Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Ano ang Matututuhan Natin Mula kay Jesus

Tungkol sa Pakikitungo sa Iba

Tungkol sa Pakikitungo sa Iba

Bakit dapat maging mabait?

Mabait ka ba kahit sa mga taong hindi naman mabait sa iyo? Kung gusto nating tularan si Jesus, dapat tayong maging mabait kahit sa mga taong napopoot sa atin. Sinabi ni Jesus: “Kung iniibig ninyo yaong mga umiibig sa inyo, ano ang kapurihan nito sa inyo? Sapagkat maging ang mga makasalanan ay umiibig doon sa mga umiibig sa kanila. . . . Sa halip, patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway . . . , at kayo ay magiging mga anak ng Kataas-taasan, sapagkat siya ay mabait sa mga walang utang-na-loob at balakyot.”​—Lucas 6:32-36; 10:25-37.

Bakit dapat maging mapagpatawad?

Kapag nakagagawa tayo ng kasalanan, gusto nating patawarin tayo ng Diyos. Itinuro ni Jesus na angkop lamang na manalangin tayo na sana’y patawarin tayo ng Diyos. (Mateo 6:12) Gayunman, sinabi rin ni Jesus na patatawarin lamang tayo ng Diyos kung patatawarin din natin ang iba. Sinabi niya: “Kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, patatawarin din kayo ng inyong makalangit na Ama; samantalang kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, hindi rin naman patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga pagkakamali.”​—Mateo 6:14, 15.

Paano magiging maligaya ang mga pamilya?

Bagaman walang asawa si Jesus, marami tayong matututuhan sa kaniya tungkol sa kung paano magiging maligaya ang buhay pampamilya. Nagbigay siya sa atin ng halimbawa, kapuwa sa salita at sa gawa, na dapat nating tularan. Isaalang-alang ang sumusunod na tatlong punto:

1. Dapat ibigin ng asawang lalaki ang kaniyang asawa na gaya ng sa kaniyang sariling katawan. Nag-iwan si Jesus ng halimbawa para sa mga asawang lalaki. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa.” Paano? “Kung paanong inibig ko kayo,” ang sabi niya. (Juan 13:34) Sa pagkakapit ng simulaing ito sa mga asawang lalaki, sinasabi ng Bibliya: “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito . . . Sa ganitong paraan dapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawang babae na gaya ng sa kanilang sariling mga katawan. Siya na umiibig sa kaniyang asawang babae ay umiibig sa kaniyang sarili, sapagkat walang taong napoot kailanman sa kaniyang sariling laman; kundi pinakakain at inaaruga niya ito, gaya ng ginagawa rin ng Kristo sa kongregasyon.”​—Efeso 5:25, 28, 29.

2. Dapat na maging tapat sa isa’t isa ang mag-asawa. Ang pakikipagtalik sa hindi mo asawa ay kasalanan sa Diyos at sumisira ng mga pamilya. Sinabi ni Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa . . . ‘Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’? Kung kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao. . . . Sinasabi ko sa inyo na ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligan ng pakikiapid, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.”​—Mateo 19:4-9.

3. Dapat magpasakop ang mga anak sa kanilang mga magulang. Bagaman sakdal si Jesus at ang kaniyang mga magulang ay di-sakdal, naging masunurin pa rin siya sa kanila. Ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus noong siya ay 12 taóng gulang: “Bumaba siyang kasama nila [kaniyang mga magulang] at dumating sa Nazaret, at patuloy siyang nagpasakop sa kanila.”​—Lucas 2:51; Efeso 6:1-3.

Bakit dapat ikapit ang mga simulaing ito?

May kinalaman sa mga aral na itinuro niya sa kaniyang mga alagad, sinabi ni Jesus: “Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, maligaya kayo kung gagawin ninyo ang mga iyon.” (Juan 13:17) Para maging mga tunay na Kristiyano, dapat nating ikapit ang payo ni Jesus hinggil sa pakikitungo sa iba. Sinabi niya: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”​—Juan 13:35.

Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 14 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? a

[Talababa]

a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 16, 17]

Itinuturo sa atin ng talinghaga ni Jesus tungkol sa alibughang anak ang kahalagahan ng kabaitan at pagpapatawad.​—Lucas 15:11-32

[Larawan sa pahina 17]

Dapat maging tapat sa isa’t isa ang mag-asawa