Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Turuan ang Iyong mga Anak

Nainggit Ka Na Ba Dati? Nainggit Din ang mga Kapatid ni Jose Noon

Nainggit Ka Na Ba Dati? Nainggit Din ang mga Kapatid ni Jose Noon

PAG-USAPAN natin kung ano ang ibig sabihin ng pagkainggit. Naiinis ka ba sa isang tao kapag sinasabi ng iba na mahusay siya, guwapo, o matalino? a— Ganiyan ang mararamdaman mo kapag naiinggit ka sa taong iyon.

Maaaring magkaroon ng inggitan sa loob ng pamilya kung may paboritong anak ang mga magulang. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa isang pamilya na nagkaroon ng malubhang problema dahil sa pagkainggit. Tingnan natin kung ano ang naging problema dahil dito at kung anong aral ang matututuhan natin mula sa nangyari.

Si Jose ang ika-11 anak ni Jacob, at kinaiinggitan siya ng kaniyang mga kapatid. Alam mo ba kung bakit?— Paborito kasi ni Jacob, na kanilang ama, si Jose. Halimbawa, nagpagawa si Jacob ng isang maganda at guhit-guhit na damit para kay Jose. Mahal na mahal ni Jacob si Jose “sapagkat siya ang anak sa kaniyang katandaan” at ang panganay niyang anak sa kaniyang minamahal na asawang si Raquel.

Sinasabi ng Bibliya na ‘noong makita ng mga kapatid ni Jose na iniibig siya ng kanilang ama nang higit sa kanilang lahat, napoot sila kay Jose.’ Ngunit isang araw sinabi ni Jose sa kaniyang pamilya na sa panaginip niya, yumukod sila sa kaniya, pati na ang kanilang ama. ‘Ang kaniyang mga kapatid ay nainggit sa kaniya,’ ang sabi ng Bibliya, at pinagalitan pa nga si Jose ng kaniyang ama dahil sa pagsasabi ng gayong panaginip.​—Genesis 37:1-11.

Nang maglaon, noong 17 anyos si Jose, ang kaniyang mga kapatid ay nag-aalaga ng tupa at kambing maraming kilometro ang layo mula sa tahanan nila. Kaya isinugo ni Jacob si Jose para tingnan kung ano ang kalagayan ng kaniyang mga kapatid. Alam mo ba kung ano ang gusto nilang gawin nang makita siyang paparating?— Gusto nila siyang patayin! Pero hindi pumayag ang dalawa sa kanila, sina Ruben at Juda.

Nang dumaan ang ilang mangangalakal na patungong Ehipto, sinabi ni Juda: “Ipagbili natin siya.” Kaya gayon ang ginawa nila. Pagkatapos ay pumatay sila ng isang kambing at isinawsaw ang damit ni Jose sa dugo nito. Nang ipakita nila ang damit sa kanilang ama, dumaing siya: ‘Isang mabalasik at mabangis na hayop ang malamang na lumamon kay Jose!’​—Genesis 37:12-36.

Nang maglaon, nalugod kay Jose si Paraon, ang tagapamahala ng Ehipto. Naipaliwanag kasi ni Jose, dahil sa tulong ng Diyos, ang kahulugan ng dalawang panaginip ni Paraon. Ang una ay tungkol sa pitong malulusog na baka na sinundan ng pitong maysakit na baka. Ang ikalawang panaginip ay tungkol naman sa pitong malulusog na uhay ng butil at pitong nanguluntoy na uhay ng butil. Ang dalawang panaginip na ito, ang sabi ni Jose, ay nangangahulugan ng pitong taon ng saganang ani na susundan ng pitong taóng taggutom. Sa utos ni Paraon, itinalaga si Jose na mangasiwa sa pag-iimbak ng pagkain sa mga taon ng kasaganaan para makapaghanda sa panahon ng taggutom.

Nang dumating ang taggutom, nangailangan ng pagkain ang pamilya ni Jose, na nakatira maraming kilometro ang layo mula sa Ehipto. Isinugo ni Jacob ang sampung nakatatandang kapatid ni Jose sa Ehipto para kumuha ng pagkain. Humarap sila kay Jose, pero hindi nila siya nakilala. Gustong malaman ni Jose kung nagbago na ba ang saloobin sa kaniya ng mga kapatid niya kaya hindi muna siya nagpakilala. Nang malaman niyang nagsisisi sila sa masamang pakikitungo nila sa kaniya noon, nagpakilala na si Jose sa kaniyang mga kapatid. Laking tuwa nila na magkita-kitang muli at nagyakapan sila!​—Genesis, mga kabanata 40 hanggang 45.

Ano ang matututuhan mo mula sa kuwento ng Bibliya tungkol sa pagkainggit?— Humahantong sa malubhang problema ang pagkainggit anupat nauudyukan ang isang tao na patayin kahit ang kaniyang sariling kapatid! Basahin natin ang Gawa 5:17, 18 at Gawa 7:54-59 at tingnan natin kung ano ang ginawa ng mga tao sa mga alagad ni Jesus dahil sa pagkainggit.— Pagkatapos mabasa ito, nakita mo ba ang dahilan kung bakit hindi ka dapat mainggit?—

Umabot si Jose ng 110 taóng gulang. Nagkaroon siya ng mga anak, apo, at mga apo-sa-tuhod. Makatitiyak tayo na madalas silang turuan ni Jose na ibigin ang isa’t-isa at iwasan ang pagkainggit.​—Genesis 50:22, 23, 26.

a Kung may kasama kang bata sa pagbabasa, ang gatlang ay isang paalaala na titigil ka muna at tatanungin ang bata kung ano ang kaniyang masasabi.