Liham Mula sa Nicaragua
“Pagdating sa Ilog Coco, Kumanan Ka”
“KAKAILANGANIN mo ng sasakyang kayang dumaan sa mga lubak-lubak, isang panghatak ng sasakyan, at ekstrang gasolina. Paghandaan mo rin ang putik na hanggang tsasis ng sasakyan. Pagdating sa Ilog Coco, kumanan ka.”
Inaamin ko na hindi nakapagpatibay sa akin ang sinabing iyon ng kapuwa ko misyonero. Sa kabila nito, isang Martes ng umaga, sinimulan ko ang aking paglalakbay para dumalo sa isang Kristiyanong asamblea sa Wamblán, isang maliit na bayan sa hilagang Nicaragua.
Bukang-liwayway pa lamang, nagsimula na akong maglakbay gamit ang aking luma pero matibay na sasakyan. Binagtas ko ang sementadong Pan-American Highway. Pagdating sa Jinotega, baku-bako na ang daan, na tinatawag ng mga tagaroon na feo, o pangit. Sa bayang iyon, napansin ko ang pangalan ng dalawang tindahan, Himala ng Diyos at Ang Pagkabuhay-Muli.
Paliku-liko, pataas at pababa ang daan. Dahan-dahan ang takbo ko sa mga lubak. Nadaanan ko ang isang mahabang lawa sa isang libis sa tuktok ng bundok na natatakpan ng mga ulap. Sa manipis na ulap, nakita ko ang mga punong napapalamutian ng mga orkid at Spanish moss.
Sa isang kurbada, muntik na kaming magkabanggaan ng isang paparating na bus na nasa gitna ng daan. Nagbubuga ito ng maitim na usok. Habang dumaraan ito, nagtatalsikan ang mga bato mula sa mga gulong nito. Dito sa Nicaragua, makikita mo sa mga salamin sa harapan ng bus ang bansag sa mga agresibong drayber: Manlulupig, Alakdan, Sawa, o Mangangaso.
Tanghaling-tapat na noon nang bagtasin ko ang Kapatagan ng Pantasma. Doon, nadaanan ko ang isang bahay na yari sa kahoy na nasa isang malinis na bakuran. Parang larawan sa isang lumang aklat ang tanawin: Isang matandang lalaki na nakaupo sa bangko, isang aso na natutulog sa ilalim ng puno, at dalawang magkatuwang na baka na nakasingkaw sa paragos. Sa isang maliit na bayan, nakakita ako ng grupo ng mga bata na papalabas sa eskuwelahan. Suot ang kanilang unipormeng kulay matingkad na asul, pinunô nila ang buong kalsada na animo’y alon na sumasalpok sa dalampasigan.
Tirik na ang araw nang marating ko ang nayon ng Wiwilí. Sa wakas, nakita ko na ang Ilog Coco. Madaling makita ang malaking ilog na iyon na walang-tigil sa pag-agos. Naalaala ko ang bilin sa akin, kaya kumanan ako at tinahak ang daan patungo sa Wamblán, na 37 kilometro ang layo.
Lubak-lubak ang kalsada, at mga walo o siyam na sapa ang dinaanan ko. Sa kakaiwas ko sa mga lubak, naligo tuloy ako sa alikabok. Oo, gaya ng sinasabi ng mga tagaroon, “kumain ako ng alikabok.” Sa wakas, narating ko ang dulo ng daan. Tumambad sa aking paningin ang Wamblán, na
nasa liblib na kakahuyan sa isang libis.Kinabukasan, alas 4:30 n.u. pa lamang, halos gising na ang lahat. Ginising ako ng walang-tigil na pagtilaok ng mga tandang. Bumangon ako at naglakad-lakad sa kalsada. Malalanghap sa simoy ng hangin ang amoy ng nilulutong tortilya sa pugon na yari sa bato.
Makikita sa mga pader ang makukulay na mga larawan ng paraiso na ipininta ng isang pintor doon. May mga poster sa mga pulperías, o mga tindahan sa kanto, na nag-aanunsiyo ng iba’t ibang softdrinks. Ipinaaalaala naman ng ibang mga poster ang mga pangako ng nakalipas na tatlong gobyerno. Mayroon ding mga palikuran na yari sa yero at semento.
Binati ko ang mga tagaroon gamit ang karaniwan nilang pagbati na Adiós. Ngumingiti sila at magiliw na nakikipag-usap sa akin. Kailangan naming lakasan ang aming boses habang nag-uusap dahil sa ingay ng mga yabag ng mga kabayo at mga mula.
Noong Biyernes ng gabi, nagdatingan ang mga pamilya para sa dalawang-araw na asamblea. Naglakad lamang ang ilan. Ang iba naman ay sakay ng mga kabayo at mga trak. Ang ilang bata ay naglakad nang anim na oras suot ang kanilang plastik na mga sandalyas. Tumawid sila sa mga ilog kahit na may nakatanim na mga bomba roon, at lakas-loob na naglakad sa tahimik na tubig kahit na may mga linta. Ang ilan namang galing sa malalayong komunidad ay may dala lamang kaunting pagkain—kanin na ginisa sa taba ng baboy. Bakit sila naroroon?
Pumunta sila roon para patibayin ang kanilang pag-asa sa isang magandang kinabukasan. Pumunta sila roon para pakinggan ang mga paliwanag sa Bibliya. Pumunta sila roon para paluguran ang Diyos.
Sabado na. Sa ilalim ng bubong na yero, mahigit 300 ang naroroon at nakaupo sa mga bangko na yari sa kahoy at silyang plastik. Pinakakain ng mga nanay ang kanilang mga sanggol. Nag-iingay ang mga baboy at tumitilaok ang mga tandang sa katabing bukid.
Ang tindi ng init, at naging maalinsangan na ang panahon. Pero matama pa ring nakikinig sa ibinibigay na mga payo at tagubilin ang mga nagsidalo. Sinusubaybayan nila sa kanilang mga sipi ng Bibliya ang mga tekstong binabasa ng mga tagapagsalita, umaawit sila ng mga awiting salig sa Bibliya, at magalang na nakikinig sa mga panalanging binibigkas alang-alang sa kanila.
Pagkatapos ng mga sesyon, nakisama ako sa iba at nakipaglaro ng habulan sa mga bata. Pagkatapos, nirepaso namin ang mga notang isinulat ng mga kabataan. Ipinakita ko sa kanila ang larawan ng mga bituin at mga galaksi sa aking computer. Nakangiti ang mga bata, at masaya ang kanilang mga magulang.
Ang bilis ng oras, tapos na ang asamblea. Kailangan nang umuwi ng lahat ng dumalo. Umuwi ako kinabukasan na may magagandang alaala at may pusong nag-uumapaw sa pag-ibig para sa aking bagong mga kaibigan. Determinado akong tularan sila at matutong masiyahan at maghintay sa Diyos.
[Mga larawan sa pahina 17]
Naglakbay nang maraming kilometro ang mga pamilya para dumalo sa asamblea sa Wamblán