Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Huwag na Huwag Mong Kalilimutan na Mangaral sa Bahay-bahay”

“Huwag na Huwag Mong Kalilimutan na Mangaral sa Bahay-bahay”

“Huwag na Huwag Mong Kalilimutan na Mangaral sa Bahay-bahay”

Ayon sa salaysay ni Jacob Neufeld

“Anuman ang mangyari, huwag na huwag mong kalilimutan na mangaral sa bahay-bahay.” Malinaw pa sa isipan ko ang mga salitang iyon habang naglalakad ako papunta sa pinakamalapit na nayon na tatlong milya ang layo. Pagdating ko roon, naunahan ako ng takot anupat hindi ko magawang magtungo sa unang bahay. Pagkatapos ng ilang pagsisikap ay ninenerbiyos pa rin ako, kaya nagpunta ako sa kakahuyan at marubdob na nanalangin sa Diyos na bigyan ako ng lakas ng loob na mangaral. Sa wakas, nakaya ko nang bumalik sa unang pinto at mangaral.

BAKIT ba ako naroon sa nayong iyon sa disyerto ng Paraguay at nangangaral nang mag-isa? Ikukuwento ko sa inyo ang aking buhay. Isinilang ako noong Nobyembre 1923 sa nayon ng Kronstalʹ sa Ukraine, na isang kolonya ng mga Mennonitang Aleman. Sa pagtatapos ng ika-18 siglo, nandayuhan sa Ukraine ang mga Mennonita mula sa Alemanya at pinagkalooban sila ng maraming karapatan, kabilang na rito ang kalayaang sumamba (pero hindi puwedeng mangumberte), karapatang pamahalaan ang kanilang sariling pamayanan, at eksemsiyon mula sa paglilingkod militar.

Nang sakupin ng Partido Komunista ang bansa, inalis ang lahat ng mga karapatang iyon. Sa pagtatapos ng dekada ng 1920, ang malalaking sakahan ng mga Mennonita ay pinangasiwaan ng pamahalaan. Ang mga tao ay hindi binibigyan ng pagkain kung hindi sila makikipagtulungan sa gobyerno, at pinagmamalupitan ang sinumang lumalaban. Noong dekada ng 1930, maraming lalaki ang dinudukot ng KGB (Soviet State Security Committee), karaniwan na sa gabi, hanggang sa iilang lalaki na lamang ang natira sa maraming nayon. Ganiyan ang nangyari sa tatay ko noong 1938, at sa edad ko noon na 14 anyos, hindi ko na siya muling nakita ni nakabalita man ako tungkol sa kaniya. Pagkalipas ng dalawang taon, ang kuya ko naman ang dinukot.

Noong 1941, sinakop ng mga hukbo ni Hitler ang Ukraine. Para sa amin, paglaya na ito mula sa rehimeng Komunista. Ngunit walong pamilyang Judio sa aming nayon ang biglang naglaho. Ang lahat ng karanasang ito ay bumagabag sa aking isipan. Bakit nangyayari ang mga bagay na ito?

Nailigtas Ako ng Aking Katapatan

Noong 1943, umurong ang mga hukbong Aleman at isinama nila ang karamihan ng pamilyang Aleman​—pati na ang natitirang miyembro ng aking pamilya​—upang suportahan ang digmaan. Nang panahong ito, naatasan na akong maglingkod sa German SS (Schutzstaffel, mga piling sundalo ni Hitler) sa Romania. Isang maliit na pangyayari noon ang nagdulot ng malaking pagbabago sa aking buhay.

Nais subukin ng kapitan ng aming pangkat ang aking katapatan. Inutusan niya akong dalhin ang kaniyang uniporme sa dry cleaner. Lingid sa aking kaalaman, nilagyan niya ng pera ang isa sa mga bulsa nito, na nasumpungan ko. Nang isauli ko ang pera, sinabi niyang wala siyang naiwang pera sa uniporme. Iginiit ko na nakita ko ito sa bulsa. Pagkatapos nito, binigyan ako ng mas mataas na ranggo, pangalawa sa kaniya. Ako ang nag-aasikaso sa paggawa ng mga rekord, nag-aatas ng mga sundalo, at humahawak ng pera ng aming pangkat.

Isang gabi, nabihag ng hukbong Ruso ang buong pangkat namin maliban sa akin; naiwan ako sa opisina dahil may tinatapos pa akong trabaho para sa kapitan. Sa pagkaalam ko, ako lamang ang hindi nahuli, at ito ay dahil tapat ako at natanggap ko ang pantanging atas na iyon. Kung hindi, nabihag din sana ako.

Kaya noong 1944, pinahintulutan akong magbakasyon sa tungkulin ko sa hukbo sa loob ng ilang panahon. Umuwi ako sa amin upang dalawin ang nanay ko. Habang naghihintay ng atas, nag-aral ako ng pagiging kantero, at napakinabangan ko ang pagsasanay na ito nang maglaon. Noong Abril 1945, sinakop ng mga hukbong Amerikano ang aming bayan na malapit sa Magdeburg. Pagkalipas ng isang buwan, opisyal na natapos ang digmaan. Buháy kami. Tila lumiwanag ang aming kinabukasan.

Isang araw noong Hunyo, narinig namin ang patalastas ng opisyal ng bayan, “Umalis na ang hukbong Amerikano kagabi, at parating naman ang hukbong Ruso ngayong 11:00 n.u.” Biglang naglaho ang aming pag-asa sapagkat alam namin na makukulong na naman kami sa isang lugar na kontrolado ng mga Komunista. Karaka-raka, nagplano kami ng pinsan ko na tumakas. Noong kalagitnaan ng tag-araw, tumawid kami sa hangganan na sakop ng mga Amerikano. Pagkatapos, noong Nobyembre, sa kabila ng malaking kahirapan at panganib, muli kaming pumasok sa lugar na sakop ng mga Ruso at palihim na inilabas ang aming pamilya at itinawid sila sa hangganan patungo sa lugar na sakop ng mga Amerikano.

“Makinig Kang Mabuti, Pagkatapos Ihambing Mo”

Nanirahan kami sa dating Kanlurang Alemanya. Nang maglaon, nakahiligan ko ang pagbabasa ng Bibliya. Kung Linggo, nagpupunta ako sa kakahuyan upang magbasa ng Bibliya, pero parang ibang-iba at napakatagal na ng mga pangyayaring nababasa ko. Dumadalo rin ako sa mga klase na nagtuturo ng relihiyon, bilang paghahanda sa aking bautismo para maging isang Mennonita. Gulat na gulat ako nang mabasa ko sa aklat na pinag-aaralan namin ang pangungusap na: “Ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, at ang Espiritu Santo ay Diyos,” na sinundan ng tanong na: “Tatlo ba ang Diyos?” Ang nakalagay na sagot ay: “Hindi, ang tatlong ito ay iisa.” Tinanong ko ang ministro kung paano nangyari iyon. Ang sagot niya ay, “Binata, hindi mo dapat pag-isipan nang husto ang mga bagay na ito; ang ilan ay nasiraan ng ulo sa labis na kaiisip tungkol dito.” Noon din, naipasiya kong huwag nang magpabautismo.

Pagkalipas ng ilang araw, may narinig akong estranghero na kausap ng pinsan ko. Dahil sa pagkamausisa, nakisali ako sa usapan, at nagbangon ako ng ilang tanong. Lingid sa kaalaman ko noon, ang estranghero palang ito ay si Erich Nikolaizig, isa sa mga nakaligtas sa kampong piitan ng Wewelsburg. Tinanong niya ako kung gusto ko bang maunawaan ang Bibliya. Nang sabihin kong oo, tiniyak niya sa akin na ang lahat ng ituturo niya ay mapatutunayan mula sa sarili kong kopya ng Bibliya.

Pagkaraan lamang ng ilang pagdalaw, inanyayahan ako ni Erich sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, na sa pagkaalam ko ay siyang kauna-unahang naisaayos pagkatapos ng digmaan. Hangang-hanga ako sa aking napakinggan at isinulat ko ang bawat teksto na binasa at binanggit ng mga tagapagsalita. Di-nagtagal, natanto ko na ang natututuhan ko sa Bibliya ay may kaakibat na mga pananagutan, kaya nagpasiya akong ihinto ang pag-aaral ko ng Bibliya. Hindi ko rin matanggap na may isa lamang tunay na relihiyon. Nang mapansin ni Erich na desidido akong bumalik sa dati kong relihiyon, ganito ang ipinayo niya sa akin, “Makinig kang mabuti, pagkatapos ihambing mo.”

Pagkatapos lamang ng dalawang pagdalaw ko sa mga ministro ng aking relihiyon, natanto ko na hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang pinagsasasabi at tiyak na wala sa kanila ang katotohanan. Sumulat ako sa maraming klerigo at nagtanong tungkol sa Bibliya. Ang isa ay sumagot, “Wala kang karapatang mag-aral ng Bibliya sapagkat hindi ka born again.”

Napilitan akong gumawa ng mahirap na desisyon dahil sa dalagang nililigawan ko. Miyembro siya ng isang sektang born-again ng mga Mennonita. Dahil ginigipit siya ng kaniyang pamilya na galit na galit sa mga Saksi ni Jehova, sinabi niya sa akin na kung hindi ko kalilimutan ang bagong relihiyon na ito, kalimutan ko na siya. Nang panahong iyon, malinaw na ang katotohanan sa akin at alam kong may isa lamang tamang desisyon​—hindi na ako nakipagkita pa sa kaniya.

Di-nagtagal, dumalaw muli si Erich. Sinabi niya na magkakaroon ng bautismo sa susunod na linggo at tinanong niya ako kung gusto kong magpabautismo. Napatunayan kong ang mga Saksi ni Jehova ang nagtuturo ng katotohanan, at nais kong paglingkuran ang Diyos na Jehova. Kaya tinanggap ko ang kaniyang paanyaya at nabautismuhan ako sa isang bathtub noong Mayo 1948.

Di-kalaunan pagkatapos ng aking bautismo, nagpasiyang mandayuhan ang aking pamilya sa Paraguay, Timog Amerika, at pinakiusapan ako ni Inay na sumama. Nag-atubili ako dahil kailangan ko pa ng higit na pag-aaral at pagsasanay tungkol sa Bibliya. Nang dumalaw ako sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Wiesbaden, nakilala ko si August Peters. Ipinaalaala niya sa akin ang pananagutan kong pangalagaan ang aking pamilya. Ipinayo rin niya sa akin: “Anuman ang mangyari, huwag na huwag mong kalilimutan na mangaral sa bahay-bahay. Kung kalilimutan mo ito, wala ka ring pinagkaiba sa mga miyembro ng ibang relihiyon ng Sangkakristiyanuhan.” Hanggang sa ngayon, mahalaga pa rin sa akin ang payo na iyon at alam ko na kailangan kong mangaral sa “bahay-bahay.”​—Gawa 20:20, 21.

Isang “Bulaang Propeta” sa Paraguay

Pagkatapos ng pakikipagkitang iyon kay August Peters, sumakay ako ng barko patungong Timog Amerika kasama ng aking pamilya. Nanirahan kami sa rehiyon ng Gran Chaco sa Paraguay, isa na namang kolonyang Mennonita. Pagkalipas ng dalawang linggo, ginawa ko ang mahirap na paglalakbay na iyon sa kalapit na nayon upang mangaral nang mag-isa. Mabilis na kumalat ang balitang may “bulaang propeta” sa mga bagong dating.

Ngayon ko napakinabangan ang pagsasanay ko bilang kantero. Kailangan ng bawat pamilyang nandayuhan ang isang tahanan, at ito ay yari sa laryo at may bubong na pawid. Sa sumunod na anim na buwan, marami akong trabaho at pagkakataong mangaral sa di-pormal na paraan. Magalang ang mga tao, pero pagkatapos na pagkatapos kong maitayo ang mga dingding ng kanilang bahay, gusto na nila akong umalis.

Samantala, marami pang Mennonitang nagsilikas mula sa Alemanya ang dumating sakay ng mga barko. Isa sa kanila ang dalagang si Katerina Schellenberg. May nakausap na siya noon na mga Saksi at agad niyang nakilala ang katotohanan na itinuturo nila mula sa Bibliya. Bagaman hindi pa siya bautisado, ipinakikilala na niya ang kaniyang sarili na isang Saksi ni Jehova habang nasa barko. Kaya hindi siya pinayagang makapasok sa kolonyang Aleman. Palibhasa’y nag-iisa siya sa Asunción, ang kabisera ng Paraguay, namasukan siya bilang katulong, nag-aral ng Kastila, hinanap niya ang mga Saksi, at nabautismuhan. Noong Oktubre 1950, ang dalagang iyon na buo ang loob ay napangasawa ko. Malaking tulong siya sa akin sa lahat ng pinagdaanan namin sa nakalipas na mga taon.

Sa loob ng maikling panahon, nakapag-ipon ako ng sapat na pera upang bumili ng isang karwahe at dalawang kabayo, at ginamit ko ang mga ito sa pangangaral, na laging tinatandaan ang payo ni Brother Peters. Nang panahong iyon, sumama sa amin ang nakababata kong kapatid na babae na naging Saksi rin. Sama-sama kaming nagigising ng 4:00 n.u., naglalakbay nang apat na oras, nangangaral sa loob ng dalawa o tatlong oras, at saka uuwi ng bahay.

Nabasa ko sa ating literatura ang tungkol sa mga pahayag pangmadla, kaya nagsaayos ako nito. Hindi pa ako kailanman nakadalo sa isang pulong ng kongregasyon sa Alemanya, kaya hinulaan ko na lamang kung paano ito gagawin at nagsalita ako tungkol sa Kaharian ng Diyos. Walo katao ang dumalo sa pulong na iyon, at ikinagalit ito ng mga ministro ng Simbahang Mennonita. Nag-organisa sila ng isang kampanya para tipunin ang lahat ng literatura sa Bibliya na naipamahagi namin, at inutusan nila ang mga tao na huwag na huwag kaming kakausapin.

Pagkatapos, ipinatawag ako sa punong tanggapan ng mga nangangasiwa sa kolonya at ilang oras akong pinagtatanong ng administrador at ng dalawang ministro mula sa Canada. Nang dakong huli, sinabi ng isa sa kanila, “Binata, paniwalaan mo ang gusto mong paniwalaan, pero ipangako mong hindi mo ipakikipag-usap kaninuman ang iyong paniniwala.” Iyan ang pangakong hindi ko magagawa. Kaya sinabihan nila akong umalis sa kolonya sapagkat ayaw nila ng isang “bulaang propeta” sa kanilang “tapat na kapatiran.” Nang tumanggi ako, sinabi nilang babayaran nila ang pamasahe ng aming buong pamilya umalis lamang kami. Nanindigan akong matatag at tumangging umalis.

Noong tag-araw ng 1953, dumalo ako sa isang kombensiyon sa Asunción. Nakausap ko si Nathan Knorr, mula sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Iminungkahi niyang lumipat ako sa kabisera at gumawang kasama ng maliit na grupo ng mga misyonerong naatasan doon, lalo na yamang kaunti lamang ang tumugon sa aming pangangaral sa kolonya ng mga Mennonita.

Inuuna ang Kaharian

Mga 35 lamang ang Saksi sa buong Paraguay nang panahong iyon. Kinausap ko ang aking asawa, at bagaman hindi niya naibigan ang ideya ng paglipat sa isang malaking lunsod, handa siyang magsimula kaming muli. Noong 1954, kami ni Katerina ay nagtayo ng bahay na laryo​—kaming dalawa lamang ang nagtayo nito sa aming libreng panahon. Hindi kami kailanman lumiliban sa anumang pulong, at lagi kaming nakikipag-usap sa mga tao tungkol sa Bibliya kapag Sabado’t Linggo.

Isa sa mga naging pribilehiyo ko ang sumama sa tagapangasiwa ng sirkito, isang naglalakbay na ministro, upang maglingkod bilang kaniyang interprete kapag dumadalaw siya sa ilang kolonya sa Paraguay na nagsasalita ng Aleman. Yamang kaunting Kastila lamang ang alam ko, marahil ang pinakamahirap na atas na kailanma’y natanggap ko ay ang pagiging interprete ko, sa unang pagkakataon, sa isang pahayag mula sa wikang Kastila tungo sa Aleman.

Dahil sa problema sa kalusugan ng aking asawa, nandayuhan kami sa Canada noong 1957. At noong 1963, lumipat kami sa Estados Unidos. Saanman kami pumunta, lagi naming sinisikap na unahin ang mga kapakanan ng Kaharian sa aming buhay. (Mateo 6:33) Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos na Jehova na natutuhan ko ang katotohanan mula sa kaniyang Salita, ang Bibliya, noong binata pa ako. Sa buong buhay ko, lagi akong natutulungan ng pagsasanay na tinanggap ko mula sa Bibliya sa maraming paraan!

Napakalaking pribilehiyong tulungan ang iba na matuto ng kamangha-manghang mga katotohanan mula sa Bibliya na nagdulot ng labis na kaaliwan sa akin. Tuwang-tuwa ako na lahat ng aking anak at mga apo ay nakinabang sa pagsasanay ng Bibliya mula sa pagkasanggol. Sinusunod nilang lahat ang payo ni Brother Peters, na nagsabi sa akin noon, “Anuman ang mangyari, huwag na huwag mong kalilimutan na mangaral sa bahay-bahay.”

[Blurb sa pahina 22]

Tuwang-tuwa ako na lahat ng aking anak at mga apo ay nakinabang sa pagsasanay ng Bibliya mula sa pagkasanggol

[Mga larawan sa pahina 20, 21]

Kami ni Katerina bago ang aming kasal noong 1950

[Larawan sa pahina 21]

Kasama ng aming panganay na anak sa tahanan namin sa Paraguay, 1952

[Larawan sa pahina 23]

Kasama ang aking buong pamilya ngayon

[Credit Line]

Photo by Keith Trammel © 2000

[Picture Credit Line sa pahina 19]

Photo by Keith Trammel © 2000