Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Bakit nakapangalat ang mga Judio noong panahon ni Jesus?
Nang sabihin ni Jesus sa isang grupo ng mga tagapakinig na hindi sila makaparoroon sa pupuntahan niya, tinanong ng mga Judio ang kanilang sarili: “Saan ba binabalak ng taong ito na pumaroon . . ? Hindi niya binabalak na pumaroon sa mga Judio na nakapangalat sa gitna ng mga Griego . . . hindi ba?” (Juan 7:32-36) Nang maglaon, nangaral ng mabuting balita ang mga misyonerong Kristiyano sa mga Judio na nasa mga lugar na nakapalibot sa Dagat Mediteraneo.—Gawa 2:5-11; 9:2; 13:5, 13, 14; 14:1; 16:1-3; 17:1; 18:12, 19; 28:16, 17.
Naganap ang pangangalat, o tinatawag na Diaspora, nang ipatapon ng mga mananakop—mga Asiryano noong 740 B.C.E., at mga Babilonyo naman noong 607 B.C.E.—ang mga Judio mula sa kanilang sariling lupain. Isang nalabi lamang ng mga tapon ang nakabalik sa Israel. (Isaias 10:21, 22) Ang iba naman ay nanatili kung saan na sila naninirahan.
Kaya noong ikalimang siglo B.C.E., matatagpuan ang mga pamayanan ng mga Judio sa 127 nasasakupang distrito ng Imperyo ng Persia. (Esther 1:1; 3:8) Ang pagsisikap ng mga Judio na kumbertihin ang mga tao sa Judaismo ay nangangahulugang marami ang natuto noong dakong huli hinggil kay Jehova at sa Kautusang ibinigay niya sa mga Judio. (Mateo 23:15) Ang mga Judio mula sa maraming lupain ay naroon sa Jerusalem para sa Kapistahan ng Pentecostes noong 33 C.E., kung saan narinig nila ang mabuting balita tungkol kay Jesus. Kung gayon, ang pangangalat ng mga Judio sa buong Imperyo ng Roma ay nakatulong sa mabilis na pagpapalaganap ng Kristiyanismo.
Gaano karaming ginto ang pag-aari ni Haring Solomon?
Sinasabi ng Kasulatan na nagpadala si Hiram, hari ng Tiro, ng apat na toneladang ginto kay Solomon, nagbigay ang reyna ng Sheba kay Solomon ng ganoon din karaming ginto, at ang pangkat ng mga barko ni Solomon ay nagdala nang mahigit 15 toneladang ginto mula sa Opir. “Ang timbang ng ginto na dumarating kay Solomon sa isang taon,” ang sabi ng ulat, “ay nagkakahalaga ng anim na raan at animnapu’t anim na talento na ginto,” o mahigit 25 tonelada. (1 Hari 9:14, 28; 10:10, 14) Posible ba ito? Gaano ba karaming ginto ang pag-aari ng mga hari noong panahong iyon?
Sa isang sinaunang inskripsiyon, na sinasabi ng mga iskolar na mapananaligan, mababasa na si Paraon Thutmose III ng Ehipto (mga 3,500 taon na ang nakalipas) ay nagbigay ng mga 13.5 toneladang ginto sa templo ni Amun-Ra sa Karnak. Noong ikawalong siglo B.C.E., tumanggap ang hari ng Asirya na si Tiglat-pileser III ng mahigit 4 na toneladang ginto na tributo mula sa Tiro, at si Sargon II ay nagbigay ng ganoon din karaming ginto bilang kaloob sa mga diyos ng Babilonya. Si Haring Felipe II ng Macedonia (359-336 B.C.E.) ay iniulat na nakakakuha ng mahigit 28 toneladang ginto taun-taon mula sa mga minahan ng Pangaeum sa Tracia.
Nang sakupin ng anak ni Felipe na si Alejandrong Dakila (336-323 B.C.E.) ang Persianong lunsod ng Susa, sinasabing nakakuha siya ng mga 1,180 toneladang ginto mula rito at halos 7,000 tonelada mula sa buong Persia. Kaya kapag inihambing sa mga ulat na ito, hindi pagmamalabis ang paglalarawan ng Bibliya sa mga ginto ni Haring Solomon.