Mga Hulang Natutupad sa Ating Panahon
Mga Hulang Natutupad sa Ating Panahon
INIHULA ng Bibliya na sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos, magkakaroon ng namamalaging kapayapaan at kaligayahan sa lupa. (Daniel 2:44) Sa Ama Namin, o Panalangin ng Panginoon, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manalangin: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Sa mahalagang hula na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad sa Bundok ng mga Olibo, patiunang binanggit ni Jesus ang espesipikong mga pangyayari at kalagayang magaganap bago dumating ang Kahariang iyon. Ang mga ito ay bumubuo sa isang tanda na malinaw na makikita ng lahat ng tapat-pusong mga tao. Anu-anong bahagi ng tandang iyon ang nasasaksihan mo?
Mga Digmaan sa Pagitan ng mga Bansa. Inihula ni Jesus: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.” (Mateo 24:7) Bago ang unang digmaang pandaigdig noong 1914, ang mga labanan ay karaniwan nang sa pagitan lamang ng mga grupo ng tao sa isang bansa. Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I, maraming bansa sa buong daigdig ang nasangkot. Mas dumami rin mula noon ang naimbentong mga sandata na higit na mapaminsala kaysa sa inaakala ng mga tao. Halimbawa, ang eroplano, na kaiimbento lamang noon, ay ginamit para maghulog ng mga bomba sa mga sibilyan. Dahil sa lansakang produksiyon ng mga sandata, dumami rin ang namatay sa digmaan, anupat hindi lubos maisip noon na maaari itong mangyari. Sa katunayan, mga kalahati ng 65 milyong sundalo na ipinadala sa digmaan ang namatay o kaya nama’y nasugatan. Pero habang lumilipas ang ika-20 siglo, lalo pang tumaas ang bilang ng mga namamatay. Ayon sa isang istoryador, “hindi kailanman mabibilang” ang mga namatay na sundalo at sibilyan noong Digmaang Pandaigdig II. At may mga digmaan pa rin hanggang sa ngayon.
Malawakang Taggutom. “Magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain,” ang inihula ni Jesus. (Mateo 24:7) Noong 2005, ganito ang binanggit ng magasing Science: “May 854 na milyon katao sa buong daigdig (mga 14% ng populasyon) ang matagal nang dumaranas ng malnutrisyon o kaya naman ay may malubhang malnutrisyon.” Noong 2007, iniulat ng isang reperensiya ng United Nations na 33 bansa ang walang sapat na pagkain para sa kanilang mga mamamayan. Paano nangyari ito gayong patuloy namang tumataas ang produksiyon ng mga butil sa buong daigdig? Ang isang dahilan, ang lupa na maaari sanang pagtamnan at ang butil na maaari sanang kainin ng mga tao ay ginagamit para gumawa ng ethanol (isang uri ng gasolina). “Ang dami ng butil na kailangan para mapuno ng ethanol ang tangke ng isang malaking sasakyang four-wheel-drive ay katumbas ng isang taóng pagkain ng isang tao,” ang ulat ng The Witness, isang pahayagan sa Timog Aprika. Dahil tumataas din ang presyo ng mga pagkain sa mauunlad na bansa, napipilitan tuloy ang marami na pumili kung saan nila gagamitin ang kanilang pera—pambili ng pagkain o pambayad sa ibang mga pangangailangan, gaya ng gamot.
Malalakas na Lindol. Sinabi ni Jesus: “Magkakaroon ng malalakas na lindol.” (Lucas 21:11) Kung sa tingin mo ay mas maraming tao ang naaapektuhan ngayon ng mga lindol, hindi ka nagkakamali. “Nakikita natin na mas madalas ngayon ang mga pagyanig ng lupa sa buong daigdig,” ang naobserbahan noong 2007 ni R. K. Chadha, isang eksperto sa lindol na taga-India. “Walang nakaaalam kung bakit.” Bukod diyan, dahil lumalaki ang populasyon sa mga lugar na madalas na nililindol, tumataas din ang bilang ng mga namamatay. Dahil sa lindol na tumama sa Karagatang Indian noong 2004 at sa kasunod nitong tsunami, ang taóng iyon ang naging “pinakanakamamatay sa loob ng halos 500 taon ng paglindol,” ayon sa U.S. Geological Survey.
Mga Sakit na Napakahirap Gamutin. “Magkakaroon ng . . . mga salot,” ang inihula ni Jesus. (Lucas 21:11) Sa buong daigdig, parami nang parami ang nagiging biktima ng iba’t ibang uri ng sakit, at napakahirap gamutin ng mga ito. Halimbawa, ang mga tunguhin ng mga bansa para sugpuin ang malarya ay paulit-ulit na binabago dahil hindi naman masugpo ang sakit na ito kahit ano pa ang gawin ng tao. Karagdagan pa, milyun-milyon ang namamatay dahil sa mga sakit na dati nang sumasalot sa tao, kasama na ang tuberkulosis (TB), na sumasalot ngayon kasabay ng AIDS at ng iba pang bagong tuklas na mga sakit. “Sangkatlo ng populasyon ng daigdig ang may TB bacillus,” ang ulat ng World Health Organization. Sinabi pa nito na dahil sa HIV, mabilis na kumakalat ang TB sa maraming bansa. Bawat segundo, isang tao ang nagkakaroon ng TB, at nagiging mas mahirap na itong gamutin. Noong 2007, isang pasyente sa Europa ang nasuri na may TB na “hindi tinatablan ng anumang gamot na mayroon tayo,” ang ulat ng magasing New Scientist.
Pagbaba ng Moral at Pagbagsak ng Lipunan. “Dahil sa paglago ng katampalasanan ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 24:12) Bukod pa sa inihula ni Jesus, binanggit din ni apostol Pablo ang hinggil sa pagbaba ng moral at pagbagsak ng lipunan. Inilarawan niya ang napakahirap na “mga huling araw” na magaganap bago wakasan ng Kaharian ng Diyos ang sistemang umiiral sa daigdig ngayon. “Ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri sa sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.” (2 Timoteo 3:1-5) Hindi ba’t nakikita mong nagiging mas masama ang ugali ng mga tao ngayon kaysa noon?
Hindi isinulat nina Jesus at Pablo ang lahat ng dahilan—mga pangyayari sa kasaysayan, sa lipunan, at sa pulitika—kung bakit ganito ang kalagayan ng daigdig. Gayunman, nakikita nating talagang natutupad ngayon ang mga pangyayari at mga ugali na inihula nila. Kumusta naman ang mangyayari sa hinaharap? Inilarawan din ng hula ni Isaias, na patiuna at may kawastuang bumanggit sa pagdating ng Mesiyas, ang kapaki-pakinabang na mga pagbabagong gagawin sa lupa ng Kaharian ng Diyos. Isasaalang-alang natin ang mga ito sa susunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 6]
“Ang bansa ay titindig laban sa bansa”
[Larawan sa pahina 7]
“Magkakaroon ng . . . mga salot”
[Credit Line]
© WHO/P. Virot