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mateo 24:21) Pasasapitin ng Diyos—hindi ng tao—ang malaking kapighatiang ito upang “ipahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Ang sakim at masasamang tao na siyang dahilan kung bakit halos tuluyan nang nasisira ang lupa ay “lilipulin . . . mula sa mismong lupa.” Ngunit ang mga walang kapintasan, na naglilingkod sa Diyos sa paraang sinasang-ayunan niya ay mananatili sa lupa.—Kawikaan 2:21, 22.
May karapatan ang Diyos na Jehova na gawin ito. Bakit? Pag-isipan ang ilustrasyong ito: Sabihin nating mayroon kang mga paupahang apartment. Ang ilan sa mga nangungupahan ay mababait at makonsiderasyon; regular silang nagbabayad ng renta at masinop sa kanilang tinitirhan. Subalit ang ibang nangungupahan ay perwisyo at sarili lamang ang iniisip; ayaw nilang magbayad ng renta sa apartment at sinisira pa nga ito. Paulit-ulit mo na silang pinagsabihan pero hindi sila nagbabago. Ano ang gagawin mo? Bilang may-ari ng apartment, tiyak na palalayasin mo ang masasamang nangungupahang iyon.
Sa katulad na paraan, yamang ang Diyos na Jehova ang Maylalang ng lupa at ng lahat ng naririto, may karapatan siyang magpasiya kung sino ang pahihintulutan niyang manatili sa lupa. (Apocalipsis 4:11) Layunin ni Jehova na alisin sa lupa ang masasamang tao na nagwawalang-bahala sa kaniyang layunin at nakapipinsala sa kanilang kapuwa.—Awit 37:9-11.
Isinauling Paraiso
Hindi na magtatagal, sa pangunguna ni Jesu-Kristo, mamamahala na sa lupa ang Kaharian ng Diyos. Ang bagong pasimulang ito ay tinawag ni Jesus na “pagbabago ng lahat ng bagay.” (Mateo 19:28, New International Version) Ano kaya ang magiging kalagayan sa panahong iyon? Pansinin ang sinasabi ng sumusunod na mga pangako ng Bibliya:
Awit 46:9. “Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa.”
Isaias 35:1. “Ang ilang at ang pook na walang tubig ay magbubunyi, at ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron.”
Isaias 65:21-23. “Ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili. Hindi sila magpapagal nang walang kabuluhan, ni manganganak man sila ukol sa kabagabagan.”
Juan 5:28, 29. “Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng . . . tinig [ni Jesus] at lalabas.”
Apocalipsis 21:4. “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”
Mga Dahilan Para Magtiwala
Naniniwala ka ba sa mga pangako ng Bibliya? Buweno, inihula ng Bibliya na marami ang hindi maniniwala sa mga ito. Sinasabi nito: “Sa mga huling araw ay darating ang mga manunuya . . . na lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa at nagsasabi: ‘Nasaan itong ipinangakong pagkanaririto niya? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, ang lahat ng mga bagay ay nananatiling gayung-gayon mula noong pasimula ng sangnilalang.’” (2 Pedro 3:3, 4) Pero nagkakamali ang gayong mga manunuya. Isaalang-alang natin kahit ang apat lamang sa mga dahilan kung bakit makapagtitiwala ka sa sinasabi ng Bibliya:
(1) Kumilos na noon ang Diyos para lipulin ang masasama sa lupa. Ang pangunahing halimbawa nito ay ang Baha noong panahon ni Noe.—2 Pedro 3:5-7.
(2) Tumpak na inihula ng Salita ng Diyos ang kasalukuyang mga pangyayari sa daigdig.
(3) Ang lahat ng bagay ay hindi “nananatiling gayung-gayon mula noong pasimula ng sangnilalang.” Hindi pa kailanman nangyari sa kasaysayan ang ganito katinding pagguho ng lipunan, pagbaba ng moral, at pagkasira ng kapaligiran.
(4) Ang ‘mabuting balita ng kaharian’ ay ipinangangaral na ngayon sa buong lupa, isang palatandaan na malapit nang ‘dumating ang wakas.’—Mateo 24:14.
Inaanyayahan ka ng mga Saksi ni Jehova na makipag-aral sa kanila ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, para higit mo pang maunawaan ang pag-asang buhay na walang hanggan sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos. (Juan 17:3) Oo, kamangha-mangha ang pag-asang nakalaan para sa sangkatauhan. Isa ngang napakagandang bukas ang naghihintay sa atin!
[Blurb sa pahina 7]
Hindi totoo ang sinasabi ng ilan na hindi na magbabago ang mga bagay-bagay
[Larawan sa pahina 8]
Gusto mo bang magkaroon ng ganitong kinabukasan?