Mapananaligan ba ang mga Ebanghelyo?
Mapananaligan ba ang mga Ebanghelyo?
“Ang mga Ebanghelyo ay gawa-gawa lamang ng sinaunang mga Kristiyano.”—Burton L. Mack, isang retiradong propesor sa pag-aaral ng Bagong Tipan.
HINDI lamang ang nabanggit na propesor ang may ganiyang opinyon. Kinukuwestiyon ng maraming iskolar kung talaga ngang mapananaligan ang mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan—mga ulat ng Bibliya hinggil sa buhay at ministeryo ni Jesus. Bakit iniisip ng ilan na kathang-isip lamang ang mga Ebanghelyo? Dapat mo rin bang pag-alinlanganan ang mga Ebanghelyo dahil sa kanilang opinyon? Suriin natin ang ilan sa mga katibayan.
Kinuwestiyon ang mga Ebanghelyo
Noong unang 17 siglo ng ating Karaniwang Panahon, iilan lamang ang kumukuwestiyon sa mga Ebanghelyo. Pero simula noong ika-19 na siglo patuloy, maraming iskolar ang nagsasabing hindi kinasihan ng Diyos ang mga Ebanghelyo, kundi gawa-gawa lamang ito ng mga tao. Bukod diyan, hindi pinaniniwalaan ng mga iskolar na nasaksihan mismo ng mga manunulat ng Ebanghelyo ang isinulat nilang impormasyon tungkol kay Jesus at iginigiit nilang walang kakayahan ang mga manunulat na ito na isulat nang tumpak kung ano talaga ang nangyari. Sinabi rin nila na pare-pareho ang pagkakabuo at nilalaman ng unang tatlong Ebanghelyo—na tinatawag kung minsan na sinoptiko, na nangangahulugang “magkaparehong pangmalas”—dahil nagkopyahan lamang ang mga manunulat nito. Ayon din sa mga kritiko, hindi raw totoo ang mga himala ni Jesus at ang kaniyang pagkabuhay-muli na inilarawan sa mga Ebanghelyo. Inaangkin pa nga ng ilan na hindi kailanman nabuhay si Jesus!
Ayon din sa mga kritikong ito, malamang daw na naunang isulat ni Marcos ang kaniyang Ebanghelyo dahil tila mas kaunti ang detalye nito kung ihahambing sa mga isinulat nina Mateo at Lucas. Ipinalalagay rin ng mga kritiko na ginamit nina Mateo at Lucas ang aklat ni Marcos para isulat ang kanilang Ebanghelyo. Iniisip din nila na kumonsulta ang mga manunulat na ito sa isa pang reperensiya—ang dokumentong tinatawag ng mga iskolar na Q (mula sa salitang Aleman na Quelle, o “reperensiya”). Ayon sa iskolar ng Bibliya na si A.F.J. Klijn, “hinamak [ng kilalang teoriyang ito] ang mga manunulat ng Ebanghelyo sa pagsasabing mga tagatipon lamang sila ng mga kuwento.” Ipinahihiwatig nito na gawa-gawa lamang ang mga Ebanghelyo at na nangopya lamang ang mga manunulat nito. Dahil sa teoriyang ito, pinag-alinlanganan ang paniniwalang kinasihan ng Diyos ang Bibliya.—2 Timoteo 3:16.
Nangopya Lamang ba ang mga Manunulat ng Ebanghelyo?
Ang pagkakapareho ba ng tatlong Ebanghelyo ay talagang nagpapatunay na nagkopyahan lamang ang mga manunulat nito? Hindi. Bakit? Ang isang dahilan, ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ‘ibabalik ng banal na espiritu sa kanilang mga pag-iisip ang lahat ng bagay na sinabi niya sa kanila.’ (Juan 14:26) Kaya hindi kataka-taka na pare-parehong naalaala at naiulat ng mga manunulat ng Ebanghelyo ang ilang pangyayari. Oo, maaaring binasa ng ilang manunulat ng Bibliya ang mga isinulat ng iba pang manunulat ng Bibliya at sumangguni sa mga ito, pero ipinakikita nito na maingat silang nagsaliksik at hindi basta nangopya lamang. (2 Pedro 3:15) Karagdagan pa, ganito ang sinabi ng The Anchor Bible Dictionary: “Magkakapareho ang mga ulat hinggil sa di-malilimutang mga sinabi ni Jesus dahil sa kaugalian [noon] na isalaysay ang mga tradisyon sa pamamagitan ng pagkukuwento.”
Sinabi ni Lucas na nakausap niya ang maraming saksi at “tinalunton [niya] ang lahat ng bagay mula sa pasimula nang may katumpakan.” (Lucas 1:1-4) Ipinahihiwatig ba nito na nangopya siya o kaya nama’y gawa-gawa lamang niya ang kaniyang mga isinulat? Hinding-hindi! Pagkatapos nang masusing pagsusuri sa mga isinulat ni Lucas, ganito ang sinabi ng arkeologong si William Ramsay: “Si Lucas ay isang napakahusay na istoryador: hindi lamang dahil mapananaligan ang mga impormasyong isinulat niya, kundi alam din niya kung paano iulat ang mga nangyari . . . Ang awtor na ito ay dapat ihanay kasama ng pinakamahuhusay na istoryador.”
Ang patotoo ng sinaunang mga Ama ng Simbahan, pati na ng ikatlong-siglong teologo na si Origen, ay parehong nagpapahiwatig na ang apostol na si Mateo ang unang sumulat ng Ebanghelyo. Ganito ang isinulat ni Origen: “Ang una ay isinulat ni Mateo, na dating isang maniningil ng buwis pero naging apostol ni Jesu-Kristo nang maglaon, na sumulat nito sa wikang Hebreo para sa mga nakumberteng Judio.” Maliwanag na hindi kailangang kopyahin ni Mateo, na isang apostol at nakasaksi sa mga ginawa ni Jesus, ang mga isinulat ni Marcos na hindi naman nakasaksi. Kung gayon, ano ang totoo hinggil sa pag-aangkin na sina Mateo at Lucas ay kumopya sa mga isinulat ni Marcos at sa isang dokumento na tinatawag na Q?
Nauna Bang Isulat ang Ebanghelyo ni Marcos?
Ang teoriya na nagsasabing naunang isulat ang Ebanghelyo ni Marcos at na naging reperensiya ito nina Mateo at Lucas ay hindi nakasalig sa
“isang lohikal at matibay na argumento,” ang inamin ng The Anchor Bible Dictionary. Pero iniisip ng maraming iskolar na isinulat ni Marcos ang kaniyang Ebanghelyo bago isulat nina Mateo at Lucas ang sa kanila dahil mas kaunti raw ang detalye nito kung ihahambing sa iba pang Ebanghelyo. Halimbawa, iginigiit ng iskolar ng Bibliya noong ika-19 na siglo na si Johannes Kuhn na naunang isulat ang Ebanghelyo ni Marcos. Dahil kung hindi, “iisipin ng isa na pinira-piraso ni Marcos ang dalawang balumbon ng Mateo at Lucas, pinagsama-sama ang mga ito sa isang kaldero, at binuo mula rito ang kaniyang Ebanghelyo,” ang sabi ni Kuhn.Yamang ang Ebanghelyo ni Marcos ang pinakamaikli, hindi kataka-taka na walang masyadong kakaibang impormasyon na mababasa rito. Pero hindi ito nangangahulugan na naunang isulat ang aklat na ito. Karagdagan pa, hindi totoong walang naidagdag na impormasyon si Marcos sa ulat nina Mateo at Lucas. Sa katunayan, ang buháy na buháy at mabilis na pag-uulat ni Marcos sa ministeryo ni Jesus ay naglalaman ng mahigit 180 talata o bahagi ng mga talata at mahahalagang detalye na hindi mababasa sa ulat nina Mateo at Lucas, anupat masasabing isa itong natatanging ulat ng buhay ni Jesus.—Tingnan ang kahon sa pahina 13.
Kumusta Naman ang Dokumentong Q?
Ano naman ang masasabi hinggil sa dokumentong Q na inaangkin ng ilan na ginawang reperensiya nina Mateo at Lucas? Ganito ang sinabi ni James M. Robinson, isang propesor sa relihiyon: “Tiyak na ang [dokumentong] Q ang pinakamahalagang kasulatang Kristiyano na umiiral.” Kataka-taka iyan dahil ang dokumentong Q ay hindi na umiiral ngayon, at ang totoo, walang makapagpapatunay na umiral nga ito! Kapansin-pansin din ang pagkawala nito dahil sinasabi ng mga iskolar na malamang na kumalat ang ilang kopya ng dokumentong ito. Isa pa, hindi kailanman sinipi ng mga Ama ng Simbahan ang dokumentong Q.
Pag-isipan ito. Ang dokumentong Q ay sinasabing umiral at sinusuportahan daw nito ang teoriya na nagsasabing naunang isulat ang Ebanghelyo ni Marcos. Hindi ba’t isa itong teoriya na binuo mula sa isa pang teoriya? Hinggil sa mga teoriyang gaya nito, isang katalinuhan na tandaan ang kawikaang ito: “Naniniwala ang karaniwang tao sa bawat salitang naririnig niya; nauunawaan naman ng matalinong tao na kailangan ng katibayan.”—Kawikaan 14:15, The New English Bible.
Ang mga Ebanghelyo—Tunay at Mapananaligan
Dahil sa mga espekulasyon at walang-basehang mga teoriya ng mga kritiko, hinahadlangan nila ang maraming tao na suriin ang mapananaligang mga ulat ng Ebanghelyo sa buhay at ministeryo ni Jesus. Maliwanag na ipinakikita ng mga ulat na ito na hindi itinuturing ng unang mga Kristiyano na kathang-isip lamang ang mga pangyayari sa buhay, ministeryo, kamatayan, at pagkabuhay-muli ni Jesus. Daan-daang saksi ang nagpatunay na totoo ang mga impormasyong ito. Alam na alam ng unang mga Kristiyanong iyon, na handang humarap sa mga pag-uusig at kamatayan bilang pagtulad kay Jesus, na walang kabuluhan ang pagiging Kristiyano kung kathang-isip lamang ang ministeryo at pagkabuhay-muli ni Jesus.—1 Corinto 15:3-8, 17, 19; 2 Timoteo 2:2.
May kinalaman sa kontrobersiya hinggil sa teoriya na nauna raw isulat ang Ebanghelyo ni Marcos at sa teoriya ng nawawalang dokumentong Q, ganito ang sinabi ni George W. Buchanan, isang propesor sa teolohiya: “Ang pagtutuon ng pansin sa mga teoriya hinggil sa pinagmulan [ng mga kasulatan] ay nakahahadlang sa estudyante ng Bibliya na suriin ang mismong kasulatan.” Ang pangmalas na iyan ay kaayon ng payo ni apostol Pablo kay Timoteo na huwag “magbigay-pansin . . . sa mga kuwentong di-totoo at sa mga talaangkanan, na nauuwi sa wala, kundi nagbabangon ng mga tanong ukol sa pagsasaliksik sa halip na magkaloob ng anumang bagay mula sa Diyos may kaugnayan sa pananampalataya.”—1 Timoteo 1:4.
Mapananaligan ang mga Ebanghelyo. Naglalaman ito ng mapagkakatiwalaang mga ulat ng mismong mga nakasaksi. Nakasalig ito sa masusing pagsasaliksik. Itinuturo nito sa atin ang maraming kahanga-hangang bagay tungkol sa buhay ni Jesu-Kristo. Kaya, gaya ni Timoteo noon, makabubuti na sundin natin ang payo ni Pablo: “Magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat na sampalatayanan.” Mayroon tayong matibay na dahilan upang tanggapin na “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos”—kasama na ang apat na Ebanghelyo.—2 Timoteo 3:14-17.
[Kahon sa pahina 13]
Kung Hindi Isinulat ang Marcos, Hindi Natin Malalaman na . . .
tumingin si Jesus sa palibot na may pagkagalit, palibhasa’y lubusang napighati dahil sa pagkamanhid ng kanilang mga puso (Marcos 3:5)
sina Juan at Santiago ay binigyan ng huling pangalan na Boanerges (Marcos 3:17)
naubos ng babaing inaagasan ng dugo ang lahat ng kaniyang pag-aari (Marcos 5:26)
nagkimkim ng sama ng loob si Herodias laban kay Juan na Tagapagbautismo at si Herodes ay natakot kay Juan at iningatan niya siyang ligtas (Marcos 6:19, 20)
niyaya ni Jesus ang kaniyang mga alagad na magpahinga nang kaunti (Marcos 6:31)
naghuhugas ang mga Pariseo ng kanilang mga kamay hanggang sa siko (Marcos 7:2-4)
kinuha ni Jesus sa kaniyang mga bisig ang mga bata (Marcos 10:16)
si Jesus ay nakadama ng pag-ibig sa kabataang tagapamahala (Marcos 10:21)
sina Pedro, Santiago, Juan, at Andres ay nagtanong kay Jesus nang sarilinan (Marcos 13:3)
iniwan ng isang kabataang lalaki ang kaniyang kasuutang lino (Marcos 14:51, 52)
Bukod diyan, isa sa mga ilustrasyon ni Jesus at dalawa sa kaniyang mga himala ay mababasa lamang sa aklat ng Marcos.—Marcos 4:26-29; 7:32-37; 8:22-26.
Ang Ebanghelyo ni Marcos ay naglalaman ng maraming impormasyon mula sa mga nakasaksi na hindi mababasa sa ibang Ebanghelyo. Tiyak na lalago ang pagpapahalaga natin sa aklat na ito kung ating bubulay-bulaying mabuti ang kahalagahan ng lahat ng detalyeng iyon.