Kung Paano Magiging Isang Mabuting Ama
Kung Paano Magiging Isang Mabuting Ama
“Kayong mga ama, huwag ninyong yamutin ang inyong mga anak, upang hindi sila masiraan ng loob.”—Colosas 3:21.
PAANO maiiwasan ng isang ama na yamutin ang kaniyang mga anak? Napakahalagang malaman niya kung gaano kahalaga ang kaniyang papel bilang isang ama. “Sa masalimuot at natatanging paraan, ang pagiging ama ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa emosyonal at intelektuwal na paglaki ng mga anak,” ang sabi ng isang babasahin tungkol sa mental na kalusugan.
Ano ba ang papel ng isang ama? Sa maraming pamilya, ang ama ang pangunahing dumidisiplina sa mga anak. Madalas na sinasabi ng isang ina sa kaniyang anak na matigas ang ulo, ‘Lagot ka sa tatay mo pag-uwi niya!’ Ang totoo, kailangang maging matatag at makatuwiran sa pagdidisiplina sa mga anak para lumaki silang mahuhusay na adulto. Pero higit pa rito ang kailangan upang maging isang mabuting ama.
Nakalulungkot, hindi lahat ng ama ay may mabuting halimbawa na kanilang matutularan. Ang ilang lalaki ay lumaki nang walang ama sa tahanan. Pero kadalasan, ang mga lalaki na pinalaki ng isang istrikto at malupit na ama ay maaaring magpalaki ng kanilang mga anak sa gayunding paraan. Paano maiiwasan ng isang ama na tularan ang gayong halimbawa at maging isang mahusay na magulang?
May mapagkukunan ng praktikal at mapagkakatiwalaang payo kung paano magiging isang mabuting ama. Ang Bibliya ay naglalaman ng pinakamahusay na payo hinggil sa buhay pampamilya. Ang payo nito ay hindi basta teoriya lamang; ni ang patnubay nito ay magpapahamak sa atin. Makikita sa payo ng Bibliya ang karunungan ng Awtor nito, ang Diyos na Jehova, na siyang Tagapagpasimula ng buhay pampamilya. (Efeso 3:14, 15) Kung ikaw ay isang ama, makabubuting isaalang-alang mo ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa pagiging magulang. a
Ang pagiging mabuting ama ay mahalaga hindi lamang sa pisikal at emosyonal na kapakanan ng mga anak kundi pati na rin sa kanilang espirituwal na kapakanan. Kapag may malapít at maibiging ugnayan ang anak sa kaniyang ama, nagiging mas madali sa kaniya na magkaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos. Tutal, ipinakikita ng Bibliya na, sa diwa, si Jehova, na ating Maylalang, ay Ama natin. (Isaias 64:8) Isaalang-alang natin ngayon ang anim na bagay na kailangan ng mga anak sa kanilang ama. Suriin natin kung paano makatutulong sa isang ama ang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya para mailaan niya ang mga pangangailangan ng kaniyang mga anak.
1 Kailangan ng mga Anak ng Pagmamahal ng Kanilang Ama
Si Jehova ang sakdal na halimbawa ng pagiging isang Ama. Ganito ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa nadarama ng Diyos para kay Jesus, ang kaniyang panganay na Anak: “Iniibig ng Ama ang Anak.” (Juan 3:35; Colosas 1:15) Hindi lamang miminsang ipinahayag ni Jehova ang pag-ibig at pagsang-ayon niya sa kaniyang Anak. Nang bautismuhan si Jesus, sinabi ni Jehova mula sa langit: “Ikaw ang aking Anak, ang minamahal; ikaw ay aking sinang-ayunan.” (Lucas 3:22) Hindi nag-alinlangan si Jesus sa pag-ibig ng kaniyang Ama. Ano ang matututuhan ng isang ama mula sa halimbawa ng Diyos?
Huwag mag-atubiling sabihin sa iyong mga anak na iniibig mo sila. Si Kelvin, na may limang anak, ay nagsabi: “Lagi kong sinisikap na ipadama sa aking mga anak na iniibig ko sila. Hindi ko lang sinasabing mahal ko sila kundi ipinakikita ko rin na interesado ako sa bawat isa sa kanila. May mga pagkakataong ako ang nagpapalit ng kanilang lampin at nagpapaligo sa kanila.” Karagdagan pa, kailangang malaman ng iyong mga anak na sinasang-ayunan mo sila. Kaya huwag mo silang masyadong punahin anupat lagi na lamang silang itinutuwid. Sa halip, lagi mo silang papurihan. Ganito ang mungkahi ni Donizete na may dalawang anak na dalagita: “Dapat pagsikapan ng isang ama na humanap ng mga pagkakataon para papurihan ang kaniyang mga anak.” Kapag alam ng iyong mga anak na sinasang-ayunan mo sila, magkakaroon sila ng pagpapahalaga sa sarili. At ito naman ang tutulong sa kanila na maging malapít sa Diyos.
2 Kailangan ng mga Anak ng Magandang Halimbawa
Ginagawa ni Jesus “kung ano lamang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama,” ang sabi ng Juan 5:19. Pansinin na sinasabi ng teksto na tinularan ni Jesus kung ano ang nakita niyang “ginagawa” ng kaniyang Ama. Madalas na gayundin ang gagawin ng mga anak. Halimbawa, kung pinakikitunguhan ng ama ang kaniyang asawa nang may paggalang at dignidad, malamang na pakitunguhan din ng kaniyang anak na lalaki ang mga babae nang may dignidad at paggalang. Dahil sa halimbawang ipinapakita ng kanilang ama, hindi lamang ang saloobin ng mga batang lalaki ang naiimpluwensiyahan kundi pati na rin ang pangmalas ng mga batang babae sa mga lalaki.
Nahihirapan ba ang iyong mga anak na humingi ng tawad? Muli, mahalaga ang iyong halimbawa. Naalaala ni Kelvin ang isang pangyayari kung saan nasira ng kaniyang dalawang anak na lalaki ang isang mamahaling kamera. Sa sobrang galit niya, sinuntok niya nang ubod lakas ang mesang kahoy anupat nabiyak ito. Sising-sisi si Kelvin dahil hindi siya nakapagpigil, kaya humingi siya ng tawad sa kanila, pati na sa kaniyang asawa. Napansin niya na may mabuting epekto sa kaniyang mga anak ang paghingi niya ng tawad; hindi sila nahihirapang magsabi na nagkamali sila.
3 Kailangan ng mga Anak ng Masayang Kapaligiran
Si Jehova ay isang “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Kaya hindi kataka-taka na ang kaniyang Anak, si Jesus, ay masayang-masaya sa piling ng kaniyang Ama. Tinutulungan tayo ng Kawikaan na maunawaan ang kaugnayan ni Jesus at ng kaniyang Ama: “Nasa piling niya [ng Ama] ako bilang isang dalubhasang manggagawa, . . . ako ay nagagalak sa harap niya sa lahat ng panahon.” Napakagiliw nga ng ugnayang umiiral sa pagitan ng Ama at ng Anak! 8:30
Kailangan ng iyong mga anak ng isang masayang kapaligiran. Ang paglalaro kasama ng iyong mga anak ay makatutulong para magkaroon ng gayong kapaligiran. Makatutulong din ito para magkaroon kayo ng malapít na kaugnayan sa isa’t isa. Ganito rin ang pangmalas ni Felix na may isang anak na binatilyo. Sinabi niya: “Ang paglalaan ng panahon sa paglilibang kasama ang aking anak ay napakahalaga sa ugnayan naming mag-ama. Naglalaro kaming magkasama, nakikihalubilo sa mga kaibigan, at namamasyal sa nakawiwiling mga lugar. Napatibay nito ang aming ugnayan bilang pamilya.”
4 Kailangang Maturuan ang mga Anak ng Espirituwal na mga Bagay
Tinuruan si Jesus ng kaniyang Ama. Kaya masasabi ni Jesus: “Ang mismong mga bagay na narinig ko sa kaniya [sa Ama] ay sinasalita ko sa sanlibutan.” (Juan 8:26) Sa paningin ng Diyos, pananagutan ng isang ama na turuan ang kaniyang mga anak tungkol sa Diyos at sa moralidad. Ang isa sa mga pananagutan mo bilang ama ay ang itimo sa puso ng iyong mga anak ang tamang mga simulain. Ang gayong pagsasanay ay dapat magsimula sa murang edad. (2 Timoteo 3:14, 15) Habang bata pa ang kaniyang anak na lalaki, binabasa na ni Felix sa kaniya ang mga kuwento sa Bibliya. Gumamit si Felix ng kawili-wiling mga kuwento na may makukulay na larawan, kasama na ang mababasa sa Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. b Habang lumalaki ang kaniyang anak, pumipili si Felix ng ibang salig-Bibliyang mga publikasyon na angkop sa edad nito.
Sinabi ni Donizete: “Talagang isang hamon na gawing kasiya-siya ang pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Mahalaga na ipakita ng mga magulang na pinahahalagahan nila ang espirituwal na mga bagay, yamang madaling mapansin ng mga anak kapag hindi ginagawa ng mga magulang ang kanilang sinasabi.” Si Carlos, na may tatlong anak na lalaki, ay nagsabi: “Linggu-linggo, pinag-uusapan namin ang mga pangangailangan ng pamilya. Ang bawat isa ay may pagkakataong pumili ng paksang tatalakayin namin.” Laging sinisikap ni Kelvin na sabihin sa kaniyang mga anak ang mga bagay tungkol sa Diyos nasaan man sila o anuman ang ginagawa nila. Ipinaaalaala nito sa atin ang mga salita ni Moises: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.”—Deuteronomio 6:6, 7.
5 Kailangan ng mga Anak ng Disiplina
Kailangan ng mga anak ng disiplina upang lumaki silang responsableng mga adulto. Inaakala ng ilang magulang na kailangan nilang maging sobrang higpit kapag nagdidisiplina sa mga anak, anupat kailangang gumamit ng pananakot o masasakit na salita. Gayunman, walang binabanggit ang Bibliya na kailangang maging mabagsik ang mga magulang sa pagdidisiplina sa kanilang mga anak. Sa halip, dapat disiplinahin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa maibiging paraan, gaya ng ginagawa ni Jehova. (Hebreo 12:4-11) Sinasabi ng Bibliya: “Mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.”—Efeso 6:4.
Kung minsan, baka kailangang lapatan ng parusa ang mga anak. Gayunman, dapat malaman ng bata kung bakit ginagawa ito. Hindi dapat madama ng bata na hindi na siya mahal kapag dinidisiplina siya ng kaniyang mga magulang. Hindi sang-ayon ang Bibliya sa matinding pamamalo na maaaring makapinsala sa bata. (Kawikaan 16:32) Sinabi ni Kelvin, “Kapag kailangan kong ituwid ang aking mga anak tungkol sa seryosong mga bagay, lagi kong sinisikap ipaunawa sa kanila na kaya ko sila itinutuwid ay dahil mahal ko sila.”
6 Kailangang Protektahan ang mga Anak
Kailangang protektahan ang mga anak mula sa masasamang impluwensiya at kasama. Nakalulungkot, may “mga taong balakyot” sa sanlibutang ito na determinadong pagsamantalahan ang inosenteng mga bata. (2 Timoteo 3:1-5, 13) Paano mo mapoprotektahan ang iyong mga anak? Ganito ang matalinong payo ng Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.” (Kawikaan 22:3) Para protektahan ang iyong mga anak mula sa kapahamakan, dapat kang maging alisto sa mga panganib. Alamin mo ang mga situwasyon na puwedeng humantong sa mga problema at gawin ang kinakailangang hakbang para maprotektahan sila. Halimbawa, kung pinayagan mo ang iyong mga anak na gumamit ng Internet, tiyakin mong alam nila kung paano ito gagamitin nang wasto. Makabubuti rin na ilagay ang computer sa lugar kung saan madali mong masusubaybayan ang iyong mga anak kapag ginagamit ito.
Kailangang ihanda at sanayin ng ama ang kaniyang mga anak sa mga panganib na maaaring mapaharap sa kanila sa daigdig na ito na punô ng mga taong mapagsamantala. Alam ba ng iyong mga anak ang gagawin nila kung may gustong magsamantala sa kanila kapag wala ka? c Kailangang malaman ng iyong mga anak ang tama at di-tamang paggamit ng maseselang bahagi ng katawan. Sinabi ni Kelvin: “Hindi ko hinayaan na iba ang magturo nito, kahit ang kanilang mga guro. Nadama ko na pananagutan kong ituro sa aking mga anak ang tungkol sa sekso at sa panganib mula sa mga nangmomolestiya ng bata.” Sa ngayon, malaki na ang lahat ng anak ni Kelvin at maligaya sa kanilang pag-aasawa.
Humingi ng Tulong sa Diyos
Ang pinakamagandang regalong maibibigay ng isang ama sa kaniyang mga anak ay ang tulungan silang magkaroon ng matibay at malapít na kaugnayan sa Diyos. Napakahalaga ng halimbawa ng ama hinggil sa bagay na ito. Sinabi ni Donizete: “Dapat ipakita ng mga ama kung gaano nila pinahahalagahan ang kanila mismong kaugnayan sa Diyos, lalo na kapag nakararanas sila ng problema. Sa gayong mga kalagayan, ipinakikita ng ama kung gaano kalaki ang pagtitiwala niya kay Jehova. Kapag nananalanging magkakasama ang pamilya, anupat malimit na sinasambit ang pagpapahalaga sa mga kabutihan ng Diyos, matuturuan ang mga anak kung bakit mahalagang maging kaibigan nila ang Diyos.
Kung gayon, ano ang susi para maging isang mahusay na ama? Humingi ng payo sa isa na nakaaalam ng pinakamabuting paraan ng pagpapalaki sa mga anak—ang Diyos na Jehova. Kung sinasanay mo ang iyong mga anak ayon sa patnubay ng Salita ng Diyos, makikita mo ang mga resulta kagaya ng binabanggit sa Kawikaan 22:6: “Tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.”
[Mga talababa]
a Bagaman ang maka-Kasulatang payo na tinatalakay sa artikulong ito ay pangunahing tumutukoy sa papel ng ama, kapit din sa mga ina ang karamihan sa mga simulaing ito.
b Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
c Para sa impormasyon hinggil sa kung paano mapoprotektahan ang mga anak sa seksuwal na pang-aabuso, tingnan ang Gumising!, Oktubre 2007, pahina 3–11, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 19]
Kailangang maging isang magandang halimbawa ang ama sa kaniyang mga anak
[Larawan sa pahina 20]
Dapat ilaan ng isang ama ang espirituwal na pangangailangan ng kaniyang mga anak
[Larawan sa pahina 21]
Kailangan ng mga anak ng maibiging disiplina