Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Natutuhan Kong Napakahalaga ng Buhay

Natutuhan Kong Napakahalaga ng Buhay

Natutuhan Kong Napakahalaga ng Buhay

UMAGA NOON NG ABRIL 16, 2007. Habang nakayukyok ako sa isang sulok ng opisina sa ikatlong palapag ng Norris Hall sa kampus ng Virginia Polytechnic Institute and State University, o Virginia Tech, muling sumagi sa aking alaala na dapat tayong magpasalamat sa bawat mahalagang araw ng ating buhay.

Ako ay nasa opisina ko noon at papunta na ako sa ikalawang palapag upang kunin ang mga sulat ko. Dumating ang isang propesor at nakiusap sa akin na sumama ako sa kaniyang opisina para tulungan siyang ayusin ang problema sa kaniyang computer. Pagpasok namin sa kaniyang opisina, nakarinig kami ng sunud-sunod na putok ng baril sa ikalawang palapag. Dahil hindi namin alam kung ano ang nangyayari, dali-dali kaming pumasok sa opisina niya, ikinandado ang pinto, at kabadung-kabado kami habang hinihintay kung ano ang mangyayari sa susunod na ilang sandali ng aming buhay. Nagtago ako sa isang sulok at marubdob na nanalangin sa Diyos na Jehova, na patnubayan ako sa anumang maaaring mangyari.

Habang naghihintay kami, nagbalik sa aking alaala ang isang pangyayari mga 15 taon na ang nakalilipas. Nagtatrabaho ako noon bilang mekaniko sa isang talyer. Biglang nagliyab ang maliit na lalagyan ng gasolina na hawak ng katrabaho ko. Sa taranta niya, aksidente niyang naihagis ang nagliliyab na gasolina sa mukha ko! Nalanghap ko ang nasusunog na gas at nasunog nang husto ang itaas na bahagi ng aking katawan. Sa helikopter ako isinakay papunta sa ospital na pantanging gumagamot sa sunóg na bahagi ng katawan at nanatili ako sa intensive care unit ng ospital sa loob ng tatlo at kalahating buwan, nakikipagpunyagi para mabuhay. Pagkalipas ng limang-buwang gamutan at rehabilitasyon, nakauwi rin ako ng bahay, nagpapasalamat na buháy pa rin ako. Natutuhan ko mula sa karanasang iyon na ituring na napakahalaga ng bawat araw ng ating buhay. Pinatibay rin nito ang aking determinasyong gamitin ang buhay ko sa paglilingkod sa isa na nagbigay sa akin ng buhay na iyan, ang Diyos na Jehova​—bilang isa sa kaniyang mga Saksi.​—Awit 90:12; Isaias 43:10.

Dahil sa mga komplikasyong natamo ko, hindi na ako puwedeng magtrabaho bilang isang mekaniko. Kaya kumuha na lamang ako ng kurso tungkol sa mga computer at nagtrabaho sa Virginia Tech. Iyan ang dahilan kung bakit nasa Norris Hall ako nang umagang iyon.

Habang patuloy ang mga putok ng baril, wala kaming kamalay-malay na nagaganap na pala sa kasunod naming palapag sa ibaba ang pinakagrabeng kaso ng pamamaril sa kasaysayan ng Estados Unidos. Natapos ang patayan nang magbaril sa sarili ang lalaking namaril at pumatay sa 32 inosenteng biktima. Mga 20 minuto mula nang magsimula ang lahat ng ito, narinig namin ang mga pulis sa pasilyo. Tinawag namin sila, at inihatid nila kami sa ligtas na dako.

Ang nakapangingilabot na karanasang ito ay nagturo sa akin na napakaikli at walang-katiyakan ang buhay. (Santiago 4:14) Napakahalaga nga para sa atin na magtiwala sa Tagapagbigay ng buhay, ang Diyos na Jehova, at ituring ang bawat araw bilang napakahalagang kaloob mula sa kaniya!​—Awit 23:4; 91:2.

[Picture Credit Line sa pahina 30]

AP Photo/The Roanoke Times, Alan Kim