Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Bakit sa gabi sinisimulan ng mga Judio ang pangingilin ng Sabbath?

Nang ibigay ni Jehova sa kaniyang bayan ang kautusan hinggil sa Araw ng Pagbabayad-Sala, ganito ang sinabi niya: “Wala kayong gagawing anumang uri ng gawain sa mismong araw na ito . . . Ito ay isang sabbath ng lubusang kapahingahan para sa inyo . . . Mula sa gabi hanggang sa gabi ay ipangingilin ninyo ang inyong sabbath.” (Levitico 23:28, 32) Ipinakikita ng kautusang ito na ang bawat araw ay nagsisimula sa gabi, pagkalubog ng araw, at natatapos sa susunod na paglubog ng araw. Kaya para sa mga Judio, ang isang araw ay nagsisimula sa gabi hanggang sa susunod na gabi.

Ang paraang ito ng pagbilang sa bawat araw ay katulad ng paraang ginawa mismo ng Diyos. Ganito ang binabanggit ng ulat hinggil sa makasagisag na unang araw ng paglalang: “Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga, ang unang araw.” Ang sumunod na “mga araw” ay binibilang din sa gayong paraan​—nagsisimula sa “gabi.”​—Genesis 1:5, 8, 13, 19, 23, 31.

Hindi lamang mga Judio ang nagbibilang ng araw sa ganitong paraan. Ganiyan din ang ginagawa ng mga taga-Atenas, taga-Fenicia, at mga Numidiano. Para sa mga Babilonyo naman, ang bawat araw ay nagsisimula sa pagsikat ng araw. Samantala, para sa mga Ehipsiyo at mga Romano, nagsisimula ito sa hatinggabi hanggang sa susunod na hatinggabi, gaya ng nakagawian hanggang sa ngayon. Pero para sa mga Judio ngayon, ang pangingilin ng Sabbath ay nagsisimula pa rin at natatapos pagkalubog ng araw.

Ano ang ibig sabihin ng isang “araw ng sabbath na paglalakbay”?

Pagkatapos masaksihan ng mga alagad ang pag-akyat ni Jesus sa langit mula sa Bundok ng mga Olibo, bumalik sila sa Jerusalem, na “isang araw ng sabbath na paglalakbay ang layo.” (Gawa 1:12) Ang isang manlalakbay ay makapaglalakad nang mga 30 kilometro o higit pa sa isang araw. Pero malapit lamang sa Jerusalem ang Bundok ng mga Olibo. Ano, kung gayon, ang ibig sabihin ng “isang araw ng sabbath na paglalakbay”?

Ang Sabbath ay isang araw kung kailan makapagpapahinga ang mga Israelita mula sa kanilang pang-araw-araw na mga gawain. Ni hindi nga sila puwedeng magpaningas ng apoy sa kanilang mga tahanan sa araw na iyon. (Exodo 20:10; 35:2, 3) “Manatiling nakaupo ang bawat isa sa kaniyang sariling dako,” ang utos ni Jehova. “Huwag lumabas ang sinuman mula sa kaniyang kinaroroonan sa ikapitong araw.” (Exodo 16:29) Ang kautusang ito ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga Israelita na magpahinga mula sa kanilang pang-araw-araw na mga gawain at higit pang magtuon ng pansin sa espirituwal na mga bagay.

Dahil hindi kontento sa mga pamantayang nakasaad sa Kautusan ni Jehova, ang mga rabbi na masyadong dogmatiko pagdating sa kautusan ay nagtakda ng espesipikong distansiya​—na waring di-makatuwiran​—kung gaano kalayo ang puwedeng lakarin ng isang tao sa araw ng Sabbath, halimbawa, para sumamba. Hinggil sa bagay na ito, ganito ang binabanggit ng Cyclopedia of Biblical, Theological, and Ecclesiastical Literature: “Dahil sa mahihigpit na batas tungkol sa pangingilin ng Sabbath . . . , nagkaroon ng utos na walang Israelita ang maglalakad nang higit pa sa itinakdang layo, na tinatawag na isang araw ng Sabbath na paglalakbay.” Ang itinakdang distansiyang iyon ay 2,000 siko, na ang katumbas ay nasa pagitan ng 900 at 1,000 metro.

[Larawan sa pahina 11]

Ang Jerusalem kung titingnan mula sa Bundok ng mga Olibo